ROSMON TUAZON
Turin: Autopsiya
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS POEM. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES |  CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
I

Muli, inilatag ang habi ng hapis.
Dulo sa dulo

*

ang dungis ng linen.
Gayong halos hindi nag-init ang katawan
sa yakap nito

*

umano: bendang nalagas
mula sa dambuhalang sugat.

*

Nagtatalo’t nagsasalubong
ang mga daliring
may kani-kaniyang latay

na itinuturo sa tela.
Waring nag-uunahan sa pagtuklas

ng hindi pa napapangalanang pulo o ilog
sa heograpiya
ng libag, pawis, at dugong tumigmak,

*

nanuyo. Ang bangkay?
Minsan lamang

maaaring akuin ang kamatayan.
Kung lumabis sa minsan,

*

hindi tao
ang sadyang may lakas ng loob.
Sumangguni sa mga nakasaksi.

*

Tinawag silang saksi
dahil may kailangang patunayan.
Ngunit kung nalalansi ang mata,


*

sumalat. Kapain ang hubog
ng bakas,

*

ang biglang lubog, ang biglang angat.


II

Sadyang hindi binigyan ng pagkakataong
maagnas.

*

Ang banal
ay pumapanaw nang salat

*

sa palatandaan.
Kung nalalansi ang mata, sumalat.

*

Ang ari, nakatabing
sa salikop ng mga butás na palad.

*

Hindi sila makapagbitaw ng husga.
Hindi sila makabitaw.

*

Hindi nila malaman kung saang hanggan

*
sisimulan ang pagtiklop sa tela.


This poem is part of the collection that won Second Prize for Tula in the 2004 Palanca Awards


1