POWER OF TWO BJ Manalo and Enrico Villanueva: One on One by silangan-shimbun.com

Bagamat may ilang buwan na ang nakalilipas nang masungkit ng Ateneo de Manila mula sa De La Salle University ang korona ng Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball, mainit pa ring pinag-uusapan sa kasalukuyan ang tinaguriang "dream match" ng taon. Saksi ang lahat kung paano nag-kampeon sa unang pagkakataon sa 14 taon ang Blue Eagles laban sa 4-time defending champion na Green Archers. Kaya naman nakuha ng nasabing laro ang atensyon di lamang ng mga mag-aaral ng dalawang pamantasan na kasali kundi pati ang lahat ng mahilig sa basketball sa buong bansa.

Sa gitna ng labanang ito ay ang dalawang manlalaro na minsa’y magkakampi ngunit ngayo’y magkatunggali dahil pinili ng isa na manatili sa alma mater habang ang isa nama’y nagdesisyong makipagsapalaran sa kabilang bakuran. Sa kabila nito, buo pa rin ang kanilang samahan at nanatiling mabuting magkaibigan.

Para sa aming unang ambag sa Power of Two series, tampok ang 6’0" guard ng La Salle na si BJ Manalo at na 6’5" na sentro ng Ateneo na si Enrico Villanueva. Alamin ang simula ng kanilang samahan, pananaw sa kakatapos na UAAP season, prospek ng mga koponan at mga plano sa hinaharap.

Simula ng pagkakaibigan

Enrico: Si BJ kakilala ko noong grade school pa lang sa Ateneo, one batch lower siya sa akin. Tapos naging teammate ko siya noong high school. Noon pa, superstar na yan si BJ. Talagang BJ Manalo na yan. Grade school, high school, kilalang-kilala na siya. Ako nagsimulang maglaro, yung matagal na matagal, noong high school na.

Talagang malapit kaming dalawa. Ako yung sentro, siya yung point guard ko so nagtutulungan talaga kami. Tapos, kahit sa labas ng court, lagi kaming magkasama. Kasi dati, wala naman akong sasakyan so nakikisabay ako sa kanya. Pati noong nag-National Team kami, magkasama kami sa India so lalo kaming naging mas malapit.

Pinagkakasunduan, Di-pinagkakasunduan…

BJ: Noong high school ako, parati kaming magkasama, halos araw-araw dahil sa practice. Ngayon, di natin masisisi na may gap na rin kahit papano. Siyempre marami akong namiss-out sa buhay niya, marami siyang namiss-out sa buhay ko pero dahil yung buto na naitanim namin ay malalim, yun talaga ang lumalabas ngayon.

Marami kaming pinagkakasunduan, pareho namin gustong makapaglaro sa PBA. Siyempre di kami nagkakasundo kapag Ateneo-La Salle game.

Enrico: Siguro wala kaming di-napagkakasunduan ni BJ except inside the court, when we play against each other although laro lang yun. Good friends talaga kami. Kumbaga puwede niya akong tawagan tapos ganun din ako sa kanya.

Enrico on BJ: “Siguro wala kaming di-napagkakasunduan ni BJ except inside the court, when we play against each other although laro lang yun. Good friends talaga kami.”

Typical day…

BJ: Gumigising ako ng 7:30 a.m. kasi may individual work-out ako. Tapos pumapasok ako ng mga 11:00 a.m. From 11:00 a.m. to 3:00 p.m., nakalaan sa mga klase ko. Pagkatapos nun, mula 4:00 to 7:00 p.m., nakalaan na yan sa basketball. Tapos, mag-aaral, matutulog, tapos gigising ulit.

Enrico: Normally gigising ako ng 9:00 a.m. tapos I’ll be at the Ateneo around 11:00 a.m. Magwowork-out ako tapos lunch and then afternoon may practice hanggang gabi. That’s around 3 hours. Tapos depende sa araw, minsan pupunta sa mall, tumitingin-tingin ng bibilhin.

Pagbabalanse ng palalaro at pag-aaral

BJ: Iyan ang pinakamahirap na gawin ng isang atleta – ang paglalaro habang nag-aaral. Siyempre may mga oras na kailangang mag-aral pero pagod na pagod ka. Minsan, may mga laro ka pero pagod na pagod na dahil dumaan ka sa isang pagsusulit.
Siguro, ipa-prioritize lang kung ano yung kailangang gawin, iwas muna sa labas-labas. Kaunting sakripisyo, kasi hindi naman ako nilagay dito. Ako yung pumili dito sa daan na tatahakin ko. Kailangan ko lang alamin yung kailangan kong gawin.

