|
|
JUNE PRIDE MONTH 2002
Manila, Philippines
Halo-halo, Pare-pareho, Pantay-pantay
The following is an informal rationale for this year's Pride Month
Theme -- Halo-halo, Pare-pareho, Pantay-pantay.
HALO-HALO:
Iba-iba ang ating mga pinanggalingan: mayrong mayaman, mahirap, nakapag-aral,
nag-aaral, nakatapos o hindi man lang nakatuntong sa 'skwela. Mayrong
bakla, lesbiana, bisexual, transgendered, bading, bianing, tomboy, tunggril,
tivoli, vaklush, badinggerzi, operada, babaeng bakla, lalaking mukhang
tomboy at kung ano-ano pa. Mayroon sa ating Bisaya, Ilocano, Bicolano,
Tagalog, anak ng 'kano, anak ng negro, anak ng bakla, anak ng tomboy.
Mayroong payat, mataba, matabang-mataba, sobrang taba, patpatin, walang
balakang, walang suso, may lawit, nagkakabit ng lawit, nagpakabit ng lawit,
nagpalaglag ng lawit. At kung ano-ano pa.
Hindi maaaring ipagkaila natin na sa iisang maliit na grupo ay magkakaiba
at may pagkakaiba tayo. Ang tawag kasi diyan ay ang ating pagiging indibidwal.
Ito ang ating pagkakakilanlan sa ating sarili. Marami ka mang ka-pangalan,
wala kang kasing-ugali. May kasabihan nga tayo na kambal man silang pinganak,
malayo ang ugali nila sa isa't-isa. Kung titignan natin sa mas malaking
perspektibo, ganyan din ang ating bansa -- HALO-HALO.
PARE-PAREHO:
Iisa ang ating lahi -- Pilipino. Pare-pareho tayong naghihirap, umiibig,
umiiyak, tumatawa. Pare-pareho kasi tayong tao. Ikaw, ako, tayong lahat
tao. Kahit na yung mga sinasabing asal-hayop, tao pa rin sila -- hayup
nga lang.
Maipapakita natin na kahit na tayo ay mga indibidwal at kahit na mayrong
bakla, lesbiana, bisexual o transgender sa ating hanay, pare-pareho pa
rin tayo sa ating mga karanasan. Maaaring iba ang dating natin ngunit
yun at iyun din ang ating mga kagustuhan. Pare-pareho tayong tinatalikuran
ng mga taong sarado ang isipa't mata sa katotohanan na mayroong bakla,
lesbiana, bisexual at transgender. Pare-pareho tayong naghahangad ng isang
magandang hinaharap.
Pare-pareho. Isang pagpapakita na tayong LGBT ay hindi higit o kulang
ang ating pagkatao.
PANTAY-PANTAY:
"Pantay na karapatan!" yan ang ating sigaw. Sa diskriminasyon
sa tahanan, pamayanan, simbahan at pamahalaan, laganap pa rin ito. Datapwat
ito ay naiibsan na, kailangan pa ring ipakita, iparamdam at ipaglaban
ang pantay-pantay na pagtingin sa atin bilang mamamayan...bilang isang
tao.
Pantay-pantay. Isang panawagan sa pagkilala sa ating pantay na karapatan.
Kaya kung tatanungin ka ng pang beau-con na tanong: Paano mo mailalarawan
ang komunidad na LGBT? (How would you describe the LGBT community?)
SAGOT: "HALO-HALO. PARE-PAREHO. PANTAY-PANTAY. I THANK YOU!"
|