REVENUE REGULATIONS BLG. 4-99
BUWIS SA TUBO NG KAPITAL (CAPITAL GAINS TAX) AT BUWIS SA SELYO (DOCUMENTARY STAMP TAX) SA KASULATAN SA
PAGBEBENTA NG NAILIT NA ARI-ARIAN
T: Ano ang umiiral na batas sa paglilipat ng katibayan ng pagmamay-ari o titulo sa kaso ng pagbebenta ng nailit (foreclosed) na ari-arian?
S: Kapag ang ari-ariang nakasangla ay nailit sa pamamagitan ng hukuman, ang pinatunayang sipi ng pangkatapusang (final) kautusan ng hukuman na nagpapatibay sa pagbebenta ay ipatatala sa Register of Deeds.
Kapag walang umiiral na karapatan sa pagtubos, ang katibayan sa pagmamay-ari o titulo ng nagsangla ay ipawawalang-bisa at isang bagong titulo ang ipalalabas sa pangalan ng nakabili.
Kapag mayroong umiiral ng karapatan sa pagtubos, ang katibayan sa pagmamay-ari o titulo ng nagsangla ay hindi agad ipawawalang-bisa. Kapag ang ari-arian ay natubos, ang katibayan ng pagkatubos ay ihaharap sa Register of Deeds at doon ay susulatan ng pabatid-ulat ang titulo hinggil sa pagkatubos. Kapag ang ari-arian ay hindi natubos, ang pangkatapusang katibayan ng pagbebenta sa nakabili ay ipalalabas ng serip. Ang titulo ng nagsangla ay ipawawalang-bisa at isang bagong titulo ang ipalalabas sa pangalan ng nakabili.
T: Kailan dapat bayaran ang buwis sa tubo ng kapital sa nailit na ari-arian?
S: Kapag ang ari-arian ay nailit subalit hindi pa naibebenta o wala pang paglilipat ng pagmamay-ari ng ari-arian, walang buwis na dapat bayaran.
Kapag tinubos ng nagsangla ang ari-arian sa loob ng isang taon matapos maipalabas ang katibayan ng pagbebenta, ang katibayan ng pagtubos ay kinakailangang iharap sa Revenue District Office na nakasasakop sa lugar na katatagpuan sa ari-arian at sa Register of Deeds.
Kapag hindi natubos ang ari-arian sa loob ng palugit na panahon, ang buwis sa tubo ng kapital sa pagbebenta ng nailit na ari-arian ay kinakailangang bayaran sa loob ng 30 araw matapos ang palugit na isang taon. Ang buwis na ibabatay sa pinakamataas na alok sa subasta ay babayaran sa isang bangko na pinahintulutan ng BIR sa nasasakupan ng Revenue District Office na nakasasakop sa lugar kung saan matatagpuan ang ari-arian.
T: Kailan kinakailangang bayaran ang buwis sa selyo?
S: Kapag tinubos ng nagsangla ang ari-arian, ang halaga ng buwis sa selyo ay P15.00 lamang.
Kapag hindi natubos ang ari-arian, ang buwis sa selyo ay ipapataw, sisingilin at babayaran ng sinuman sa tumanggap o naglipat ng pagmamay-ari kapag ang ari-arian ay matatagpuan sa loob ng Pilipinas. Kapag isa sa tumanggap o naglipat ng pagmamay-ari ay libre sa buwis, ang isang hindi libre sa buwis ang magbabayad nito. Ang buwis ay ibabatay sa inialok na halaga sa subasta.
Ang buwis ay dapat bayaran kasabay ng paghaharap ng kaukulang return sa loob ng 10 araw matapos ang unang buwan kasunod ng isang taong palugit. Ang return ay ihahain sa isang bangkong pinahintulutan ng BIR sa nasasakupan ng Revenue District Office na nakasasakop sa lugar kung saan matatagpuan ang ari-arian.
T: Kailan magpapalabas ang BIR ng katibayan ng pagbabayad ng buwis?
S: Kapag hindi natubos ang ari-arian, ang katibayan ng pagbabayad ng buwis o ang pahintulot sa pagrerehistro ng nakabili/may pinakamataas na alok sa subasta ay ipalalabas ng BIR sa oras na maipakita ang return para sa buwis sa tubo ng kapital at buwis sa selyo ng kasulatan na pinagtibay ng bangkong pinahintulutan ng BIR na nagpapatunay ng pagbabayad ng kabuuang halaga ng nakatakdang buwis.
(Nagpapatupad sa Sek. 24(D)(1) at Sek. 27(D)(5) ng 1997 Tax Code na sinusugan ng RA Blg, 8424; Ipinalabas noong Marso 9, 1999; Magkakabisa 15 araw matapos mailathala sa isang pahayagang may pangmalawakang sirkulasyon.)