Noong nakaraang taon, wish ni Marvin Agustin na makasama ang kanyang ama sa Kapaskuhan at ganoon ang nga ang nangyari. Nakasama niya ito nu'ng mismong araw ng Pasko sa Muntinlupa. Iyon nga lang, nakakulong pa rin ang kanyang ama. Inilihin niya sa publiko ang pangyayaring 'yon dahil alam niyang hindi pa panahon para ibunyag iyon. Pero may lihim bang hindi nabubunyag?
Bagama'g sa loob ng Munti nila idinaos ang diwa ng Kapaskuhan, masaya naman sila dahil sa pagkakataong 'yon ay muli silang nagkasama-sama pagkatapos dumating sakanila ang dagok ng buhay na kanilang sinapit at sa unang pagkakataon matapos ang isang taong pagkakakulong ng ama ni Marvin ay doon lang uli sila muling nagkapiling.
"Naaalala ko nga noong bago-bago pa lang ako sa showbiz, wala talaga akong hiniling kundi makapiling ang Daddy ko sa Kapaskuhan. Iyon kasi 'yung time na medyo maayos na ang takbo ng buhay namin. Nag-aartista na ako noon kahit paano, kumikita na at nakakaraos na kami ng pamilya ko sa kahirapan.
"Natupad naman 'yung wish kong makasama siya. Iyon nga lang ay hindi ko puwedent i-reveal 'yung totoo sa publiko dahil that time ay nililihim pa namin ang tungkol kay Daddy pero masaya naman kami dahil muling nagkasama-sama ang buong pamilya."
Ngayong Paskong darating ay ano naman ang hiling mong gustong matupad?
"Alam kong 'yung gusto kong hiling ay imposibleng matupad dahil hindi siya papayagang lumabas para lang makapiling namin ngayong Paskong ito. Gusto ko sanang kasama namin siyang mag-celebrate ng Pasko ngayon dito sa bago kong bahay. First time kasi naming magdiriwang ng Pasko rito sa bahay. Kaya naman, sa ayos pa lang nitong bahay ay ginastusan ko na talaga dahil gusto kong pasayahin ang buo kong pamilya. Kaya kung puwede sana ay makapiling namin si Daddy sa Paskong ito, pero alam ko namang imposible 'yon kaya siguro pagkatapos naming mag-Pasko sa bahay ay dadalawain namin siyang muli sa Muntinlupa."
Bukod sa daddy mo ay may iba ka pa bang hiling ngayong Kapaskuhan?
"Kung sa career ay wala na akong mahihiling pa sa lahat ng blessings na ibinibigay niya sa akin. Maganda ang takbo ng career ko ngayon kahit na puno ng intriga. Parte na talaga iyon ng trabahong pinasok ko. Kung may hiling man ako ngayong Pasko ay tungikol naman sa love life ko. Sana ay magkaroon na ng katuparan na magkaroon na ako ng girlfriend. Feeling ko ay ito na ang tamang panahon para magka-GF ako dahil matagal-tagal na rin naman tayong naging loveless."
Si Jolina ba ang babaeng gusto mong maging girlfriend?
"Bakit, meron pa bang iba? Eh, si Jolina lang naman ang nililigawan ko!"
Bakit ba tila pinahihirapan ka ni Jolina? Tingin naman namin ay may pagtingin din sa iyo ang dalagang iniirog mo? Ano ba talaga ang dahilan?
"Gusto lang siguro ni Jolina na siguraduhin na tama at maayos ang magiging lagay niya kapag nagka-boyfriend siya. Medyo na-in despair kasi 'yan sa first love niya, kaya ngayon ay nagsisiguro ng hindi na siya masasaktan."
Nasasaktan din ba si Jolina sa mga babaing nali-link sa iyo tulad ni Claudine ngayon?
"Nagkausap nakami ni Jolina tungkol d'yan at naipaliwanag ko na 'yung side ko sa pagkaka-link kay Claudine. Alam naman niyang magkaibigan kami ni Claudine. Noon ngang magkakasama kami sa Guam ay lumabas pa kaming tatlo, kasama si Rico. Okay naman 'yung friendship nila at saka hindi sila nagpapaapekto sa tsismis. 'Yung pagkakapuri ko kay Claudine ay honest opinion ko 'yon."
Inaasahan mo bang makamit ang matamis na "oo" ni Jolina ngayong Kapaskuhan?
"How I wish na magdilang anghel ka. Iyan na siguro ang pinakamagandang regalong matatanggap ko ngayong Christmas kaya sana ay matupad at magkatotoo," hiling pa ni Marvin na mapasakanyan ngayong Kapaskuhan.