EDGARDO MARANAN
Buwan at Lupa
THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.
THIS IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA
i. Dilim at liwanag

Hiwa-hiwang silahis ang kuminang sa mga sanaw na naipon sa nagputik na landas. Nagpapatayong-tayong sa paglisan ang taghabagat, kaya’t patuloy itong nagsasaboy ng ulan, nag-iipon ng umaalong mga dagim na nagpasidhi sa dilim ng mga gabing kabilugan man ang buwan. Anaki’y putol-putol na rosaryo, may ilampung karitong hila ng mga hayop ang bumabagtas sa hangganan ng lupaing Samtoy at ng gitnang Luson, patungo sa silangan, pasalubong sa bagong umaga.  

Humihihip sa kapatagan ang malamig na hangin ng Nobyembre, pinipilantik nito ang maninipis nilang damit at kupas nilang hinabing kumot na nakabalabal sa kanilang mga patang katawan. Sumisipol ang hangin sa tayangkad na kawayanan, sa kumpulan ng mga puno’t sa dagat ng talahib, pinapag-uumpugan ang mga kasangkapang nakatawing sa gilid ng kanilang mga kariton, humahaplit sa baták nang kalamnan ng mga baka’t kalabaw na mahigit sanlinggo nang nagpupunyagi sa putikang bulaos, at pinahahapdi nito ang mga mata ni Moises Luna na masidhing nakatutok sa abot-tanaw, na para bagang may naaaninag siyang mga palatandaan sa makapal, malamig at malihim na karimlan, mga pahiwatig na malapit na ang lupaing paroroonan. Iyon, o ang bunganga ng ibayong kawalan.

Kung nasa aking tabi lamang si Laura, paarap na usal ni Moises sa sarili, mapapawi sana itong tamlay at dilim sa kaluluwa – sapagkat siya ang Bathaluman ng Buwan sa Hilaga, busilak na bulaklak ng Samtoy na nakadambana sa kanyang lihim na daigdig, ngunit ang pithaya’y lulan ng ibang kariton sa pinakabuntot ng pangkat, manapa’y mahimbing sa pagkakabaluktot sa ilalim ng lumang inabel na pinapag-init ng kanyang halimuyak, habang ang asawa nito’y pawisang iginigiya ang  kariton at pinabibilis ang kalabaw upang sila’y makaagapay sa mga nauuna.

Tiningala ni Moises ang langit, nangunot ang kanyang noo sa di-mawaring kaibhan ng buwang naglalayag sa itaas, bilog ngunit nakaluksa, di tulad ng masayahing buwang kalaro niya noong kanyang kabataan, noong ito’y bola ng liwanag sa kalawakan at maayang nakalutang din sa pinilakang ilog, kung kaya’t ang bawat isda’y balot ng ningning at nagiging bulalakaw paglundag mulang tubig paakyat sa langit. Hindi rin ito ang buwang humilamos sa nayon ng Amargoso isang gabi ng Disyembre ilang dekada na ang nagdaan, nang siya’y lumuwal sa tahanan ng mga Luna na umaapaw sa dami ng supling, ang tanging yaman ng dukha sa daigdig ng mga uldog.

Ang kanyang pagdating ay masayang sinalubong ng magigiting na hula, na siya ang magiging tagapagligtas ng kanilang angkan mula sa pagkaamis, at mayroon pang bumulong na may magkahalong kaba at pag-asa na kahit manawari’y mapabilang din ang sanggol na ito sa matatapang ng lahing magliligtas din sa kanilang nayon, sa buong bayan pa nga, sa kuko at pangil ng dayuhang mapaniil.

– Tatang – hagahas ang tinig na nagmula sa loob ng sasakyang pinagsiksikanan ng nangatutulog na katawan at samutsaring ari-aria’t kagamitan, – malayo pa po ba?

– H’wag kang mainip – tugon ni Moises sa panganay niyang si Diego, na kagyat namang naglaho uli sa ilalim ng kumot sa kanyang madilim na sulok.

– Sinabi mo sa mga kasamahan nating hindi tatagal nang isang linggo ang ating biyahe – mahinang sumbat ni Salvacion pagkaraan pa ng ilang sandali. Mabibilang halos ang mga pangungusap na kanyang nasambit sa buong panahon ng kanilang paglalakbay na tila ba wala nang katapusan, tila bang bawat araw ay singhaba ng isang kainip-inip na linggo. – Pagod na tayong lahat, at balisa na ang marami sa atin…

– At ano’ng nais nila, bumalik tayo sa ating pinagmulan? Ngayong isang pagsikat na lamang ng araw ay naroon na tayo?

Nilabtik ni Moises ang tagiliran ng kalabaw, at napaigtad ang hayop na biglang napabilis nang bahagya ang paghakbang na alangang takbo at yagyag.

– Narinig n’yo ang sabi ni Tatang? Malapit na tayo! – paos na sambit ni Diego sa kanyang mga kapatid, ngunit di tiyak ni Moises kung dala iyon ng biglang sigla ng paslit, o pagsuhay lamang sa winika ng amang ang bawat salita ay batas na sinunod di lamang ng kanyang mag-anak kundi pati na rin ng lahat nilang kasama sa paglikas, ngunit salitang parang haplit sa dibdib nitong mga nakaraang linggong wala mang himatong kung sila’y makakasapit nga nang malualhati sa paroroonan. May naririnig nang ilang bulong ng pagtutol, pagmamaktol at agam-agam, lalo na’t silang kamag-anaka’t kanayong napahinuhod ng kanyang panawagan ay nagbunot na ng ugat, wika nga, ipinagbili ang kanilang kaprasong lupa, ipinaubaya sa mga nangaiwang kamag-anak o kapalagayang-loob ang kanilang mga dampa, at nagbayad ng malaking buwis sa munisipyo para sa karapatang lumikas at mangibang-lalawigan sa dahilang pangkabuhayan, sang-ayon sa batas ng mananakop.

Iniisip ngayon ni Moises kung ano kaya ang kahihinatnan ni Diego at ng kanyang mga anak, lalo na si Diego na buong pagtitiwalang ipinangalan niya sa bayaning Ilukong namuno sa kanyang mga kababayan laban sa mga Kastila mahigit sandaan at limampung taong na ang nakalilipas, at ngayo’y lálakíng ang alaala ng kabataan ay paglikas ng ama sa isang malayong lalawigan upang hindi na niya makita ang mararahas na upisyal, ang mga kawal na puti at mga kayumangging bayaran ng isang Haring nakaluklok sa kabilang panig ng mundo, at hindi na siya lumuhod at magmano sa mga santong nakasuot ng sutana at may lambong sa ulo.

Sumiklab ang himagsikan noong taong nagdaan, lumaganap ito mulang Maynila at pulo-pulong kumalat, hanggang sa lumaganap sa ilan pang lalawigan, hanggang sa pinakadulong hilaga ng Luson, at sa kanilang liblib na pook sa Kailokohan, at sa malalayong nayon at estansiya ng kolonya, maaaring natuwa pa nga ang mga lokal na awtoridades na makitang nag-aalsa-balutan ang mga mangmang at lumilikas sa ibang lugar, sa halip na magkatipon-tipon sa mga poblasyon at papag-aalabin ng maaapoy na balita mula sa Kamaynilaan.

– Hayaan natin sila sa kanilang alarakas! Hayaan nating mangalagas ang mga hibang na yan sa mga bulaos ng bundok at malupit na palanas, katayin sila ng mga ladrones at pagpapasasaan ng mga uwak ang kanilang mga bangkay, buti nga’t hindi na sila makikisangkot sa mga insurektong nanggugulo sa mga awtoridad sa bayang ito! – angil noon ng kura paroko ng Amargoso.

