ARCHIPELAGO | FEATURES | TALK OF THE TOWN | TOP OF THE WEEK
| LITERARY | FORUM
BIYAHENG ESPANYA NI HEBER G. BARTOLOME Ang biyahe ko sa Madrid at Barcelona ay isang pakikipagsapalaran sapagkat wala akong kakilala roon. Ang kakilala ko lang ay isang artist na nasa San Sebastian. Sa Madrid ay nadukutan ako. Sa Barcelona'y nadama ko ang puso ng Pinoy. Hinati kong sa dalawa itong aking kwento. Uunahin ko muna ang ilang araw sa San Sebastian kung saan naalala ko ang panahon ng FQS at Diliman commune dahil sa mga Basque separatists doon. Biyaheng San Sebastian Nang kumuha ako ng visa patungong Paris, at nalaman kong ang visang itinatak sa aking passport ng French embassy ay pwede rin sa Spain, ipinasya kong pasyalan ang artist na si Tony Pajaro sa San Sebastian. Ang San Sebastian ay nasa gawing itaas ng Spain, sa ibaba ng France. Si Tony Pajaro ay kaeskwela ko sa U.P. Fine Arts. Mula sa Paris ay tinawagan ko si Tony upang bigyan ako ng direksyon patungong San Sebastian. "Ola?" "May ticket na ako patungo riyan. Alas singko ng hapon ang alis ng train dito sa Paris, darating sa San Sebastian ng 10:15 ng gabi." "10:15! Naku, male-late tayo. Ikinuha rin kasi kita ng ticket sa isang Spanish film. 11:00 pm ang last screening. May international filmfest ngayon dito. Narito sina Al Pacino. Pahirapan nga ang pagkuha ng ticket." "E di may 45 minutes pa tayo." "Bababa ka pa ng train. Uuwi pa tayo sa bahay. Matrapik ngayon dito gawa nga ng film festival. Pipila pa tayo sa sala. " "Anong sala?" "Sala ang tawag dito sa sinehan. Buti pa sa Irun ka na bumaba. Doon kita susunduin" "Irun?" "Oo. Yun ang unang bayan ng Espanya mula sa France. Nasa border. Sa Basque region. Katabi yon ng San Sebastian." "Okey, sige. Sige na't mauubos na pala itong aking telecard." Bullet Train Buti na lang at bullet train ang nasakyan ko. Mabilis. Limang oras lang mula sa Paris. Nasa Irun na ako. Madali naman kaming nagkita ni Tony sa loob ng train station. "Ola?" "Ola. Kumusta ka 'tol?" "Light traveller ka pala. Isang maliit na bag lang ang bitbit mo?. "Oo 'tol. Idol ko kasi si Kung Fu. Flute lang ang dala kahit saan magpunta." "Putris ka. Baka nagtututong na yang brief mo?" "Iniwan ko yung ibang gamit ko sa Paris. Babalik ako roon dahil dun manggagaling yung flight ko pabalik sa Manila." Sumakay na kami sa kotse ni Tony. Medyo maluwag pa ang trapik mula sa train station ng Irun, pero nagsimulang magsikip papasok sa sentro ng San Sebastian. Parang tourist guide si Tony na ipinapaliwanag sa akin ang bawat madaanan namin. Malayo ang aming pinaradahan. Punong-puno ng mga nakaparadang sasakyan ang kaliwa't kanang gilid ng mga kalye. Malayo ang aming nilakad patungong sinehan. "Ipinagbaon tayo ni Milette ng sandwich dahil alam nyang kung dadaan pa tayo sa bahay para maghapunan e hindi na tayo aabot sa sine. Kainin natin ito sa loob ng sala o habang nakapila tayo sa pagpasok." "Kumusta si Milette?" "Nagtuturo pa rin siya sa isang English school." "Marami bang Pinoy dito?" "Konti lang. Marami sa Madrid saka sa Barcelona. 