MAJ LOVETEAM CONTINUES

by: Leo Bukas
(Journal Group 10.22.98)

NAGKAAYOS na sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin. Nagkausap na sila at nagpaliwanagan sa isa't isa. Sinabi ni Jolina ang mga sama ng loob niya kay Marvin at ganu'n din naman si Marvin kay Jolina. "Sayang naman kasi 'yung pinagsamahan namin kung mauuwi lang sa wala, d ba?" umpisang pahayag sa amin ni Jolina nang makausap namin ito sa presscon ng concert nila ni April boy Regino sa darating na Oct. 24 sa Araneta Coliseum. "Hangga't magagawan ng paraan, hangga't mapag-uusapan, bakit hindi gawin, di ba? Kung 'yon talaga ang solusyon, eh, bakit hindi i-try. Nagkaro'n lang naman kami ng misunderstanding noon nagpo-promote pa kami ng movie, but everything is okey now. "Sinabi ko sa kanya lahat ng gusto kong sabihin. Pinakinggan naman niya ako. Tapos nu'ng siya na ang nagsalita, pinakinggan ko rin siya ... Ganu'n lang naman dapat. "Lahat ng problema, dapat pinag-uusapan muna bago magsalita ng kung anu-ano," pahayag pa uli ng dalaga. Nakausap na ba ni Marvin ang parents niya? "Hindi pa siguro. Pero sabi sa akin ni Marvin, kakausapin niya sina mommy at daddy, ewan ko lang kung kelan. Gusto raw niyang humingi ng sorry at para maayos na rin ang lahat. "Siguro next week, mag-uusap sila... Ayoko namang puwersahin si Marvin na kausapin agad ang parents ko. Parang iba yata ang dating no'n, di ba? Kung kelan niya madesisyunan na makipag-usapan, hihintayin ko na lang 'yon. "No'n kasing may mga naglalabasang balita na kesyo against ang parents ko sa loveteam namin ni Marvin, na pinagbawalaan niya si Marvin na ligawan ako, lahat' yon, eh, hindi naman totoo. "So, naapektuhan nang todo ang parents ko. Pero hindi sila nagsalita. Hindi na rin lang sila kumibo. Pero nu'ng parang grabe na, saka lang sila nagsalita para linawin ang isyu," sabi pa niya. Naniniwala ba siya na magagawang siraan ni Marvin ang mga magulang niya? "Hindi ko sinabi na si Marvin ang naninira sa parents ko, walang ganu'n. Kaya lang, puwede sigurong 'yung mga nakapaligid sa kanya. `Yung mga taong naiimpluwensiyahan siya. "Pero ayokong magbintang, ha? `Yon lang 'yung pareng nagse-sense ko. Kasi si Marvin hindi naman siya madaldal," pagtatangol pa niya sa binata. Ang buong akala ng mga fans ay matsutsugi na ang tambalan nilang dalawa dahil sa nangyari. Maasahan ba uli ng kanilang mga tagahanga na makita sila sa isa pang pelikula? "Oo naman. May follow-up movie na nga kami sa Star Cinema, eh. Hindi pa lang namin nauumpisahan, pero meron na. Abangan na lang nila 'yon.... "Kaya lang, meron pa akong ginagawang movie ngayon na pang-filmfest yata, 'yung Puso Ng Pasko kaya medyo busy pa ako. Tapos meron din akong stint sa "Star Drama Theater Presents." "Ang alam ko, next month, yata, eh, si Marvin naman ang susunod sa Star Drama." kuwento pa niya sa amin. So, hindi pala totoong matsutsugi na ang loveteam nilang dalawa? "Hindi totoo 'yon. Two years na rin 'yung pinagsamahan naming dalawa, relax na rin kami sa isa't isa, kaya sayang kung basta-basta na lang kami maghihiwalay, di ba? "May mga times lang siguro na hindi ko na siya palaging makakasama sa TV, pero sa movie, ganu'n pa rin, walang pagbabago. Like dito sa Star Drama ko, hindi siya nag-guest. "Sa Star Drama niya rin yata, hindi ako magge-guest. Parang ang gusto yata muna nila, eh, ma-miss ulit namin ang isa't isa. Kasi nga naman, sobrang nagbugbog kami do'n sa Labs Kita," ends Jolina.


JOURNAL GROUP