EUGENE Y. EVASCO
Tag-araw ng mga Ibong Hilaga
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
                                                                              I.

May natuklasang salita sina Yeyeng at Deo. Marikit ang salita, parang may musikang nakatago sa loob. Narinig nila iyon habang nagtatahip ng bigas ang kanilang Lola Liling. Kaytamis ng pagkakaawit tulad ng isang harana:

“Sinisinta kita, di ka kumikibo; akala mo yata, ako’y nagbibiro. Saksi ko ang langit, sampu ng kanduro; kundi kita mahal, puputok ang puso.”

Kanduro. Misteryo ang bagong salitang iyon. “Pangalan kaya iyon ng planeta?” usisa ni Deo. “Tawag kaya iyon sa ulap?” habol pa ni Yeyeng.

Nagtanong ang magkapatid sa matatanda sa bayan ng Paligue. Pero lagi namang iling ang sagot  sa kanila. “Saan ninyo iyan nadampot?” biro ng isang nananabako sa tindahan ni Aling Tasing. “Malalim pa sa antigong balon ang salitang iyan.” At saka malutong silang naghagalpakan.

Hindi na nakatiis sina Deo at Yeyeng. Isang araw, habang naghahanda ng burong dalag si Lola Liling, nilapitan nila ito. “Ano po ba ang inawit ninyo? `Yung may kanduro?” usisa ni Deo.

Bakas sa mukha ni Lola Liling ang pagkagitla. “Heto talagang mga apo ko, daig pa ang espiya!” Kinusot niya ang buhok ni Deo at kinurot ang pisngi ni Yeyeng. Tumayo ang lola, iniwan ang hinahanda, at nagtungo sa kuwarto. Sumunod naman ang dalawa. Sumalampak sa sahig ang dalawa habang binubuksan ng lola ang baul. At ang nakita nila’y kahanga-hanga: makukulay na balahibong nakaipit sa lumang kuwaderno.

“Mula ito sa kanduro,” sabi ni Lola Liling, napabungisngis, tila kinakausap ang mga hawak. “Ito nama’y sa uwis. Ay, sa dumara pala. Walang duda, batu-bato ito. Sa tikling ito. Nakatitiyak ako, tagak ito. A, mga lilang tagak.” Napapikit ang lola. Walang imik ang magkapatid habang sinusundan ng tingin ang sumasayaw na balahibo. Pakiwari nila, disenyo ang mga ito ng hikaw, palamuti ng maskara, o gamit ng salamangkero. Nangangamba silang baka tangayin ito ng hangin.

“Lola, saan ninyo napulot ang mga balahibo?” pagtataka ni Yeyeng. Ang alam lamang nilang ibong may kulay ay mga maya, sisiw, o bibeng pinintahan. Ibinebenta, minsa’y premyo, ang mga ito sa may plasa at tabi ng simbahan.

Tumayo si Lola Liling. Dumungaw siya sa bintana, tanaw ang latian ng Candaba sa di kalayuan. Tila talahiban itong lubog sa tubig. Sinomang tumapak dito’y malulubog sa putik. “Ganitong panahon, dumarating sila,” buntung-hininga ng lola.


                                                                               II.

Dumating na ang buwang kaybilis mamaalam ng liwanag at kayhaba ng gabi. Dala ng hangin ang lamig mula sa hilaga. Napahalukipkip ang magkapatid, may usok na lumalabas sa kanilang bibig kapag nagsasalita. Sabi ng kanilang lola, umuulan na ng niyebe sa hilaga, sa lupain ng mga kanduro. Ang parang, ang batis, at ang lawa doon—isang puting lupalop. “Habang umaambon ng mga puting kristal, lilipad ang mga ibon patungo sa bayang may walang-hanggang tag-araw.”

“Para magbakasyon?” paniniyak ni Yeyeng.

“Ganu’n na nga,” tugon ni Lola Liling. “Turing nila sa ating baya’y mainit na yakap.”