20 years na kami rito. Yung isang kapatid ni Milette, si Estela, mas matagal pa. Binata't dalaga na yung mga anak. Saka meron pa syang isang kapatid na nakatira sa southern part ng San Sebastian. Konti lang talaga ang Pinoy dito." International Film Festival Habang nakapila kami sa sinehan, maraming kaibigang bumabati kay Tony. Wala akong maintindihan sa kanilang usapan. Magkahalong Basque kasi at Espanyol. Pinanood namin ang pelikulang "Profunda ___" na ang nakita kong kahulugan sa subtitle ay "Deep Crimson". Hindi ko matandaan yung ikalawang salita ng pamagat. Parang pelikulang Pinoy. Pero kahit entry ito sa international filmfest, sa palagay ko'y mas magaling ang mga gawa nina Lino Brocka at Ishmael Bernal. Mahina ang editor pero maganda ang script. Ala-una ng madaling araw nang matapos ang pelikula. Iniikot muna ako ni Tony sa paligid ng San Sebastian bago kami dumating sa kanila. 3 am. Kwentuhan pa. Alas kwatro kami natulog. Alas nueve nagising. Sabado ng Umaga Bago umalis upang magturo sa eskwela, nakilala at nakasabay ko muna sa agahan si Milette, ang 50-year old wife ni Tony. Pero mukhang nasa 30's lang si Millete. Nang maiwan kaming dalawa ni Tony ay naikwento niya kung paano sila napadpad sa San Sebastian. Art teacher si Tony. Bukod sa regular na pagtuturo sa Colegio de San Patricio, nagbibigay siya sa iba't ibang eskwelahan ng mga art classes tulad sa Casa de Cultura Intxaurrondo, sa Colegio Maria Reina, sa Club de Arte Catalina de Erauso, atbp. "Noong August 1976 pa kami rito. Dati na akong nagtuturo sa Manila, noong 1970 pa sa P. Guevarra Elementary School bilang art teacher. Tapos sa Maria Montessori Cooperative School. Hindi pa kami kasal noon ni Milette nang magkaroon siya ng pagkakataong magturo dito sa San Sebastian. Ako naman ay nasa Japan noon. Napasama ako bilang art director ng singing group na Ambivalent crowd sa Tokyo. Ako ang umaayos ng set design nila. Dahil six months naman ang visa ko, nagpaiwan ako roon. Swerte namang nagkaroon ako ng trabaho. Nakapag-exhibit din ako roon. Pero kinailangan ko ring bumalik sa Pilipinas para i-renew ang aking visa bago mag-expire after six months. Pagbalik ko sa atin, tyempo namang dumating yung balita na naihanap pala ako ni Milet ng trabaho dito sa San Sebastian. Dito na ako nagtuloy. Dito na nga kami nagpakasal." "S'an naman tayo papasyal ngayon?" "Iikot muna tayo dito sa Monte de Ulia. Bago tayo babalik doon sa kabayanan ng San Sebastian. Marami kang makikita rito. Maraming aksyon tulad ng sunugan ng bus." "Sunugan ng bus?" "Oo. May politikal problems dito. Gusto ng mga Basque na ihiwalay sila sa Spain. Matindi rin ang kanilang pakikibaka rito." "Saan naman yung Monte de Ulia?" "Dito. Monte de Ulia ang tawag dito sa lugar namin. Sakop pa rin ito ng San Sebastian. Mamayang gabi ay manonood tayo uli ng isa pang entry sa filmfest. Last day na ngayon ng filmfest. Pero bago yon ay manonood muna ako ng football. Iisa lang ang ticket ko. Wala nang makukuha pa para sa iyo. Sayang naman ito kung hindi ko gagamitin. Napakamahal nito. Parang ginto ang ticket sa football. Ito ang pinaka-popular na sport dito sa Espanya. Parang relihiyon sa atin. Kaya bahala ka munang mag-ikot habang nasa football ako. Ituturo ko sa iyo mamaya kung saan tayo magkikita." Ipinakita muna sa akin ni Tony ang kanyang atelier kung saan siya nagpipinta. Ipinakita rin niya sa akin ang mga brochures ng kanyang mga art exhibits. Marami na ring karanasan sa sining si Tony. Tapos ay lumabas na kami ng bahay patungong garahe. Noon ko lang napansin na ang kanya palang garahe ay nakahiwalay sa kanyang bahay. "Tahimik dito sa Villa Amalia. At saka kita mo 