Aminin man o hindi ng mga detractors ni MARVIN AGUSTIN ay hindi na nga mapasusubaliang sikat na sikat na ang male young aktor. Aminin man o hindi ng kampo ni Diether Ocampo ay malayo na ang agwat ni Marvin sa naunang nabanggit. Hindi na naman kailangan pang patunayan dahil kitang-kita naman ang ebidensiya, hindi na kailangan pang ipagyabang dahil kung iisa-isahin namin ay baka mapahiya pa sila. Sinasabi ng kanyang mga kalaban na hindi nga raw nila ka-level si marvin dahil puro pa-cute lang ang alam nitong gawin, puwes, pa-cute lang ba 'yung ma-nominate ka ng ilang beses at bigyan ng acting citation? Pa-cute lang ba 'yon?
Sinasabing hanggang doon lang daw ang kayang gawin ni Marvin? Kaya pala limang pelikula na ang nagawa ng binata, we mean na apat na at pang-lima na itong nakatakdang gawin ni Marvin at Jolina para sa kanilang launching movie. Samantalang 'yung sinasabi nilang kakontemporaryo nila ay sa pagkakaalam namin, isang pelikula pa lang ang ginawa at mukha pa siyang ekstra. Meron ngang sumunod na pelikula ito pero mukhang naantala ang showing dahil natatakot siguro ang production na ilabas kaagad ito dahil puro nega ang mga star nila ru'n!
"Hindi ko naman sila puwedeng pigilin sa gusto nilang gawin, basta, para sa akin, kung ano man itong nangyayari sa career ko, ginawa ko ito ng wala akong ginamit na tao at walang tinapakan. Narating ko ang puwestong kinalalagyan ko ng wala akong taong inaway at nakasamaan ng loob. 'Yon talaga ang pagkakaalam ko kaya walang rason para magalit sa akin 'yung nasa kabilang kampo. I admit, kanya-kanyang kampo 'yan pero huwag naman nilang personalin dahil hindi naman siguro tama 'yon."
Kaya ba niya nasabing pine-personal na siya dahil lahat ng kilos niya ay binibigyan ng masamang kahulugan?
"Nakita mo naman siguro, Joey, kung paano nila ako tirahin, pero hindi ko sila pinapansin. Of course, tao lang ako na nasasaktan pero hindi ko man gustong maapektuhan ay minsan hindi ko na talaga matiis ang mga pang-aalipusta nila sa pagkatao ko. Minsan talaga ay nabubuwisit ako!" mariin pang sabi ng young actor.
Mataray magsasagot ang sinasabing kalaban niya ngayon. Pilit na sinasabi ni Diether na hindi raw sila magka-level dahil magkaiba raw sila ng packaging?
"As much as possible ay ayokong mag-comment tungkol sa kanya dahil feeling ko, pinag-aaway na naman kami. Okay naman 'yung pakita niya sa akin at kung totoo ngang may sinasabi siyang ganu'n, opinyon niya 'yon, kaya ayaw kong sagutin siya, baka lumaki lang at ako na naman ang maging nega sa bandanag huli!"
Para ba sa kanya ay si Diether talaga ang mahigpit niyang karabal?
"Ever since ay hindi naman ako nakipag-kompetensiya dahil sarili ko lang ang kakompetensiya ko at never kong inisip na kalaban ko sila at kailangan kong makipag-karera sa kanila. Hindi ako ganu'n at alam mo 'yon," hirit pa ni Marvin.
Feeling mo ba ay nagagamit ka dahil hindi pinag-uusapan ngayon si Diether?
"Hindi naman siguro ako ginagamit dahil hindi naman ako kagamit-gamit. Ayokong isipin 'yon!"
Bakit ba pabaorito ka nilang intrigahin at gusto nilang ibagsak ang career mo in favor of his rival?
"Hindi ko alam basta naipakita ko 'yung sincerity ko sa kanila. Hindi ako naging plastic sa kanila kahit kailan. Kung ano tiong narating ko ay dahil sa sarili kong pagsisikap. "Alam kong nagawa ko naman ang obiligasyon ko sa kanila at never kong tinira 'yung mga alaga nila, naging mabuti akong kaibigan sa kanila kaya wala akong alam na matinding dahilan para intrigahin nila ako. Para sa akin, basta wala akong tinatapakang tao at malinis ang konsensiya ko at alam kong kakampi ko ang Diyos kaya ang Diyos na rin ang bahala sa kanila," ma-emosyong sabi pa ni Marvin.