Enrico: Siguro yung priorities mo kailangang malinaw, alamin yung kailangang gawin, yung oras, kailangang hati-hatiin sa pag-aaral, paglalaro at personal na lakad. Hindi naman gaanong mahirap, kailangan lang maging responsible at huwag ihuli yung pag-aaral kasi mahirap maghabol sa huli.

Sa paglipat ng paaralan

BJ: Noong ginawa ko yung paglipat, hindi basta-basta yun. Maraming factors. Talagang ipinagdasal ko yun. Actually, niloko-loko ako ni Rico. Di kami nag-usap kasi nasa high school ako at college siya. Siguro hindi kami nagkaintindihan, pero ngayon wala na sa amin yun. Nandoon pa rin yung pagkakaibigan namin.
Wala akong regrets sa paglipat. Unang-una, nasa magandang eskuwelahan din ako, natikman ko rin ang mag-aral sa isa sa magagaling na institusyon sa Pilipinas, nagkaroon ako ng bagong kaibigan, nagkaroon ako ng tatlong championship sa UAAP, malapit na akong grumaduate ng college. At dito ko pa nakilala yung magiging asawa ko.

Enrico: Siguro kahit papano, nasaktan din ako kasi gusto ko sana matulungan niya ako sa seniors. Tapos hinintay ko siya para matuloy namin yung mga nagawa noong high school. Pero eventually, kailangan mong respetuhin ang desisyon niya. Hindi naman maibabalik yun.
Nag-usap din kami tungkol dito, tinanong din niya ako. Sabi ko kung yun ang gusto niya, susuportahan din namin siya. Mas gusto ko talagang magsama kami sa Ateneo. Sinabi ko sa kanya na mahirap yung maghiwalay. Kung pupunta siya sa La Salle, masakit yon. Pero kung yun ang gusto niya, di naman masisira yung pagkakaibigan namin dahil dun eh. Hindi naman magbabago si BJ kahit lumipat siya ng La Salle eh.

Sa kakatapos na UAAP season

BJ: Siyempre masakit talaga natalo. Lahat ng pagod…siyempre natalo pa kami sa Ateneo. Pero kung titingnan ko ang sarili ko, lahat naman ng goals na si-net ko para sa akin, naabot naman. Yun nga lang, medyo nagkataon na di pinalad para manalo ng championship.
Blessing na rin yung maramdaman namin ang pagkatalo. Kasi pagkatapos ng apat na taon na parating kampeon, mahirap din yun… Siguro tamang-tama din ito para makababa kami sa lupa. Sa tingin ko medyo lumaki yung ulo ng team. Nahirapan na ring i-motivate dahil apat na sunud-sunod na. Talagang mahirap nang maghanap ng pampagana. Tamang-tama lang ito, una na yung natalo sa Ateneo. Ang maganda naman nun, may susunod pang taon para bumawi.

Enrico: Napakasarap ng feeling kasi lahat ng pinaghirapan namin noon, natupad na. Ang dreams namin dati, sobrang hirap abutin. Ngayon, through hard work and prayers, napunta sa amin ang championship. Tapos ito pa yung last year ko sa UAAP.
I also felt vindicated nong ako yung naging MVP (Most Valuable Player). Lahat ng pinaghirapan ko parang nabalewala dati tapos ngayon doble yung nakuha ko. Sobrang sayang-saya. Siyempre nagpapasalamat din ako sa Diyos. Very thankful na ibinigay sa amin ito.

Sa “pagbebenta” ng game 3

BJ: Ako, di naman masasabing maganda yung nilaro ko pero ginawa ko talaga yung makakaya ko para sa laro. At katulad nga ng mga sinasabi nila sa mga chismis, siguro wala kaming palusot para sabihin na may mga kasama nga ako ng nagbenta. Talagang deserving yung Ateneo. Siguro ine-expect ng Ateneo na ang mga manalalarong iyon ang magagaling so pinag-aralan nila nang mabuti at na-check nila.

Enrico: Mahirap magsalita pero, sa tingin ko naman, unfair para sa player na iyon at saka unfair para sa team namin. Kumbaga sa amin, pinaghirapan namin iyon. Hindi madaling manalo ng championship. Marami kaming pinagdaanan, maraming mga luha ang naubos diyan.
Meron talagang pagkakataon na di mo talaga mailalabas yung laro mo eh. Nagkataon, nung game 3, hindi siya nakapagperform.
In the same way siguro, natural yun eh. Kapag natalo ka, may masisisi’t masisisi. Kagaya last year, ako naman yung sinabihan na nagbenta. Kahit sino naman siguro, as a player, mahirap naman siguro magbenta ng laro, lalo na yung championship ng eskuwelahan so I don’t think that’s possible.

