MARVIN: YABANG KING???

by: Robert Perez (Fame Movie Magazine 12/04/98)

Maraming patutsada at akusasyon kay Marvin na malaki na raw ang ulo nito.

"Sobra namna iyon. Hindi ko alam kung bakit nasasabi nila yon. Kumbaga, ano ba ang nagawa ko sa kanila. Nanahimik din lang ako. Wala rin naman akong matandaang nagawa kong pagkakamali o naagrabyado ko. I really don't know kung bakit may lumalabas na ganyan. Hindi ko rin alam kung ano ang purpose nila. Kung gusto rin lang nila akong sirain at pabagsakin! Sa pagkakaalam ko, sa sarili ko, wala pa ring nababago. Ako pa rin 'yung dati. Nakaapak pa rin ang mga paa sa lupa. Kaya napaka-unfair naman para sabihin sa akin 'yon. At masakit din talaga para sa akin," ang sinundan pa niya pahayag.

Sinasabi na angpaglaki ng ulo niya ay epekto ng dalawang magkasunod na pelikulang pinagbidahan niya na kumita sa box office. At pagkakaroon niya ng sariling series sa Dos?

"Kahit siguro sampung pelikula ko pa ang kumita at sampung drama series pa ang dumating, hinding-hindi lalaki ang ulo ko. Ako na ang nagsasabi sa inyo! You know, alam ko pa rin naman sa sarili kong nag-uumpisa pa rin lang ako. Na marami pa rin akong dapat na patunayan. Kaya alam ko pa rin naman kung saan ako nakalugar. At sa mga naninira, ayokong isiping naiinggit lang sila, perohuwag naman nila agad akong ibagsak! Marami pa akong pangarap sa buhay at hindi ang paglaki ng ulo o pagyayabang ang pag-aaksayahan ko ng oras. Wala sa isip ko 'yan. Ako rin ang lalabas na talo at kakawa 'pag nangyari 'yon. Wala talagang rason para lumaki ang ulo ng isang tao o artista nang dahil lang sa projects o pagkita ng mga pelikula niyang ginagawa," aniya pa.

Kung anuman daw tagumpay ang nakukuha ni Marvin, ipinagpapasalamat na lang daw niya 'yon sa Itaas at sa mga taong patuloy na nagtitiwala sa kanya.

"Hindi rin ba sila natutuwa na ang isang tao, kahit na papaano, nakakaangat na rin sa kanyang buhay? Na dahil sa kanyang pagpupursige at tiyaga, kahit na papaano may nangyayari. Ako naman, wala rin talaga akong ibang dapat na gawin kundi ang ipagpasalamat iyon. Natutuwa lang talaga ako sa mga nangyayari sa akin ngayon lalo na sa career ko. Kumbaga, unti-unti na ring nagbunga 'yung mga paghihirap ko. At isa rin talaga ko sa naniniwala na kanya-kanyang panahon at oras din lang talaga 'yan. At kung anuman itong suwerteng dumarating, hindi ko rin naman ito hinintay at inasahan. Basta ako, ipinagpapasalamat ko na lang ang lahat-lahat ng nangyayari sa akin ngayon. Wala rin naman akong ibang dapat na gawin kundi ang pagbutihan ko pa lalo ang trabaho ko."


DECEMBER 1998