Alamat ng Matsing (Foreign Legend) p. 99
Alamat
ng Sampaguita
May
isang malaking asyenda noong araw na pag-aari ng mag-asawang Don Miguel at
Donya Salome.
Masaya ang mga tao sa asyendang ito dahil sa napakabait ng mag-asawa.
Sina
Don Miguel at Donya Salome ay napakamatulungin sa kanilang mga trabahador at
nasasakupan, kung kaya’t ang lahat ay nagmamahal sa kanila.
Subalit
maagang pumanaw ang mag-asawa, kung kaya’t naiwan ang asyenda sa kanilang
ampon na isang napakasamang tao; siya ay si Damian.
Naging
mahirap ang buhay ng mga trabahador mula nang si Damian na ang namahala at
nagpatakbo sa asyenda. Palagi na silang kinakapos sa pagkain dahil si Damian ay ubod nang
sakim at ganid.
Ang
mga trabahador ay nagtipun-tipon at bumuo ng grupo upang makiusap kay Damian
na ibalik ang dating patakaran ng mga magulang nito.
Si Mang Jose ang napili ng mga tao na maging lider nila, upang
pangunahan ang pakikipag-usap kay Damian.
Si
Mang Jose ay may anak na dalaga na ubod nang ganda; siya ay si Guita.
At si Damian ay umibig nang labis sa kagandahan ni Guita. Subalit si Guita ay mayroon nang iniibig; ito ay si Adon.
At
nang makapag-usap si Mang Jose at si Damian ay nabigla ang ama ni Guita sa
sinabi ng senyorito.
“Pagbibigyan
ko ang kahilingan ng mga trabahador, kung magpapakasal sa akin ang anak mong
si Guita.”, ang matigas na wika ni Damian. Nalungkot si Mang Jose sa
narinig. Alam niyang sina Guita at Adon ay labis na nagmamahalan.
Tumanggi
si Mang Jose sa sinabi ni Damian dahil hindi niya kayang saktan ang damdamin
ng anak.
Nagalit
si Damian, at pinalayas nito sa kanyang tahanan si Mang Jose, sampu ng mga
kasama nito. Mula noon ay lalo pang naghirap ang mga tao sa asyenda.
Minsan,
muling nagtagpo ang magkasintahang Adon at Guita sa ibabaw ng burol.
“Guita,
kung sa tingin mo ay liligaya ka, kung tatanggapin mo ang alok ni Senyorito
Damian , nais kong malaman mo na kahit masakit sa loob ko ay tatanggapin ko.”,
ang malungkot na wika ni Adon.
“Hindi
mahal ko! Ikaw lamang ang iibigin ko. Sa iyo lamang ako liligaya.”, ang wika naman ni Guita.
Nang
walang anu-ano’y bigla na lamang sumabat si Damian na naroroon na pala
kasama ang dalawa niyang tauhan.
“Sa
ayaw at sa gusto mo, ikaw ay magiging akin, Guita!”, ang tila demonyo na
wika ni Damian. At agad na kumilos ang dalawang tauhan upang saktan si Adon na
ginamit naman ang lakas upang lumaban.
At
napatumba ng kamao ni Adon ang dalawang tauhan ni Damian, na agad namang
bumunot ng baril at pinaputukan ang kasintahan ni Guita. Bumagsak sa lupa si Adon.
“Dios
ko! Adon!”, ang sigaw ni Guita na agad namang niyakap ni Damian at
kinulong sa kanyang bisig.
“Napakawalanghiya
mo talaga!”, ang sigaw ni Guita at nanlaban ito. Sa panlalaban ng dalaga, silang dalawa ni Damian
ay nahulog sa burol.
Tuloy-tuloy
bumulusok sa kanyang kamatayan si Damian. Si Guita naman ay nakakapit sa mga ugat ng puno sa gilid ng burol.
“Tulungan
n’yo ako!”, ang sigaw ni Guita, dahil nararamdaman niyang malapit na
siyang maubusan ng lakas at makabitaw.
Kahit
nanghihina, pilit gumapang si Adon papalapit sa gilid ng burol. Inabot nito ang kamay ni Guita at sumigaw ng …
“Sampa
Guita! Sampa Guita!”
Ngunit
iyon na ang huling salita ni Adon sapagkat binawian na ito ng buhay. Naiyak si
Guita. Hindi na niya alam kung nais pa niyang mabuhay nang mga sandaling
iyon.
Samantala,
nakaakyat na ng burol ang mga taong nakarinig sa putok ng baril.
Pagdating
doon, ang dalawang tauhan lamang ang nakita nila. Nang tingnan nila sa ibaba ng burol ay katawan lamang ni Damian ang
kanilang natanaw.
Kasabay
niyon, nakaamoy sila ng napakabangong halimuyak. At nang sundan nila ang pinagmumulan ng amoy, nalaman nilang buhat
ito sa mga puting bulaklak ng mga halamang tumubo mula sa ibabaw ng burol
patungo sa gilid nito; mga halamang ngayon lamang nila nakita.
Naging
isang misteryo ang paglalaho ng magkatipan na Adon at Guita. At bilang pag-alala sa kanilang pag-ibig na kasing -busilak ng puting
bulaklak ng halaman sa burol, tinawag nilang “Sampaguita” ang halaman
dahil ito ang huling salita na narinig nila noon bago nakaakyat sa burol.
At
sa pagkamatay ni Damian, muling nanumbalik ang saya at kasaganahan sa buhay
ng mga tao sa asyenda.
At
minsan pa, pinatunayang ang kasamaan ay hindi nagtatagumpay. At ang pagiging ganid at sakim ay nagdudulot lamang ng kasawian.