ANG IDOLO NI JOSE RIZAL


  Daniel Mendoza Anciano

 

Kung  hindi  sa  pangyayari  ng  1872,  wala  sana ngayong Plaridel, o Jaena, o Sancianco. O kaya ay  lilitaw ngayon ang mga magigiting na pangkat ng mga Pilipino sa  Europa. Kung wala ang 1872, si Rizal sana ngayon  ay isang Jesuita, at imbis na sulatin ang Noli Me  Tangere ay susulat siya ng isang aklat na kabaligtaran sa  nilalaman  at  layunin. Sa harap ng  ganitong  kasalatan  ng katarungan  at kalupitan, ang aking murang edad at  imahinasyon  ay  nagising  at sumumpa  na  balang  araw  na ipaghihiganti  ang mga naging biktima ...  Balang  araw, ang Diyos ay magbibigay sa akin ng pagkakataon na maisakatuparan ang lahat ng aking balak.

Sulat ni Rizal Kay Mariano Ponce (1889)

 

Ito  ang nilalaman ng sulat ni Dr. Jose P.Rizal sa  kaniyang kaibigan  at  kapwa propagandista na si Mariano  Ponce.  Mula  sa nilalaman  ay  mapagtatanto  kung  papaano  nainpluwensiyahan  ng pangyayari  ng 1872 ang pampulitika at panlipunang  kamalayan  ni Rizal.  Para  sa maraming mga kabataan, si  Rizal  ay  nananatili parin  na isang idolo na pinipilit na maging huwaran, noong  bago pa  lamang ako sa pagtuturo ng kolehiyo ay may  isang  mag-aaral ang nagtanong sa akin ng ganito May idolo rin ba si Rizal? Simple ang aking naging sagot, may idolo ang idolo at ito ay walang iba kundi sina Jose Burgos, Padre Gomes at maging si Padre Zamora. Sa artikulong  ito ay tatalakayin kung papaano nainpluwensiyahan  ng tatlo (lalo na ni Burgos) si Rizal kung gaano kalalim ang  inpluwensiyang ito sa kaniyang isipan.

 

Liberal na Kapatid

Bago  maganap  ang Pag-aalsa sa Cavite at  ang  Pagbitay  sa tatlong paring martir si Paciano Mercado noon ay isang  mag-aaral sa  Colegio de San Jose at nanunuluyan sa mismong bahay na  tinitirhan  ni  Jose Burgos. Naging malapit si Paciano  Mercado  kay Jose  Burgos,  may  pagkakataon pa na nakakasama  ni  Paciano  si Burgos sa pagsundo sa kaniyang mga kapatid na babae na nag-aaral sa mga kolehiyong pambabae, at si Jose Burgos ay naging  panauhin ng  mga Rizal sa kanilang bahay noong isang piyesta sa  bayan  ng Calamba. Ayon sa isang apokripal na salaysay na gina- mit ni Dr. Mendez, nakita ni JOSE Burgos ang batang si JOSE Rizal,  napansin niya ang angking kakaibang katalinuhan nito, at sinabi ng una  na pag  ako  pala ay mamamatay may panibagong Jose  na  papalit  sa akin.

Sa panahon ng pagsasama ni Burgos at Paciano ay panahon  ng liberalismong ipinaubaya at pinahintulutan ni Gobernador  Heneral Carlos Ma. de la Torre, sa panahong iyon si Paciano ay nakibahagi sa parada ng Maynila upang ipagdiwang ang promulgasyon ng Liberal  na  Saligang Batas ng Espanya noong 1869, at  kaylan  pa  man hindi maaring tawaran na ang ideya ni Burgos ay tumimo sa  isipan ni Paciano.

Sa  kabilang  dako si Paciano ay isang tahimik na  tao,  may malabis  na  pagtitimpi, walang pagnanais magpakita  ng  kaniyang nararamdaman,  at  higit  na ninanais ang  katahimikan  kaysa  sa walang kabuluhang salita. Ang kamatayan ni Burgos at ng  dalawang iba pang pari ay nagpatigas ng kalooban ni Paciano upang  kilalanin ang kahalagahan ng kanilang mga ipinakipaglaban, at  maghanda para  sa kaniyang sarili sa isang positibong pagkilos  sa  tamang panahon para sa ikagagaling ng mga sakit ng bayan.

 

 Kawalan ng Katarungan

Sa pagkamatay ni Burgos at ng kaniyang mga kasama, si Paciano  tumigil ng pag-aaral, umuwi ng Calamba, at  pinamahalaan  ang lupang  kanilang  inuupahan mula sa mga prayleng  Dominikano.  Sa kaniyang pag-uwi sa Calamba ay nakasalubong din niya ang isa pang kawalan  ng katarungan - ang pagkakapiit ng kaniyang ina  dahilan sa maling akusasyon at pakikipagsabwatan ng mga maykapangyarihan sa pamahalaang kolonyal at ng mga buktot na alagad ng kolonyal na simbahan bilang paghihiganti ng mga ito sa pagsapi ni Paciano sa kilusang liberal sa Maynila.

