Araw ng Sabbath o Linggo

Araw ng Sabbath o Linggo?

 

Anong araw ang dapat ipangilin natin? Ang nakasaad sa Genesis 2:2-3 na binasbasan ng Diyos ay ang ikapitong araw! Kailan at ano ang ikapitong araw? Ang araw ba ng Sabbath ay para sa Hudyo at sa mga anak ni Israel? Saan sa Banal na Kasulatan ipinaguutos ang araw ng Linggo? Basahin ito upang mamulat sa katotohanan!

 

Akda ni Enrique M. Gabuyo

 

     Mayroong programang pang-relihiyon na tinanong patungkol sa Sabbath. Ito ay ang “Ang Dating Daan” na ang tagapagsalita ay si Eliseo Soriano. Maraming namamangha sa galing ng pastor na ito at may mga bagay sa Bibliya na napapaliwanag niya ng matuwid. Subalit nang itanong ang Sabbath kung ito’y para sa Kristiyano ngayon ay hinayag niya ang sagot na kahalintulad na maririnig natin sa mga Katoliko at Protestante. Bakit?  Sapagkat sila rin ay nagtitipon tuwing araw ng Linggo upang sumamba gaya ng karamihang relihiyon. Ayon a kaniya, ang Sabbath ay para sa mga anak ni Israel (Hakob) lamang. Ito’y sa pagpapaliwanag na si Kristo ay hindi sang-ayon sa Sabbath sa pamamagitan ng pagkastigo sa mga Pariseyo! Ayon sa kanila, binago ni Kristo ang kautusan ukol sa Sabbath at isinaad niya sa Markos 2:28 upang ipakita na ang Panginoon ng Sabbath na si Kristo ay mayroong karapatang baguhin at palitan ang araw ng pagtitipon. Gaaon katotoo ang paliwanag na ito? Ano talaga ang laman ng inyong Bibliya? Paano naging Panginoon si Kristo ng Sabbath na pinawalang-bisa Niya?

 

    Karamihan sa atin ay lumaki at nag-aral sa mga paaralan na iminulat a atin na ang araw ng pangilin ay Linggo. Hindi sumagi sa ating isipan kung paano napili o nagsimula ang pagsamba sa araw ng Linggo. Marami marahil ang walang panahon sumaliksik o buksan at basahin ang Bibliya upang malaman ang pawing katotohanan. Ito’y kusang tinanggap ng sanlibutan dahil sa Sali’t-saling sabi (traditions) ng mga ninuno, magulang, guro, kapamilya, at marahil mga saserdote ng simbahan. Ang pagsamba tuwing araw ng Linggo ba ay ipinaguutos ng Diyos o hindi? May makapagpapatunay ba na itinatag na ng Diyos na ipangilin ang araw ng Linggo? May talata ba at sitas tayong makikita na tuwirang iniutos ang ipangilin ang araw ng Linggo? Mapapatunayan ba ng mga Protestante (Evangelicals, at iba pa tulad ni Eliseo Soriano) na ang kanilang paniniwala ay hango sa Bibliya?

 

     Nakagugulat man sabihin ngunit ang simbahang Katoliko ay INAMIN at HINAMON ang mga Protestante na nagmamalaki na ang lahat ng kanilang paniwala at ginagawa ukol sa pananampalataya at hango sa Bibliya, “na ang pagsamba at pag-ngilin ng araw ng Linggo ay isang pagsunod sa papa sa Roma at hindi sa isang kautusan ng Diyos na makikita sa Bibliya” (Rome’s Challenge! Why Do Protestants Keep Sunday? By James Cardinal Gibbons, September, 1893)!

 

     May katibayan ba naman ang pag-ngilin sa araw ng Sabbath sa Bagong Tipan?

 

Si Hesus at Ang Utos

 

     Nang itinatag ni Hesus ang iglesya Niya (Mateo 16:18) para sa mga susunod sa kaniya simula noong 31 A.D. ay nabago ba ang araw ng pangilin? Nabago ba ang araw ng pangilin ng mga sumunod at susunod kay Kristo kaysa sa mga Hudyo? Ano ang layunin ni Hesus nang Siya ay nagging tao? Ang sinabi ni Hesus na natalata sa Mateo 5:17-18 ay ang sumusunod:

 

     “Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin. Sapagkt katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang tuldok o isang kudlit, sa anomang paraan ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay’” (Tagalog Old Version Bible).

