Balita
- March 1, 2005
Sanggunian: Connie Bragas-Regalado, Tagapangulo,
259-1145 & 0927-2157392
Vince Borneo, Pinuno sa Impormasyon, 0927-7968198
Ngayon,
Marso 1, ang crackdown sa Malaysia!
Sisimulan na ang pagtugis, paglatigo sa mga Pilipino sa Malaysia!
"Simula na ngayong araw na ito ang pagtugis ng gubyernong Malaysia
sa tinatayang 500,000 Pilipinong manggagawang undocumented. Ang
masidhi sa sitwasyong ito ang kawalan ng hakbang at kahandaan ng
administrasyong Macapagal-Arroyo sa napipintong pang-aabuso ng mga
awtoridad na aaresto, magkukulong at manglalatigo sa madakip na
kababayan natin sa Malaysia."
Ito ang
pahayag ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng MIGRANTE Sectoral
Party sa lalalang sitwasyon na "humanitarian crisis" na
kakaharapin ng gubyerno sa crackdown ng Malaysia sa lahat ng migranteng
undocumented simula bukas.
"Malinaw
ang sinabi ni Malaysian Prime Minister Abdullah Ahmad Badawi sa
media na "will crack down hard on undocmented migrants,"
kasama ang mga Pilipino, simula ngayong March 1." Walang ginawa
ang mga sugo na pinadala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa
Malaysia para ipatigil ang crackdown, lalo na ang kalakaran ng gubyerno
ng Malaysia na manortyur ng mga madadakip na kababayan natin sa
pamamagitan ng anim na hampas ng yantok," ani Bragas-Regalado.
Ipinadala
ni Pang. Arroyo ang isang delegasyon na pinamunuan nin Foreign Affairs
Undersecretary Jose S. Brillantes noong Pebrero 23 lamang kahit
na noong pang Disyembre 2004 nagpahayag ang MIGRANTE sa bulnerableng
sitwasyon ng ating kababayan sa Malaysia.
"Ang
masaklap pa rito, inamin mismo ng ilang opisyal ng mga departamento
ng labor at foreign affairs na "imposible para sa gubyerno
na agapan ang sitwasyon kung ang lahat ng 500,000 Pilipino na undocumented
sa Malaysia, - kung saan 170,000 ay nasa isla ng Sabah - ay madedeport.
Ang masaklap pa, kinapos talaga ang ginawa ng gubyerno sa pamamaraang
diplomatiko para walang maganap na paglabag sa karapatang pantao
ng mga Pilipinong undocumented sa Malaysia," banggit ni Bragas-Regalado.
Nababahala
ang Migrante na maulit ang malagim na insidente noong 2002, kung
saan may namatay na mga sanggol ng mga kababayan nating undocumented
sa proseso ng deportasyon, liban pa sa panunog ng mga bahay at panonortyur.
"Alam
ng administrasyong Arroyo na ang crackdown ay ipapatupad ng 560,000-bilang
Peoples' Volunteer Corps na magagawaran ng pabuyang 100 ringgits
(P15,000) kada migranteng walang papeles na ma-aresto. Ngunit walang
anumang pahayag ang Malacanang laban sa ganitong di-makataong pamamaraan
ng gubyerno ni Badawi," ani Bragas-Regalado.
Inihayag
ng Migrante na karamihan sa mga Pilipinong undocumented
sa Malaysia ay nagmula sa mga probinsya ng Basilan,
Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, Zamboanga del
Sur, Lanao del Norte, Lanao del Sur at iba pang pinaka-mahihirap
na lugar sa Mindanao. Matatagpuan sila sa mga plantasyon
ng palm oil, sa konstruksyon, bahay aliwan (entertainment)
at mga restawran sa buong Malaysia
"Muli, nananawagan kami sa gubyerno ni Badawi na
igalang ang karapatang pantao ng mga migranteng Pilipino
sa Malaysia," ani Bragas-Regalado. #
|