Malaking alingasngas ang nalikha ni Moises nang siya’y manawagan sa mga dukha niyang kailyan na mangagsilikas sa isang mayamang lupang nasumpungan niya sa isang nakalipas na panahon ng kanyang paglalagalag. Marami ang agarang nagpahayag ng pagnanais umalis, ang iba nama’y andap ang loob at hintakot, mayroon ding nabuo ang palagay na tunay ngang may hibo na ng kabaliwan ang magsasakang si Moises. May ilan namang naghihinakit na bakit niya iisipin ang pagtakas, kaladkad ang iba pa, samantalang panahon na upang magkabigkis, magbalak ng pag-aaklas, maghasa ng mga gulok, magkayas ng mga sibat, magtigis ng dugo, lumagda at manumpa.

Kalayaan? Hangad ni Moises lumaya sa kinagisnang buhay sa pamamagitan ng pagpapanibagong-tatag, at ngayon ay nasa unahan siya ng isang prusisyon ng mga kariton, nakaluklok sa makintab na mulawing luklukan, habang iginigiya ang kalabaw sa nakapapagal nitong paghakbang patungo sa kalaliman ng gabi.



Huni ng kuliglig at awit ng ilog, ito lamang ang hindi nagbabago sa buhay, wika ni Moises sa sarili. Naglalakbay ang mga bituin, nagbabagong-mukha ang buwan, isinisilang at namamatay ang tao, dumarating at pumapanaw ang mga anak na ikinagagaan o ikinabibigat ng buhay, sumisiklab at humuhupa ang mga himagsikan, naglalagablab at namamatay ang pagnanasa, sumisibol at nalalanta ang pag-ibig, ngunit ang huni ng kuliglig at awit ng ilog ay nananatili at walang wakas, ang huni ng isa’y durugtungan ng huni ng iba, samantalang ang lagaslas ng daloy-tubig ay walang-kamatayang dalangin, bagamat dalanging walang naitutulong kundi pahupain ang anumang lungkot ng buhay. Maaari din namang kalunuran ang ilog, ngunit si Moises ay di kailanman mapapagaya sa mga taong nagpapatiwakal kapag nasukol o nagipit, sapagkat maraming landas na maaaring takasan, sapagkat ang buhay ay isang napakahabang pagtakas – mula sa pang-aapi, mula sa paninikil ng mga batas at ng karupukan, mula sa mga di-mairaos na mga lunggating ayon sa banal na turo ay makasalanan, ngunit sinasabi ng Diyos sa loob ng kanyang puso na higit pang makasalanan kung ipipiit at hindi bibigyang-laya kahit kailan. At parang pilantik ng kidlat, ang ngalan ni Laura ay muling humiwa sa kanyang isipan.

Atubili si Salvacion sa paglisan sa Amargoso, at payak ang kanyang dahilan: iyon ang kanyang nayong nagisnan, nakasanayan na niya ang paninikluhod sa simbahan at ang pananalig sa Poon at sa kura paroko, ang pagtalima sa mga batas at atas ng mga maykapangyarihan, ang pag-inog ng mundo at pagbabanat ng buto mula anag-ag ng araw hanggang dapithapon, at hindi niya maubos-maisip kung paano siya makahuhulagpos sa katiyakan ng nagisnang buhay, sa mga nilalang sa paligid ng bahay, sa sinaunang bahay na yari sa lumang kawayan at matigas na kahoy. Doon siya iniluwal, ramdam niya’y may ugat ang kanyang katawan sa kalumaang iyon, na siya ring pinagluwalan sa kanyang ina’t kaina-inahan nito, at kanyang pinagluwalan ng sariling mga anak. 

– Nais ko sanang dumito na tayo, di naman laging ganito na lang ang buhay, kaysa umasa tayo sa isang lupang baka wala na roon, sa isang pangakong matagal nang naglaho… – pagsumang na sumamo niya sa asawa, at tinugon siya nito ng isang pangaral na maitatapat sa silakbo ng kura paroko kapag araw ng linggo.

– Hindi ko na maalala kung sino ang aking kanunununuang nagsaka sa lupang di kanya at walang naidulot na ginhawa – panimula ni Moises – at nakikinikinita ko ang isang walang-hanggang balon na kasasadlakan ng aking mga apo-sa-kalingkingan, kung patuloy nilang sasakahin ang kaprasong lupang ito kapalit ng mumong itatapon sa kanila ng mga kaapu-apuhan ng ating panginoong maylupa, at hindi ko maunawaan kung bakit ikaw na naghirap ding tulad ko buong buhay natin, tulad ng ating mga ninuno, ay mayroon pang lakas ng loob at katawang manatili rito! Hindi ko talaga maunawaan, at baka ang dapat nating pag-usapan ngayon ay kung sasama ba ang ating mga anak sa akin o mananatili sila sa iyo, sapagkat sukó sa langit ang pagtutol ko sa kawalang-katarungang ito. At ilang ulit ko bang pipilitin kitang papaniwalain na totoong nakita ko ang isang lupaing mayaman at masukal, malaya, walang nagmamay-ari sa abot ng aking kaalaman, na maaari nating pagpasimulan ng bagong pamumuhay para sa ating mga anak, kaanak at kailyan, isang pamumuhay na ibang-iba sa ating nagisnan, at masasabi mo tuloy, bakit hindi naisipan ng ating mga ninunong layasan ang nayong ito upang maghanap ng gayong lupain at palad noon pa mang unang tumuntong ang mga mananakop sa Amargoso? Ito na ang aking pasya, babai, at malaya kang gumawa ng sarili mong pasya! Mamili ka: mabalian ka ng likod sa paglilingkod sa mga panginoon ng simbahan at sakahan, tatanda kang upos na hayop na hirati sa unti-unting pagkaagnas, o magbanat ng buto upang makatayo nang tuwid sa isang bagong pamumuhay sa kinabukasan, sa isang lupaing hindi nalalayo sa ipinangako ng Panginoon sa lumang tipan, ngunit ang natuklasan ko’y hindi alamat, o kababalaghan, hindi pangako o pangarap, kundi lupang buháy, nakita ng aking mga mata, nahipo’t nadaklot ng aking mga kamay…ay, Salvacion, kahit sa aking pagtulog, dinadala ako ng aking mga paa sa paraiso ng Pulanglupa…!

Matagal ring natigagal si Salvacion. Madalas mamagitan sa kanilang mag-asawa ang katahimikan nitong mga nakaraang panahon, palibhasa’y sa araw-araw na ginawa ng Panginoon ay walang bagong kababalaghang nagaganap sa kanilang buhay, walang kaakit-akit na panganoring namamalas sila, na makapagpapaalab sa dati nilang mapupusok na damdamin, o makapagpapanariwa sa dating bukal ng pagnanasa at paglalambing. A, marahil ay nakapagpapamanhid nga ang araw-araw, walang humpay na paghahanap ng pang-agdong buhay, at paninimbang upang hindi mapag-initan ng matatalas na mata ng mayhawak ng kapangyarihan sa kanilang nayon.

Tagtag at bugbog ang mga manlalakbay sa kasasadlak at kagigiwang ng mga karitong pautay-utay ang paggulong sa landas na halinhinang malubak at mabato, magabok at putikan. Nangaligkig si Moises sa biglang paghihip ng hanging nagmula sa palanas. Nanlamig bigla ang kanyang batok at gulugod. Tandang-tanda niya ang kanyang tatag ng loob at talas ng tinig nang kanyang sagutin ang nag-aatubiling asawa, lalo na’t pinag-alinlanganan nito ang anito’y lupang pangako, at sa himig na naaawang nakukutya sa kanya.



