![]() |
||
![]() |
||


Hayan! May rally na naman! Kung may ayaw ka, huwag mag-atubiling idaan sa kalye’t pagsigaw-sigaw ang iyong suliranin… adhikain… Tumawag ka ng pagpupulong at magtatag ng samahan. Para bukas makalawa, tayo’y nasa EDSA… sumisigaw… Nag-uumalpas! Katarungan! Katarungan! Katarungan para sa lahat! Karapatan mo iyan. Huwag kang mag-alala.
Human Rights… meron nga ba?
Protektado nga ba tayo? Ikaw? Ako? Ang sambayanang Pilipino?
Sabi ng pangulo, maximum tolerance ang pairalin. Pweh! Namputsa! Pa-maxi-maximum tolerance ka pa diyan! Eh ano’ng ginagawa ng tear gas at tangke-tangkeng tubig sa harap ng mga nagwewelga? Bakit may mga naglalakihang hose na nakatutok sa kanila?
At kayo namang mga nagwewelga, akala ko ba’y karapatang pantao ang inyong ipinaglalaban? Bakit may mga dala kayong paltik? Ano’ng ibig sabihin ng mga mahahabang kahoy na inyong dala-dala?
Pandepensa?
Hindi uubra iyan!
Wala na rin kayong ipinagka-iba sa mga taong pinupulaan ninyo at pinapaalis sa puwesto…
Walang kuwenta!
Karahasan laban sa karahasan… Saan kayo patungo?
Saan pa? Eh di sa kamatayan…
Kamatayan ng moralidad! Kamatayan ng prinsipyong inyong ipinaglalaban… Wala… Hanggang diyan ka na lamang…
Sa pagdating ni Bush, gumastos na naman ang bansa. Ang Malacañang Palace ay nagmistulang imahe ng karangyaan. Sa bulaklak pa lang, may ilang daang libo na ang nagastos.
Whoa!!!
Akala ko ba naghihirap an gating bansa? Akala ko ba wala tayong pondo? Ano ba talaga ate? Umutang ka na naman ba?
Kawawa naman ang aking mga magiging apo kina Bea at Gaby, sanggol pa lamang matuturing ang kanilang mga ina, may utang na… dahil sa kawalang pagpa-plano ng rehimeng kasalukuyan…
Kung sana ang mamahaling alak na pinagtulungan nilang tunggain ay ibinili niyo ng materyales sa pabahay, disin sana’y may mas may kabuluhan ang pinaglaanan niyo sa pera ng gobyerno…
Ah! Mali pala… Pera pala namin… pera ng sambayanang Pilipino… perang pinundar ng dugo’t pawis ng bawat Juan dela Cruz… mga kaluluwang umaamot ng hustisya… mga kaluluwang unit-unting inaagawan ng ulirat ng klase ng hustisyang ipinagkakaloob sa kanila…
Imulat niyo ang inyong mga mata… May naaayos bang kaguluhan?
Karapatan?
Hmp! People… get f* real!!!
Huwag kang mangatuwiran sa iyong karapatan bilang mambabatas, kaibigan. Ikaw ay iniluklok upang magpanday ng mga kapaki-pakinabang na batas para sa tao… sa aming nakararami… di lamang para sa iyo, senador!
Diborsiyo?
Huh! Ipinakikipaglaban mo iyan?
Nasaan ang koralidad na matagal na iningat-ingatan at ipinagtatanggol ng Inang Pilipinas, kung ikaw mismo na kongresista ang bubuwag nito? Ikaw na pinagkatiwalaan ng mga tao.
Huh!
Isa kang hayop na nagbihis tao upang makapanlinlang. Isang hunyango. Ngunit sa bawat pagsapit ng takip-silim, lumalabas ang iyong kulay… Walang kuwenta!
Ah!
Mabuti pa ang baboy, nakatungo habang pinapakain. Marunong mahiya… magpakumbaba… magpasalamat… Ikaw na tao, meron ka ba niyon?
