ARCHIPELAGO | FEATURES | TALK OF THE TOWN | TOP OF THE WEEK
| LITERARY | FORUM
BIYAHENG ESPANYA NI HEBER G. BARTOLOME
Biyaheng Madrid Walang bullet train sa Spain. Mabagal ang aking biyahe mula San Sebastian patungong Madrid. Sa kabagalan nga e naalala ko tuloy ang mga habilin sa akin ng ilang kaibigan.---- Ani Tony Pajaro nang ihatid niya ako sa train station ng San Sebastian ---"Pag nasa Madrid ka, gamitin mo ang apat na mata mo. Lalo na sa Barcelona. Maraming mandarambong doon. Sa dibdib mo ilagay ang wallet mo." Warning naman ng isang kaibigang nasa Belgium-----"Pare, kung pupunta sa Madrid at wala kang kakilala, lalo na sa Barcelona, tapos doon ka lang matutulog sa train station, Pare, baka mapatay ka ro'n. Buti pa umuwi ka na lang sa atin sa Pilipinas." Ang nagsabi nito ay si Victor Brias. Purong Espanyol at tubong Madrid ang mga magulang ngunit sa Pilipinas siya isinilang. Dating professor sa De La Salle University. Doon kami naging magkaibigan at sa kanila muna ako tumira noong maghiwalay kami ni Maita. Tuwing pupunta ako sa Europa ay pinapasyalan ko si Victor sa Belgium kung saan siya nag-doctorate ng Philosophy at doon na nag-asawa't nanirahan ngayon. "Hindi ko naman sinasabi sa'yong mag-5-star hotel ka. Napakamahal at sayang ang pera. Pero meron ding parang pension house dun." Wala naman talaga akong balak matulog sa train station. Nabanggit ko lang sa kanya ito dahil kaya ko rin sigurong gawin yun, sakali't umabot sa ganoong sitwasyon. Naikwento kasi ng ilang Pinoy artists na ganoon ang kanilang ginagawa noong nagbiyahe sila sa Europa. Sa train natutulog. Hindi sa station. Dahil sa Eurail pass ang kanilang ticket, kahit lumagpas sila sa pupuntahan, sasakay lang uli sila ng train pabalik. Ligo lang daw ang kanilang problema. Binigyan ako ni Victor ng travel plan sa buong Espanya. Ngunit may limitasyon ang aking Eurail Pass. Hindi ko na kayang dumaan pa at tumigil sa Burgos, Valladolid at Salamanca. Ilang araw lang siguro ako sa Madrid. Tapos ay tutuloy na ako sa Barcelona. Wala na akong panahon upang dumaan sa Zaragoza. Sa loob ng train, may naririnig akong mga announcements sa audio monitor na hindi ko maintindihan. Sa apat na wika pa nga ito itina-translate-French, Deutsch, Spanish, at Basque language. Parang walang halaga sa kanila ang wikang English. Yung Basque, akala ko nga e Japanese. Tunog Hapon kasi. Hindi ako mapalagay sa ganoong sitwasyon. Malay ko kung baka nagka-problema pala yung train nila at may mahalaga silang sinasabi. Sa totoo lang, may iniabot na pangalan at numero ng telepono sa akin si Tony para sa Madrid, at para sa Barcelona naman ay address ng isang Pinoy artist. Walang telepono. Subukan ko raw kontakin. Gabi na nang dumating ako sa Madrid. Kinontak ko nga kaagad ang isang nagngangalang Jo Borromeo. Natuwa ako't inaasahan pala niya ang aking pagdating. Ayos. May tutulugan ako. Hindi kami magkakilala ngunit itinawag pala ako sa kanya ng hipag ni Tony. Naalala kong kinantahan ko nga pala minsan ang pamilya ng hipag ni Tony sa San Sebastian. Parang mini-concert na despedida party ko. Kasama ko silang nagkantahan. Bisita