SA
PAMAMAGITAN NG TELEPONO
Jose
Rizal
Noong taong 1900 ay kauna-unahang ikinabit ang Filipinas sa Madrid sa pamamagitan ng kawad ng telepono. Ito'y inilagay ng isang samahang pinamumunuan ng mga Ingless at mga Katalan. Ang samahang ito'y tinawag na The Trans-Oceanic Telephone Co. na noong kanyang kapanahunan ay lubhang napabantog sanhi sa mga kaisipang totoong pangahas.
Salamat sa lubos na kagalingan ng mga kasangkapan, ay maaaring mapakinggan buhat sa Madrid ang mga mahiwagang buntong-hininga ng mga prayle na nangagdarasal sa harap ng mga banal na larawan. Maririnig ang kanilang mga panalanging batbat ng mga pagmamakaawa, ang kanilang mga pangungusap na nagtataglay ng pagpapakumababa at pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. Maririnig sampu ng kanilang pasasalamat tuwing sila'y tumatanggap ng mga limos na bigas at tunsoy na ipinagkakaloob ng mga mamamayang habag na habag sa kanila sapagka't walang tigil ang kanilang pangingilin at pag-aayuno. Gayon na lamang kainam ng telepono na pati ng katahimikang naghahari sa mga silid-kainan, at ang langutngot ng pagngalot ng mga prayle ay maririnig, at sa pamamagitan ng mga ito'y tiyakang mapag-aalaman na kahit na ang pinakamatakaw sa mga prayle ay hindi kumakain nang higit pa sa limang subo sa buong maghapon.
--Kayhihirap at kaybabanal nitong mga paring ito!--ang bulalas sa Madrid ng mga makademokrasiya na nangabagbag ang loob.
--Kayhihirap at kaybabanal ng mga paring ito! Ang ulit ng telepono sa Pilipinas, at ang papuring ito'y inilathala sa lahat ng dako, sa mga bahay-pari, sa mga simbahan, at sa iba't iba pang lunan.
Nang ang papuring ito'y marinig ng mga prayle, ay lalo nang binawasan ang kanilang subo sa takot na baka may sino mang indiyong nagugutom. Tinuturuang bumasa at sumulat ang mga bata, at pilit nilang tinuturuan ng wikang kastila, bagama't ang pagtuturong ito'y ikinapagtitiis nila ng hindi kakaunting paglait at sampal ng mga magulang ng bata, dahil sa kapangahasang imulat ang mga mata ng mga batang yaon.
Purihin nawa ang Diyos!--ang itinutugon ng mga prayle kung sila'y sinasampal, sabay ng paghahandog ng kabilang pisngi. Ang lahat nang ito'y maging aalang-alang sa kapurihan nawa ng Diyos at ng Inang Espanya!
At pagkaallis na pagkaalis ng naghahari-hariang indiyo ay ipinagpapatuloy ng mga prayle ang pagtuturo, hanggang ang pamahalaan, sa sulsol ng mga magulang, ay hindi sila tagan ng pagtuturo. Ang pagtuturo ay isang mabigat na kasalanan, sapagka't ito'y nagsasapanganib sa kabuuan ng inang-bayan.
--Ang mga Ministro ng mga Lupaing Sakop sa Ibayo ng Dagat,--ang tawag, isang araw, sa Maynila buhat sa Madrid sa telepono ng prokurador ng mga prayleng Agustino--ang Ministro de Ultramar, sa kahilingan ng mga indiyo ay naghahandog sa ating korporasyon ng isang asyenda upang ang mga pare ay huwag mamatay ng gutom at mabuhay nang may kaunting kaluwagan. Ano ang isasagot sa kanya?
Inihatid ito ng telepono sa kumbento ng mga prayleng Aagustino.
--Hesus! Hesus! Banal na Diyos, Diyos na malakas, Diyos na walang kamatayan! Huwag mo kaming ipahintulot sa anumang tukso -- ang bulalasan ng lahat ng prayle nang kanilang marinig ang balita, kasabay ng pagluhod aat pagtatakip ng kanilang mga tainga.