Naalala ni Deo ang aralin nila sa eskuwela. Kapag taglamig sa ibang bayan, nahihimbing ang mga hayop sa kailaliman ng lupa. “Bakit hindi na lang sila magtago sa ilalim ng puno?”

Hindi maikaila ni Yeyeng ang pagkayamot. “Kaya nga sila may pakpak, para makalipad at makatakas.”

Ipinagpatuloy ng nangingiting Lola Liling ang kaniyang kuwento. “Noon, kay agang mamunga ng mga punong mangga—namunga pala ng mga lilang tagak! Halos kumulimlim ang paligid sa kanilang pagdating. Akala mo’y laho. Nananalamin ang mga tikling sa tubigan, kinukulayan ang latian. Lulublob sa putikan ang mga dumara, pag-aho’y may pumupusag na dalag o sumisipang palaka ang kanilang mga tuka.”


                                                                               III.

Sa patnubay ng nakatatandang ibon, tatawirin nila ang lawak ng dagat. Hugis-V ang kawan ng mga ibon sa kapal ng mga ulap. Hindi sila maliligaw. Samantala, inaalam naman ng mga batang ibon ang ruta at itinatala ang mga himaton sa kanilang gunita. Sila ang susunod na papatnubay sa mga inakay, sa tulong ng mga bituin at galaw ng araw.

May inaawit sila sa paglalakbay, saksi ang tahimik at walang-taingang buwan. Kapara nila ang mga abanikong lumulutang, lumulutang sa kalangitan.

Hinihimig nila ang awit ng taglagas—ng mga pulang dahong naglalagablab, ng natutulog na ilog, ng lamig na tila mabangis na higante.

Pagkaraa’y aawit silang hitik ng pag-asa—ang biyaya ng tag- araw, ang mga esmeraldang pulo, ang mga bughaw na alon. Tutuparin nila ang pangakong makabalik.


                                                                               IV.

“Kung may babalikan pa,” wika ni Lola Liling sa kaniyang dalawang apo. Malagim na mga kuwento ang narinig nina Deo at Yeyeng, sapat para katakutan ng mga pipit at tarat ang kanilang bayan.

Kuwento ni Lola Liling:

“Panahon iyon ng digmaan. Kasing-edad ninyo ako noon. Balot ng pangamba ang bayang ito. Paparating ang mga sundalong Hapon mula sa Maynila. Dinig namin ang dumadagundong nilang mga trak. Umaalingawngaw ang mga pagsabog sa kalapit-bayan. Sa himpapawid, pinupunit ng mga eroplano ang ulap. Handa na nilang pasabugin ang Paligue dahil kuta raw ito ng mga gerilya.

“Panahon din iyon ng mga ibon sa hilaga. Tiyak na tiyak kaming sila’y darating. Dumilim ang paligid. Wala kaming maaninaw na ulap. Kaya pala, nagsama-sama ang mga ibon. Iniunat nila ang kanilang mga pakpak para takpan ang bayan. Inakala naman ng mga pilotong mandirigma, ulap ang kanilang nakita. Akala nila’y naligaw sa kanilang mapa ang Paligue. Nalihis sila ng landas at nailigtas tayo sa pagsabog.”

Napabuntong-hininga si Lola Liling, sariwa sa kaniya ang mga pangyayari. Ibig niyang maluha sa paggunita. “Wala ako rito, wala kayo rito, kung di dumating ang mga ibon. Hindi ko ito maikukuwento.”

Pero pagkaraan ng maraming taon, sa panahon ng kapayapaan, unti-unting nalimot ang alamat ng mga ibong hilaga. Pinagbabaril ang mga ibon sa akalang biyaya ito mula sa langit. Akala nila’y manok itong maiuulam. O mga peste sa bukid tulad ng mga balang at daga.

“Mula noon, bibihira na lang ang dumating,” dugtong pa niya. “Mayroong pa-isa-isa. Marahil, iyon lamang naliligaw.  Minsan may nakita akong uhaw na tagak, parang basahang nabasa sa ulan. Nilapitan ko, gusto kong hipuin, gusto kong yakapin, pero agad din namang lumayo. Hindi ko alam kung saan hahapon.”


