AT HOME WITH MARVIN

by: Joey Diego (Moviestar - 01/28/1998)

Nu'ng nakaraang Pasko, ipinakita naman ni Marvin kung ano na ang sitwasyon ng kanyang pamilya. Isang masagana at masayang Pasko ang ipinagdiwang nila na ayon nga sa kanya, 'yon ang unang Paskong magkakasama sila sa bagong bahay na nabili niya.

Isang katuparan para kay Marvin ang mapaganda at makompleto ang buo niyang kabahayan dahil ito lang daw 'yung tanging investment niya ngayon bukod sa kotse at lupang binibili pa niya.

Unti-unti ay napaganda na ni Marvin ang loob ng kabahayan niya. Nu'ng una naming i-pictorial ang bahay niya ay halos walang makikitang kasangkapan sa loob nito dahil nagsisimula pa lang siyang mag-ipon ng pera para ipambili ng kasangkapan na kakailanganin nila at hindi nga nagtagal ay nabili niya lahat ang mga appliances na gusto niyang ilagay sa kanyang townhouse.

Black and white ang naging motif ng living room at dining room, makikita sa larawan na simple pero maayos ang design na ginawa mismo ni Marvin. At makikita rin sa larawan ang cabinet na talagang pinagkagastusan ni Marvin last Christmas dahil ito raw 'yung naging gift niya sa kanyang mommy. Makikita ito sa kanilang dining room at talaga namang malaking halaga ang ginastos niya rito dahil homemade ito at primera klase ang mga materyales na ginamit.

Makikita rin sa larawan ang kompletong cabinet na ipinagawa ni Marvin para sa kanyang mga gamit, gusto kasi niya ay well arrange lahat ang mga ginagamit niya sa shooting. May sariling lalagyan ang kanyang mga sapatos, damit at kung anu-ano pang gamit na dinadala niya sa taping o shooting.

Kasalukuyan pa ring ipinagagawa ni Marvin ang kanyang room kaya hindi pa ito gaanong tapos. Mabuti na lang ay pumayag din siyang ipa-pictorial sa amin ang room niyang may blue motif dahil ito ang kanyang favorite color. Nakita rin namin du'n ang malaking black and white photo nila ni Jolina na naka-frame pa at nakalagay ito sa isang table na malapit sa kama niya. Pinag-ipunan pa rin ni Marvin ang mga appliances na gustong ilagay sa kanyang kuwarto at ayon sa kanya ay baka sa taong ito na makokompleto kaya kailangan pa niyang magsipag nang husto para mapadali 'yung pagpapagawa niya ng kanyang room.

Ang bahay na ito ang naging resulta ng kasipagan ni Marvin at ito nga raw ang nagpapaalis ng kanyang pagod tuwing uuwi siya galing sa taping o shooting. Kapag nakikita niya ang kanyang bahay na unti-unti ng napupuno at gumaganda ay parang nagiging ginto ang bawat butil ng pawis na tumutulo sa kanyang katawan.

PICTURES



JANUARY 1998