Natapos na ni Marvin ang Magandang Hatinggabi, isang horror movie na pinamahalaan ni Lauren Dyogi kung saan isa sa tatlong episode nito'y kasama ng young actor sina Mylene, Laura, Diether at Bojo.
"Doing a horror film, it's a lot different kumpara sa mga pa-cute na teenage love story movies na naunang ginawa ko. Kung tutuusin, one third lang ng kabuuan noong movie 'yong sa amin pero ang hirap-hirap na. It's my first time to do a horror movie. Nakakapagod man dahil puro takbuhan at sigawan, pero masaya kami sa set. Medyo may pagka-comedy nga na imbes na matatakot ka, matatawa ka na lang. Maraming tagpong nakakatawa talaga roon sa episode namin. Na kahit nagtatakbuhan 'yong character na nagkakatakutan na, tatawa pa rin ang moviegoers."
Matapos maging mega-blockbuster ang ipinalabas na launching film ng loveteam nila ni Jolina, may ibang tingin na kay Marvin, siya na umano ang hottest teen idol sa ngayon bukod sa sabi'y pagiging number one na rin ng kanilang tambalan among other loveteams. Flattering daw iyon for him pero hindi niya gustong ilagay sa isip niya. Mas may pressure kaya siyang napi-feel ngayong ganoon nga ang nagiging taguri sa kanya?
"Oo naman. Sa mga susunod mo pang movies, dapat consistent na magigimg maganda rin ang resulta sa box-office. Ang hirap kung may sunod kang ginawang film na lalaylay. Nakaka-pressure. Tumataas ang expectation sa 'yo. O sa loveteam namin. Na kung hindi man mahigitan, at least man lang ay ma-maintain 'yung box-office appeal na tinatawag. Dagdag-pressure 'yong baka lumaki ang ulo. Na mas inoobserbahan ang kilos mo at this point. Tapos may mga pagkakataong nami-misinterpret ka. Intriga na ang kasunod. Kaya nga, ingat na ingat ako sa ngayon. Lalo pa, grabe nga yong mga intriga na kinasangkutan ko lately. Pero thankful ako't naayos na. Okey na sa ngayon."