Ang puntas na ulap ay lumutang palayo sa buwang tinakpan, at kagyat na namalayan ni Moises ang biglang pagliwanag ng daigdig. Mula sa ikatlong kariton sa hanay, nabuhay mandin si Lakay Lucas at pumailanlang sa gabi ang panimulang himig ng harana sa buwan ng lahing Samtoy. Mula nang lisanin nila ang Amargoso, bihira nang maringgan ng awit ang matandang ang tinig ay napabantog na sa nayon – malalim at malagom na kasabihan nang galing-sa-tapayan, kapag umaawit ito ng mga lumang himig at harana o kaya’y humahabi ng mga bagong tula na saulado niyang lahat. Nakakawala ng pagod ang tinig ni Lakay Lucas, at may mga naalimpungatan sa muling pagkarinig sa awit niyang iyon, anaki’y nabuhayan ng loob at sigla habang namamaluktot sa kanilang mga nangungupas na inabel na kumot. Ang awit sa buwan ay pumukaw sa sinumang nakarinig, sanggol na kandong ng ina, magkakapatid na nangaghambalang kasama ang mga balutan, matatandang tangay ng kanilang mga anak sa di-tiyak na hantungan, at mga magkakatuwang na nagyakap upang di ginawin. Kinailangang umawit ni Lakay Lucas, di lamang upang aliwin ang mga hapong kaluluwa, kundi upang siya mismo’y manatiling listo at gising at nang patuloy niyang mapitik at maigiya ang hayop na humihila sa kanyang kariton. Higit sa lahat, kinailangan niyang umawit sapagkat matindi ang rilag ng buwang di lamang bilog kundi buo na anaki’y kristal na maningning, anaki’y batubalaning may kakaibang hatak at bighani sa kaluluwa ng mga makata’t mang-aawit na tulad niya.

Sumanib ang kanyang awit sa hangin, tumawid sa mga bukirin at sumuot sa mga gubat. Humina’t naglaho man ang mga ito sa makapal na damong ligaw, hindi mamamatay ang himig at mga titik na yaon sapagkat narinig ito ng kanyang mga kanayon, ng bata’t matanda, at marahil ay mayroon ding nakarinig sa malawak na karimlang kanilang binabagtas, tataglayin nila ito katulad ng iba pang sangkap ng buhay na nakapaloob sa kanilang alaala at katauhan, tulad ng kaalamang taglay ng mga binhing sumisibol at namumunga sa isang walang pagkapatid na pagsasaling-lahi.

Huni ng kuliglig, awit ng ilog, at ang himig ng matandang mang-aawit ang naglalaro sa isipan ni Moises, at doo’y sinasabayan niya ito ng sarili niyang kumpas at paghimig. Muli niyang tiningala ang buwang sa malas ng isang tagalupa ay mabilis pang maglakbay kaysa sa maalimbukay na ulap, naghahari ngayon sa kalawakan habang nagsasaboy ng liwanag na pilak sa sangkatauhang sa gabing ito ay binubuo ng ilampung mag-anak at magkakanayong lulan ng mahigit dalawampung kariton at ilang mga paragos, lulan ay matatanda, mga ama’t ina, talubata, baguntao’t dalaginding, ilang sanggol na pasusuhin, at isang bagong-kasal na magkasi – magsa-Eba’t Adan kayo sa inyong bagong paraiso! – patudyong payo sa kanila ni Moises bago lisanin ng malaking pangkat ang Amargoso, sa gitna ng magkahalong pananabik, sigla at agam-agam. Nakabalot, nakabalumbon, nakatali, nakasalansan, nakatakip, nakabuslo, o nakabigkis ang mga sangkap ng buhay – kumot at unang kapok, banig, tapa’t daing, damahuwana ng basi, gusi ng asin at mga tipak ng bukayo, mga buslong buli na siksik sa palay, busog sa bigas, mais at balatong, tabako, bunga’t nganga, sari-saring hugis, laki’t bigat na mga tapayan, lutuang bakal at luwad, itak, balaraw, sibat, ararong kahoy at sudsod na bakal, at ilang gitarang kulang sa bagting o may lamat ang kahoy subalit tawid o mana pa ring pinagyayaman, sapagkat sa daigdig ng salat na kanilang pinanggalingan, iyon lamang ang kanilang inaasahang sasaliw sa mga awit ng pag-ibig at iba pang lunggati, samantalang sa daigdig ng riwasang karatig nila,  mga piyano at arpang inangkat pa sa Europa ng dayuha’t katutubong matangos ang lumilikha ng himig na para lamang sa taynga ng mga santo’t anghel.

– Mabait ang buwan sa atin, sa wakas – ani Moises kay Salvacion at sa sinumang makakarinig – kung sana man lamang ay mayroon ding init itong maibibigay…

Gumaan ang kanyang pakiramdam. Ilang oras pa ang lumipas, at lumitaw ang kapirasong lila sa bahaging tagpuan ng langit at bundok. Ang bukang-liwayway sa mabundok na silangan ay sanggol na nagpipilit makasungaw mula sa karimlam, inot-inot, at wala pa man ang liwanag ay parang nag-iinit na rin ang dibdib ni Moises. Sa pinangingiliran ng gahibong silahis, unti-unting nababanaag ang kalupaang nakakintal sa kanyang alaala.

-- Malapit na, malapit na! – napalakas ang kanyang tinig, ibig niyang mapahiyaw, mapaawit pa nga kahit madaling-araw. Nangag-ungulan ang mga batang nagulantang sa kanilang pagtulog. Mula sa kanyang pagkakauklo sa may bukana ng habong ng kariton, napamukat si Salvacion, at hapo man sa kakulangan ng tulog ay napaupo nang tuwid, gulilat sa biglang pagbabago ng himig ng kanyang asawa.  Ang ibang may-ari ng kariton ay sinagilahan ng sigla, at matamang pinakiramdaman ang pinunong nasa unahan.

-- Tingnan n’yo, o, mag-uumaga na! – palatak ni Diego, sa bugso ng siglang hindi nasumpungan sa kanya nitong buong linggong sila’y nasa landas. Ilang araw nang hinahanap-hanap niya ang nakagawian, ang pabulusok na pagbaba sa hagdanan upang maghilamos sa may balon, patukain ang mga manok, at pagkaalmusal ay hahayo na sa bukid dala ang kanyang mahabang pamugo o kaya’y sa karayan bitbit ang pamansing ng isda.

-- Malapit na ba tayo? – hiyaw ng matandang Lucas mula sa kanyang kariton. Tumayo si Moises, nilingon ang nagtanong at sumagot nang pahiyaw din.

-- Umawit ka na hanggang mamaos, Lakay Lucas, at malapit-lapit na ang ating pakay!