 

     Ganito nakahanay ang Kaniyang sinabi:

1.      Huwag isiping sinira Niya ang kautusan (Laws) at ang mga propeta (Prophets). Ang ipinahihiwatig Niya sa kaniyang tagapakinig ay hindi Niya hangarin na ipasawalang-bahala ang mga kautusan at sulat ng mga propeta. Ang tinatawag nating bahagi ng Bibliya na “Lumang Tipan” ay nababahagi sa Kautusan (Laws), mga propeta (Prophets), at mga kasulatan (Writings)[Lukas 24:44]. Ganito ang tawag sa panahon ni Hesus na patungkol sa tinatawag natin ngayon na “Lumang Tipan.” Dito ay maliwanag na isinaad ni Kristo na ang mga nakasulat sa kautusan at sa mga propeta sa lumang tipan (Old Testament) ay mananatili.

2.      Pumarito si Hesus hindi para lang sagipin ang tao sa kaniyang kasalanan, pati na rin ang mga kautusan ay “ganapin.” Ang salitang ito sa wikang Griyego ay “pleroo” na ang sinasaad na diwa ay “panatiliing buo, lalong ipagtibay, ibalik sa totoo o tunay na hangarin.” Kaya si Hesus ay walang sisiraing kautusan kundi ito ay ibabalik niya sa tunay na hangarin ng Diyos-Ama sa pamamagitan ng kaniyang mga halimbawa at gawa na tutuparin din ng Kaniyang mga alagad. Ang sabi ni Hesus: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay nagsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig” (Juan 15:10).

3.      Hindi mawawala ang mga kautusan habang may nananatiling langit at ang ating daigdig. Naririyan pa ba ang langit? Umiikot pa ba ang ating mundo sa kalawakan? Oo! Samakatuwid, walang kautusan ng Diyos ang napapawalang-saysay sa Banal na Kasulatan. At ito’y mananatiling lahat hanggang “maganap ang lahat ng bagay.” Ito ay ang mga isinulat ng mga propeta at ni Moises na marami pa ang hindi nagaganap.

 

     Mayroon bang binago si Hesus? Wala! Ang kaniyang ginawa na makikita natin sa “Bagong Tipan” na kalimitan ay ginagamit ng mga pastor na hindi kinukuha ang buong diwa ng Bibliya upang patunayan na isinang-tabi na ni Hesus ang kautusan sa lumang tipan ay ang mga pagtuligsa Niya sa mga Pariseyo at mga Eskribano na sumusunod sa alituntunin ng lumang tipan. Ngunit kung ang buong diwa ng Bibliya ang ating tutunghayan ay makikita natin na tama ang sinabi ni Hesus na gaganapin Niya ang utos ng Ama sa pamamagitan ng pagtutuwid na BINALUKTOT na interpretasyon ng mga Pariseo sa pagtupad ng mga kautusan. Kinalaban din ni Hesus ang tradisyon na ipinataw ng mga Pariseyo na hindi man sumagi sa utak ng Diyos na ipinahiwatig nila sa kautusan (Markos 7:1-13). Ang ginawa ni Hesus ay ibalik sa orihinal ang tunay na intensyon ang mga Kautusan ng Ama at hindi upang tanggalin sa mga Kristiyano (Isaias 42:21).

 

Ang Sabbath at Si Pablo

 

     Ngayon na nakita natin ang pananaw ni Hesus patungkol sa mga utos ng Diyos na ito’y kaniyang ipinagtibay, dumako tayo sa isang utos ng Diyos tungkol sa Sabbath. Magugunita natin sa Bibliya na si Hesus at ang kaniyang KAUGALIAN ay ang pumunta sa sinagoga TUWING ARAW NG SABBATH (Lukas 4:16). Ang “sinagoga” (synagogue) ay lugar kung saan nagtitipon ang mga mananampalataya sa tunay na Diyos ng Israel upang makinig ng salita ng Diyos (kabilang ang mga kautusan ng Diyos na naisulat ni Moises) at ito’y tuwing araw ng Sabbath (Mga Gawa 15:21).