Di nga ba’t taas-noo ka pang magbunyag ng sarili mong kulay sa madlang Pilipino? Hindi nga ba’t patuloy ka sa pangungurakot sa kaban ng bayan kahit huli ka na sa akto? May rason ka pa rin… “I can get away with this crap!” ika mo… Kapal mo! Ikaw ay patuloy na nariyan sa puwesto. Walang delikadesang bumaba sa iyong kinaluluklukan at aminin ng may dignidad ang iyong kamalian…
Patawad! Di mo nga pala maintindihan ang katagang nasambot ko… wala ka nga palang dignidad…
At oo nga pala… Makapangyarihan ka nga pala. You are above the law… I man, you are the law!
Tang-inis! Para saan nga ba ang batas na iyan?
Puwede ba mga ipokrito’t ipokrita, masyado na kayong nagmamagaling… Magsibaba na nga kayo… bumaba na kayo sa tugatog ng puwestong di naman ninyo pag-aari… mahiya naman kayo sa mga balat ninyo!
Ilang taon na nga ba ang nakalilipas ng mamatay ang aktres na si Nida Blanca? Kanya-kanyang turo. Kanya-kanyang linis ng pangalan. Kanya-kanyang espikulasyon. Walang kinahahantungan ang imbestigasyn. Di malaman ng mamamayan kung ano ang paniniwalaan. Kung sino ang nagsasabi ng totoo o ng pawang kasinungalingan lamang.
Nasaan ang batas? Nasaan ang hustisya? Nasaan ang ipinagmamalaki ninyong hustisya para sa lahat? Ang katarungan ba’y para kanino?
Kung ang mayayaman na’t may pangalan sa lipunan ay din a makamit-kamit ang katarungan ipinaglalaban, paano pa ang mga maliliit at dukha nating mga kababayan?
Paano na kai? Kaming mahihirap… kaming inilugmok ng kaabaan… kaming inihagis sa lipunang walang alam gawin kundi ang bumuo ng kaguluhan?
Hoy! Parekoy! Hapon na naman… pagbukas ko ng TV ay wala na namang magandang balitang makakapagpalubag sa aking kalooban. Kahit sana ang pagbabalikan lamang nina Angel at Oyo ay sapat nang magdulot aliw sa aking pagtulog. Masakit ding isiping pati ang repeat ni Jang Geum ay magwawakas na. wala na rin sa ere si Captain Barbell. Ngunit ayos lang, sina Angel at bad Boy naman ang humalili sa kanilang time slot. Iyon nga lang, panghuli na ang Star Stuck. Hilong talilong na ako ng mga oras na yaon. Sana lang manalo si Steff. Excited na rin ako sa paglabas ng Lupin. Si Richard ba naman ang magiging sikat na magnanakaw? Mantakin mo! Kung totoong magkagayon, aba’y nanaisin kong magpanakaw ng kahit ilang libong halik kay Lupin.
Hay! Minsan ang mga tele-nobela ay kapos sa substance. Mantakin mong si Bakekang ay isang milyo’t isang nasampal at nanampal. Nasabunutan at nanabunot. At nagsabing “P*…na mo!” Diyos meh!
But whatever… patuloy pa ring tinatngkilik ng mamamayang Pilipino, including me.
Bakit?
Simpleng sagot. Mas nanaisin ko na lamang manood ng magpagayon kesa Makita ang mga senador na nagbabangayan… pasamaan ditto, pasamaan don… nagpapakalinis… ngunit pare-pareho lang naman. Maraming mga kasinungalingan. Daang-daang milyon ang naibubulsa mula sa kanilang mga pork barrel – now I’ve realized, the sum of money fits its name… karneng-karne para sa mga buwayang mambabatas…
Balita ko, may patayan sa kabilang kanto. Iyan ang pinagpipiyestahan ng mga dalahirang kapitbahay. At si Mang Raul, natumbok ng mga parak. Di lang pala siya durugista, pusher pa. siguradong kalaboso ang bagsak niya.
Bwahahahaha!!! Madaragdagan na naman ang mga ka-kosa ni Erap… sana sa Muntinlupa rin siya nakakulong. Hindi sa isang de-aircong kulungan na walang ipinagka-iba sa kanyang mga nagtatayugang mansiyon. Duh!
Mabalik tayo kay Mang Raul, noong isang araw lang ay nasagap ng aking mala-antenang tenga na ang kanyang panganay na si Gorio ang siyang utak ng mga pasugalan sa mga estero. At may kapit siyang pulis – si PO2 Demetrio… Oh dib a, bongga? Magkatunog ang mga pangalan nila… no wonder!