--Panginoon, Panginoon -- ang hibik ng Paring Probinsiya!, na dinadagukan ang kanyang dibdib. Ang kanyang pagdagok ay totohanan at hindi pakitang-tao lamang, gaya ng ginagawa ng isang nagtatangkang luminlang sa mga nananampalataya upang ang mga ito'y makunan ng ilang kuwalta.-- Naipanganyaya ko ang kaluluwa ni Salvadorsito noong siya'y ipadala ko sa Madrid upang magprokurador. Siya'y lubhang mabait, lubhang mababa ang loob, totoong walang pagmamarangya, totoong tapat ang loob, totoong walang kibo, totoong malinis, totoong mapaniwalain noong siya'y naririto pa ! Ngayon, siya'y napariwara! Magmungkahi sa amin ng ganyang mga panukala…na lubhang makasalanan! Naku! Ay! naku! Domine, quare derelequisti eum, Panginoon, bakit siya'y iyong pinabayaan?
At ang buong kumbento ng San Agustin ay naghihibikan, nagdaragukan sa dibdib aat naghahampasan ang isa't isa upang makapagsisi ng kanilang kasalanan at mapabalik sa tuwid na landas ang kaluluwa ni Salvadorsito Font.
At sa Madrid ay naririnig (sa pamamagitan ng telepono) ang kaguluhan sa kumbento ng San Agustin. At ang mabait na si Salvadorsito Font, dala ng kanyang pagkapaniwalain ay nabulalas;
--Baka pa kaya ibinilanggo na ang lahat ng aking mga kapatiiid dahil sa pagtanggi nilang bumasa ng mga aklat na inilalathala ng mga indiyo laban sa kanila-- mga aklat na umaalipusta sa kanila, nguni't may pahintulot naman ng mga may kapangyarihan sa sinmbahan! Kung aalagatain ng lahat, ay mabuti nga iyon! Sino baga ang nag-uutos sa kanilang sumagot at tumugon?
Kaming mga tagatulad at mga alagad ni Kristo, kung kami'y nilalait sa mga aklat, ay dapat kaming piliting bumasa ng mga ito, lalo na kung pinagkalooban ng mga indulhensiya. Dapat din kaming pagbawalang sumagot o magtanggol sa aming sarili. Para sa bagay na ito'y may panata kami ng pagpapalalo…Ngayon din ay sasadyain ko ang Ministro upang mamanhik sa kanyang iutos niyang ipahagupit ang sinumang pare as aking relihiyon, na dahil sa kapalaluan ay hindi umaamen sa lahat ng bagay, at hindi gumagalang sa katotohanan. Sa ganitong paraan ay makikita nila, na bagama't ako'y hangal, ay hindi naman ako kinukulang ng pagmamahal sa Katarungan…
At hinanap niya ang kanyang mga sapatos na butas-butas, sapagka't ang nakasuot sa kanya ay walang suwelas. Dapat na maglakad ang mabait na Agustino hanggang sa tanggapan ng Ministro, sapagka't wala siya kahit na pambayad sa trambiya. At gayong siya'y nagpanata ng pagpapayaman!
--Salvadorsito, Salvadorsito!-- ang sigaw buhat sa telepono.
Nakilala ni Salvadorsito ang tinig ng Prayle Probinsiyal, at siya'y nanginig. Si Salvadorsito ay lubhang masunurin.
--Mag-utos po ang inyong pagkaama!-- ang isinagot niya, at siya'y nanikluhod sa tabi ng telepono upang sa ganitong anyo ay lalo siyang maging mapitagan, bagama't ito'y ipinagbabawal sa kanya ng panata ng pagpapalalo.
--Bakit pinahintulutan mong ikaw ay tuksuhin ng kaaway ng kasamaan? Bakit mo ikinalugod, kahit na sa isang saglit lamang, ang panukalang tayo'y pagkalooban ng isang asyenda?
