REVENUE REGULATIONS BLG. 9-98
MINIMUM CORPORATE INCOME TAX
T: Ano ang minimum corporate income tax (MCIT)?
S: Ang MCIT ay isang pagtantiya ng buwis sa kita na dapat bayaran ng taxpayer. Ito ay ipinapataw kapag ang MCIT ay higit na malaki kaysa sa natuos na buwis sa kita o kapag ang korporasyon ay nalugi.
T: Sino ang pinapatawan ng MCIT?
S: Ang MCIT ay ipinapataw sa mga korporasyong pinapatawan ng normal na buwis sa kita (income tax). Ang "normal na buwis sa kita" ay tumutukoy sa regular na buwis sa kita na itinatakda sa Tax Code na 34% sa 1998, 33% sa 1999 at 32% simula sa 2000. Hindi saklaw ng MCIT ang mga sumusunod:
Kapag ang kita ng korporasyon ay may bahaging saklaw ng mas mababang buwis o natatanging batas, ang papatawan ng MCIT ay yaon lamang bahagi na saklaw ng regular na buwis sa kita.
Halimbawa, kapag ang isang kompanyang nakatala sa BOI ay mayroong mga "rehistrado" at "hindi rehistrado" na produkto, ang MCIT ay ipapataw lamang sa mga kita mula sa produktong "hindi rehistrado".
T: Kailan ipinapataw ang MCIT sa isang korporasyon?
S: Ang isang korporasyon ay maaari lamang patawan ng MCIT simula sa ika-apat na taon ng kanyang operasyon. Ang pagbilang ay sisimulan sa taon kung kailan ang korporasyon ay naitala sa BIR. Ang alituntuning ito ay susundin maging ang korporasyon ay gumagamit ng taong fiscal o pangkalendaryo.
Halimbawa:
1. Ang mga kompanyang naitala sa BIR nang hindi lampas sa 1994 ay mapapatawan ng MCIT simula Enero 1, 1998.
2. Ang mga kompanyang naitala sa BIR sa alinmang buwan ng 1998 ay mapapatawan ng MCIT pagkatapos ng 3 taong pangkalendaryo. Halimbawa, ang isang kompanyang gumagamit ng taong pangkalendaryo ay naitala noong Mayo 1998. Ito ay mapapatawan ng MCIT simula 2002 ayon sa sumusunod:
Taon ng pagkatala 1998
Unang taon 1999
Ikalawang taon 2000
Ikatlong taong 2001
Ika-apat na taon 2002
Gayundin kapag ang korporasyon na gumagamit ng taong fiscal ay natala noong Hulyo 1, 1998, ang ika-apat na taon ay binibilang gaya ng sumusunod:
Taon ng pagkatala Hulyo 1, 1998
Unang taon FY Hulyo 1, 1998 - Hunyo 30, 1999
Ikalawang taon FY Hulyo 1, 1999 - Hunyo 30, 2000
Ikatlong taong FY Hulyo 1, 2000 - Hunyo 30, 2001
Ika-apat na taon FY Hulyo 1, 2001 - Hunyo 30, 2002
T: Maari pa rin bang malibre sa MCIT ang isang kompanya kahit ito ay saklaw na ng MCIT?
S: Oo. Sa mungkahi ng Komisyonado ng BIR, maaaring suspendihin ng Kalihim ng Pananalapi ang pagpapataw ng MCIT sa isang korporasyon sa mga sumusunod na kaso:
Ang "patuloy na pagkalugi dahilan sa tumatagal na suliranin sa mga manggagawa" ay tumutukoy sa pagkalugi sanhi ng welga ng mga empleyado na tumagal nang higit sa anim (6) na buwan at naging dahilan ng pansamantalang pagkatigil ng operasyon ng kompanya.
Ang "force majiure" ay tumutukoy sa mga di maiiwasang sakuna o pangyayari na "talaga ng Diyos" gaya ng pagkatama ng kidlat, lindol, bagyo, baha at iba pang likas na kalamidad.
Ang "pagkalugi sa mga kadahilanang hindi taliwas sa batas" ay kinabibilangan ng pagkalugi dahil sa pagiging biktima ng sunog, pagnanakaw, paglulustay o pagdispalko ng salapi at iba pang kadahilanang pangkabuhayan na itatakda ng Kalihim ng Pananalapi.
T: Paano tinutuos ang MCIT?
S: Ang MCIT ay katumbas ng dalawang bahagdan (2%) ng kabuuang kita ng korporasyon sa pagsasara mg taon.
Ang "kabuuang kita" ay katumbas ng kabuuang benta na binawas ang mga ibinalik o isinauli, diskwento at allowances at ang halaga ng naibentang paninda. Ang mga kitang hindi buhat sa pagnenegosyo (passive income) na pinapatawan ng final na buwis ay hindi isasama sa kabuuang kita na papatawan ng MCIT.
