Kinilig ang buong madla sa tinuran ni JOLINA MAGDANGAL noong interbyuhin sila ni MARVIN AGUSTIN tungkol sa namumuo nilang relasyon. Ayon sa petite na dalaga, totoo naman daw 'yung pag-amin na ginawa niya on the air dahil iyon naman talaga ang nararamdaman niya kaya hindi siya nagdalawang-isip na sabihin iyon on the air.>
"Actually, nabigla ako roon sa tanong. Pero kung ano ang sinabi ko, 'yon naman talaga ang nararamdaman ko at 'yon ang tama. Sinabi ko kasing hinihintay ko lang naman na magsabi siya sa akin at alam ko na kung ano ang isasagot ko."
Medyo na-tense si Marvin on the air kaya hindi ito naksagot ng maayos nang tanungin kung mapapa-oo na ba siya nito. Ang nasabi na lang nito ay formal niyang hiningi sa magulang ni Jolina ang blessings na liligawan na niya ang petite na dalaga.
"Ako man ay nagulat din sa sinabi niya dahil hindi ko sukat akalaing masasabi niya on the air. Nandoon pa naman si Daddy sa backstage, ang lakas ng loob niya pero sa parte ko naman ay "tameme" siya,"say pa uli ni Jolina.
Ibig sabihin pala ay alam na ng mga magulang mo na dead na dead sa iyo si Marvin, at sa dinig ko ay wala naman problema sa kanila dahil botong boto sila kay Marvin.
"Wala naman talagang problema sa parents ko. In fact, parang anak na rin ang turing nila kay Marvin dahil kapag may problema siya ay sila pa ang nagbibigay ng advise. Kung sa pamilya ko lang ay wala naman talagang problema si Marvin. Boto silang lahat sa kanya," deretsahang sabi pa ni Jolina.
"Si Marvin pala ang hinihintay mong magsalita pero parang natotorpe naman 'yung manok ko. Hindi ba puwedeng ikaw na lang ang mag-propose sa kanya?" biro pa namin sa dalaga.
"Hindi naman ako ganoon. Kahit ganito ako ay conservative pa rin naman ako. Hindi naman ako nanliligaw ng lalake, sa kanya ko lang naman nasabi 'yung "tameme". Pero sa totoong buhay, hindi mangyayari 'yon," depensa agad ni Jolina sa sarili.
Back to Marvin na naman ang usapan namin. Hanggang kailan ba talaga kami maghihintay sa kanilang pag-amin?
"Bakit ako ang tinatanong mo eh hindi naman ako ang nagpapatagal noon kundi 'yung alaga mo," dere-deretso pang sabi ni Jolina.
"Nasabi ko lang na hinihintay ko siyang magsabi sa akin dahil may nakalaan na rin naman akong sagot. Kung talagang kami na ni Marvin ay hindi ko rin naman itatago iyon dahil alam ko naman 'yon na ang pinakahihintay ng mga fans namin. Saka lahat na yata ng letter senders ko ay iyon ang tinatanong sa akin kaya I'm sure, kapag kami na ni Marvin ay imposibleng hindi ko sasabihin sa publiko."
At this stage, ano ba talaga ang real score sa kanila ni Marvin? Maraming beses na namin itong tinanong sa kanya at this time ay ano na ba ang latest development since inamin nila sa publiko na naghihintayan lang naman sila ni Marvin.
"Ang real score? Okay naman kami since nagkabati na kami nu'ng parade, hindi ba't alam mo naman 'yon? Up to now ay hindi pa rin naman talaga kami nagkakausap nang masinsinan. Pero nagtatawagan kami ni Marvin. Iyong tungkol sa real score between the two of us ay hindi pa rin talaga namin napag-uusapan hanggang ngayon. Tameme pa rin ang alaga mo!" pagdiriin pa ni Jolina sa amin.
Siguro naman, dahil parnag isa na lang ang kulang sa kanila ni Marvin ay malalaman namin kayo na talaga.
"Hintayin na lang ninyo dahil as soon na mangyari 'yon, sa iyo ko unang sasabihin. alam ko naman sa iyo rin unang aamin si Marvin," pagtatapos pa ni Jolina sa aming usapan.