                                                                               V.

May proyekto sina Deo at Yeyeng. Papatunayan nilang buhay ang kanilang latian. Dito minsang nanahan ang mga Katipunero at umawit ng kanilang kundiman. Kapag tag-init, kapag nabibitak ang lupa, umaawit ang latian ukol sa mga butil ng hamog. Kapag bumubuhos ang ulan, kinakarga nitong latian ang tubig, masuyong pinatatahan ng oyayi.

Inilapat ng magkapatid ang kanilang tainga sa pampang. Walang imik, dinig nila ang tibok ng kanilang puso. Walang anu-ano’y naulinig nila ang awit ng latian. Sa umpisa’y mahina. Pero pumipintig. Mahalaga’y pumipintig.
Sana, marinig ito ng mga ibon, wika ni Yeyeng sa sarili.

“Bakit kayo magtatanim ng damo?” Magkahalong pagtataka at inis ang punang iyon ng mga taga-Paligue. Napansin nilang tuwing umaga, hitik sa damong bayakbak at halamang tukal ang sako ng dalawang bata. Kitang-kita nilang muli itong ipinupunla ng magkapatid sa latian.

“Siguro’y nagmana sa kanilang Lola Liling,” segunda pa ng isa. “May tililing.”

Biglang-bigla, ibinaba ni Yeyeng ang sako at hinarap ang mga nanunukso. “Walang tililing ang lola ko.”

“E, para saan ba `yang itatanim ninyo?” Pilit na inililihis ng isa ang usapan. “Makakain ba iyang damo?”

“Hindi ito damo,” paliwanag ni Deo. “Damo lamang ito sa mga taong hindi alam ang pangalan nito.” Saka niya inaya si Yeyeng. “Marami pa tayong itatanim. Hayaan mo na sila.”

Gayon nga ang ginawa ng magkapatid. Araw-araw, nagpupunla si Deo ng mga bayakbak. Malamig daw ang kaniyang kamay.  “Kapag nagtanim nga si Deo ng gulong, may tutubong kotse,” biro ni Lola Liling. Naghahasik siya ng mga binhi ng tukal. Kapag lumulusong sa latian ang magkapatid, mga kanduro silang naghaharutan. Nagtatampisaw silang tulad ng dumara. Hinihintay nilang tumubo ang bayakbak, parang mga luntiang karayom na sumulpot sa tubigan. “Tumubo pa kayo,” sumamo nila sa halaman.

Nangangapa din sila ng mga kuhol at susong-pilipit sa may sapa. Nandadakma rin sila ng hito at dalag. Halos umapaw ang sapa sa hiyawan ng magkapatid. Higit na mahusay si Yeyeng sa pagdakma. “May mga daliring-dalag ka pala,” puna ng kapatid. Palibhasa’y kapag nahipo ni Yeyeng ang isda, hindi ito dumudulas sa kaniyang kamay. Ayaw namang mapikon ni Deo dahil mailap ang mga isdang-putik. Ayaw magpahuli, hindi naman siya salbahe. Kaya, sumasalok na lang siya ng mga butete.

Pagkaraan, pinalalaya ng magkapatid ang mga nahuli sa latian. “Gising na! Matagal ka nang nahimbing!” hiyaw ni Deo.

Namalas ni Apung Tunying, ang dating cabeza ng Paligue, ang ginagawa ng magkapatid. Kahit hirap na sa paglakad, sinadya niya sina Deo at Yeyeng. Nadatnan niya ng dalawa sa may pampang, sumasayaw tulad ng mga ibon. Ikinakampay nila ang kanilang mga braso, patalon-talon. Bumubungisngis silang tulad ng mga ibon.

