March 12, 1998

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan itong kolum ko dahil hindi ko maisip kung ano ang uunahin kong ikuwento sa inyo ngayon. Ang dami ko kasing ginawa last week kaya't excited akong sabihin sa inyo kung anu-ano 'yon. Kaliwa't kanan ang TV guesting namin para sa promo ng pelikula and I'm sure napanood niyo iyon. Nagkaroon din kami ng mall tour para sa soundtrack ng movie namin sa Ever Gotesco Caloodan, Mandaluyong at sa SM Fairview kung saan nagkaroon naman kami ng fan's day.

Enjoy naman ang lahat at nakita ko talaga ang mga fans na nagmamahal sa akin lalo na ang mga pumunta sa SM Fairview na nagtiyagang naghintay sa amin kahit gabi na kaming dumating at kung paano sila nakipagsiksikan sa dami ng mga tao, makita lang ako pati na ang aking my labs na si Jolina.

Dumalaw din ako sa Tahanang Walang Hagdanan sa imbitasyon sa akin ng aking personal assistant na si Nars Gulmatico. Binisita namin ang mga kaibigang naroroon na kahit nasa ganoong kalagayan ay sumusuporta pa rin sa akin. Pinaligaya nga nila ako nang dumating ako ru'n dahil sa maganda nilang trato sa akin kaya naman nagpapasalamat ako sa kanila.

Successful din ang aming premiere night, grabe ang mga sumuporta. Kahit na may kasabay kaming pelikulang nagkaroon din ng premiere ng araw na 'yon ay hindi naman kami pinabayaan ng mga tao dahil ang daming nanood. at gaya ng premiere night, successful din ang first showing day namin dahil balita ko ay naka-4 million pesos ang kinita nito sa unang araw pa lamang.