Exodus ng mga Pinay Patungong Japan
(Una sa Tatlong Bahagi)

Ni Heber Bartolome

Palatandaan daw na masama ang ekonomiya ng isang bansa kapag nag-e-export na ito ng labor o mga manggagawa. E ano pa kaya kung ang ine-export na natin ay ang ating mga anak na babae upang maging Japayuki?

Walang tigil ang pagpapadala natin ng mga Pinay sa bansa ng mga sakang. Hindi ko mawari kung hanggang kailan mauubos ang ating kababaihan na ino-audition bilang mga "singers" patungong Japan. Ewan kung mula saan sila hinahakot at ewan kung saan sa Japan sila itinatambak ng kanilang mga promoter. Humigit kumulang sa 300 talents linggo-linggo ang mga pumapasa, pwera pa ang mga "dancers" na ino-audition naman ng iba pang testing officers ng TESDA (Technical Education and Skills Development Authority).

Kung ano itong TESDA ay tsekin nyo na lang sa Internet. Ito na ngayon ang bagong sangay ng pamahalaan na kaakibat ng Department of Labor at saka ng Department of Education upang mamahala ng espesyal na pagtuturo at kasanayan sa paggawa. Ang pag-awit at pagsayaw ay itinuturing na "skills" na puwedeng sanayin ng mga training center na accredited ng TESDA. Babalikan natin ang mga detalye nito.

Samantala, paano kaya tinitimbang ng isang ina sa kanyang kalooban ang desisyon bago payagang magtrabaho sa Japan ang kanyang anak? Alam kaya niyang puwede itong mapahamak tulad ng nangyari sa japayuking si Maricris Sioson, na kinatay ng boyfriend nitong Yakuza? Marahil ay narinig na niya ito. Hindi kaya siya nangangambang matsismis sa mga kapitbahay at tuksuhing Japayuki ang kanyang anak? Bahala na. Kahit ano pa ang sabihin nila. Cultural dancer lang naman daw ang kanyang anak. Kung si Magdalena nga e kinampihan ng Panginoong Hesukristo e. Ang mahalagaíy ang kikitain nitong dolyar. Puwede nang makapagpatuloy sa pag-aaral ang iba pa niyang mga anak at saka pwede na rin silang kumuha ng hulugang dyipni upang ipasada ng kanyang asawa. Kahit paano ay uunlad ang kanilang kabuhayan.

Sa mapanuring mata ng lipunan, lalo na sa pananaw ng isang disenteng pamilya, mababa talaga ang pagtingin nila sa pagkatao ng isang Japayuki. Parang inihahalintulad nila ito sa isang prostitute. Basta Pinay daw kasi na nagja-Japan e malamang na nagtratrabaho sa mga club doon. Itine-table ng Hapon. Tsinatsansingan, hinihipuan, at hindi sila tumatanggi dahil kasama sa trabaho 'yon. Pero ayaw nilang tinatawag silang Japayuki. Insulto ito sa kanila.

Sa totoo lang, maraming prostitutes dito sa atin ang puwedeng makalusot papuntang Japan kung marunong silang kumanta at sumayaw. Ang katanungan nga e: Dapat bang pigilan ang ating mga prostitute na mangibang bayan? E makakatulong din daw naman sila sa pagpasok ng dolyar dito sa ating bansa. Kikita sila roon ng mula US$500 hanggang $3,000 bawat buwan, hindi bilang prosti kundi bilang karaoke singer. Sweldo lang yon. Pwera pa yung mga "lapad" na tips. Kung magpro-prostitute pa, ibang kita pa yon. Diumano, dito sa atin ay P500 lang ang kita ng isang puta na pini-pick-up sa Quezon Blvd. at sa harap ng simbahan sa Malate.

Ay naku.

Napakaraming kuwento tungkol sa mga Pinoy entertainers na nangingibang-bayan. Ngunit ewan kung bakit pinakarami sa Japan. Ibig sabihin kaya nito ay gustong-gusto ng mga Hapon ang mga Pinoy?

Bago tayo pumalaot sa detalye ng mga kwentong ito, balikan muna natin ang mga narinig ko tungkol sa mga unang Pinoy entertainers na bumiyahe noon sa Japan.

Mga Kuwentong Banda

Noon daw ay hindi pa uso ang Japayuki. Ang mga unang Pilipino na pabalik-balik sa Japan ay ang mga musikero. Mga showband. Karamihan noon ay mga lalaki pa ang mga miyembro ng banda. Balitang-balita roon na mahuhusay at magagaling ang musikero na galing sa Manila.

Ngunit ayon sa kuwento ni Pete, isang talent promoter sa Cagayan de Oro, nagsimulang magkaroon ng negative image ang Pinoy sa bansang Hapon dahil sa ilang band members na ito. Meron daw kasing mga tindahan sa Japan na walang nagbabantay. Puwede mong kunin ang gusto mong bilhin at maging matapat kang iwanan lang sa isang lalagyan ang bayad mo. E hindi puwede ito sa ibang Pinoy. Alam nyo na.

Ang mga kwentong ito ay pinatunayan namang totoo ng iba pang musikero na nanggaling doon. Kasama na rin sa kanilang mga kuwento ang mga naging problema nila bilang grupo. Anilaíy maraming grupo ang nagkakawatak-watak basta bumiyahe. Magkakasama raw kasi sila sa iisang tirahan. Nagkakaamuyan ng baho. Nagkakagalit. Pagbalik sa Pilipinas, watak.

Meron ding mga kuwentong nagkaroon si ganito ng syotang matronang Haponesa, si ganito naman na kanilang bahista ay iniwan sila, sumama sa ibang banda patungong Singapore, ang keyboardista ay naging tagahugas na lang ng plato sa isang restawran, 'yung isa ay nag-TNT sa Malaysia, at iba pang mga kuwentong banda.

Ngunit ang iba, tulad ni Pete, ay natuto sa kanilang mga karanasan at nakapagtayo ng sariling talent promotions hanggang sa umunlad ang buhay. Ganito rin ang nangyari kina Eli Gardiner ng Eligardi Entertainment, kay Bella Dimayuga ng Bellestar Promotions, kay Iris Obscuna, at marami pang iba na ngayon ay may sarili nang mga building para sa kanilang hanapbuhay. Kapansin-pansin na maraming naging milyunaryo sa larangang ito ng negosyo--ang entertainment industry. Kung paano sila naging milyunaryo ay hulaan nyo na lang.

Sa susunod ay ikukuwento ko naman sa inyo ang tungkol sa ating mga female band. Kung saan sila hinahakot at kung paano sila inaalagaan at dinedevelop ng kanilang mga talent managers. (Itutuloy)


HOME | TALK OF THE TOWN | TOP OF THE WEEK |
FORUM
| LETTERS | PAST ISSUES

Copyright © 1998 AspanetResources, Inc.