Sa  ganitong eksena ng kaniyang pag-uwi ay  mahihinuha  kung papaano  siya tinatanong ng kaniyang musmos na kapatid  (basahing muli ang sulat ni Rizal kay Ponce) ano ang dahilan at binitay ang tatlong  paring  martir, at ano ang dahilan ng  pagkakakulong  ng kanilang ina, isa lamang ang ekwasyon na maaring naisagot ng kuya sa kaniyang musmos na kapatid - ito ang inhustisya. Ito ay  mapapatunayan sa isang bahagi ng sulat ni Rizal kay Mariano Ponce:

Sa  harap  ng ganitong kasalatan  ng  katarungan  at kalupitan,  ang aking murang imahinasyon ay nagising  at sumumpa  na balang araw na ipaghihiganti ang mga  naging biktima ... Balang araw, ang Diyos ay magbibigay sa akin ng  pagkakataon  na maisakatuparan ang  lahat  ng  aking balak.

Sa  pagkukuwentuhan ng magkapatid, maaring naipaliwanag  ni Paciano ng malalim ang pananaw ni Burgos sa kaniyang nakakabatang kapatid...  Isang eksena ang nagaganap, isinasalin ni Paciano  sa kaniyang  kapatid  na  si Jose ang ideolohiya ni  Burgos  at  ang kasayayan  ng  Pilipinas ay unti-unti nang nagbabago  ng  landas, malayong  malayo  na sa landasa na kaniyang tinahak  sa  nakalipas na tatlong daang taon.

Maraming  mga  pagkakataon na makikita ang  inpluwensiya  ni Burgos kay Rizal, siguro una na rito na ang mismong pamangkin  ni Burgos  na si Manuel Xeres Burgos ang tumulong kay Paciano  upang pakiusapan  ang  mga  Jesuita na tanggapin si  Rizal  sa  Ateneo, dahilan  sa  ang huli ay napakabata at maliit para  matanggap  sa kolehiyo ng Ateneo.

 

Ang Pag-aalsa sa Cavite

Ang isa sa mga kabanata ng nobelang Noli Me Tangere ay  kuha mismo ni Rizal sa eksena ng Pag-aalsa sa Cavite. Sa Pag-aalsa  sa Cavite  ang  mga  paring Kastila ay bumayad ng  mga  Pilipino  na manunulsol  sa mga manggagawa sa Cavite upang magkaroon  ng  pag-aalsa,  sinabi ng mga prayle na ang utak nito si Jose Burgos,  at ang  kaniyang mga kasama, ng matapos ang pag-aalsa at sa  panahon ng  paglilitis ang mga nahuling bihag sa pag-aalsa sa  Cavite  ay isinigaw ang pangalang Burgos bilang utak ng pag-aalsa.

Ang  historikal na eksenang ito ay ginawang isang  tagpo  sa Noli Me Tangere, kung saan ang Prayleng Kura na si Padre Salvi  sa pamamagitan ng sakrisatan ay inupahan sina Lucas at ang ilang mga tao  upang magsagawa ng pag-aalsa at sasabihin na si  Ibarra  ang pinuno,  kaya  ng mahuli ang pangkat nina Lucas,  si  Ibarra  ang kanilang isinigaw.

Maaring ang kaisipan ni Burgos na mag-aral ang mga kabataang Filipino  sa  Europa ay naging isang mapagpasiyang  panukala  sa kaniya  na  siyang sinundan at naging panuntunan  ni  Paciano  ng kaniyang  papag-aralin ang si Rizal sa Europa, ang kaniyang  Noli Me  Tangere ay naglaman ng isang magandang hanay ng kaisipan,  na binanggit ni Crisostomo Ibarra na ganito ang pagkakasabi:

Ngunit  ang kaniyang magandang pangitain ay  naglaho sa  kaniyang isipan habang papalapit siya  at  natatanaw ang  isang maliit na bunton sa Bagumbayan.  Ang  ulilang burol  na iyon sa isang sulok ng Luneta ang  bumihag  ng kaniyang  pansin at gunita. Pumasok sa  kaniyang  isipan ang  isang tao na gumising ng kaniyang kaisipan at  nagpaunawa sa kaniya ng kahulugan ng kabutihan at  katarungan. Ang mga kaisipan na itinimo sa kaniya ng taong iyon ay  totoong hindi napakarami, ngunit ito ay hindi  isang paulit-ulit  na walang kabuluhan, ito ay mga matibay  na pananalig na kaylanman ay hindi maglalaho sa liwanag  ng ningning ng progreso.