Para sa magkapatid, tinubuan sila ng pakpak sa balikat. Unti-unti nilang ginalaw ang mga pakpak, maingat tulad ng isang inakay. Hanggang sila’y makalutang. Sa isip nila, ligid sila ng mga tagak, tikling, at kanduro. Lumikha ang mga ibong iyon ng hagdan patungo sa mga bituin. Susundan ng dalawa ang landas na iyon.

Natigil ang magkapatid nang mapansin si Apung Tunying. Napayuko sila. Bibihirang lumabas ng kaniyang kubo si Apu dahil sa hika at rayuma. Masungit siya sa mga bata.
Sisitahin yata kami, pangamba ni Deo. Hindi naman kami maingay.

Kataka-takang sinalubong sila ng ngiti. Matipid pero pagkatamis-tamis. Hinubad ni Apung Tunying ang sapin sa paa at lumusong sa latian. Maingat na hindi madulas. “Mga apo nga kayo ni Liling,” sabi nito. Lumapit ang magkapatid, inialay ang kanilang bisig. Tumanggi si Apung Tunying. “Malakas pa ang tuhod ko,” mariing sabi nito. Sinenyasan niya sina Deo at Yeyeng na lumapit at makinig. May lihim siyang ibinulong.

Sa dakong iyon ng latian, sabay na naghalakhakan ang tatlo.


                                                                               VI.

Kinabukasan, nadatnan ng magkapatid ang mga bata sa pampang ng tubigan. Maging si Lola Liling, na panakaw na nakatingin sa bintana, ay ibig matuwa. Nahiya siguro ang mga tao sa umpukan kaya ipinadala nila ang mga anak sa proyekto nina Deo at Yeyeng.

Kinalaykay ng mga bata ang punit-punit na lambat sa latian. Sa haba nito, kumapit ang mga supot at basong plastik. Hinakot nila ang balde-baldeng grasa. Sama-sama nilang tinipon ang burak at ibinaon malayo sa tubigan.

Nang araw ding iyon, dumating ang mga magsasaka. Tulad ng mga ibon, nabulabog ang mga bata. Patutuyuin na ang latian. Panahon na para magtanim ng palay at pakwan. “Hindi tayo bubusugin ng mga damo ninyo!”

Gigil na gigil naman sina Deo at Yeyeng, nais nilang isiping masamang biro ito.

Dala rin ng mga mangingisda ang mga bunton ng kawayan para bakuran ang latiang gagawing palaisdaan ng tilapia.

“Kailangan din naming mabuhay,” pagtitimpi ng isang magsasaka. “Hindi buong taon ay kakain tayo ng daga, palaka, salagubang, at camaru.”

“Pero ang mga kanduro,” paliwanag ni Lola Liling, saka tumingala sa dakong iyon ng langit, kung saan lulusot ang mga ibong hilaga. “Karangalan natin ang muli nilang pagdapo sa ating bakuran.”

“May dalang mikrobyo ang mga iyon,” pangamba ng isang magsasaka. “Mapepeste ang mga manukan.”

“Saka hindi natin sila ibon,” pasigaw na paliwanag ng isa.

“Ibon po sila ng daigdig,” paliwanag ni Deo at saka muling ikinuwento ang maalamat na pagkakaligtas ng mga ibon sa kanilang bayan.

“Pamahiin lang iyan,” usig ng magsasaka. “Bakit tayo maniniwala sa pamahiin?”

Agad ipinakita ni Yeyeng ang mga balahibong nilikom ng kaniyang lola. Ipinasa niya ito sa mga magsasaka. Maingat nila itong sinuri.

“Sige, hahamunin ko kayo,” sabi sa wakas ng magsasaka. “Kapag lumipas ang isang linggo at wala pa ang inyong mga ibon, magpupunla na kami ng palay.”

“Ngayon pa lang,” tukso pa ng isa, habang nakatitig sa mga rosas na itlog ng kuhol sa bayakbak, “magsimula na kayong magbunot ng inyong damo,”


                                                                               VII.