nila ang iba pang Pinoy na may kanya-kanyang asawang Kastila. Si Jo ay nag-iisa sa isang maliit na apartment na nasa 5th floor ng isang building. Nagtratrabaho siya sa isang office na isang sakay lang ng bus ang layo mula sa kanyang tirahan. Sa sofa ako natulog. Kinabukasan pagkagising ay may note siyang iniwan sa akin. "There's food in the ref. Bahala ka na mag-init sa microwave. I'll call you from the office para ibigay sa'yo ang phone number ng Philippine Embassy na hinihingi mo sa akin. Door key is on the table. The other key is for the main door downstairs." Halos di ko pa natatapos ang binabasa ko ay kumiriring na nga ang telepono. Sinagot ko. Pero hindi sya. Spanish yung salita. Hindi ko maintindihan. May ini-inquire. Nag-apuhap ako ng aking Espanyol. Para akong si Barok. E ayaw nya mag-ingles. Sorry na lang. Wrong number na lang. Nang tumawag si Jo, nabigyan niya ako ng direksyon kung paano pumunta sa Museo Del Prado na siyang sadya ko sa Madrid. "Take Bus 27 mula sa Plaza Castilla. Pwede ka ring mag-Metro. Direksyong Sol. Line 1. Natawagan ko na rin si Rey Carandang ng RP Embassy. Bukas ang appointment mo sa kanya. 10:00 a.m." "Anong oras ka ba babalik dito mula sa office?" "Siguro mga past eight na." "Dito ka ba naghahapunan o sa labas?" "Ah, kung gusto mo samahan kita mamaya sa labas para makatikim ka naman ng paella rito sa Madrid." "Yun nga e. Napakainosente ko pa rito. At saka marami rin akong gustong itanong sa'yo tungkol sa buhay-buhay ng mga Pinoy dito. E di magkita tayo rito mamaya?" "Okay." "May tumawag nga pala kanina." "Babae ba?" "Oo. Tatawag siguro uli dahil hindi kami nagkaintindihan." "Ah. Naniningil 'yon ng upa ko sa bahay." Museo Del Prado Ang bayad sa entrance ng Prado Museum ay 400 pesetas. Bale P80 sa piso. Inikot ko ang napakalaking museum na ito. Ngunit higit na malaki ang Louvre Museum sa Paris. Sinilip ko ang mga paintings at iba pang mga likha na sa mga aklat ko lamang nakita noong ako ay nasa Pamantasan pa ng Pilipinas. Di ko halos namalayan na alas tres na pala ng hapon. Wala na akong oras upang puntahan pa ang isa pang museum kung saan naroon daw ang karamihan ng mga likha ni Picasso, ang Reina Sofia. Nasa ibang lugar ito sa Madrid kayat bukas na lang siguro yon pagkatapos ng appointment ko sa Philippine Embassy. Tutal pagod na ako sa kaiikot sa Prado. Pakiwari ko'y sobrang mahal ng pagkain sa cafeteria ng Museo Del Prado. Hindi ko maalis sa sarili ang magkwenta kung magkano sa piso ang binibili ko sa pesetas. Salad lang at juice ang tinanghalian ko. Sa loob mismo ng museum ay maraming ipinagbibiling souvenir items. Bumili ako ng ilan. Paglabas ko ng museo ay may nakahilerang mga artists na nagtitinda ng kanilang mga etchings. Meron ding iba pang nagtitindang kung anu-anong para sa mga turista. Nagkwenta ako ng gastos pagbalik ko sa apartment. Corn salad 525 Fruitopia 220 Museo book 1,400 Metro (2x) 130 Bus 27 130 T-shirts, posters, scarf 9,000 Necktie 900 Oras ng Siesta Nagsasara ang mga tindahan at opisina sa Madrid mula alas dos hanggang alas kwatro ng hapon upang mag-siesta. Kayat alas kwatro na rin ako lumabas muli at nagpunta sa Plaza del Sol. Isang matandang lalaking naka-itim na leather jacket ang namataan kong umubo at dumura sa kalye. Nagkatinginan kami. Pinoy ka ba?" Halos sabay kaming nagtanong. Siya si Rey Fuentes. 