 |
ANG KATOTOHANAN ANG MAGPAPALAYA SA IYO
Labindalawa lamang ang mga alagad ni Kristo nang pasimulan niya ang misyon
niya rito sa lupa. Ngunit matapos ang ilandaang taon, ang Kristiyanismo
ang naging pinakalaganap na pananampalataya sa mundo.
Nang itatag nina Bonifacio ang Katipunan sa Tondo noong 1892, sampu lamang
silang nagtipon-tipon sa Tondo. Ngunit makalipas ang apat na taon lamang,
pinasiklab nila ang rebolusyon na nagluwal ng kalayaan ng Pilipinas.
Ganyan ang lahat ng bagong ideya. Nagsisimula ito sa maliit at dahan-dahang
lumalaki. Hanggang tuluyan itong makapangibabaw. Lalo pa’t ang ideyang
ito ang nagdadala ng katotohanan.
Mahirap supilin ang katotohanan. Maaaring mapigil ito panandali lamang.
Ngunit susulong at susulong ito hanggang yakapin ito ng mga tao.
Kaytagal nang nangingibabaw sa Marikina ang isang uri ng kaisipan. Isang
kaisipan na iisa lang ang sinasabi--na ang Marikina ay modelo sa kalinisan
at kagandahan. At dapat itong tularan ng ibang siyudad at bayan.
Pinagtatakpan nito ang mas mahalagang katotohanan. Hindi napag-uusapan ang
mga katiwalian sa city hall. Hindi nababanggit ang walang katuturang paglustay
ng pera ng bayan. Hindi nadi-diario ang pagbagsak ng industriya ng sapatos
at iba pang negosyo rito. Hindi nalalantad ang mga illegal at labis-labis
na buwis sa ating siyudad. Hindi tumatampok ang laganap na kriminalidad
na bunga ng kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Totoo ang mga ito. Ngunit hindi lumalabas at lumalaganap. Kayat hindi tayo
malaya. Alipin tayo ng kasinungalingan.
Ngunit hindi panghabang-panahong masisikil ang katotohanan. Lalabas at lalabas
ito.
Ito ang dahilan kung bakit namin inilalathala ang Lak-Bayan.
Ito ang maliit naming ambag sa paglilinglod sa katotohanan. Dito, mababasa
ninyo ang mga bagay na hindi nyo pa alam dahil pilit ikinukubli sa inyong
paningin.
Ang diariong ito ay tungkol sa inyo at sa mga nais nyong sabihin. Sa inyo
ito. At ang katotohanang mababasa ninyo rito ang magpapalaya sa inyo.
|