ANG SINING AT MAKASINING
ni Elito V. Circa

BILANG ALAGAD NG SINING

May Pilosopiya sa Buhay - ito ang siyang tumutulong sa pagtahak ng tao sa kanyang buhay. Panuntunan at daan na sinusunod sa pagtahak at paghahanap ng kahulugan ng buhay. Ang Pilosopiyang ito ay matatagpuan at mauunawaan lamang kung kilala mo na ang iyong sarili. Sa paghahanap ng sarili nangangailangan ito ng pakikisalamuha sa ibang tao, maging mahirap man o mayaman. Kilala mo naba kung sino ka?

May mga Pilosopiyang mahirap maarok dahil ang mundo ng taong maytaglay nito ay baliktad at mahiwaga. Tulad ng isang alagad ng sining na ang paniniwala sa buhay ay nahahambing sa isang bilog na walang katapusan.

May Istilo sa Paggawa - sa paggawa ng sining-biswal nararapat lamang na may istilo (style) kung paano gagawin ang isang sining-biswal. Ang ibang alagad ng sining ay gumagamit ng kamay o daliri sa pagguhit, ang iba naman ay brush at ang iba naman ay bibig o paa. Mayroon ding kakaibang kagamitan tulad ng mga dahon na tuyo at mga katas ng halaman sa pagbuo ng mga natural na kulay.

Sa pamamagitan ng Pilosopiya sa buhay unti-unting natatagpuan ng makasining ang kanyang istilo. Tulad ng isang Dibuhista na ang paniniwala o Pilosopiya ay - ang buhay ay bilog, pag ang tao ay pumanaw na sa mundo, babalik at babalik mula sa ibang katauhan. Kung kaya ang mga ginagamit nito sa pagdi-dibuho ay puro hugis bilog.


ANG ALAGAD NG SINING

Ano nga ba ang pagiging Alagad ng Sining?
Mapag-isip sa lalim ng buhay at pilit na tumutuklas sa hiwaga ng kanyang pakatao. May mga kaisipang di pangkaraniwan na naiiba sa paniniwala ng nakakarami. May paninindigan sa sariling pagpapaliwanag ng kahulugan ng buhay. Mga hindi maarok na gawain nagpapasigla sa kanyang damdamin. Mapag-sakripisyo sa ikagaganda ng buhay ng kapwa.

ALAGAD NG DIYOS
Ano ang tungkulin ng isang Alagad ng Sining?
Sila ang daan ng paghahatid ng balita ng kalikasan, ng mga espiritu, at kalawakan. Sila rin ang taling nag-uugnay sa noon at pangkasalukuyan kaalaman.

Sino ba ang tunay Alagad ng Sining?
Lahat tayo ay alagad ng sining ngunit iba-ibang kaisipan at paggawa. May mga Natural at may Artipisyal na alagad ng sining.
Ang mga Natural na alagad ay yaong gumagawa ng pang-araw-araw na sining tulad ng pagluluto, pakikipag-usap, pag-aaral, pagtulog, pagtatrabaho at iba pa.
Ang Artipisyal na Alagad ay yaong gumagawa ng nobela, nagdadrama, nagpipinta at kumakanta.

Kung sabihin ng iba na ang aking mga gawa ay gawa ng isang bata ito ay aking ikatutuwa. Dahil ang mga batang nagsisimulang humawak ng lapis, nagsisimulang kumembot at nagsisimulang kumanta ay mga tunay na alagad ng sining sa dahilang hindi nila alintana kung pangit o maganda ng kanilang ginagawa basta ang nais nila ay maihayag ang kanilang saloobin at damdamin, at maligaya sila sa kanilang ginagawa.

"Bakit siya magaling magdibuho ng mukha ng tao?" Ito ay pangkaraniwang tanong na kung sasagutin ay madali lamang. Sa nakadama na ng kahulugan ng sining, ang tanong na ito ang mahirap sagutin. Nangangailangan pa ito ng paglalakbay ng buhay at pa-salin-salin na karanasan. Maaaring ang taong may taglay nito ay kung ilang ulit nang nabuhay sa mundong ito. Maaaring sa una niyang buhay ay natutunan niyang magdibuho ng ilong, sa pangalawa niyang buhay ay natutunan niyang magdibuho ng mata, sa ikatlong buhay natutunan niyang magdibuho ng bibig, sumunod na buhay ay tainga hanggang sa kasalukuyan natuto siyang ihubog ang kabuoan ng mukha.
Sa haba ng karanasan sa pasalinsalin na buhay, lalong lumalalim at kaiba ang pagtahak at paniniwala ng isang alagad ng sining sa buhay. At ang tanging makauunawa lamang sa kanya ay ang taong paulit-ulit na ring nabuhay.