Bakit, anak ko? Hindi mo ba nakita na sa panukalang iyan ay nagtatago ang isang silong iniumang sa atin ng kaaway? Walang pagsalang ang panukalang iyon ay nagbuhat sa sinumpang si Rizal, upang sa gayong paraan ay yumaman tayo, maging palalo, makapangyarihan at mahilig sa kalupaan. Hindi mo ba nalalaman na ang sawimpalad na taga-Kalambang iyan ay walang minimithi kundi ang tayo'y tumupad sa ating mga panata na magpayaman, magpalalo, at magmahalay, na sa atin ay iniatang ng mga lapastangang nagtatag ng ating relihiyon? Kaya nga, huwag kang makikinig na muli sa ganyang mga handog. Naiintindihan mo ba?
Dito kami'y hindi lamang gumagawa at nagtatayo ng mga simbahan sa tulong ng aming mga bisig. Hindi lamang kami nagtatanim at sumasaklolo sa mga dukha. Ang kaunting sa amin ay ibinibigay ay ipinagkakaloob pa namin sa mga mayayaman aat sa mga nagmamataas upang kami'y lalo nilang pagmalupitan, upang ang kanilang kasakima'y mag-ulol at kami'y kanilang pagsamantalahan at paghiraping lalo't lalo, at upang kami'y ikulong nila sa mga bilangguan, ipatapon at iba pa… Sa ganitong paraan ay napalalaganap namin sa lahat ng dako ang kautusan ni Kristo at naipangangaral namin sa mga pulo na sa amin ay pinagtatapunan, at kumakapal ang tumutulad sa amin…Kaya naman wala ni isa mang igorote, wala ni isa mang hindi sumasampalataya kahit na sa mga bulubundukin, at lahat-lahat din ay nagsasamantala sa amin gaya nang kinamihasnan ng mga kristiyano.
Ang nararapat mong imungkahi sa Ministro upang magtagumpay ang ating aral ay ito: na nararapat nilang parisan ang mga "pretor" ng mga romano, at sila't magpadala rito ng mga tagapamahalang malulupit, mahihilig sa dugo, mangagsisiyurak sa mga batas at mangag-uusig sa atin. Sa ganyang paraan ay magigising ang mga nahihimlay, magiging matibay ang mga nanghihina, at mapupukaw ang pansin ng mga nagwawalang-bahala, na sadyang marami, napakarami ang bilang…Tandaan mo na upang maipagwagi ang alin mang mithiin, ito'y nararapat na pag-usigin…Hayo na at kami'y iyong ipausig! Samantala ay ipinarurusa ko sa iyo, palibhasa'y hindi ka naman hambug o komedyante, na ikaw ay magparetrato sa iba-ibang katayuan, datapuwa't lagi na sa isang lagay na parang ikaw ay nagninilay-nilay at sumusulat ng isang pangaral, may tangang panulat at nasa tabi ng isang ilawan. Huwag mong limuting ikaw ay dapat magsalamin sa mata kahit na hindi malabo ang iyong mga mata. Naiintindihan mo ba? Ipakikita mo ang iyong retrato sa madla, upang ang lahat ng tao ay magwika, kahit hindi nila pinaniniwalaan: "Lubhang palaisip siya!nararapat na maging isang dakilang mananalumpati itong si Salvadorsito Font! Lagi na siyang sumusulat ng mga pangaral! Halos wala na siyang panhon upang magpakuha ng larawan! Ang bagay na iyan ay magapapasakit sa iyo, sapagka't kahit na ikaw ay may panatang magpayaman, magpalalo, at magmahalay, ay hindi mo pinapansin ang mga yaon… Huwag mong limuting magpakuha ng larawan sa katayuang nagninilay-nilay at parang komedyante, hane! Patnubayan ka nawa ng Diyos!
--Sundin ang loob ninyo! --ang naihibik ni Salvadorsito na lubos ang pagsang-ayon, at ang buong bahay niya'y napuno ng paghihimutok.
