GAME KA NA BA?
ni Jon-Jon Carlos Anung siyudad sa Metro
Manila ang may pinakamataas na real property tax at iba pang uri ng buwis?
Anung siyudad sa Metro Manila ang wala man lang kahit isang sinehan?
Anung siyudad dito ang wala man lang escalator o commercial elevator?
Aling siyudad ang may alkalde na humaharap sa pinakamalaking kaso sa Ombudsman?
Anung siyudad ang may pinakamaraming carnapping, robbery, at drug cases
per capita?
Nakahanda na ba kayong sagutin ang mga tanong na ito? GAME KA NA BA?
Ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay -- MARIKINA CITY!
Malinis ang Marikina, Totoo ‘yan. Maganda ang Marikina. Totoo rin
‘yan. Ngunit sa likod ng kalinisan at kagandahang ito ay nakakubli
ang mas malalaking problema ng siyudad -- pagbagsak at kahirapan ng buhay,
lumalalang problema sa peace and order, at laganap na katiwalian o corruption.
Maaari pang matiis ng mga taga-Marikina ang kawalan ng elevator o escalator.
Makakapagpasensya pa ang mga taga-Marikina kung wala tayong mga sinehan.
Ngunit mahirap tiisin ang pagkalam ng sikmura, ang pagkaba ng dibdib at
pagkabutas ng bulsa dahil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Umunlad na raw ang kabuhayan ng mga taga-Marikina. Kakaunti na raw ang
mahihirap. Wala na raw mga iskwater, ayon kina MCF. Ito’y isang
malaking kasinungalingan! Totoong wala nang mga iskwater sa maraming lugar
ngunit ang mga ito’y itinapon at isiniksik nila sa mga delikadong
lugar tulad ng Tumana, Balubad at Camacho.
Ipinagmamalaki nila na narito ang pinakamalaking sapatos sa buong daigdig.
Totoo yan. Ngunit narito rin ang pinakamalaking pagbagsak at pagkalugi
ng mga sapatusan! Ngayon, sa dating 1,000 sapatusan na nasa Marikina,
halos 200 na lamang ang naririto at naghihingalo pa.
Ang 600 sapatusan ay lumipat na sa Cainta, Antipolo o San Mateo o kaya’y
tuluyan nang nagsara. Ang dahilan -- sobrang taas ng buwis at iba pang
paghihigpit dito sa Marikina. Apektado hindi lang ang mga sapatusan kundi
ang lahat ng malalaki at maliliit na negosyo sa Marikina ng pagtaas ng
mga buwis.
Hindi na raw rape capital ang Marikina. Totoo ‘yan. Ngunit ang hindi
nila inaamin ay ang laganap na problema sa droga sa Marikina. Ang problemang
ito ay nagbubunga ng laganap na nakawan, pagkawala ng mga sasakyan, pagpatay,
holdap at iba pang krimen. Aanhin mo ang maganda at malinis na kalsada
kung kakaba-kaba naman ang dibdib mo tuwing uuwi ka sa gabi o tuwing matutulog?
Hindi magtatagal at Marikina naman ang tatanghaling drug capital o robbery
capital ng Pilipinas.
Magpasalamat daw ang mga taga-Marikina dahil meron daw tax amnesty, yellow
card at iba pang gimik sina MCF. Ngunit ang mga ito’y paraan lang
ng administrasyong MCF para mas makahuthot ng mas malaking buwis sa taumbayan.
At para na rin nilang inaamin na wala nang pondo ang pamahalaang lungsod.
Kamakaila’y ipinag-utos ng city hall sa mga barangay na sila na
lang ang magbayad ng kuryenteng ginagamit sa pailaw sa mga kalye. Nauna
rito, pinilit nina MCF na tumulong ang mga barangay sa pangongolekta ng
garbage fee. Ngunit ang mas matindi pa, ngayo’y binubuwisan na ni
MCF pati ang mga bahay sa depressed area na alam naman niyang exempted
sa amilyar!
Malinis at maganda ang Marikina. Kapuri-puri ka.
Ngunit naghihirap ang taumbayan at maraming walang trabaho. Bagsak ang
peace ang order at laganap ang mga krimen. Bangkarote ang pamahalaang
lungsod at talamak ang graft and corruption. Kapuri-puri ka? Walang kapera-pera
ka!
Patuloy ka pa bang magsasawalang-kibo? Nakahanda ka na bang kumilos? Kababayang
taga-Marikina
|