Sinabi sa isa’t isa pagkatapos ng championship game

BJ: Kapag UAAP kasi, di kami nag-uusap eh. Talagang umaapoy kami bilang atleta, nandoon yung desire to win. Siguro noong natalo kami, noong nag-buzzer na, nanaig yung pagkakaibigan namin.
Natutuwa ako sa nangyari dahil nag-champion sila. Sabi ko sa kanya "Sayang at hindi kita masasamahan ngayon sa kasiyahan mo kasi nasa kabila na ako."

Enrico: Sinabi niya na, "You deserve this. Kayo talaga yung champion, pinaghirapan ninyo ito." Tapos nagpaalam na rin ako kasi huling taon ko na nga. Sabi ko, "Thank you at kung ano man yung kailangan mo, nandito pa rin ako."

Prospek ng koponan sa isang taon

BJ: Ang mawawala sa amin sina Mike Cortez, Willie Wilson, Adonis Sta. Maria. Siyempre yung tatlo na iyon, mabigat na. Hindi talaga sila mapapalitan. Yung mga bago sa amin o kami mismo, kailangang takpan ang butas na maiiwan.
Maganda naman yung ipinapakita ng mga rookie namin. Kahit na mga bago sila, they are playing above par. Siyempre, marami pa silang igagaling at yung improvement kakailanganin pa namin para makabuo kami ng isang championship.
Alam ko na kaya naming makuha ulit yung korona next year pero alam ko na pawis at dugo ang katapat nito.

Enrico: Anim kaming mawawala: Epo Quimpo, Sonny Tadeo, Jek Chia, Marco Benitez, Andrew Cruz at ako. Pero nandoon pa rin sina Larry Fonacier, Rich Alvarez, Wesley Gonzales, L.A. Tenorio at babalik si Magno Nemembre at Paolo Buguia.
I think kayang-kaya pa ring ma-defend ang crown. Although siyempre mag-iiba yung system nila. Kumbaga dati ako yung sentro, ngayon mag-aadjust sila kay Paolo. I think mas mabilis yung team nila kasi pagsasabayin mo sina Larry, Rich, at Wesly lagi.

Mga plano

BJ: Meron pa akong isang taon sa UAAP. Sana makapaglaro ako sa PBA pagkatapos kong grumaduate.

Enrico: Aside from the PBA draft, mag-aadjust lang muna tapos titingnan ko kung ano ang mangyayari. Eventually, gusto kong makapagtayo ng negosyo. Puwedeng restaurant o siguro clothing store. Basta yung business na ako yung magpapatakbo talaga.

Mensahe sa isa't isa:

BJ: I-enjoy niya ito, kasi alam ko naman na pinaghirapan niya ito at alam ko rin kung gaano siya kasaya ngayon. Tapos last year pa niya. Pero siguro, sabi ko rin na pagkatapos nito, huwag siyang makakalimot sa Diyos na nagbigay ng lahat ng ito sa kanya.
Sana matuloy lahat ng pangarap niya na makapaglaro sa PBA at sana magkasama ulit kami sa iisang team balang araw.

Enrico: Goodluck sa paglalaro, mag-ingat ka parati. Hopefully, magkakasama ulit kami sa PBA.

Mensahe sa mga mababasa

Enrico: Gusto kong magpasalamat sa mga sumusuporta sa Ateneo at sa UAAP. Continue to support Ateneo and the league. Sana patuloy pa rin ang pagdarasal sa amin. At goodluck sa lahat ng Pilipinong nandiyan at God bless.

BJ: Alam kong malayo kayo sa bansa at tulad nga ng pag-alis ko mula sa Ateneo papuntang La Salle, may mga sakripisyo kayong ginawa para matupad ang mga pangarap ninyo. Maraming mga tao ang hindi nakakaintindi, kasi usually ang mga nasa Japan, kinakahon na ang imahe.

Tibayan ninyo ang inyong loob. Basta’t alam ninyong malinis at binubuhay ninyo ang inyong pamilya, huwag kayong mawawalan ng loob. Kaming mga nandito sa Pilipinas, saludo talaga kami sa inyo.
</body> </html>