++Articles++

Heart: Mas matimbang si John kesa kay Lucky
Nitz Miralles from Journal Online

MAGANDANG balita sa fans nina Heart Evangelista at John Prats dahil hindi na lang sa Berks mapapanood ang kanilang favorite loveteam. Tuloy na ang launching movie nina Heart at John; this month ang start ng shooting. Hindi lang sure ang dalawa kung First Romance pa rin ang title nito.

Ang alam ni Heart, twin bill ang gagawin nilang film ni John at ‘yung isang episode ay sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo ang bida. Ang sabi naman ni John, baka maging trilogy ang pelikula, pero ‘di pa niya alam kung sino’ng pangatlong loveteam na ilu-launch ng Star Cinema.

Samantala, since February pa pala nanliligaw si John kay Heart. Hindi alam ni Heart kung kailan niya sasagutin ang young actor. Wala raw kinalaman si Lucky Manzano kung bakit hindi pa tinatanggap ni Heart ang pag-ibig ni John.

"Siguro dahil bata pa kami, kaya ayaw ko pang magka-boyfriend. Takot din akong magka-boyfriend dahil baka masaktan lang ako. Pareho kaming nasa showbiz ni John at magulo rito. But I could be a good girlfriend kung commitment ang pag-uusapan dahil loyal ako. But we’re still young to have a relationship. Paano kung ma-realize naming ‘di talaga namin love ang isa’t isa at nagpadala lang kami sa tuksuhan? Kaya, mas maganda kung pareho kaming maghihintay," sabi ni Heart.

Wala rin namang dapat ikatakot si John dahil, ayon kay Heart, kaibigan at barkada lang niya si Lucky. Kilala na ni Heart si Lucky mula nu’ng Grade IV siya dahil friend ito ng kanyang sister.

"Mas matimbang si John sa akin kesa kay Lucky. May magic at kilig sa amin ni John. Magtinginan lang at mag-smile kami’y may magic na at ‘di ko ikinahihiyang aminin ‘yan," pahayag ni Heart.