BALITA
- Pebrero 15, 2005
References: Connie Bragas-Regalado, Tagapangulo,
259-1145 & 0927-2157392
Vince Borneo, Information Officer, 0927-7968198
MIGRANTE: Kinokondena ng mga OFW at pamilya ang pagbomba
sa Makati, Davao at Gensan; sumuporta sa panawagang makipag-truce
ang gubyerno sa MNLF
"Mahigpit
na kinukondena ng mga overseas Filipino workers at kanilang mga
pamilya sa ilalim ng Migrante Sectoral Party ang naganap na serye
ng mga pambobomba sa mga lunsod ng Makati, Davao at General Santos
na ikinasawi ng hindi bababa sa 10 katao at ikinasugat ng mahigit
136 iba pa sa magkakahiwalay na insidente ng pagsabog kagabi.
"Mahigpit
naming kinokondena ang serye ng mga pagsabog. Nakikiramay din kami
sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatang ordinaryong sibilyan.
Kailangang mahuli, malitis at maparusahan ang mga may pakana ng
panibagong pananakot na ito sa mamamayan. Dapat hindi ulit mangyari
ang walang-batayang pagdadampot ng mga kapatid nating mga Muslim
sa Culiat, Taguig at Quiapo upang may maiprisinta lamang sa media
na umano'y mga 'suspect bombers,'" ayon kay Connie Bragas-Regalado,
tagapangulo ng Migrante Sectoral Party.
Nanawagan
si Bragas-Regalado sa lahat ng mamamayan na mahigpit na magbantay
sa mga susunod pang pangyayari, lalo na ang mga hakbang ng pamahalaan.
"Dapat mahuli agad ang tunay na salarin ng pambobomba sa tatlong
syudad. Nananawagan kami sa pulisya at militar na huwag basta-basta
manghuli at magharap sa media ng mga suspek."
Nangangamba
ang Migrante na baka "gawin 'smokescreen' ng Malakanyang ang
mga insidente ng pambobomba para palawakin pa ang gyera sa Mindanao."
"Hindi
dapat gawing dahilan ng gubyernong Macapagal-Arroyo at Armed Forces
of the Philippines ang mga pagsabog para patindihin at palawaking
pa ang atakeng militar sa Sulu. Marami nang sibilyan ang nadadamay
sa mga operasyong militar sa Sulu kung saan 100 na ang napatay at
7,000 sibilyan ang napilitang lumikas sa Panamao at mga karatig
bayan sa Sulu. Sinusuportahan ng Migrante ang panawagan sa gubyerno
na itigil na ang pambobomba sa Sulu at magpursige pa sa isang "truce"
sa mga grupong tinutugis, partikular sa Moro National Liberation
Front, sa lalawigan ng Sulu para wala nang sibilyang mapipinsala
sa gyera," ani Bragas-Regalado.
"Ang
insidente sa Makati, Davao at GenSan ay hindi dahilan para magdeklara
ng todo-largang panggegyera sa Sulu at sa buong Mindanao. Dahil
kapag nagtodo-gyera ang AFP sa Mindanao, mas maraming sibilyan ang
madadamay, kasama na ang milyun-milyong pamilya't kaanak ng mga
OFW," ani Bragas-Regalado. #
|