At si Luis naman dawn a bunso niya ay isa palang macho dancer sa isang gay club. Ginagapang ng mga matrona at nagbebenta ng panandaliang aliw at makamundong kaligayahn sa kapwa niya bading… You heard me right, isa rin siyang ka-federasyon. Type!
Hay! Kanino pa nga ba magmamana iyan kundi kay Aling Rosa na kaniyang ina. Inang nag-iina-inahan sa magkakapatid. Dating pokpok. Na-promote sa pagkabugaw nang magka-edad. Nagpalipat-lipat ng kuta… este kabit. Sabit ditto, sabit doon. Kay Mang Raul din ang bagsak. Sinayang niya ang katangahan ng isang mayamang Tsinoy. Disin sana’y mala-doña na ang buhay ng hitad.
At sa kabilang kanto, nandiyan din si Pedro na labas-masok sa preso (ain’t that a good rhyme?). Ang kinakasama niya ngayon ay si Tina na kaisa-isang anak na babae ni Aling Rosa… na ewan kung ke Mang Raul dahil mestisahin, di gaya ng kayumangging kaligatang kulay niya… ngunit di rin naman tsinita, kundi’y masasabi ko sanang sa mayamang Tsinoy ang bata… Ay! Di na pala bata si Tina. Pagkat sa edad na desi-sais, pangatlong lalaki na si Pedro sa buhay niya… to be more accurate, among the guys na kinasama niya sa iisang bubong (di ko na ibinilang ang mga naging nobyo na ewan kung nasamyo rin ang kanyang murang bango…).
Mabalik tayo kay Pedro… noong isang buwan ay iba pa ang kinakasama niya. At ang siste, may asawa rind aw ang ale. May tatlong anak na iniwan sa mga biyenan. Dahil ang mister din nito’y may kinakalantaring iba.
At si Pedro nga… naka-ilan na nga rin ba siya? Pang-ilang bulaklak na nga ba niya si Tina? Pagkatapos maanakan… pagsawaan… matuyot ay balewala na naman. Mga babaeng napapariwara. Nabibighani sa kaway ng kamunduhan. Natutuliro sa matatamis na pananalita ni Pedro… o ng sinumang kalalakihan na kagaya ni Pedro.
Ilan na nga ba ang mga tahanang nasisira? Mga anak na napapabayaan? At mga sanggol na di naisisilang dahil sa damo-damo sa sulok ng kanto? O ng mga naisilang man ngunit naitapong parang gula-gulanit na basura… walang buhay… walang dignidad… hindi tao? Mga buhay na nalulugmok sa putik. Nagmistulang mga ebak na walang pakinabang liban sa mga uod.
Uod?
Uod ba ika ko?
Di lang sa mga patay o nasisirang gulay at prutas makikita ang uod. Nariyan lang sila. Tumingin ka lang sa iyong paligid… nagkalat sila diyan… mga uod ng lipunan… Sila na pumapatay sa kagandahan ng mundo na ipinagkaloob sa atin ng May Likha.
Oo… ako man ay makasalanan. Sino ba ang hindi? Lahat tayo sa iba’t ibang paraan ay nagiging uod ng lipunang dapat sana ay ating alagaan. Arugain. Dahil ang mundong ito ay mula sa pag-ibig na busilak. Banal. Mula sa pagmamahal na walang katumbas… ipinagkaloob ng walang pag-iimbot… walang kapantay… walang kapalit… ngunit ating nilalapastangan… niyuyurakan… sinisira ng ating sariling pag-iimbot na di makatarungan.
Oo… tayo’y mga uod sa isang napakaganda at perpektong mundo…
Kelan tayo gagalaw? Kalian natin lilinisin an gating mga kalat? Kapag ba huli na ang lahat? Kapag nagunaw na ang mundo?
Huwag na nating hintaying ang Poon mismo ang kumitil sa mga uod sa loob ng bawat isa sa atin … sapagkat pag Siya ang gumalaw… ang galit Niya ang siyang pupuksa sa atin…
Wala na… wala na … ang mundo… ang buhay… ikaw… ako… tayo… lahat ay mawawala… magtatapos…
Babalik ang lahat sa karimlan… kung saan ang lahat ay nagmula…