77 years old na pero malakas pa rin. Binata pa rin daw sya hangga ngayon. Taga-Agusan sa Mindanao. Nagkape kami. "Nagbabakasyon lang ako rito. Sa San Francisco ako nakatira. Retired na ako bilang merchant marine. Noong 1945 pa ako napadpad sa US. Ordinary seaman lang ako noon. Tripolante sa barko." "Hanggang kailan pa kayo rito sa Madrid?" "Siguro mga one month lang. Two weeks na ako rito." "Saan kayo tumitigil dito?" "Maraming pension house dito. Mura lang. Ikaw sa'n ka ba nakatira dito?" "Nakitulog lang muna ako sa isang Pinoy. Dalawang gabi lang naman. Bukas ay tutuloy na ako sa Barcelona. Artist ako. Dinadalaw ko lang ang mga museums at art galleries. Saan ba rito makakabili ng mga art supplies?" "E dito siguro sa El Corte Ingles." "Samahan mo nga ako." El Corte Ingles Ang El Corte Ingles ay napakalaking tindahan. Pero mas malaki ang SM Megamall sa Pilipinas. Bumili ako ng isang kahon ng pastel colors, ilang tubo ng acrylic, artist papers at portfolio. Halagang 27,275 pesetas lahat ang nabili ko. Bale P5,455 sa piso. Mahal din. Nang dumukot ako ng wallet upang magbayad sa cashier, binulungan ako ni Rey Fuentes.--- "Sa dibdib mo na lang ilagay ang wallet mo. Wag sa likod na bulsa ng pantalon." Ilan na ba silang nagsabi sa akin ng ganoon? Si Tony, si Victor, at maging yung mga Pinoy na nakasama ko sa Paris. Mula sa El Corte Ingles, doon ko na itinago ang wallet ko sa loob na bulsa ng aking leather jacket. Sa dibdib. Tapos isinara ko pa ang zipper ng jacket. Naghiwalay na kami ni Rey. Inihatid niya ako sa Metro. Mabigat ang mga pinamili ko. Kailangan ko nang bumalik sa apartment. Restaurante El Club Chuletas A La Parilla Dito kami kumain ng paella ni Jo. Isang open air na lugar na nasa pagitan ng dalawang building. Nasa loob sa kanto ng isang building ang pinaka-kusina nila. May ilang upuan at bar sa loob. Sa palagay ko ay ganoon lang kaliit ito sa simula. Lumakas siguro. At sa dami ng kostumer ay sinakop nila ang bakanteng ispasyo sa pagitan ng katabing gusali. Binubungan lang ng trapal. "Sagot ko ang dinner na ito. Para naman makatanaw ako ng utang na loob sa pagtigil ko sa 'yong apartment." "Para yun lang. Pambihira ka naman." "Mahigit 20 years ka na ba kamo rito?" "Oo. At saka kilala mo siguro yung sister ko sa UP College of Music. Member sya dati ng Madrigal Singers." "Ah. Kilala ko nga siguro. Tambay din kasi ako noon sa Abelardo Hall kahit Fine Arts ang course ko." "Fine Arts ka pala. Akala ko music?" "Fine Arts ako. Member lang kasi ako ng Concert Chorus para libre matrikula. Yung brother ko naman e member din ng Madrigal. Founding member nga e. Pero violin major 'yon. Pihadong nagkakilala kami ng sister mo. Parang meron ngang Borromeo ang apelyido roon. Matagal na kasi. Di ko na matandaan. Medyo maitim din ba?" "Oo. Lahi kami ng maiitim." Katahimikan. May nasabi yata akong hindi okey. Dumating ang aming