Ang Damdamin ng Isang Magtatapos

Ang damdamin ng isang mag-aaral ay sali-salimuot nguni’t ang ukol sa pagtatapos, pagkaraan ng apat na taong pagsusunog ng kilay, ay hindi nagdudulot sa akin ng isang damdaming kakaiba, sa haba ng mga taong nailagi ko sa paaralan.

Ang pagtatapos ay isang pamamaalam sa mga gurong nagsikap na tayo’y mapanuto at pamamaalam din sa mga kaibigan at kakilala. Dahil dito’y nagugunita ko ang maraming naging kakulangan ko sa aking mga guro at sa aking pag-aaral.

Nakatapos na rin ako sa mga pagsusulit at pagsubok. Subali’t kahit na ang tagumpay ay nasasakamay ko na, ito’y panimula lamang. Sa dako pa roo’y may malawak na landas na higit na maluwag kaysa rati, ang aking lalakbayin. Huwag sana akong panghinaan ng loob. Manapa’y dapat na ituring kong ito’y isang pakikibaka na dapat kong harapin.

Datapuwa’t ako’y nag-aalala sa aking magiging bukas. Dalangin ko’y magkatotoo ang aking pangarap na makapagpatuloy sa pamantasan at napupusuang kurso. Subali’t ang pagpapasya ay nasa aking mga magulang na magpapaaral sa akin. Huwag sana akong biguin. Parang nakikita ko na ang aking sarili na nakaupo at palinga-linga sa aking mga katabi sa gabi ng aming pagtatapos. Kaming lahat ay bihis na bihis na may kagalakan ang bawa’t puso. Hindi ako mapalagay dahil sa napaghihinuha kong iyo’y marangal na gabi.

Nagdaan sa aking pag-iisip ang aking mga pinagdaanang sandali sa haiskul. Parang kahapon lamang! Nangingilid ang mga luhang tinungo ko ang akiing mga kamag-aral at mga kaibigan. Kay lungkot na tanggaping iyo’y huling sandali na kami’y magkakatipun-tipon. Hindi na mauulit pa ang aming pagtatampuhan at pagpaparunggitan. Naroon na rin ang mga magkakamit ng karangalan. Sila’y pawing masisigla at karapat-dapat nga silang papurihan sa kanilang pagsusumikap.

Maya-maya’y matatawag na aking panganlan. Hindi ako makapaniwalang tunay na ako’y tatanggap ng diploma. Subali’t pagkalipas ng gabing iyon, at habang nagdaraan ang mga taon, doo’y madadama ko ang pangungulila sa dating sigla ng pag-aaral na kasama ang mga dating guro at kamag-aral, doon ko pa lamang matatatanggap na ang aking pagtatapos ay pinakamasayang bahagi ng aking buhay.

Virgilio Malang