'tong garahe ko? Maliit lang ito pero mahigit milyon ang pagkabili ko rito. Ang mamahal ng properties dito sa San Sebastian. Sa buong Europe, ang dalawang pinaka-expensive na lugar ay ang Paris at itong San Sebastian." "Alin naman itong Villa Amalia?" "Itong tirahan namin. Maraming bahay ito na magkakasama. Parang condominium sa atin. Isang building. Maraming units." Architecture Mula sa Monte de Ulia ay dumaan kami sa El Pueblo de Pasajes, sa Euskadi, at tumungo rin sa Monte Urgull. Halos puro kabundukan pala ang buong San Sebastian na napaliligiran ng tubig. Pababa sa kabayanan, may itinuturong building sa akin si Tony. "Nakikita mo ba yung eyesore na yun?" "Alin?" "Yung mataas na building na yun." "Yung kulay gray na mukhang bago?" "Oo. Ipinu-protesta yan ng mga tao rito. Kung bakit nakalusot yan. Bawal dito magtayo ng makabagong building. Hindi mo ba napapansin na lahat ng building sa San Sebastian ay mga lumang building? Naka-preserve ang kultura dito. Ito ang dinadayo rito ng buong mundo. Bago makapagpatayo ng kahit anong building rito kailangang aprubahan muna ng organisasyon ng mga arkitekto rito. Ewan kung bakit nakalusot ang eyesore na yan?" ETA Dala-dala ko ang aking camera. Kodakan kami sa bawat lugar na tinitigilan namin. Tatlong rolyo ng film yata ang naubos ko. Naglakad kami ng naglakad paikot-ikot sa kabayanan ng San Sebastian. Napansin ko ang maraming graffiti sa mga pader na ang ilan ay ganito ang nakasulat: ETA "Gawa ba'to ng ikinukwento mong mga Basque separatists?" Bago nakasagot si Tony ay may narinig kaming sirena. Sa di kalayua'y may maitim na usok na kumalat sa langit. "May sunog yata a..." "Ayun. Pihadong mga Basque separatists yan. Tara. Gusto mong makakita ng aksyon? Punta tayo ron. Halika. Bilis." Nagmamadali si Tony. Nauna siyang tumakbo patungo sa gulo. Hindi ko naman siya masabayan dahil masakit na ang aking paa sa maghapong paglalakad. Palapit pa lang kami roon ay siksikan na ng mga taong nag-uusyoso. Tatlong bus ang nakita naming nagliliyab. Nakahalang sa kalye. Habang umuugong ang sirena ng bumbero, naka-alisto naman ang mga pulis ng San Sebastian. Nakatakip ang mga mukha. Armado. Naalala ko ang FQS sa Pilipinas, ang Diliman comune. "Bakit nakamaskara ang mga pulis dito?" "Proteksyon nila. Pag natandaan kasi sila ng mga rebelde, pwede silang dukutin sa ibang pagkakataon." Panay na panay ang click ng aking instamatic camera. Akala mo professional photographer ng isang sikat na news agency. Ewan ko lang kung lalabas ang mga kuha ko. Hanggang dito na muna. Hindi ko na kailangang ikwento pa ang tungkol sa football at pangalawang pelikulang pinanood namin sa filmfest. Gusto ko lang maibahagi sa inyo ang buhay ng iba pa nating kababayan sa Europa. Sa susunod, ikukwento ko kung paano ako nadukutan sa Madrid, at ang pakikipagsapalaran ko sa Barcelona. (Itutuloy) |
Nakilala bilang isang makabayang mang-aawit, si Heber Bartolome ay tapos ng Fine Arts sa U.P. at doon din nag-M.A. ng Filipino Literature. Isa sa mga founder ng Galian sa Arte at Tula, siya ay naging professor ng panitikan sa De La Salle University. Pansamantalang nagsusulat ngayon si Heber habang nag-iipon ng mga kanta para sa susunod niyang album. |
ARCHIPELAGO | TALK OF THE TOWN
| TOP OF THE WEEK | LITERARY
| FORUM
CONTACT THE EDITOR
| PAST ISSUES
Copyright © 1997 Aspanet Resources, Inc.