BALITA
- May 27, 2005
References: Connie Bragas-Regalado, Chairperson
Contact Numbers: Telefax - 926-2838 and 0927-2157392
Vince Borneo, Information Officer, 0927-7968198
OFW na napagkamalang bakla, binugbog sa Saudi Arabia
Ibinunyag ng Migrante Sectoral Party ang kawalang-hiyaang dinanas
ng isang overseas Filipino worker sa Saudi Arabia na binugbog ng
mga pulis matapos maparatangang bakla sa konserbatibong bansa.
"Mismo ipinahayag ng embahada ng Pilipinas noon pang Mayo
10 na binugbog ng tatlong religious police ng Saudi Arabia ang OFW
na si Graciano Cauilan. Ang dahilan? Pinagsuspetsahan siyang bakla
ng mga nag-asunto sa kanya," banggit ni Connie Bragas-Regalado,
tagapangulo ng MIGRANTE Sectoral Party.
Dinakip si Cauilan sa Old Industrial City sa loob ng Riyadh noong
Mayo 5. Matapos hingan ng kanyang iqama o work permit, biglang pinaratangan
siyang bakla at agad na sinuntok, tinuhod at isinakay sa isang Nissan
Patrol SUV na may plate no. 872.
Matapos dalhin sa kanilang pinuno, dinala si Cauilan sa ospital
kung saan ginamot ang kanyang mga sugat sa ulo at iba't-ibang bahagi
ng katawan.
"Ang tanging pahayag ng embahada sa pangyayaring ito ay 'grave
concern over the excessive and unnecessary use of force on a Filipino
man on mere suspicion of being a homosexual.' Walang iniisip si
Philippine Amb. Bahnarim Guinomla na hakbang para bigyang proteksyon
ang daan-daang istranded na OFWs na walang trabaho at mga baklang
Pinoy na nakakalat sa buong Saudi Arabia. Maraming Pilipino ang
maaaring ma-aresto, mabugbog at makulong sa nasabing bansa,"
ani Bragas-Regalado.
Wala ring sagot ang pamahalaan sa matagal nang hinihiling ng miltanteng
grupo na bigyang proteksyon ang mga 915,000 OFWs sa harap ng rumaragasang
crackdown laban sa mga undocumented na migrante at mga bakla na
parehong binabansagang mga kriminal ng gubyernong Saudi Arabia.
"Dapat nang magsampa ng diplomatic protest ang pamahalaan
sa gubyerno ng Saudi Arabia sa nangyari kay Cauilan. Ngunit ang
patuloy na pananahimik ng Malacanang ay dagdag na patunay na walang
pakialam ang administrasyong Macapagal-Arroyo sa kalagayan at kagalingan
ng mga OFW sa nasabing bansa," ani Bragas-Regalado.