home  
 
     
 

Balita - Pebrero 28, 2005
Sanggunian: Connie Bragas-Regalado, Tagapangulo, 259-1145
Vince Borneo, Pinuno ng Impormasyon, 0927-7968198

Bukas, Marso 1, ang crackdown sa Malaysia!
Sisimulan na ang pagtugis, paglatigo sa mga Pilipino sa Malaysia!


"Simula na bukas ang pagtugis ng gubyernong Malaysia sa tinatayang 500,000 Pilipinong manggagawa. Ang masidhi sa sitwasyong ito ang kawalan ng hakbang at kahandaan ng administrasyong Macapagal-Arroyo sa napipintong pang-aabuso ng mga awtoridad na aaresto, magkukulong at manglalatigo sa madakip na kababayan natin sa Malaysia."

Ito ang pahayag ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng MIGRANTE Sectoral Party sa lalalang sitwasyon na "humanitarian crisis" na kakaharapin ng gubyerno sa crackdown ng Malaysia sa lahat ng migranteng undocumented simula bukas.

"Malinaw ang sinabi ni Malaysian Prime Minister Abdullah Ahmad Badawi sa media na "will crack down hard on undocmented migrants, including thousands of Filipinos, starting March 1. Walang ginawa ang mga sugong pinadala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malaysia para ipatigil ang crackdown, lalo na ang kalakaran ng gubyerno ng Malaysia na manortyur ng mga madadakip na kababayan natin sa pamamagitan ng anim na hampas ng yantok," ani Bragas-Regalado.

Ipinadala ni Pang. Arroyo ang isang delegasyon na pinamunuan nin Foreign Affairs Undersecretary Jose S. Brillantes noong Pebrero 23 lamang kahit na noong pang Disyembre 2004 nagpahayag ang MIGRANTE sa bulnerableng sitwasyon ng ating kababayan sa Malaysia.

"Ang masaklap pa rito, inamin mismo ng ilang opisyal ng mga departamento ng labor at foreign affairs na "imposible para sa gubyerno na agapan ang sitwasyon kung ang lahat ng 500,000 Pilipino na undocumented sa Malaysia, - kung saan 170,000 ay nasa isla ng Sabah - ay madedeport. Ang masaklap pa, kinapos talaga ang ginawa ng gubyerno sa pamamaraang diplomatiko para walang maganap na paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipinong undocumented sa Malaysia," banggit ni Bragas-Regalado.

Nababahala ang Migrante na maulit ang malagim na insidente noong 2002, kung saan may namatay na mga sanggol ng mga kababayan nating undocumented sa proseso ng deportasyon, liban pa sa panunog ng mga bahay at panonortyur.

"Alam ng administrasyong Arroyo na ang crackdown ay ipapatupad ng 560,000-bilang Peoples' Volunteer Corps na magagawaran ng pabuyang 100 ringgits (P15,000) kada migranteng walang papeles na ma-aresto. Ngunit walang anumang pahayag ang Malacanang laban sa ganitong di-makataong pamamaraan ng gubyerno ni Badawi," ani Bragas-Regalado.

Inihayag ng Migrante na karamihan sa mga Pilipinong undocumented sa Malaysia ay nagmula sa mga probinsya ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, Lanao del Sur at iba pang pinaka-mahihirap na lugar sa Mindanao. Matatagpuan sila sa mga industriyang plantasyon, konstruksyon, entertainment and at mga restawran sa buong Malaysia

"Muli, nananawagan kami sa gubyerno ni Badawi na huwag ituloy ang crackdown at igalang ang karapatang pantao ng mga migrante sa Malaysia," ani Bragas-Regalado. #


 
january
february
march
april
may
june
july
 
     
       
 

"For a long time, others have been speaking in our behalf...It is NOW time to speak for ourselves".
MIGRANTE SECTORAL PARTY
Sectoral Party of Overseas Filipinos and Their Families