MARCH 05, 1998

Alam n'yo bang noong Feb. 14 ay kahit pareho kaming busy ni JOLINA ay nakapag-date rin kami? Pagkatapos ng guesting namin sa APO ay tumuloy kami sa Etching at pagkatapos nu'n ay nag-date kami ng labs ko sa isang restaurant sa Tomas Morato. Actually hapon pa lang 'yun, hindi na kami inabot ng dinner dahil pareho pa rin kaming may susunod na trabaho. May dubbing pa kasi siya ng movie namin, at ako naman ay may show sa Paranaque sa imbitasyon ni Mayor JOEY MARQUEZ.

Sinamantala namin 'yung libreng oras kaya naging masaya ang date namin, kuwentuhan, tsikahan at s'yempre, napag-usapan din namin 'yung tungkol sa amin. Nakakakilig nga 'yung mga pinag-usapan namin pero pasensiya na kayo dahil hindi ko puwedeng sabihin dahil secret talaga 'yun!"

Ang masasabi ko lang ay masayang -masaya ako sa takbo ng relasyon namin ni Jolina. Mukhang for real na talaga ito.

Pagkatapos nu'ng date ay hinatid ko na siya sa kanyang dubbing at ako naman ay dumiretso na sa bahay ng bestfriend kong si JUDY ANN SANTOS na balitang nililigawan ko raw dahil kasama ko nga siya sa show sa Paranaques.

Kasama rin namin si WOWIE DE GUZMAN sa show dahil guest din siya kaya ako naman ang nangulit kina Judai at Wowie. Tinutukso-tukso ko sila na bakit hindi sila mag-date pagkatapos ng show tutal Valentine's day naman. Deadma lang ang dalawa at pangiti-ngiti lang sa akin si Wowie at si Judai naman ay panay ang hampas sa akin.

Anyway, kinabukasan nag-taping naman kami ni Jolina ng Star Drama Presents. Sa Paranaque rin kami nag-taping at inabot ng umaga kaya hindi na ako natulog at pagkatapos nu'n ay dumiretso na ako sa taping ng Esperanza.