MARVIN TALKS ABOUT JOLINA

"Hindi naman kasi basta-bastang babae lang si Jolina kaya okay lang kung pahirapan niya muna ako bago sagutin"

by: Joey Diego (Moviestar 11/26/97)



Kung popularidad ang pag-uusapan ay masasabing made na nga si Marvin Agustin. Sa isang fan magazine na nagselebra ng kanilang anibersaryo ay si Marvin ang naging "news maker of the year" dahil sa dami ng mga tinalakay tungkol sa kanya. Puno man ng intriga ang buhay ay natuwa si Marvin dahil kahit maraming negative write-ups ang naglalabasan tngkol sa kanya ay popular na popular pa rin siya.

Saan mang dako ng bansa ay kilalang-kilala na si Marvin, sa kategoryang pinakasikat na male young star. Ano nga ba ang feeling niya at kailangan pa niyang danasin lahat ng pagsubok na dumating sa buhay niya para lang makamit ang matagal na niyang minimithing kasikatan.

"Nakakalungkot isiping kailangan ko pang danasin lahat ang intrigang 'yon para lang sumikat ako. Pero kahit na nangyari sa akin 'yon ay hindi ko naman sinisisi ang mga taong may kaugnay sa buhay ko. Siguro ay talagang nakalaan 'yon sa career ko dahil doon anko nakilala.

"Nagpapasalamat na lang ako dahil kahit na puro negative ang nangyayari sa akin ay hindi ako pinapabayaan sa lahat ng ginagawa ko kaya naman lahat ng ibinibigay niyang tulong sa akin ay ibinabalik ko sa kanya," sabi pa ng binatang hot item ngayon.

Ano na ang nangyari sa isyung may nude photos siya? Bakit biglang nanahimik ang kampo nito gayung noon ay halos wala siyang ipinagmamalaki kundi 'yung ilalabas niya ang baho nitong si Marvin Agustin?

"Yan nga ang ipinagtataka ko ngayon. Bakit hindi niya ilabas 'yung sinasabi niyang nude photos ko raw. At kung bakit bigla siyang nanahimik? Natakot ba siya sa demanda ko? Sa totoo lang, ngayon ko lang mapapatunayan na wala akong nude photos. Handa kong ibigay sa kanya ang lahat ng ari-arian ko kung talagang meron siyang mailalabas. Kung talagang may hawak siyang pruweba ay sinunggaban na niya 'yung hamon ko," paniwala pa ni Marvin.

Matutuloy pa ba 'yung demandang inihain niya sa nasabing reporter?

"Tuloy na tuloy 'yun dahil nag-meeting na kami ng lawyers ko kaya anytime now ay makakatanggap na siya ng subpoena galing sa amin. Hintayin na lang niya," babala pa ni Marvin.

Nagdiwang ng birthday kamakailan si Jolina Magdangal. Nalaman naming inasalto niya pala ito sa taping ng Onli in da Pilipins at siya raw ang may pakana ng lahat.

"Ako talaga ang nagplano. Sinorpresa ko ang Labs ko. Nakakatawa nga dahil muntik pang umalis si Jolina sa studio dahil maaga natapos 'yung eksena niya kaya muntik na siyang makaalis. Muntik pang mabulilyaso 'yung asalto ko, buti na lang kinutsaba namin 'yung direktor at nasabihang huwag muna siyang aalis dahil may additional scenes pa siya. Eksaktong als dose ay inasalto namin siya. Nagpunta rin doon 'yung iba pang kaibigan ni Jolina na ako mismo ang nag-imbita."

So, totoong-totoo palang in love na in love siya kay Jolina dahil pati ang birthday nito ay sinorpresa niya. Talaga bang dibdiban na ang panunuyong ginagawa niya sa dalaga? Pero ano nga ba ang dahilan at hanggang ngayon ay pinahihirapan pa siya ng dalaga?

"Hindi ko rin alam kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako sinasagot ni Jolina. Pero hindi naman ako nagmamadali. Alam ko naman kung saan akonakapuwesto sa puso ni Jolina. Kahit hindi pa niya ako sinasagot ay sigurado akong isang araw ay doon din ang punta namin. Nasisiguro kong kami rin sa bandang huli," paninigurong sabi pa ni Marvin sa panliligaw kay Jolina.

"Kung bakit ako pinapahirapan ni Jolina? Siguro, ganu'n katindi ang dapat kong isakripisyo dahil hindi naman siya basta-bastang babae. Ganu'n lang talaga siya kadelikado. Kung baga, kapag sinagot ka niya ay siguradong hindi siya nagkamali ng desisyon."

Nagseselos daw ngayon si Jolina kay Claudine?

"Wala naman siyang sinasabi sa akin dahil hindi naman puwede kay Jolina 'yan. Kapag narinig niyang may babaing nali-link sa akin ay nagtatanong kaagad iyan o nambubuska. Sa ngayon ay hindi naman siya nagtatanong tungkol kay Claudine. Maaring naiinterbyu siya pero hindi siya nagseselos'no!" nanlalaki pa ang matang sabi ni Marvinsa amin.




NOVEMBER 1997