Totoong napakababa ng loob ni Salvadorsito, na kanyang ikinahahapis ang kaisipang siya'y humarap sa tao kahit na sa pamamagitan lamang ng larawan. Dahil din sa kanyang kababaang loob, kung kinakailangang siya'y mangaral, ang tinig niya'y pinalalaki't pinalalalim upang matakot ang mga nakikinig at mangag-alisan.
--Salvadorsito, Salvadorsito!--ang sigaw na muli buhat sa telepono.
--Mag-utos po ang inyong pagkaama!--ang tugon ng mabait na prokurador. Ngayon ay dumapa siya upang lalong mapitagang mapakinggan ang kanyang probinsiyal.
--Isamo mo sa Ministro na huwag gawing Obispo si Pray Rodriguez. Sabihin mo sa kanya na si Pray Rodriguez ay abalang-abala sa paghahanap at pagbuo ng mga salitang hango sa salitang "Kalamba", gaya ng mga Kalambano, Kalambaino, Kalaino, Kalainos, Kung makikita mo lamang kung gaano ang tinitiis niyang hirap upang maisagawa ang bagay na ito! Para bagang ikinalulugod niyang tutoong pagpawisan. Wala siyang panahon upang mag-obispo, bagama't siya'y magiging magaling na obispo, sapagka't pinarusahan siya ng ating Amang si San Agustin na maging hangal sa buo niyang buhay. Alang-alang sa Diyos, ay huwag nawa siyang gawing obispo!
--Hindi po ang Ministro ang nagtatangkang pag-obispuhin siya. Ang nagtatangka po niyaon ay ang mga paring dominiko na nagnanais iwasan ang tungkulin, sa udyok ng kanilang diwang mapagpalalo!--ani Salvadorsito.
--Kung gayon, ay sabihi mo sa Ministro, na kung sa pag-o-obispo ay wala nang tatalo pa sa mga prayleng dominiko. Dito'y may nakikilala akong isang prayleng dominiko na lubhang kaibigan ng mga indiyo aat lubha ring kaaway ng ating banal na pananampalataya. Ayaw siyang makilahaok ang mga insik sa mga seremonya, gayong alam niya na pag-alis na pag-alis ng insik sa bansa, ay tinatalikdan ang pagkakristiyano, palibhasa'y ang insik ay nagkikristiyano lamang sa udyok ng sariling kapakanan. Ang mga kristiyano, habang sila'y lalong sumasama ay lalong mabuti. Ito'y nababatid ng mga prayleng dominiko, at kahit na pagkalooban at handugan sila ng salapi ng mga insik ay hindi nila tinatanggap. Ba! Hindi po!
Sinisikap ng mga prayleng dominiko na ang mga indiyo ay huwag makipag-alitan sa mga mestiso, ni ang mga mestiso sa mga insik, at ito'y nalalabag sa maliwanag na kautusan ni Hesukristo na paghati-hatiin upang makapaghari. Dahil sa pagsaway nilang ito'y nararapat na sila ang gawing mga obispo. Dapat itanim sa kanilang ulo ang isang mitra bilang tanda ng kapalaluan, at sa ganito'y matutulad sila sa mga paring asiryo at persa na nangakasuot ng mitra. Sinusunod ng mga dominiko si Maquiavelo, ang sinumpang si Maquiavelo, na nagsabing karapatang ipangaral ang kapayapaan at pagkakasundo. Tungod sa pagkakasundo, alam mo ba, Salvadorsito, na dumalaw si Pari Baldomero at isa pang pari sa Colegio de la Concordia; baka sakaling nalimutan mo na,…ang kolehiyong ito'y para sa mga dalagang bagong-sibol na nangag-aaral; gaya ng mahihintay, hindi sila pumasok sa silid-tulugan samantalang nangagbibihis o nangagpapalit ng damit ang mga dalaga, at sa ilang pagkakataong sila'y nakipag-usap sa mga kolehiyala, ang pakikipag-usap na ito'y hindi sa dilim, hindi sa likod ng mga pinto, at hindi malayo sa mga kasamahan… Ay! kay tindi ng pasakit na kanilang tiniis…Ay! sila'y totoong malinis, totoong banal, at totoong matimpi ang kanilang kalooban! At ang mga madre naman ay totoong mahihigpit, hindi marunong magpa-irog, at hindi marunong magpaumanhin! Sa buong panahong naroon sila sa kolehiyo ay walang napag-usapan kundi ang Diyos! At namalagi silang halos maiyak aat nangagdadalamhati!
