Mga pangarap na dati ay nasa panaginip lang, laging nasa itaas lang ng ulap at nag-babakasakaling maabot 'yon pero dahil sa pagsisikap ay nagkaroon ng katuparan ang lahat. Hindi nga siya pinagkaitan ng Diyos dahil naging masikap at masipag siya sa buhay.
Para kay Marvin, ang lugar na kanyang kinalakihan at pinanggalingan ay kailanman hindi mabubura sa kanyang isipan. Hindi niya ito basta matatalikuran dahil dito sa lugar na ito siya nagsimulang mangarap na natupad naman dahil kakabit niya ang ambisyong maiahon ang pamilya sa kahirapan simula ng ibigay sa kanila ng Diyos ang pagsubok sa pamilyang ni sa panaginip ay hindi nila inaasahan.
Muling binabalikan ni Marvin ang ala-alang tanging naging gabay niya tungo sa tagumpay at sinasabing kahit anong mangyari ay hindi niya puwedent ilibing sa limot ang nakaraan bagama't bago niya narating ang rurok ng tagumpay ay hindi biro ang hirap ng kanyang pinagdaanan kaya ngayong narito na siya at dumaranas ng ginhawa sa buhay, muling binabalikan ni Marvin ang nakaraan na laging nagsisilbing alaala sa kanya saan man siya makarating.