Sumapit sa isang magabok na daan ang prusisyon ng sasakyan, at ang daan ay lumikwad paakyat sa maburol na pook, sa ibaba niyon ay dumadaloy ang isang malagaslas na ilog. Matagtag ang daang ito, di lamang sa nag-usling bato kundi dahil din sa malalalim na bal-ak na likha ng mga nangaunang naglakbay sa bahaging iyon ng kalupaan. May biglang kumabog sa dibdib ni Moises, bagamat saglit lamang. Sa unang pagkakataon, may sumagilang kaba’t pangitain na dagli ring napawi. Labinlimang taon nang hindi siya nagagawi sa landas na yaon. Malaon na niyang pangarap na madala ang mga kamag-anak at kanayon sa isang lupaing wala pang may-ari o nag-aangkin. Sa magabok na daang binabaybay nila sa mahaba’t mataas na gulod, may nadadaanan silang paisa-isang kubo – mga katutubo kaya, o kainginero? Ang ilan sa kanila’y nangagising sa kalatog ng gulong at kalampag ng mga gamit na lulan ng mga kariton. Matamang nakamasid, walang imik, walang nais ipabatid ang kanilang mga mukha.

-- Ito na nga ba yun? – ani Salvacion, may bahid ng alinlangan – wika mo’y wala ni kaluluwang nakatira sa lupang nakita mo…

-- Ang lupang sinasabi ko’y nasa dulo ng landas na ito. Labinlimang taon na ang nakalilipas, Salvacion, at maaaring iba na ang ating daratnan. At ma’no naman kung may nakauna na sa atin? Bawat dukhang magsasaka ay may karapatan sa lupa, at walang dapat mag-angkin ng labis sa kanyang pangangailangan. Maaari naman tayong tabi-tabi ng lupa, at balang araw, ang ating mga angkan at tribu ay magiging isa, sa isang bayang malaya at masagana, lalo na’t wala na ang mga dayuhan!

-- Nais ko lang matiyak na malaya tayong makatitira sa sinasabi mong lupa, at walang nakauna sa atin o nasa karatig na maaaring pagsimulan ng gusot…

Natahimik na naman si Moises. Ayaw na niyang palawigin pa ang usapan. Ilang nakababagot na oras pa ang nagdaan, hanggang magwakas ang magabok na landas, at tumuloy sila sa isang kapatagan na walang daan o anumang palatandaan ng kabihasnan, papasok sa isang lagusan sa pagitan ng mga burol.

-- Ito na ba? – paulit-ulit ang pagtatanong ng kanyang mga anak, ng iba pang matatanda at ng kanilang mga anak. Habang lumalaganap ang lilang liwanag sa kahabaan ng silangan, ang nangungunang kariton ay biglang lumusong sa isang malawak, patag na lambak na puno ng talahib at damong kalabaw, may mangilan-ngilang mga lumang puno, habang sa magkabilang gilid na ilang ektarya ang pagitan ay nagdidilim ang matatayog na kawayanan at sa likod ng mga ito’y ang higit pang madilim at makapal na kagubatan, mula paanan hanggang ituktok ng nagtatayugang mga burol, na mandi’y paanan lamang ng mga bundok sa di-kalayuan. Isa-isang lumusong ang mga sasakyan patungo sa gilid ng lambak, malapit sa kawayanan, at doon sila nagtipun-tipon. Lumapag si Moises at tinulungang makababa ang asawa’t mga anak, at itinaas ang kamay upang palapitin sa kanya ang mga naglakbay nang malayo’t matagal. 

Yumukod si Moises at dumaklot sa kanyang palad ng mamasamasang lupa.

-- Tingnan n’yo – ani Moises, nakalahad ang palad sa mga kanayong nangingintab ang kayumangging mukha sa tama ng unang silahis ng araw – Tingnan n’yo ang lupang ito! – matikas niyang wika sa kanyang mga kanayon, na ngayon lamang nasisilayang muli ng ngiti ang mga mukha.

-- Pulang lupa, kayumangging lupa. Ang lupang ito’y pagyayamanin natin hanggang sa huling hugot ng ating hininga, at ipapamana natin ito sa mga susunod sa atin, bubuhay sa mga susunod sa kanila, hanggang sa maglaho na ang ating lahi, na wari ko naman ay hindi mangyayari kahit kailan…!


ii. Pulanglupa

Namitak ang araw, ang tahimik na lupain ay pinaaya ng bagong liwanag at ng panakbuhan ng mumunting paa.

-- Parang walang hanggan ang langit dito, di tulad sa Amargoso – palatak ng isang matanda. Ang pinakamalapit na hanay ng bundok, malalim ang pagkalunti, ay may kalayuan, namamagitan sa langit at lupa’t napuputungan ng makapal na ulap. Sa isang hanay ng mga ulap na iyon, may namumuo na namang dagim.

-- Mukhang daratnan tayo ng saganang ulan sa darating na mga araw – pakli ni Lakay Lucas, habang papalapit kay Moises. Kasunod nito ang ilang matatanda’t talubata. Bahagya itong nakakunot-noo. – Tiyak mo bang walang ibang nagmamay-ari o nag-aangkin ng lupang ito? Mas malawak pa ito kaysa anumang bukiring nakita ko na sa tanang buhay ko…

-- Nakakatiyak ako, Lakay Lucas. Noong una akong mapadako rito maraming taon na ang nakalilipas, nakita ko yaong mga katutubong magkakaingin na naraanan natin kagabi. Walang ibang bahayan sa bahaging ito ng lupain kundi yung kanila. Itong-ito pa rin ang lambak na aking naratnan noon, at mukhang wala nang iba pang nagawi rito, maliban marahil sa mga katutubong yaon kapag nangangaso. Tingnan n’yong mabuti ang lupaing ito. Mukha bang may namahay na rito kahit kalian? Sinong makaaangkin sa ganito kalawak at kailang na pook? Yaong mga katutubong napagtanungan ko noon ay walang maalalang ibang tao na nanahan dito, o nagbungkal ng lupa at nagtanim.

Napabuntong-hininga si Lakay Lucas.

-- Nais kong maniwala sa ‘yo, Moises. Naaalala ko lamang kasi ang isang kwento sa ating nayon. Bata pa ako noon. Mayroong mag-anak na nakatira sa isang kaprasong lupa sa paanan ng kabundukan ng Amargoso. Mapalad sila sapagkat ang kaprasong lupang yaon ang pinakamayaman na yata sa buong lalawigan. Tila ba himalang nagsisitubo na lamang ang palay, mga gulay at prutas gayong bihira ang ulan at walang patubig. May nakapagsabing maaaring mayroong mga bukal at daloy sa ilalim ng nayon na nagmumula pa sa bulubundukin ng Igorot, kaya’t laging basa at busog ang malalalim na ugat ng mga tanim. Isang araw, ang yaman ng kaprasong lupang yaon ay nakarating sa kaalaman ng isang mayamang pamilya na kilalang magiliw sa mga prayle at sa komandante ng lalawigan. Pinagnasahan nila ang lupang yaon, pinilit bilhin ang maliit na sukat ng lupa sa mag-anak na nagmamay-ari, na hindi pumayag sa alok nila. Dumating ang guwardya sibil at tinangay ang ama, na hindi na muling nakita. Ang ina at tatlong anak ay kinupkop kunwari ng kura paroko nang sila’y palayasin sa lupang napasakamay ng sakim. Doon nagsimula ang di-gagasinong paghihirap ng kaawa-awang mag-anak. Kung natatandaan mo, noong bata ka pa’y mayroong matandang babaing gagala-gala sa ating nayon, mandi’y wala sa sarili, walang uwian maliban sa bahay ng pari, tuwina’y tinatangisan ang nawawalang asawa sampu ng mga anak na inagaw rin sa kanya at isinakay sa barko, hanggang isang araw ay matagpuan na lamang na nakalutang ang bangkay sa ilog. Moises, kung wala mang nagmamay-ari ngayon ng lupang ito, ano’t kung sa darating na mga araw ay mayroong maghangad?

