BALITA-
Mayo 26, 2005
Sanggunian: Connie Bragas-Regalado, Tagapangulo
Mga Telepone: Telefax - 926-2838 at 0927-2157392
Vince Borneo, Pinuno ng Impormasyon, 0927-7968198
Tinutugis ang mga undocumented OFW at bakla sa Saudi Arabia!
Kinukwestyon ng Migrante Sectoral Party ang pananahimik ng gubyernong
Macapagal-Arroyo sa rumaragasang crackdown laban sa mga undocumented
na overseas Filipino workers (OFW) at mga bakla sa Saudi Arabia,
lalo na't daan-daang mga Pilipino ang maaaring maaresto, ikulong
at i-kriminalisa sa nasabing bansa.
"Bakit tahimik ang Malacanang sa nagaganap na 'crackdown laban
sa krimen' ng gubyerno ng Saudi Arabia? Hindi bababa sa 1,000 Pilipinong
OFW at hindi masabing bilang na mga bakla na nakakalat sa buong
Saudi Arabia ang mabibiktima sa mga reyd at pambububog doon,"
ani Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng MIGRANTE Sectoral Party.
Pinahihigpit ng Saudi Arabia ang kanyang security at immigration
procedures sa konteksto ng war of terror ng Estados Unidos. Lahat
ng mga migrante na walang mga work permits at iba pang porma ng
mga papeles at ID ay aarestuhin, ikukulong at idedeport.
"Kami'y nagugulantang sa patuloy na pananahimik ng Malacanang,
Department of Foreign Affairs at ang Philippine embassy sa Saudi
Arabia sa patuloy na crackdown doon. Dapat alalahanin ng administrasyon
Macapagal-Arroyo na daan-daang mga OFWs ay istranded sa mga syudad
ng Riyadh, Jeddah at Al-Khobar. Ang mga OFW na ito ay tumakas sa
mga abusadong mga employer kung kaya't wala silang mga iqama (work
permits) at pasaporte. Karamihan sa mga ito ay sinampahan ng mga
gawa-gawang kaso ng pagnanakaw, pag-iinom ng alak at pagiging bakla.
Wala rin silang tsansa para sa pantay na paglilitis at proteksyon
sa ilalim ng batas-Saudi Arabia. Mas malala pa ang mararanasan ng
mga Pilipinong bakla dahil kung sila ay mahuli ay posibleng ipataw
ang parusang kamatayan sa dahil bawal ang bakla sa Saudi Arabia,"
ani ni Bragas-Regalado.
Lumabas na sa iba't ibang pahayagan sa Middle East na naglulunsad
na ng mga reyd ang Saudi government sa Riyadh, Makkah, Taif at Jeddah
noong Abril bilang bahagi ng kanilang "nationwide anti-crime
campaign." Isang Pilipino na napagkamalang bakla ay hinuli
at binugbog bago pakawalan. Walang datos kung ilang mga posibleng
mga baklang Pilipino sa bansa.
"Sa itinatakbo ng crackdown, mga 15,000 migranteng undocumented
mula sa Somalia, Chad, Yemen, Bangladesh at Pilipinas ay naaresto
noon pang Abril," ani Bragas-Regalado.
Walang komento man lang ang makuha ng Migrante sa mga kinauukulan
sa DFA at kay Philippine Ambassador Bahnarim Guinomla sa Riyadh.
There are at least 915,000 Filipinos in Saudi Arabia.
"Isama na rito ang pagsang-ayon ng Malacanang sa fingerprinting
procedure para sa lahat ng mga tao - kaysa ang mga OFWs - na pumapasok
sa Saudi Arabia, halatang sumasang-ayon ang administrasyon Macapagal-Arroyo
sa pagkriminalisa ng gubyernong Saudi Arabia sa mga OFWs at mga
bakla," pagtatapos ni Bragas-Regalado. #