--Aray! Naku! Aray!
--Ano ang nangyayari sa iyo, Salvadorsito?
--Aalisin na po ninnnyo ako sa pagka-prokurador, sapagka't dito'y tinitiis ko rin ang katulad ng tiniis nina Baldomeroo aat ng kasama niyang pari sa kolehiyo ng mga dalaga. Kay daming magagandang dalagita at dalaga!….Aray! Gusto ko na pong bumalik sa Maynila! Ang Madrid ay napariwara.
--Datapuwa't dito'y ibibilanggo ka ng mga indiyo at ikaw ay ipatatapon kahit na walang sumbong laban sa iyo! Sukat ang sumulat ng isang lihim na pabatid ay. . .
--Kahit na po!
--Ikaw ay mamamatay ng gutom at hindi ka makasasakay sa karwahe!
--Dito'y naglalakad lamang po ako.
--Dapat mong malaman na dito ay dapat kang magpugay sa mga indiyo at kung hindi ay uusigin ka at ipatatapon.
--Kahit na po! Minamabuti ko po ang lahat nang iyan kaysa mabuhay sa piling ng mg babaing…magaganda.
--Dapat mong malaman na kung hindi ka magbibigay-loob sa lahat ng bagay na manais ng gubernadorsilyo ay pararatangan kang kalaban ng mga kastila.
--Tututol po ako, sasabihin kong minamahal ko ang Espanya.
--Hindi ka paniniwalaan, sapagka't ang mga indiyo ay totoong mayayaman at nangaglalathala ng mga aklat na pinagtitibay ng mga maykapangyarihan laban sa mga prayle…
--Kung gayon po, ay ano ang nararapat kong gawin? Ano po ang gagawin ko?
--Mamalagi ka riyan sa pagka-prokurador!
--Ay!
--Magregalo ka ng mga bagay-bagay na galing sa Tsina at sa Hapon sa mga Minsitro, sa mga Kinatawan, at sa mga Senador upang matamo ang ating mga layon.
--Opo! Iyan nga! Tulad ng ginagawa ng mga insik! At ano pa po?
--Hintayin mong gawin kang obispo!
--Ay! Ay!
--At pagkatapos ay Kardenal!
--Naku! Naku! Naku po!
--Datapuwa't, sa ngayon ay dapat mong sikaping magkaloob ang pamahalaan ng mga kurus, mga asyenda, at mga tungkulin sa ating mga kaaway…
--At kung sandatahan po nila ang
isang paghihimagsik, at sabihin nilang tayo ang may gawa niyaon, sapagka't
tayo'y mga bistirupelo?
Katahimikan.
--Ano po ang sasabihin ko tungkol sa bistirupelismo? --ang tanong ni Salvadorsito.
Katahimikan.
--Pari Probinsiyal? Ano po ang
tungkol sa bistirupelismo?
--A! ang bistirupelismo? --ang sa wakas ay isinagot ng isang tinig.-- Sabihin mo sa Mnistro na wala ng bagay na iyan, datapuwa't kung nais niyang magkaroon, ay sukat nang siya'y maniwalang mayroon at magkakaroon. Sabihin mo sa kanya na marami na tayong tiniis, tinitiis, at titiisin pa. Datapuwa't palibhasa sa buhay na ito'y walang anumang bagay na walang katapusan ay magkakaroon din ng hangga balang araw, ang ating mga pagtitiis, at ang araw na iya'y dili iba kundi kung tayo'y mapapaniwala na ang pamahalaan ay kumakatig sa ating mga kaaway.