order. Una, isang pitsel na red wine. Ewan kung red wine nga yon. May halong piningas na kahel at mansanas. Punch siguro. May tawag sa kastila na di ko na inintindi. Tapos ay dalawang pirasong tinapay na malalaki. Parang french bread pero nasa Spain ako. Tapos ay dumating ang tig-isang platong french fries na may kasamang malaking hiwa ng steak. "Akala ko ba paella?" "Oo. Mamaya yon. Panimula lang yan." "E baka hindi ko na makain yung paella. Dito lang bundat na 'ko." Buti na lang tumawa si Jo. Maya-maya ay may dumating na lalaking may gitara. Kumanta ng kumanta. Magaling. Tapos ay umikot at lumapit sa mga mesa. Nakasahod ang sombrero. "May mga troubadour din pala rito?" "Gypsy yan. Gitano" Maya-maya ay isa na namang lalaki ang dumating at kumanta ng kumanta. Habang lumalapit sa mga kostumer at nag-aalay ng mga bulaklak sa bawat mesa. "Okey ah. Libre?" "Hindi. May bayad yan. Sisingilin nya yan mamaya." "Aba. Ibang klase rin pala ang marketing strategy ng flower vendors dito." Tumawa na naman si Jo. Tapos nakita ko ngang naniningil ang lalaki sa bawat mesang nilapagan niya ng bulaklak. Nakita ko ring isinosoli ito ng mga kostumer. Philippine Embassy Dahil may appointment ako sa consulate ng Philippine Embassy, nagpalit ako ng medyo formal na pantalon. Hinubad ko ang aking mahigit isang linggong maong. Dito nawala sa isip ko na ilagay ang wallet sa aking dibdib. Ang 500 dollars na nasa wallet ko ay dinagdagan ko pa nga ng 300 dahil balak kong mag-shopping pa pagkatapos ko sa Reina Sofia. May 300 dollars pa akong iniwan sa aking bag sa apartment. Tumawag muna si Rey Carandang. Binigyan ako ng direksyon kung paano pumunta sa embassy na nasa kalye raw ng Claudio Cuello. Sumakay raw ako ng bus at bumaba sa kanto ng Serrano at Ortega y Gasset. Medyo naligaw ako. Konting tanong at tingin sa mapa. Nakarating din ako. Paakyat sa embassy, may nakasabay at nakilala akong babae na DH sa Barcelona. Nang malaman niya na patungo ako roon bukas ng umaga ay nagkasundo kaming magsabay. Ngunit bus pala ang kanyang sasakyan. Train naman ako dahil sa aking Eurail Pass. Ibinigay na lamang niya sa akin ang kanyang address. Walang telepono. Puntahan ko raw siya kung kailangan. Sandali lamang ako sa embassy. Ibinilin sa akin ni Rey Carandang na padalhan ko siya ng video ng aking mga paintings at baka sakaling matulungan niya akong magkaroon ng exhibit sa Madrid. Malayo uli ang lalakarin ko patungo sa Bus Stop na titigilan ng bus patungong Reina Sofia. Hindi kasi lahat ng bus stop ay pwedeng tumigil ang kahit anong bus. Lakad ako ng lakad. Tingin ako sa mapa. Lakad uli ngunit wala pa rin yung bus stop na kailangan ko. Hanggang sa nakakita ako ng Metro. Ang Metro Serrano. Mas sanay akong humanap ng direksyon sa Metro. Bumaba ako sa Metro. Hinanap ko sa mapa kung saan ako dapat bumaba patungong Reina Sofia. Ayos. Alam ko na. Eto na ang Metro. Habang palakas ng palakas ang dagundong ng pagdating nito. May naririnig din akong parang naghahabulang mga lalaki. Inisip kong humahabol sila upang huwag maiwan ng Metro train. Ang Metro kasi, pagdating e bubukas ang pintuan. Mga 15 seconds