Napatingin sa malayo si Moises pagkatapos mangusap ni Lakay Lucas. Alam niya ang kuwentong iyon, naririnig niya ang di-iilang malungkot na salaysay ng mga matanda sa kanilang nayon.

-- Sakaling mangyari yan sa atin, Lakay, at di natin kayang tapatan ang kanilang lakas, ay ano pa nga bang magagawa natin kundi lumikas na muli, lumipat, patuloy na maghanap ng ibang lupa, at hindi naman tayo maaaring itaboy habambuhay, sapagkat sa paano’t paano ma’y mapapahinga rin tayo sa wakas sa lupang sisilangan ng bagong pag-asa. Kung tikisin man tayo ng Diyos, nasa atin ang pagtuklas ng sarili nating lupang pangako. Alam ko, Lakay Lucas, ang Diyos ng mga prayle – na hindi siyang tunay na Apo Diyos Namarsua ng ating mga ninuno – ay laging nasa panig ng mga uldog, ng masalapi, ng makapangyarihan. Umaasa na lamang tayong balang araw ay magbabagong lahat ito, marahil ay sa bisa ng himagsikang lumalaganap ngayon sa ating bayan, marahil ay sa bisa ng isang himala, ngunit sa ganang akin, Lakay Lucas, at mga kailyan ko!, simulan na nating itayo ang ating mga tahanan at pugad, upang atin nang mabasag at mabungkal ang mayamang lupang ito na kaytagal ring naghintay sa atin!

Ang kanyang mga huling kataga ay nabigkas niya nang malakas upang marinig ng mga kalalakihan, at lahat sila’y napukaw sa kanilang mga agam-agam at muni-muni, at bawat isa’y nagpanibagong-sigla, bumalik sa kanikaniyang kariton upang alisin ang mga habong, kalagin ang mga buhol, ibaba ang mga kagamitang pambahay at kasangkapang pambukid, at dalhin ang mga kaanak sa lilim ng mabubulas na punong nasa gilid ng lambak. Pinaglalagyan nila ng pananda ang pagtitirikan nila ng kanikanilang kubo, at hindi natapos ang mainit na araw ay malawak-lawak na ring bahagi ng kapatagan ang kanilang nalinisan ng damo’t talahib, matanda’t bata, lalaki’t babai ang nagtulungan sa walang humpay na paggawa, nananalasa ang kanilang mga karit at gulok sa matabal na kugon at siit sa mga dawag, tumataginting at nagpapatilamsik ng apoy kapag tumatama sa nakatagong batuhan, at  nang pahapon na ay doon naman sa kawayanan at gubat sila tumataga at pumuputol ng matigas na kahoy, matipunong kawayang taywanak, at matibay na baging, upang siyang gawing panimulang silungan bago lumatag ang dilim. Sa tanghaling tapat, pumailanlang sa kulimlim na langit ang usok ng maraming apoy na pinaglulutuan ng mga palayok ng kanin at gulay na sinahugan ng daing. Mabilis silang nananghalian at sandali lamang nagpahingalay sa lilim ng puno bago sila nagpatuloy ng paghahawan at paglilinis sa lupain, sa unang araw ng bago nilang pamumuhay.

Paminsan-minsan ay titigil saglit si Moises sa kanyang paggawa at hahanapin ng mata ang kinaroroonan ng kanyang mga anak. Nakita niya si Salvacion na abala kasama ang iba pang kababaihan, kabilang na ang kapatid nitong si Laura na pakiwari niya’y napapasulyap din sa kanya paminsan-minsan, at sa sang-iglap na sandaling magtatama ang kanilang paningin ay muling papailanlang si Moises sa isang napakalayo’t mahiwagang daigdig, at doo’y magkatuwang sila ni Laura sa lahat ng gawain at aliw, pinayayabong ng babai ang kanyang mga pangarap, ipinauubaya nito ang sarili sa araw at sa gabi, umaawit o humuhuni ito sa kanya habang siya’y nakabuyangyang sa panlalambot matapos niyang itanim dito ang kanyang binhi, hinahaplos ang kanyang katawan at buhok, at ang kanilang mga taon ay tigib ng mga supling ng pag-ibig.



Namimilog na ang buwan, wala pang nabubuong kubo bagamat nakatayo na ang mga haliging puno, nakalatag na ang sahig sa isang panig na siyang magiging silid kapag natapos ang tirahan, may balangkas na ng bubong at nakalapat na ang mga biyas ng kawayang pagkakabitan ng mga dingding at dungawan. Habang nangahihimbing ang kanilang mga mag-anak, ang kalalakihan ay nangagtipon sa paligid ng isang malaking siga na panlaban sa malamig na hanging humihihip mula sa mga bundok at sumusuyod sa malawak na lambak. Isang binatilyo ang kumakalanting sa lumang gitara, at kanyang sinabayan ng pag-awit. Sumuno sa pag-awit ang talubata at matanda, nangangapa ng tamang himig. Nakapagitna ang isang makintab na burnay ng basi, ang bunganga’y nalilipit ng munting baging na nakapulupot sa dahong-saging na panakip nito. Sa udyok ng karamihan, masuyong inalis ang panakip at nagsimula nang sumalok ang tagatagay, pinuno nito ang tukil na kaputol ng kawayan, at habang lumalalim ang gabi ay umuunti ang alak na walang tigil na sinasalok upang tunggain ng mga hapo subalit nasisiyahang mga manlalakbay ng Amargoso.

-- Pa’no mo ba natutunan ang pook na ito, kailyan? – tanong ni Turo, isang kababata ni Moises, bago nilagok ang ikailang tagay ng basi. – Mayaman  nga ang lupa. Nakakita ako ng mayayabong na gabi malapit sa sapa, higit pa sa sandipa ang mga dahon! Mantakin mo ang bulas ng mga maitatanim natin dito, palay, mais, kape, tabako, bungang-kahoy, gulay, at pati na tubo! Aba, kapag sarili natin ang mga tubuhan, mamumuhay tayong anaki’y mga asendero, at hindi tayo mauubusan  ng basi kahit gabi-gabi at magdamag tayong magtunggaan!

-- Isa pa uli para kay Turo, umiinit! – natutuwang sabad ng isang nasa umpukan. – Kailangan natin ng ganyang giting at lakas ng loob, kung iisipin ang susuungin nating hirap sa lugal na ito.

-- Ngunit may katwiran si kailyan, hindi ba? – susog ng isa pa. – Buong buhay tayong nagpakaalipin sa kapikapirasong lupang kayramot magbinhi, o kaya’y sa lupain ng asendero, para sa kapiranggot na parti. Kung itutulot ng Panginoon, di lamang tayo makasasapat sa buong taon, baka makaani pa tayo ng maaari nating madala sa kanugnog na lalawigan. Aba, baka mapag-aral pa natin ang ating mga anak sa Maynila. Tama si Turo, kaya sa kanya na ang susunod na tatlo!

At sa gitna ng kasayahan, nalasing si Turo, ang balong kasama ang apat niyang anak na simpayat ng tikin at sunog ang mga balat sa murang-gulang na pagbabanat ng buto sa bukid, ang malungkuting si Turo na sampung taon nang ipinagluluksa ang kanyang noo’y malusog, masipag, matalinghaga, mapanghalinang asawang si Dominga na kayang pantayan ang sinumang lalaki sa husay humawak ng araro, na kung anong hilig magsalaysay ng maaanghang na kuwento’t biro tungkol sa gawain ng mag-asawa ay siya ring hilig nito sa pakikipaglingkisan sa kanya, at nagbigay sa kanya ng apat na anak bago ito inutas ng imbing kolera sa gulang na dalawampu’t lima. Sa labis na pagkalango ay dumausdos na lamang si Turo sa kinasandalang inanay na puno, at kapagkuwa’y naghihilik na, payapa sa kanyang kumot na habing Bangar na nakabalabal sa kanya, kaya’t hindi na niya narinig ang maigting na pagtatalong mainit pa sa darang ng siga.

