Maihahalintulad si Marvin Agustin sa kasabihang ang punong hitik sa bunga ay pinupukol". Dahil sa sikat na sikat nga ang aktor sa kasalukuyan ay pilit siyang tinutuligsa ng mga taong mahilig gumawa ng intriga. Lahat ng kanyang kilos at galaw ay minamatyagan ng kanyang mga detractors.
Tulad na lang nitong hindi pagkakatuloy ng kanyang second time sa Star Drama Theatre Presents. May mga bulung-bulungan kasi sa apat na sulok ng showbiz na porke't hindi raw siya ang nanalo sa nakaraang Star Awards ay biglang siyang pinalitan ni Jericho Rosales na siyang nagwagi sa nakaraang awards night at sinasabing mas mahusay sa kanya sa larangan ng pag-arte.
Nang makausap namin si Marvin ay ipinaliwanag niya sa amin na hindi naman 'yun ang dahilan kung bakit naudlot ang pag-appear niya sa nasabing programa. Pinapili raw kasi siya between Star Drama and a new mini-series show.
"I really have to choose between the two shows. I decided to give it a try sa mini-series na may title na Sa Sandaling Kailangan Mo Ako tutal naman ay lumabas na rin ako noon sa Star Drama. Ang bago kong show ay isang mini-series na mala-Falcon Crest and Knotts Landing. Si Tita Olive Lamasan ang sumulat noon at sisimulan ito sa NOvember 16 kaya ngayon pa lang ay talagang very excited na ako. Regarding sa Star Drama ko, nag-promise naman sila na lahat ng story na inihanda nila for me ay ire-reserve nila. Dahil kapag natapos na itong mini-series ko ay saka na lang ako matutuloy du'n," pagpapapliwanag pa ni Marvin tungkol sa mga isyung naglalabasan sa kanya.
May intriga kasi sa kanila ni Jericho ngayon na maspinaboran daw ang binatang nanalo sa Star Awards over him sa Star Drama.
"Well, its a good break for Jericho at kaibigan ko rin naman 'yung tao at naniniwala ako sa kakayahan niya. PEro ang ikinabigla ko lang roon ay bakit si Jericho gayung si Bojo Molina ang alam kong naka-line up after me."
Isa pang tsika ay 'yung nawala man daw ang OIDP nila ni JM ay may kapalit naman daw ito kaya hindi pa rin siya apektado ng krisis at patuloy pa rin siyang sinusuwerte.
"Nagpapasalamat nga ako dahil kahit nawala yung isa kong show ay napalitan naman ito ng iba kaya masasabi kong mabait talaga ang Diyos dahil alam niyang marami akong obligasyon sa aking pamilya kaya lagi Siyang naroroon sa tabi ko."
Nabalitaan din pala namin na siya na pala ngayon ay role model at napili siya to spearhead Dangal ng Bata, Dangal ng Bansa. Itong organisasyon ay may layunin ay to create awareness between children and their parents.
"Natutuwa talaga ako dahil napili nila ako na maging leader ng kanilang proyekto, actually matagal ko na rin naman gustong makatulong sa mga batang sawing palad. Tulad na lang noong nag-birthday ako sa isang orphanage, talagang naawa ako sa mga batang walang-malay na iniwan ng kanilang mga magulang," sabi pa niya.
Going back to this new show, Sa Sandaling Kailangan Mo Ako ay talaga namang maipapakita niya nang husto ang galing niya sa pag-arte. Inihanda raw ito para sa kanya kaya naman sa pagbubukas nito sa ere ay siya talaga ang unang pinili sa dinami-dami ng mga talents ng Dos, at sa puntong yun, hindi man siya nanalo sa nakaraang Star Awards ay nare-recognize pa rin naman ang galing niya bilang aktor.
"Kaya naman ngayon pa lang ay gusto kong ipakita sa aknila na hindi sila nagkamali ng pagpili sa akin. Hindi ko man nagawa ngayon ang Star Drama, I know na the best itong naging desisyon ko.
Dahil ba sa bago niyang show, going solo na siya this time?
"Hindi naman, gagawa pa rin naman ako ng movie with Jolina, 'yung follow-up sa movie naming ipinalabas. Sa Gimik the Movie magkasama pa rin naman kami ni Jolina doon. Going strong pa rin ang loveteam namin, pero siyempre kailangan muna naming maghiwalay pansamantala habang hinihintay namin 'yung pagsisimula ng movie namin ulit. Saka para hindi kami pagsawaan ng tao," litanya pa ni Marvin.
Lastly, paano niya tine-take ang mga intriga, hindi kasi siya tinitigilan habang patuloy ang pamamayagpag niya sa kanyang career?
"Wala lang, hindi ko na lang pinapansin at sabi ko sa sarili ko ay sige intrigahin ninyo ako and I will count my blessings," masayang turan pa ng lalong gumuguwapong si Marvin.