Ang halaga ng naibentang paninda ay binubuo ng lahat ng halagang tuwirang ginastos sa paggawa ng paninda at pagdadala nito sa kasalukuyang kinalalagyan at pinaggagamitan. Ang mga uri ng gastusin na bumubuo sa halaga ng naibenta ay nababatay sa uri ng negosyo ng taxpayer.
Para sa isang mangangalakal, ang halaga ng naibenta ay binubuo katumbas ng halaga ng mga napamili, tarifa sa pag-angkat, gastusin sa pagdadala ng paninda sa lugar ng pamilihan kasama ang bayad sa seguro habang ang mga paninda ay nasa paglalakbay.
Para sa isang gumagawa ng paninda, ang halaga ng panindang nagawa at naibenta ay binubuo ng halaga ng gastusin sa paggawa ng paninda gaya ng mga materyales o sangkap, kabayaran sa manggagawa at halaga ng overhead, gastusin sa paghakot ng mga materyales o sangkap, halaga ng seguro at iba pang gastusin sa paghahakot ng mga materyales o sangkap sa pagawaan o bodega.
Para sa isang nagbebenta ng serbisyo o paglilingkod, ang kabuuang kita (gross income) ay tumutukoy sa kabuuang tinanggap na kabayaran na binawas ang halagang ibinalik o isinauli, allowances, diskwento at halaga ng serbisyo o paglilingkod na binubuo ng lahat ng gastusing tuwirang ginamit sa pagbibigay ng paglilingkod o serbisyong kinakailangan ng mga namimili o kliyente kabilang ang:
Ang gastusin sa interes ay hindi kabilang sa halaga ng serbisyo maliban sa kaso ng mga bangko at iba pang institusyong pampananalapi.
Ang "kabuuang tinanggap na kabayaran" ay tumutukoy sa halagang tunay na natanggap o ipinakakahulugang natanggap na. Subali’t sa kaso ng mga taxpayer na nagtatala at nagkukuwenta sa paraang accrual, ang kabuuang tinanggap na kabayaran ay katumbas ng kabuuang kita.
T: Kailan kinakailangang bayaran ang MCIT?
S: Ang MCIT ay babayaran base sa taon ng pagbubuwis. Ito ay iniuulat sa Final Adjustment Income Tax Return na inihaharap ng mga korporasyon tuwing ika-15 ng ika-apat na buwan matapos ang pagsasara ng taon ng pagbubuwis.
Hindi kinakailangang bayaran ang MCIT tuwing ikatlong buwan.
T: Kapag ang isang korporasyon na gumagamit ng taong fiscal ay nasasaklaw na ng MCIT sa 1998 subalit mayroon pa itong kita na sakop ng 1997, paano kukwentahin ang MCIT?
S: Ang MCIT na dapat bayaran sa 1998 ay ibabatay sa bilang ng buwan na sakop ng 1998. Ang bahagdan na gagamitin ay ang bilang ng buwan na sakop ng 1998 hatiin sa 12 buwan.
Halimbawa:
Ang Kompanya A ay naitala sa BIR noong Hulyo 1994. Ito ay saklaw na ng MCIT sa 1998. Kung ito ay gumagamit ng taong fiscal, bahagi ng kanyang kita ay nakamit noong 1997. Ang kita na nakamit nito mula Hulyo hangggang Disyembre 1997 ay hindi papatawan ng MCIT. Ang MCIT ay kukuwentahin sa sumusunod na paraan:
Kabuuang kita mula Hulyo 1, 1997 hanggang Hunyo 30, 1998 XX
Paramihin sa 6/12 o 0.50 (6 na buwan sa 1998/12 buwan sa taong fiscal) X 0.50
Batayan ng MCIT
Bahagdan ng MCIT X 2%
MCIT para sa 1998
T: Maaari bang ibawas ng kompanya ang MCIT sa kanyang kabuuang kita?
S: Hindi. Ang MCIT ay isang pagtantiya ng normal na buwis sa kita. Ito ay hindi maaaring gamiting kabawasan sa kabuuang kita.
Subalit ang kalabisan ng MCIT na binayaran ng kompanya sa kanyang normal na buwis sa kita ay maaaring ibawas nang biglaan o unti-unti mula sa normal na buwis sa kita na dapat bayaran sa sumusunod na tatlong taon.
Halimbawa Blg. 1
1998 |
1999 |
2000 |
|
Normal na buwis sa kita |
P50,000 |
P60,000 |
P100,000 |
MCIT |
75,000 |
100,000 |
60,000 |
Buwis na babayaran |
75,000 |
100,000 |
100,000 |
Bawasin: Kalabisan ng MCIT |
|
||
1998 - 25,000 |
|||
1999 - 40,000 |
______________ |
______________ |
65,000 |
Nalalabing buwis na babayaran |
P75,000 |
P100,000 |
P35,000 |
Kinakailangang bayaran ang MCIT sa tuwing ito ay mas malaki kaysa sa regular na buwis sa kita. Samakatuwid, ang MCIT na P75,000 ay babayaran sa 1998 dahil ito ay mas malaki sa P50,000. Ang MCIT pa rin na P100,000 ang babayaran sa 1999. Hindi pa maaaring ibawas sa 1999 ang kalabisang P25,000 na MCIT sa 1998 dahil mas malaki pa rin ang MCIT sa 1999.