Ilang araw na lamang ang patutuyuin na ang latian. Namukadkad na rin sa wakas ang mga bulaklak ng tukal. Lagi’y nakatanaw sa mga ulap ang magkapatid.
Kailan kaya sila darating? tanong nila sa sarili. Inip na inip sina Deo at Yeyeng. Dinig pa rin nila ang banta ng mga magsasaka—“Patutuyuin na namin kapag hindi dumating.”

Pinalilipas nila ang sandali sa bagong laro. Tinatandaan nila ang pangalan ng mga ibong darating: uwis, kanduro, tagak, tikling, dumara, batu-bato. Pero sabi ng kanilang lola, marami pang darating. Nalimutan nga lang niya ang mga pangalan.

“Darating silang walang mga pangalan,” paniniyak ni  Lola Liling. “Pero lilisan silang may mga pangalan.”

Ibig mapalundag ng magkapatid. Hindi lamang sila makatutuklas ng bagong salita, magpapangalan pa sila. “Basta,” sabi ni Yeyeng. “Tatawagin ko ang isa ng
kandungango.”

“Bakit?” pagtataka ni Deo. “Hindi mo pa nga sila nakikita, may pangalan ka na.”

May sumilay na ngiti sa mukha ni Yeyeng. “Wala lang, gusto ko ang tunog.”


Hindi na mapakali ang mga bata. Lagi’y nakatingala sila sa langit.
Naligaw kaya ang mga ibon? May nahanap na kaya silang bagong bakasyunan? Nalimot na kaya nila nang tuluyan ang Paligue?

Nag-isip nang nag-isip sina Deo at Yeyeng. Naalala nila ang bilin ng lola, “Kailangan nila ng mainit na pagtanggap.” Nagkatinginan ang dalawa. Tinawag nila ang mga kababata. Pinulong ang mga ito para sa kanilang huling misyon. Pagkaraa’y tumalilis ang mga bata at agad naghalungkat ng mga lumang balde, banyera, at batya sa may silong. Nag-igib sila ng tubig sa poso. Dahil may daliring-dalag, si Yeyeng ang humuli ng mga pinakamatataba at pinakamaliliksing hito, dalag, at palaka sa latian.

Sa tulong ng nakatatanda, sa panguna ni Apung Tunying, ipinatong nila ang mga sisidlan sa bubungan ng mga tahanan. “Mag-iipon ba tayo ng tubig-ulan?” biro ng isa. May laman itong dalawa hanggang tatlong isda, payapang-payapa sa ilalim ng tubig. Ang mga palaka’y isinilid sa balde para hindi makalundag.


                                                                               VIII.

Himbing na himbing sina Deo, Yeyeng, at Lola Liling. Hindi pa sumisilay ang liwanag sa silangan. Pero may paparating na awit. Matinis na matinis. Mga ibon kaya iyon o gumagalang tinig sa gabi? Mayamaya, may matutulis na kukong kumakaluskos, kumakaskas, kumakahig sa bubungan. Sumusuot ang tunog sa dingding, tumutulo sa atip, at kumakalat sa loob ng kubo.

Naalimpungatan si Lola Liling. Idinilat niya ang mga mata. May tumutuka sa mga banyera sa kanilang bubungan. May lumalapag na mumunting paa. May pumapagaspas.

“Nariyan na sila! Nariyan na sila!”

Napalundag ng kama ang magkapatid. Sa pagbukas ng mga bintana, dinig nila ang salimbayan ng mga plawta, silbato, biyulin mula sa latian. Sinundan nila ang pumanaog na lola.

At doon, sa pampang ng dakilang latian ng Candaba, naglulundag sa tuwa si Lola Liling. Nakatingalang pikit ang mga mata, ikinakampay ang kaniyang mga braso.  Ibig maluha nina Deo at Yeyeng. Tama nga ang lihim nila ni Apung Tunying. “Ang inyong Lola Liling ang batang nakipagsayaw sa mga ibong hilaga.”



This story won First Prize for the Children's Story in the 2005 Palanca Awards


1