-- Pulanglupa ang tawag sa pook na ito ng mga kausap ko noon, at mananatiling Pulanglupa ang pangalan nito, ng ating pamayanang ito! – marubdob na wika ni Moises – at inaangkin natin ang karapatang mamuhay rito upang ating mapagyaman ang lupang bubuhay sa ating mga anak at kaapu-apuhan. At sino pa ba ang makaaangkin dito? Napakalayo nito sa alinmang nayon o poblasyon ng lalawigang ito. At kaya naman tayo lumikas sa nayong ating sinilangan ay tunay namang hindi natin matanggap na ang iilang dayuhan ay magagawang angkinin ang di-mabilang na bara ng lupain, angkinin ang mga pulo at bundok ng isang buong bayan, samantalang tayong isinilang sa sariling lupa ay walang masasabing sariling kanya! Kinamkam nila sa mga katutubo, sa ating mga ninuno, ang lupang abot-tanaw ng kanilang mata at kayang lakbayin ng kanilang mga kabayo at kanyon! Ngunit tingnan n’yo, maging ang Tipan na pinilit nilang ipatanggap sa atin ang siya na ring nagsasabi: ang lupa ay para sa nagdarahop, ang bunga nito ay para sa lahat. Kakaunting parti lang naman ang ating hangad. Sasakupin lamang natin ang kaya nating sakahin!

Isang lalaking bata-bata kay Moises, malagihay na’t malakas ang loob sa dami ng basi na natungga, at namumula-mula pati mga mata, ang biglang sumabad.

-- Mawalang galang na, Ka Moises, ngunit sana nga’y tama ka, at magdilang-anghel ka sana, sapagkat hindi ako pumayag mapadpad mula sa hilaga patungo sa ilang na lupaing ito, dala-dala ang lahat kong ari-arian maliban sa kapiranggot na lupang pinagbuwisan ko ng pawis at dugo, upang balang araw ay ipagtabuyan lamang ng bayoneta ng guwardiya sibil sapagkat hindi ko pala maaaring angkinin ito!

Bumuga ang lalaki at nagkaroon ng malapot, mapulang mantsa ang lupang tinamaan ng kanyang nganga.

-- Pagod na nga tayong lahat – pumagitna ang isang kapanahon ng pinuno, bago pa man makapagpatuloy ang nagsalita. – Ang ibig lamang naman ng aking manugang ay makatiyak tayong walang ibang nagmamay-ari ng Pulanglupa, tagarito man o banyaga, at ang anumang itatanim at magbubunga rito ay hindi bubunutin o sasamsamin, at ang bahay na ating itatayo ay hindi gigibain o susunugin…

-- Napahinuhod tayo kay Ka Moises sa dalawang kadahilanan – nagpatuloy ang lalaki – Sakdal hirap ang buhay natin sa Amargoso, mas madalas pang kumain ang dagang bukid kaysa sa atin, at isa pa, kabilang tayo sa mga umiwas na madamay sa himagsikang nagaganap ngayon sa maraming panig ng ating bayan, at dahil doo’y andap pa hanggang ngayon ang aking kalooban kung tama nga ang ating ginawa. Kaya’t nagtatanong pa rin ako, ano kung bigla na lamang bumuglaw dito ang mga prayle, sundalo’t asendero, at sabihing sa kanila rin pala ang Pulanglupang pagpapaguran natin, tayo ba’y muling lilikas? At pasaan? O tayo ba’y hindi na magbabahag ng buntot at sa wakas ay maninindigan naman?

Ipinilig ni Moises ang ulo upang pahupain ang antok at pagod, at payapain ang kanyang sumisintak na sentido. Mabigat na ang talukap ng kanyang mga mata at nanlalabo ang kanyang paningin, mandi’y sanhi ng natunggang alak, at kanina pa niya nais sumuko sa nagpapatulog na init ng siga, ngunit nilalabanan ito ng kirot sa kanyang dibdib. Humugot siya ng isang mahaba, malalim na buntong-hininga. 

-- Hindi ko saklaw ang pasiya ng sinuman sa inyo rito, mga kailyan. Bawat isa’y sumusunod lamang sa atas ng kanyang konsiyensiya. Alam kong bawat isa’y may hangganan ang pagtitiis. Alam ko ring marami tayong kinatatakutan sa buhay. Ngunit ano ba talaga ang mga ito? Mga dambuhalang aninong sumasayaw sa dingding ng kubo, na likha ng malamlam, maliit na liwanag ng kandila o gasera, at kinatatakutan ng mga musmos. Lakasan mo ang liwanag at lumiliit ang mga anino! Tayo’y mga nilalang na hirati sa hirap at pananakot, at kaya nating lumaban kung nararapat. Kailangan natin ang tatag ng kalooban, ang liwanag ng paniniwala. Pagdating ng tamang panahon, matututunan natin kung paano kikilos. Kapag labis ang kapangyarihan ng kaaway, kailangang mag-ingat, marahil ay umiwas muna. Huwag muna nating isipin na bukas ay darating nga sila! Inuulit ko sa inyo – ligtas tayo sa Pulanglupa! Hindi maaaring sakupin ng dayuhan ang bawat bara ng malawak nating bayan. Inakyat ko na ang ilang bundok, nagalugad ko na ang maraming lambak at kapatagan – wala sila roon, wala sila rito. At kung dumating ang panahong dadahasin tayo upang palayasin, mayroon pang ibang lupain, ibang ligtas na pook para sa atin…

Muling dumura ang katalo at pinutol ang sasabihin pa ng pinuno.

-- Kung gayo’y tama ako, Ka Moises. Lilikas tayo, titigil, lilikas na naman, gayun ba? Hanggang mamatay tayong lahat sa pagod? Hindi ako ipinanganak sa mundong ito para lamang tugising parang asong-gubat!

-- Tama na, itigil na natin ito! – untol ng matanda, pigil ang braso ng lasing na manugang upang hindi ito matumba sa pahapay-hapay na pagduro kay Moises. – Unang araw pa lamang natin dito ay mayroon nang pag-aaklas! Igalang mo ang nakakatanda, lalo na ang namumuno! – sabay salya sa lalaki. 

Nakatitig si Moises sa pahupa nang siga habang ang kalalakihan ay nagpatuloy sa kanilang walang patumanggang pagtungga, na wari’y ibig na agad nilang tapusin ang pag-uusap sa gabing iyon. Ilang ulit pang nakitagay si Moises. Ilang oras pa ang nagdaan hanggang siya, si Lakay Lucas at isa pang matanda ang naiwang nagpapainit ng katawan sa nagbabagang kahoy. Sa kani-kanilang mga kariton at paragos o sa loob ng minadaling mga habong, nakahanay, nakabalagbag, nakabaluktot ang nangahihimbing na mag-a-mag-anak, hapit ang kanilang nangungupas na kumot sa nangangaligkig na mga katawan. Humahaplit ang hanging bundok, at sa pagkakatalukbong nila’y hindi na nila namalayan ang makapal, nagniningning na mga kawan ng alitaptap na nagsulputan sa unti-unting paghupa ng siga. 

