REVENUE REGULATIONS BLG. 7-98

PAGPAPANIBAGONG BISA NG TAX CREDITS

 T: Ano ang bagong batas tungkol sa tax credits?

S: Sa ilalim ng 1997 Tax Code, lahat ng Tax Credit Certificates (TCC) na ipinalabas ng BIR bago dumating ang Enero 1, 1998 na hindi pa lubusang nagagamit ay kailangang dalhin sa BIR nang hindi lalagpas sa Agosto 31, 1998 upang mabigyan ng panibagong bisa.

T: Paano isasagawa ang pagpapanibagong-bisa sa mga TCCs?

S: Ang pagpapanibagong - bisa ay isasagawa sa sumusunod na paraan:

1. Kailangang magharap ng kahilingan ng pagpapanibagong-bisa ang taxpayer sa Apellate Division ng BIR kasama ang orihinal na sipi ng TCC na hindi pa nagamit o ang TCC na mayroon pang balanse upang masuri at makansela.

2. Ihahanda ng Apellate Division ang memorandum na ihaharap para sa pagsang-ayon ng BIR Commissioner.

3. Kapag nasang-ayunan, magpapalabas ang BIR ng bagong TCC katumbas ng halagang hindi pa nagamit ng taxpayer.

T: Saklaw ba ng bagong batas na ito ang TCC na ipinalabas mula Enero 1, 1998?

S: Ang mga TCC na nabigyan ng panibagong bisa at yaong mga ipinalabas simula Enero 1, 1998 ay magkakabisa sa loob ng 5 taon simula sa araw ng pagpapalabas. Pagkatapos ng takdang panahon, ang TCC ay mawawalan ng bisa at hindi na maaaring ipangbayad sa bayaring buwis ng taxpayer maliban kung muling mabibigyan ng panibagong bisa. Ang halagang hindi nagamit at nawalan ng bisa ay ibabalik sa General Fund ng pamahalaan.

T: Mabibigyan din ba ng panibagong bisa ang mga tseke o warrant para sa refund?

S: Hindi. Ang mga tseke o warrant para sa refund ay magkakabisa lamang hanggang 5 taon simula nang ito ay ihulog sa koreo o ipahatid ng BIR. Pagkatapos nito, ang tseke o warrant ay hindi na maipapalit ng pera at ang halaga nito ay mapupunta sa Pamahalaan.

(Nagpapatupad sa Seksyon 230 ng 1997 Tax Code na sinusugan ng RA No. 8424; Ipinalabas noong Hulyo 9, 1998; Magkakabisa simula sa Hulyo 9, 1998)



Back to Main PageBack to Index