(Si Mike ay isang kabataang katoliko. Ang parokya niya ay magkakaroon
ng isang pro-life rally at iniimbitahan nila ang kongregasyon ng mga Baptist
na sumali at maki-isa. Si Jake ay kaibigan ni Mike, isa siyang Baptist.)
Mike: Jake 'tol! Sa Sabado na yung rally para sa pro-life. Sasama ka ba?
Jake: Hindi siguro 'tol.
Mike: Bakit naman? May lakad ka ba?
Jake: Wala, pero masyadong malayo ang paniniwala natin eh, ako bilang baptist at ikaw bilang katoliko.
Mike: Pero tungkol ito sa aborsyon, di ba pareho naman tayong tutol doon?
Jake: Oo nga, pero marami pa rin tayong magkasalungat na paniniwala.
Mike: Hindi naman 'tol! Sige, sa tingin mo, saan ang pinakamalaking pagkakaiba natin?
Jake: Tulad na lang ng purgatoryo. Wala namang sinasabi ang biblyia tungkol dito.
Mike: Meron 'tol!
Jake: Huwag kang magagalit pare, pero sa tingin ko, pakulo lang yon ng simbahan nyo para magkapera --diba nagbabayad ka para ipagdasal ang mga pinaniniwalaan nyong nasa purgatoryo?
Mike: Wala yon. Hindi kasi ganyan ang paniniwala namin. Ok lang ipaliwanag ko sa iyo para hindi malabo?!
Jake: Sige ba!
Mike: Ang paniniwala namin sa purgatoryo ay nakabase sa mga aral sa biblia. Naniniwala kami na kapag namatay ang isang tao, diretso siya sa langit. Pero kung may kasalanan siyang mortal--yung bang matindi-tindi 'tol?! Dun sa baba ang tuloy niya, sa ground floor ba.(tawanan)
Jake: Ah, correct ka diyan!
Mike: Pero kung hindi naman bigatin ang kasalanan mo, "venial sins" kung tawagin, sa purgatoryo ang tuloy mo.
Jake: Teka pare, bakit ganoon? Diba, ang kasalanan, kahit balibaligtarin mo yan, kasalanan pa rin, dapat pagbayaran!
Mike: Nasa unang aklat ni Apostol Juan ang pagkakaiba ng "venial sin" at "mortal sin".
Jake: Pagpalagay na ngang magkaiba yon, paano nyo namang naisip na may purgatoryo?
Mike: Ganito yon pare, hindi 'to sermon ha, huwag mo 'kong tutulugan!
Jake: Haha, siyempre pare, hindi!
Mike: Dahil mahal tayo ng Diyos, gusto niya tayong bigyan ng maraming pagkakataon para makasama niya at malapit sa loob niya. Hanggang sa kamatayan, kung may mga kasalanan ka pang dapat pag-nilayan, sa purgatoryo ka muna.
Jake: Parang detensyon ah! Parusa hanggang mabayaran mo ang mga sala mo?
Mike: Hindi naman. Tingin namin, 'di yon parusa o pagbabayad ng utang sa Diyos. Kundi manipestasyon pa rin ng pagmamahal niya sa tao.
Jake: Tol, sori pero di ko pa rin ma-gets masyado.
Mike: Ayos lang yon. Alam mo minsan, kahit kami nalilito rin. Gusto mo, sumama ka minsan sa miting namin para mas lalo mong maintindihan.
Jake: Hmmm…hindi muna siguro.
Mike: O bakit naman ?
Jake: Nagkaroon kasi ng di magandang karanasan ang tatay ko sa mga katoliko eh, kahit nung namatay siya, bilin niya, umiwas na kami.
Mike: Tol, huwag mong mamasamain, pero sa tingin ko, nagbago na ang pananaw ng tatay mo ngayon.
Jake: Malabo yan pare, sabi ko nga sa iyo, parang kape't gatas ang layo ng paniniwala natin eh.
Mike: O di ganito na lang, sasabihin ko sa 'yo ang isang dasal namin. Pitikin mo 'ko sa tenga kung hindi ok sa 'yo yung sinasabi ko.
Jake: Sige 'tol, call!
Mike: Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Ayos ba yon?
Jake: Oo, ok pa…
Mike: Sumasampalataya ako kay Jesu Kristo, iisang anak ng Diyos, lalang ng Espiritu Santo, pinanganak ni Santa Mariang birhen, pinagpakasakit ni Pontio Pilato. Pinako sa krus, namatay, inilibing….Gising ka pa ba?(ngiti)
Jake: Oo naman!
Mike: Nang may ikatlong araw, nabuhay namang muli, umakyat sa langit, naluklok sa kanan ng Diyos Ama. Mula roo't paririto at huhukom sa nabubuhay at nangamatay sa tao. Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, sa banal na Iglesia Katolika…
Jake: Teka, teka…
Mike: Sandali na lang 'tol. Sa kasamahan ng mga banal….
Jake: Teka ulit…
Mike: Malapit nang matapos, Sa kapatawaran ng mga kasalanan, at sa buhay na walang hanggan, Amen.
Jake: Tol, ano bang gusto mong sabihin?
Mike: Pare, yun ang tinatawag naming "Creed". Haligi ng pinaniniwalaan namin bilang katoliko. Biruin mo, yung huling parte lang ang tinutulan mo, pero halos lahat naman ok diba? Ibig sabihin, mga 90% ka ring katoliko dahil pagdating sa paniniwala halos pareho lang tayo!
Jake: 90%? Ang bigat yata non!
Mike: Pag 100%, ibig sabihin, kaisa mo ang Santo Papa at ang buong simbahan. Pero di naman lahat ganoon eh. Ikaw nga baptist, pero 90% sa kredong katoliko pinaniniwalaan mo. Hindi na masama yon 'tol!
Jake: Kung sabagay, siguro tama ka nga!
Mike: Yun naman ang nais ni Jesus eh. Ang magkaroon ng iisang simabahan."Isang pananampalataya, Isang panginoon."
Jake: Tama ka diyan 'tol!
Mike: O pa'no? sama ka na sa pro-life rally sa sabado?
Jake: Sige ba, asahan mo 'ko 100% !!