 

     Si Pablo na isang apostol para sa mga hentil ang sinsabi ng mga pastor na hindi nakakaunawa ng Salita ng Diyos na hindi ipinatupad, lalo na sa mga hentil ang pag-ngilin ng Sabbath. Ito ay isang kasinungalingan at pagbaluktot sa katotohanan. KAUGALIAN DIN NI PABLO na pumasok sa sinagoga upang magturo tuwing Sabbath (Mga Gawa 17:2-3). Si Pablo din ang nagtuturo sa mga unang Kristiyano sa Antiyoke, Pisidya, Derbe, Iconiyum na matatagpuan sa Asya. Dito natin dapat Makita kung mayroon pagbabago sa kautusan sa Sabbath sa pamamagitan ng mga hentil na ito. Ngunit ito ang isinulat ni Lukas: “At pagalis nila [ng mga Hudyo], ay kanilang [ mga hentil] ipinamanhik na salitain sa kanila ang mga salitang ito [ang magandang balita] SA SABBATH NA SUSUNOD” (Mga Gawa 13:42).

 

     Bakit kailangan pa na sa susunod na Sabbath maulit ang pagtitipon? Bakit hindi gawing kinabukasan na ang araw ay Linggo? Ito na marahil ang pagkakataon ng apostol para sa mga Kristiyanong Hentil na ipatupad ang bagong kautusan na inilipat na ng Panginoon ang araw ng pangilin! Ngunit wala tayong nakita na ito nga ang naganap! Sapagkat kahit mga Hentil na sumusunod kay Kristo ay nangingilin sa raw ng Sabbath. At ang Linggo ay araw ng pagtratrabaho kaya’t sa mga taga Korinto ay sila’y inutusan ni Pablo na MAGSILID ng mga pagkain upang ipadala sa mga nasalanta ng tagtuyot, at sa kaniyang pagdating (hindi nakasaad kung anong araw) ay ito ay nakahanda na upang ipadala (I Korinto 16:2). Wala binabanggit ditto tungkol sa araw ng pagtitipon para sa Diyos, kundi sa pagtratrabaho sa “unang araw ng linggo”!

 

     Ang mga Hudyo at Hentil na sumasanig sa bayan ng Diyos upang maging tao ng Diyos ay sumusunod sa utos patungkol sa Sabbath (Ebreo 4:9). Kaya’t tinawag ni apostol Pablo ang iglesya na itinatag ni Hesus na “Israel ng Diyos” (Mga Taga Galacia 6:16). At pinatunayan din ni Pablo na ang mga hentil ay nararapat na maging bahagi ng Israel upang maganap ang lhat ng pangako ng Diyos kay Abraham, at sa pamamagitan nito ay dapat lamang siyang sumunod sa alituntunin ng Diyos (Sa Mga Taga Roma 11:11-24; Mga Taga Galacia 3:26-29). Hindi tinitignan ng Diyos kung ikaw ay Hudyo (tuli) o Hentil (di-tuli) kundi ang pagsunod sa kautusan Niya para sa ating kabutihan (I Korinto 7:19). Ito dapat ang mabasa ng ibang relihiyon!

 

     Ganito rin sa Lumang Tipan na walang ipinagbago sa Bagong Tipan, na ang hangarin ng Diyos sa iba’t ibang panahon na ang Sabbath ay hindi lamang para sa mga anak ni Israel kundi para sa lahat ng taong gusting sumunod sa Kaniya. Nakasaad sa Isaya 58:2-7 ay:

 

     “Mapalad ang taong gumagawa nito at ang anak ng tao na naghahawak ditto; na nangingilin ng Sabbath upang huwag lapastanganin, at nagiingat ng kaniyang kamay sa paggawa ng anomang kasamaan. At huwag din magsalita ang mga taga ibang lupa [Hentil], na nalakip sa Panginoon na magsasabi, ‘Tunay na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kaniyang bayan;…magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa Pangalan ng Panginoon’…upang maging kaniyang lingcod, bawa’t nangingilin ng Sabbath upang huwag lapastanganin at nagiingat ng aking tipan; Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan…”

 

Ang Tunay na Araw ng Pangilin

 