Nasumpungan ni Moises pamayamaya na ang dalawang kausap niya ay wala nang ulirat dala ng kalanguan, at kapwa naghihilik. Inot-inot siyang tumayo sa napakatagal na pagkakagulapay sa lupa, pinagpag ang pantalon at pinisil-pisil ang nangimay na mga hita, at bahagyang paikang naglakad, nilibot ang nangaghambalang na mga sasakyan at dagling silungan, ang ulo’y pumipintig sa kirot na dulot ng napakaraming basing natungga niya sa gabing iyon, at kumabog na naman ang kanyang dibdib sa pagkakaalala sa naging sagutan nila ng kanyang kanayon. Makirot para sa isang namumuno ang sumangin ng pinamumunuan, lalo na kung iisiping ang kanilang pinagdaanang abang buhay ay sapat na sanang dahilan upang ibigay nila sa kanya ang kanilang walang pasubaling pagtitiwala.

Mabigat ang katawang tinungo niya ang gilid ng bukiring buong araw nilang hinawan, at ilang araw pa nilang hahawanan. Matindi ang liwanag ng bilugang buwan ngayong gabi, at paglabas niya ng kahuyan ay nagulat siya sa nakitang pinilakang dagat ng liwanag na lumaganap sa buong paligid. Sa karimlan ay naroon pa rin ang mumunting diklap ng lumulutang na kulisap, at ang mga huling alipato ng namamatay nang baga. Umuugong sa kanyang pandinig ang himig ng kuliglig at ilog, ngunit ang totoo’y mga alaala ang mga ito ng di-magkamayaw na hugong ng mga usal at panalangin para sa buhay at sa yumao – naririnig ang mga ito sa sandali ng pagsilang at sa iglap ng pagtawid sa kabilang-buhay. Noong gabing isilang siya, maraming kandila ang may sindi sa Amargoso, at sa katunayan ay sa buong kapuluan, saanman mayroong sementeryong Kristiyano, sapagkat yaon ay bisperas ng Araw ng mga Patay, at habang lumalaki siya’y di niya maubos-maisip kung bakit sa gabing yaon pa siya ipinanganak, sa halip na sa madaling-araw ng Linggo ng Pagkabuhay, nang sa gayon ay baka nagkaroon pa ng himala at siya ay naging isang tagapagpalaya ng kanyang angkan, kundi man ng nayon at ng bayan, mula sa kahirapan at pananakop, at disi’y nabigyang katarungan ang pangalang iginawad sa kanya ng mga magulang.

Ilang sandali matapos siyang isilang sa sangmaliwanag – o sa pusikit ng dilim ng gabing nakaukol sa mga patay at mga kaluluwa – pinutol ng hilot ang kanyang inunan at inilagay ito sa isang bagong palayok, na noong araw na sinundan lamang inihurno upang matiyak ang kadalisayan, at isinabit ito sa pinakamataas na sanga ng matandang akasya, sapagkat naniniwala ang mga Ilukano mula pa sa kanilang kanunununuan – sila na noong bago pa dumaong ang mga dayuhan ay sumasamba na sa mga ispiritu ng ilog at gubat at dumarakila sa kabayanihan ng mga bathalang namumugad sa lupa at langit – na kapag isinabit ang inunan ng sanggol sa isang mataas na lugal ay sasapian ito ng tapang, tatag at tiis at makagagawa ng kagilagilalas na kabutihan para sa sangkatauhan. Talubata si Moises nang maglaho ang kanyang paniniwala sa pamahiin at pananampalataya sa himala at lahat ng kapangyarihang wala sa lupa, bagamat tulad ng iba’y napapatawag pa rin siya sa pangalan ng Panginoon sa sandali ng takot o kagipitan. Bilang kasama sa bukid na walang iniwan sa mga lumang alipin kung maglingkod sa may-ari ng lupa, lagi niyang naiisip na mabuti na lamang at isinabit ang kanyang inunan, sapagkat nagkaroon nga siya ng tapang, tatag at tiis – mga dupil na dapat taglayin upang makatagal sa kahirapan ng buhay sa Amargoso, at sa pagmamalupit ng mga alagad ng simbahan, pamahalaan, at puting bathala.

Gayong dama niya ang lambot ng mukha ng Pulanglupa, ngayon ay para siyang lumulutang, gumagaang ang kanyang katawan sa tama ng basi, at hinihigop siya ng nakabubulag na liwanag ng bilugang buwan ng Nobyembre. Pakiramdam niya’y isa siyang sinaunang bathala ng matandang lupain, alam ang lahat at magagawa ang lahat. Sa araw na ito – naglalaro sa kanyang umiinog na diwa ang mga salitang nais niyang bigkasin kinabukasan habang siya’y nakatayo sa kanyang kariton at nakatingalang lahat sa kanya ang kanyang mga kanayon – lilikha tayo sa pulang kayumangging lupang ito ng isang bagong pamumuhay, dito tayo mamamalagi at hindi tayo matitinag ninuman, tagalupa’t langit o impyerno man, ng hari o ng pari, at dito ay magpaparami tayo, maghahasik ng punla na kung kinakailangan ay lalo pang tataba at bubulas kung madidilig ng ating dugo! – ngunit habang nagbabawa ang malabathala niyang pakiramdam, at bumibigat na naman ang kanyang ulo at dibdib, biglang sumagila uli sa kanyang buong katauhan ang kirot at lungkot ng buhay, at ang nasa utak lamang niya ngayon ay ang larawan ni Laura, maalindog sa wagayway at nipis ng kanyang kasuotan bilang Bathaluman ng Buwan sa Hilaga, nag-iisa sa kanyang kubo na anaki’y marilag na kastilyo na nakatayo sa isang burol ng Amargoso, dinadayo ng hukbo ng kalalakihang may tangang sulo at may bitbit na gitara, ngunit naglaho ang larawang yaon at ang humalili’y si Laura pa rin, at ngayo’y nakalatag sa banig sa kawayang sahig, bahagyang nakabuka ang nakaangat na mga hita, dumadaing ito habang ang kanyang mapalad na tinamaan ng lintik na asawa ay mabangis na naglalabas-masok sa kanya, naghuhulas ng kapagalang bumalot sa katawan nitong tagtag sa paglalakbay, paulit-ulit na naglalabas-masok sabay hagok at habol ang paghinga, nanginginig ang mga tuhod, siko at palad habang inaangkin nang buong pagnanasa’t pagkahayok ang babaing napilitang pumili sa kanya bilang may-ari ng kanyang katawan sa kagustuhan ng kanyang mga magulang, at ngayo’y habambuhay na tatanggap ng matinding ulaol at kanyog mula sa lalaking tiyak ni Moises ay hindi nito mahal. Ay, ang mapasaloob ng busilak na si Laura! Kahit minsan lamang, at maaari na niyang ipagpalit ang daigdig ng buháy na lipos ng dusa’t lupit! Mariing ipinikit ni Moises ang mga mata habang patuloy na sumusulak ang kanyang dugo.



Nang muling magmulat si Moises, wala na ang pilak na dagat.  Sumisipol ang hangin sa kawayan at kahuyan, at patuloy ang paglakas hanggang maging maalimpuyo’t  maugong na haginit. Ang makakapal na ulap na nakakulapol sa ituktok ng mga bundok nitong nagdaang mga araw ay papalapit na sa lambak, at ngayo’y malawak na dagim na umaalimbukay, gumugulong na anaki’y dambuhalang alon sa langit na pumupuksa sa buwan at mga bituin. Noon lamang nakaranas si Moises ng gayong kasigid na lamig, o kapusikit na dilim. Sumingasing ang matalim, puting dila ng kidlat mula sa dagim, sinundan ng una’y malayong lagunlong na lumakas nang lumakas, pumupunit sa papawirin hanggang maging dagundong, at ramdam ni Moises ay sabay-sabay na pumutok ang mga baril at kanyon sa daigdig, at angaw na mga paa ang nagmamartsa sa ibabaw ng mga buto ng maraming bangkay.