Ang  taong  iyon ay isang matandang  pari,  na  ang kaniyang mga salita ng pagpapaalam ay tila muling  bumabalik sa kaniyang mga pandinig. Huwag mong kalilimutan na ang  kaalaman  ay  pamana sa sangkatauhan,  at  ang  mga magigiting lamang ang makapagtatamo noon, ito ang paala-ala  sa  kaniya. "Binalak kong ipasa sa  iyo  ang  aking natutunan mula sa aking mga guro, upang magawa iyon,  ay gumawa  ako  upang  ng paraan upang  madagdagan  pa  ang maisasalin ko sa sususnod na salinlahi. Gawin mo rin ang kapareho sa mga susunod sa iyo at pagyamanin pang  higit dahilan  sa  pupunta ka sa mas mauunlad  na  mga  bansa. Doon ay idinagdadg pa niya ng may ngiti, nagpupunta sila rito  (mga Espanyol at Prayle) dahilan sa paghahanap  ng kayamanan  pumunta  ka  naman sa  kanilang  bansa  upang hanapain ang kayamanan na kakaunti tayo! Ngunit pagkakatandaan  mo na hindi lahat ng kumikinang ay  ginto.  Ang matandang pari ay namatay sa lugar na iyon.

Hindi  maikakaila na sa labis na pag-idolo ni Rizal sa  GOMBURZA  ang kaniyang nobelang _El Filibusterismo_ ay inihandog  niya sa tatlong paring martir.

Sa kabilang dako kritikal din si Rizal sa kaniyang pag-idolo kay Burgos, sa nasabi ring sulat kay Ponce ay ipinahayag niya ang ganito:

"Kung sa kaniyang kamatayan ay nagpakita ng  katapangan si Burgos na katulad ng kay Gomez, ang mga  Pilipino ay  maaring  maging  kakaiba kaysa  sa  kasalukuyan.  Sa kabilang  dako, walang nakakaalam kung ano  ang  ating ikikilos  sa  ganoong pagkakataon, at maaring  sa  aking sarili na nangangaral at nagmamalaki ng labis, ay  maaring  magpakita  ng higit na takot kaysa  kay  Burgos  sa harap  ng  ganoong krisis. Dahil para  kay  Burgos,  ang buhay  ay  kawiliwili, at nakakasuklam  ang  mamatay  sa andamyo ng bitayan, na napakabata at ang ulo ay  punong-puno ng mga kaisipan...

 

Sinundan Hanggang Libingan_

Gaano  ang  tindi ng inpluwensiya ng idolo sa  umiidolo.  Sa kaso ni Rizal at ni Burgos at maging ng GOMBURZA ay  manghihilakbot  ang mambabasa kung iisipin ang pagkakatulad ng aksidente  ng kasaysayan.

1. Si Jose Burgos ay isinangkot ng mga Espanyol at prayle sa pag-aalsa  sa  Cavite noong 1872. Samantalang si  Jose  Rizal  ay isinangkot  ng mga Espanyol at prayle sa himagsikang Pilipino  ng 1896.

2.  Si Jose Burgos ay nilitis at hinatulan ng  kamatayan  ng hukumang militar noong 1872 sa loob ng Kuta ng Santiago, samantalang si Jose Rizal ay nilitis at hinatulan ng kamatayan ng  hukumang militar sa loob din ng kuta ng Santiago noong 1896.

3. Si Jose Burgos at Jose Rizal ay kinitilan ng buhay ng mga misteryoso at hayagang puwersa ng reaksiyonismong Espanyol sa Bagumbayan,  ilang metro lamang ang layo sa pinagbitayan sa  tatlong paring martir at pinagbarilan kay Jose Rizal.

4.  Si Rizal ay namatay na kaedad ni Burgos (35  taong  gulang) na ayon sa kaniyang pag-aaring ganap sa kahinaan ng loob ni Burgos sa bitayan ay dahilan sa :

" ang buhay ay kawiliwili, at nakakasuklam ang mamatay sa andamyo ng bitayan, na napakabata at ang ulo ay  punongpuno ng mga kaisipan"...

5. Nang bitayin si Jose Burgos ay tumututol siya at kaniyang ipinahayag ang kaniyang pagiging walang malay sa ibinibintang  sa kaniya  sa  pamamagitan  ng pag-iyak at  pagsigaw  ng  kaniyang pagiging inosente sa krimen na ibinibintang sa kaniya. Ngunit sa huling sandali ni Rizal ang aktwasyon at kahinahunan ni Gomez ang kaniyang naging kaasalan sa harap ng  kamatayan. Pero nagpakita rin siya ng pagtutol at pagpapahayag ng  kawalan ng kaalaman sa krimeng ibinibintang sa kaniya sa  pamamagitan ng pagharap niya ng siya ay bariling patalikod.

6. Ngunit lalo pang nakapanghihilakbot na isipin kung  totoo ang  sinulat ni Wenceslao Retana, na ang puntod na  pinaglibingan kay  JOSE  Burgos sa Sementeryo ng Paco dalawamput apat  (24)  na taon  ang nakakalipas ay iyon ding PUNTOD na  pinaglibingan kay JOSE Rizal.

 

Ang artikulong ito ay inilathala ng FILIPINO MAGAZINE noong Hulyo 9, 1996.

Pahinang Rizal

Balintuna