Sa taong 2000, ang babayaran ay ang normal na buwis sa kita at maari nang ibawas ang kalabisan ng MCIT na 25,000 sa 1998 at P40,000 sa 1999 o kabuuang P65,000. Ang nalalabing babayaran na lamang sa 2000 ay P35,000 (P100,000 - P65,000).
Halimbawa Blg. 2
Ipagpalagay na ang Korporasyong ABC ay magbabayad ng MCIT sa 1998 at ang mga natuos na buwis sa kita simula 1998 hanggang 2005 ay ang mga sumusunod:
Taon |
Normal na Buwis sa Kita |
MCIT |
Kalabisan ng MCIT sa Normal na Buwis sa Kita |
1998 |
P25,000 |
P100,000 |
P75,000 |
1999 |
130,000 |
150,000 |
20,000 |
2000 |
200,000 |
190,000 |
- |
2001 |
- |
300,000 |
300,000 |
2002 |
10,000 |
50,000 |
40,000 |
2003 |
15,000 |
60,000 |
45,000 |
2004 |
8,000 |
40,000 |
32,000 |
2005 |
1,000 |
50,000 |
49,000 |
Hindi maaaring bawasin ng Korporasyon ABC ang kalabisan ng MCIT sa 1998 mula sa buwis sa 1999 sapagkat mas malaki pa rin ang MCIT kaysa sa normal na buwis sa kita sa 1999. Subali’t maaaring ibawas ng Korporasyon ABC ang kalabisan ng MCIT sa 1998 at 1999 mula sa normal na buwis sa kita sa 2000 na mas malaki kaysa sa MCIT. Ang buwis na babayaran sa taong 2000 ay matutuos gaya ng sumusunod:
Normal na buwis sa kita P200,000
Bawasin: Kalabisan ng MCIT
1998 P75,000
1999 20,000 95,000
Nalalabing buwis na babayaran P105,000
Ang kalabisan ng MCIT sa taong 2001 (P300,000) ay maaari lamang bawasin sa mga sumusunod na taon hanggang 2004. Subalit dahil sa mas malaki pa rin ang MCIT kaysa sa normal na buwis sa kita sa nasabing sumunod na tatlong taon, ang kalabisang MCIT na P300,000 noong 2001 ay hindi na kailanman maaari pang gamitin bilang kabawasan.
T: Paano itinatala ang MCIT sa pagkukwenta (accounting)?
S: Ang kalabisang MCIT na binayaran ay dapat itala sa libro ng korporasyon bilang isang asset sa ilalim ng pamagat na "Ipinagpalibang bayarin-MCIT" (Deferred Charges - MCIT).
Kung gagamitin ang Halimbawa Blg. 2 sa itaas, ang pagtatala ay gaya ng sumusunod:
Para sa 1998:
(1) Debit: Nakalaan para sa buwis sa kita 25,000
Credit: Buwis sa kita na babayaran 25,000
Upang itala ang buwis na dapat bayaran sa ilalim ng normal na buwis sa kita.
(2) Debit: Ipinagpalibang bayarin - MCIT 75,000
Credit: Buwis sa kita na babayaran 75,000
Upang itala ang kalabisang MCIT (P100,000 - P25,000)
(3) Debit: Buwis sa kita na babayaran 100,000
Credit: Pera sa bangko 100,000
Upang itala ang pagbabayad ng buwis sa kita para sa 1998.
Para sa taong 2000 kung kailan maaaring bawasin ang kalabisang MCIT (1998 at 1999) mula sa normal na buwis sa kita:
(1) Debit: Nakalaan para sa buwis sa kita 200,000
Credit: Buwis sa kita na babayaran 200,000
Upang itala ang buwis na dapat bayaran sa ilalim ng normal na buwis sa kita.
(2) Debit: Buwis sa kita sa babayaran 95,000
Credit: Ipinagpalibang bayarin - MCIT 95,000
Upang itala ang pagbabawas ng kalabisang MCIT sa normal na buwis sa kita sa taong 2000
(3) Debit: Buwis sa kita na babayaran 105,000
Credit: Para sa bangko 105,000
Upang itala ang pagbabayad ng buwis sa kita para sa taong 2000 (P200,000 - P95,000).
Para sa taong 2005 kung kailan ang nawalang-saysay na bahagi ng kalabisang MCIT ay isasara sa itinabing kita (retained earnings)
(1) Debit: Itinabing kita (Retained Earnings) 300,000
Credit: Ipinagpalibang bayarin - MCIT 300,000
Upang itala ang nawalang - saysay na bahagi ng ipinagpalibang bayarin - MCIT.
(Nagpapatupad sa Seksyon 27(E) at Seksyon 28 (A) (2) ng 1997 Tax Code na sinusugan ng RA Blg. 8424; Ipinalabas noong Agosto 25, 1998; Magkakabisa simula Enero 1, 1998)