lang siguro. Bababa ang ilang pasahero at sasakay naman ang bagong mga pasahero. Sasara ang pinto. Aandar na. So, akala ko nga e rumaragasa silang nagmamadali sa pagsakay sa train. Bumukas na ang pinto. Sumakay na ako ngunit naroon pa lang ako sa gilid, eksakto sa may pintuan, nang biglang may dalawa o tatlong lalaki ang umuna sa akin at humarang. Hindi ako makatuloy sa loob upang umupo. Samantalang ang iba pang pasahero na kasamahan pala nila ay itinutulak ako papasok. Mga apat naman yung nasa likuran ko. Ayun. Bigla silang nagtakbuhan sa kabilang exit ng Metro. Kinabahan ako. Kinapa ko ang bulsa sa likod ng aking pantalon. Wala na ang aking wallet. Natigagal ako. Hindi pa nagsasara ang pinto ng train. Nasa wallet ko ang aking credit card, drivers license, at iba pang mahalagang bagay. "Hey! My wallet!" Nagsisigaw ako sa ingles na humabol sa kanila. Ewan kung bakit bigla akong tumapang at kaskas ng takbong tinugis ang mga kabataang iyon. Inabutan ko ang isa. "Give me back my wallet." Umiiling na parang nang-aasar ang teenager na inabutan ko. Wala raw sa kanya sabi nito sa wikang hindi ko alam kung espanyol o ano. Not with me. Parang ganoon. Tumakbo itong muli. Habol uli ako pero ibinato pabalik sa akin ng kanyang kasamahan ang aking wallet. Pinulot ko. Ubos ang pera. Pera lang ang kinuha nila. Nawalan ako ng US$800, mga HK$350, P3000, at mga 20,000 pesetas. Natulala ako. Umupo ako sa pagod. Noon ko lang napansing nanginginig pala ako. Hindi ko alam ang gagawin. Kung magrereport ba ako sa pulis o ano. Imposible namang habulin ko sila uli. Nasa akin na ang wallet ko, ang credit card, driver's license, atbp. Saka ko lang naalalang napanaginipan ko nga pala ito. Matagal na. Sa Pilipinas. Ilang taon na rin siguro ang nakaraan. Ito yon. Naganap na. Saka na ang detalye ng panaginip. Tumuloy rin ako sa Reina Sofia. Wala akong 400 pesetas na pambayad sa entrance. Ikinuwento ko sa babaeng maganda na bantay sa entrance ang nangyari sa akin. Pinapasok niya ako ng libre. Ngunit wala akong ganang panoorin ang mga obra ni Picasso. Parang wala akong pakialam sa kanyang mga likha. Windang pa rin ako sa pangyayari. Tapos nagugutom pa ako dahil alas dos na ng hapon. Anak ng kuting. Lumabas ako ng Reina Sofia. Goodbye Picasso. Salamat sa magandang babae na nagpapasok sa akin libre. Buti na lang at hustong-husto ang baryang 130 pesetas na naiwan sa aking bulsa. Nakabalik ako sa apartment. Hanggang dito muna uli. Biglang nag-iba na naman ang aking pakiramdam nang isulat at alalahaninko ang pangyayaring ito sa Madrid. Mahaba pa ang aking kwento tungkol sa Barcelona. (Itutuloy) |
Nakilala bilang isang makabayang mang-aawit, si Heber Bartolome ay tapos ng Fine Arts sa U.P. at doon din nag-M.A. ng Filipino Literature. Isa sa mga founder ng Galian sa Arte at Tula, siya ay naging professor ng panitikan sa De La Salle University. Pansamantalang nagsusulat ngayon si Heber habang nag-iipon ng mga kanta para sa susunod niyang album. |
ARCHIPELAGO | TALK OF THE TOWN
| TOP OF THE WEEK | LITERARY
| FORUM
CONTACT THE EDITOR
| PAST ISSUES
Copyright © 1997 Aspanet Resources, Inc.