Masayang-masaya si Marvin Agustin nanag datnan namin sa set ng Onli in da Pilipins matapos niyang malaman na maganda ang naging resulta ng pelikula nila nina Maricel Soriano, William Martinez at Jolina Magdangal. Walang pasidlan ang kaligayahang nadarama niya dahil in both love and career eh parehong successful siya.
"Alam mo, Joey, nu'ng premiere night namin eh du'n ko pa lang talaga napatunayan na sadyang marami ang nagmamahal sa amin ni Jolina. Considering na meron din kaming kasabay na nag-premiere night eh hindi naman nila kami pinabayaan. Du'n pa lang iba na 'yung feeling ko dahil alam kong tatanggapin ng publiko itong pelikula namin.
"Du'n sa pagiging successful sa both love and career, masasabi kong yes, in a way ay suwerte na rin ako dahil kahit hindi pa ako sinasagot ni Jolina ay para ko na rin naman siyang girlfriend dahil we're doing the same thing na ginagawa rin ng mag-s'yota, siguro formality na lang talaga 'yung kulang dahil pati naman sa pamilya ni Jolina ay okey na okey na ako.
"Sa career, wala na siguro akong mahihiling pa dahil for the past two years eh masasabi kong grabe talaga ang naging takbo nito kaya nagpapasalamat talaga ako nang husto dahil sa nakarating ako sa ganitong estado. At siyempre hindi pa naman du'n natatapos ang pag-ikot ng mundo dahil meron pa rin naman akong gustong ma-achieve."
Tulad ba ng acting awards? And speaking of award, nominated siya sa kategorya ng Best New Movie Actor for Star Awards. Kinakabahan ba siya laban nila ni Bojo Molina na nominado rin para sa nasabing kategorya?
"Siyempre naman, kahit pa sabihing hindi ako umaasa, nakakakaba rin dahil malaking usapan 'yun, pero tanggap ko dahil never ko namang inilagay sa ulo ko na kailangang ako ang manalo. Siyempre sino ba naman ang ayaw na manalo? Lahat naman kaming mga artista ay nangangarap magkaroon ng award dahil 'yun ang pagpapatunay na isa ka na ngang magaling na artista at siyempre malaking achievement 'yun para sa amin.
"Pero kung talagang tatalunin ako ni Bojo, okey lang 'yun, I'll be a good sport to him," walang prenong sabi pa ni Marvin.
Ano naman ang ang naging feeling niya na nabastos ang kanyang labs na si Jolina sa Ever-Gotesco sa Kalookan nu'ng magkaroon sila ng promo tour ng kanilang album?
"Siyempre, nainis at nagalit ako! Imagine, ako nga ni hindi ko masyadong nahahawakan 'yan kahit sa kamay dahil nirerespeto ko siya tapos 'yung lalaking 'yun eh basta-basta na lang siya tsinansingan kaya inis na inis talaga ako! Actually, sa sarili ko ako lalong nainis dahil nakalusot sa akin 'yung kamay ng lalaking 'yun. Dati-rati kasi, kapag ganu'ng may mall shows kami eh talagang binabantayan ko nang husto si Jolina pero that time kasi eh magkahawak-kamay lang kami habang papasok sa loob kaya naka-tiyempo 'yung manyakis na 'yun!" nanggigigil na pahayag ni Marvin.
"Sana naman du'n sa ibang fans, eh matuto naman silang irespeto kaming mga artista. Hindi naman puwedeng komo fans sila eh magagawa na nila ang mga gusto nilang gawin. Anyway, this time I'll make sure na wala nang makakagawa kay Jolina ng ganu'ng pambabastos dahil kung paano ko siya ginuguwad'yahan noon eh lalo ko pang dodoblehin ngayon para sa ganu'n ay wala nang makapambastos sa kanya!" sabi pa ng lalong gumuguwapong anak-anakan namin.
Pagkatapos ng pelikulang Kung Ayaw Mo, Huwag Mo, ano naman ang maaaring asahan ng kanilang mga tagahanga mula sa kanila ni Jolina?
"Ah, marami," maagap na pakli ni Marvin. "Dito kasi sa next movie namin ay kaming dalawa na lang talaga ni Jolina ang bida dahil launching movie ito ng loveteam namin. Siyempre, mas maraming nakakakilig na eksena at makikita na rin nila ang pinakahihintay nilang kissing scene namin. Kaya abangan nila dahil maganda talaga ito," excited pang nasabi ni Marvin bilang pangwakas.