     Maliwanag sa Bibliya na ang araw na Sabbath ay ang ikapitong araw (Exodo 20:10). Ito ay hindi nagsimula kay Moises sapagkat nang ginawa ang mga tao, ang Sabbath ay kasunod niyang ibinigay sa ikabubuti ng tao (Genesis 2:2-3; Markos 2:27). Alam ng Diyos ang tunay na kahulugan at hangarin ng utos. At ito’y  para sa kabutihan ng tao at hindi isang pabigat na ginawa ng mga Pariseyo. Hindi ang utos patungkol sa Sabbath nas nakasaad sa lumang tipan ang gusto niyang alisin, kundi ang mga kautusang idinagdag ng mga Pariseyo na nagpabigat sa kautusan ng Sabbath na hindi minsan ipinataw ng Diyos (Mateo 23:1-4). Si Hesus ang “Panginoon ng Sabbath”! Bakit maraming pastor at relihiyon ang nagsasabing ito ay hindi na dapat sundin? Makatotohanan ba na alisin ni Hesus ang pangilin tuwing Sabbath lalo na’t siya ang Panginoon nito? Tama ang nakikita natin sa sinabi ni Hesus kung sino ang talagang nananampalatayang tunay sa Kaniya: “Sapagka’t kung kayo’y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; sapagka’t tungkol sa akin siya’y sumulat. Nguni’t kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang [Moises] mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita?” (Juan 5:46-47).

 

     At sino naman ang panginoon ng “araw ng Linggo”? At bakit marami ang sumasamba sa araw na ito? Ang ikapitong araw sa ating talaan (kalendaryo) ay Sabado. Ngunit ang araw ng Sabbath ay nagsisimula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa paglubog ng araw ng Sabado. Sa Bibliya, ang bagong araw ay nagsisimula pagkalubog ng araw (Genesis 1:5,8, etc.). Nakatutuwa na kahit sa ating wika ay napanatili natin ang salitang “Sabado” na hango sa “Sabbath.” Hindi maipagkakaila ang totoong araw ng pangilin.

 

     Bakit maraming sumasamba sa ika-unang araw na tinatawag nating “Linggo”? Ang Romano Katoliko ay nagpahayag noong 1893 mula sa “Catholic Mirror” ni Cardinal Gibbons na pinag-aralan nang husto ang Bibliya at sa kanilang pagsusuri ay lumabas ang katotohanan na ang Sabado ang ipinaguutos ng Diyos sa Bibliya na araw upang mangilin, sumamba, at magpahinga. AT ANG ARAW NG LINGGO AY KAILANMA’Y HINDI IPINAGUUTOS NG DIYOS UPANG MANGILIN! Isinaad din sa naturang limbagan na ang PAGSAMBA SA ARAW NG LINGGO AY ISA LAMANG KAUTUSAN NG PAPA SA ROMA (Council of Laodicea, 365 A.D.) na ang kaniyang salita ay sinunod ng karamihan upang umiwas sa galit at kapahamakan na ipapataw ng simbahang Katoliko! Sumunod ditto ang mga Protestante at ditto pinatunayan na ang paniniwala ng Protestantismo sa pagsamba tuwing Linggo ay hango sa kautusan ng Roma at hindi sa Bibliya. Smakatuwid, lahat ng sumasamba tuwing araw ng Linggo ar hango lamang sa tradisyon at kapangyarihan ng simbahang Katoliko at hindi sa ipinaguutos ng Diyos.

 

     Ito ang ipinahayag sa “Catholic Mirror” upang patigilin ang mga bibig ng mga Protestante na nagsasabi na sinusunod at pinaniniwalaan lamang nila ang Bibliya na pawing kasinungalingan. Si Martin Luther (ang nag-umpisa ng Protestantismo) din ay nagsabi na hindi na niya ipatutupad ang Sabbath upang maiwasan ang dagdag pagkakagulo ng mga Protestante laban sa Katoliko (Schaff-Herzog, Encyclopedia of Religious Knowledge, article “Sunday”). Gayon din ang sinaad ng Jehovah’s Witnesses na walang ipinaguutos ang Diyos na nauuko sa pagsamba tuwing araw ng Linggo (Reasoning from Scriptures p. 346, JW Publication). Ginawa nila ang pagsamba tuwing araw ng Linggo sa kadahilanang marami ang nakapupunta sa kanilang sambahan sa araw na ito kung ihahambing sa Sabado!

 

     Kayo, sino and susundin ninyo? Diyos o tao? {}