Habang naghihimagsik ang kalikasan, may lumitaw na pangitain sa gilid ng hawan, at papalapit ito sa kanya na tila isang multong may putong ng pagluluksa, siklot ng marahas na hangin.

-- Laura…-- anas ni Moises, sabay abot ng kanyang kamay, sabay sugod upang salubungin ang pangitain, at ang kanyang niyakap ay hanging biglang bumayo sa kanyang kaluluwa.  Bumagsak ang ulan, at siya’y tinunaw sa lupa. Nang humupa na ang lahat, muling lumitaw ang buwang marilag, tinanglawan ang taong inilugmok ng gunita at lungkot.


iii. San Tercer

Abril ng sumunod na taon nang dumating ang mga kabayuhang sandatahan.  

Sa loob ng taong nagdaan, ang munting pamayanan ng mga dating taga-Amargoso ay namutol ng mga puno upang gawing haligi at barakilan ng kanilang mga kubong yari sa sawali at pawid, naghawan ng tiga-tigalawang ektarya bawat mag-anak, nagbunot at nagsunog ng ligaw na damo at malalalim na tuod, binasag ang buo-buong lupa gamit ay kalmot at suyod na yari sa matipunong kawayang gasundang ang tinik, at nag-araro ng taniman ng palay, mais at tabako, hanggang sa ang dati’y lunting lambak ay maging kayumangging bukid na habang sinusugatan ay lalong nabubuhay sa pagsuloy ng mga binhi’t punla, at yumamang lalo sa dilig ng ulan at hamog at kalinga ng araw, at sa pagdaan ng mga buwan ay naging ginintuang banig na hitik sa tanim ang dati’y ilang at madamong lupa. Suloy na lahat ang palay, at sabi na nag-antay ang mga magsasaka sa pagdating ng anihan. 

Masinsin at mataba ang mga gintong butil ng palay, at sa bigat ay halos lumuhod ang mga uhay sa lupa’t anaki’y nananalangin ng pasasalamat sa lumang bathala’t bagong Panginoon, at paghihip naman ng hangin ay tila mga namanatang mananayaw na ipinagbubunyi ang kanilang kagampanan. Dumating ang umagang inunahan na naman nila ang araw sa pagbangon, at masayang humayo sa taniman ang mga nangaghirap sa darang ng araw at paso ng lupa, sa maghapong pagkabaluktot sa iba’t ibang itinalagang gawain, at ngayo’y pigil nila ang mga karit at yatab at nangagsabit ang bakol at takuyan sa kanilang mga baywang. Nang magsisilusong na sila sa aanihing palay, natanaw nila ang alimbukay ng alikabok bago pa man nila narinig ang yabag ng mga kabayo o natanaw ang mga panauhin. Ang hanay ng mga magsasaka ay naging masinsing kulumpon ng taong wari’y di na kailangang sabihan na may napipintong panganib. Tanging si Moises ang patuloy na naglakad, pasalubong sa mga dumarating na lalong lumilinaw ang hugis at dami habang sila’y papalapit sa palayan.  Karamihan sa kanila’y nakasuot ng mga balanggot, pinamumunuan ng isang lalaki na ang putong at bihis ay nakapagpaalaala ng isang bata-batang opisyal ng guwardya sibil sa Amargoso, bagamat sunog ang balat nito, walang kakisig-kisig, at mabalasik ang anyo. Lulan ng kastanyo, humiwalay ito sa pulutong ng kabayuhan at tinungo si Moises. Dumamba ang kabayo sa pagkakapigil nito, halos mayakyak na si Moises sa kanyang kinatutulusan.

Nanlilibak na nagtatanong ang mukha ng lalaki sa pagkakamulagat nito kay Moises. Kung hindi lamang sa kanyang suot na uniporme, pistola at sable, masasabing isa siyang karaniwang tulisan na balitang nananambang ng mga mahihina’t naliligaw.

-- Ano’ng ginagawa n’yo rito? At sino kayo? – angil nito kay Moises.

Muling dumamba ang kabayo, at lumigid ito kay Moises, lalo pang lumapit. Pinipili ni Moises ang kanyang isasagot, at huhuma na sana siya nang muling umangil ang panauhin, bawat kataga’y tila baga idinudura sa pagkainis.

-- Nais malaman ni Don Juan Gossens kung bakit kayo narito sa kanyang lupain!

Saglit na natigagal ang tinanong.

-- Kami po’y maralitang magsasaka mula sa Amargoso, at isang taon na kami rito, matapos ng matagal na pag…-- hindi natapos ni Moises ang sasabihin

-- Wala kayong karapatang manatili rito sa lupa ng maylupa, o baka kayo’y sanay nang manghimasok sa hindi inyo?

-- Senyor, maraming taon na ang nakararaan, napadako ako rito sa paghahanap ng lupang matitirhan at masasaka, at wala akong nasumpungang nakatira o dumaraan man lang dito, at yaong mga nakausap ko sa mga karatig-pook ang nagsabing bukas daw sa lahat ang pook na ito na kung tawagin nila’y Pulanglupa…

Tinitigan siyang maigi ng unipormadong lalaki, nilingon nito ang mga kasamahang ngayo’y nagsilapit na rin na anaki’y hanay na handang lumusob, silang naniningkit ang mga mata at walang anumang bahid ng kabaitan sa mukha.

-- Narinig n’yo ang sinabi nito? Pulanglupa! – sabay baling uli kay Moises, nakangising litaw ang maitim na gilagid at matatalas na ngiping pinapula ng nganga. – Yun nga ang lumang pangalan ng lugal na ito, isang di-binyagang pangalan! Wala nang Pulanglupa, ginoo, ito’y bahagi ng pag-aari ni Don Juan Gossens, at kayo lamang ang di nakakaalam na ang tawag sa lugal na ito ay San Tercer. Kaya anong ginagawa n’yo rito?

Nanginginig ang tinig ni Moises nang siya’y sumagot.

-- Senyor, isang taon na kami rito, at walang sumansala sa amin, bago kayo dumating. Pa’no namin aakalaing ito’y pag-aari ng tao? At isa pa…

-- O, ngayong alam n’yo na, binibigyan ko kayo ng babala na di dapat lumagpas ang araw na ito na narito pa kayo. Sumunod naman po tayo sa mga batas ng bayang ito, tanda. At ako, si Tinyente Amuyung Garpalan ng guwardya sibil ng lalawigang ito, ay naatasang ipatupad ang mga batas na ito laban sa sinumang suwail at walang galang sa karapatan ng iba. Lalo na kayong mga basta na lamang mananahan sa di ninyo lupain!

-- …at isa pa, Senyor, gaya ng nakikita naman ninyo – nababasag man ang tinig ni Moises, nawawala na rin ang pagkahinahon nito, habang nararamdaman niyang umaalsa ang ugat sa kanyang liig at nagpapanting ang kanyang mga taynga – sisimulan namin ngayong araw na ito ang pag-aani ng palay na halos ikalumpo namin sa santaong paggawa at pagpapakasakit! Hindi naman namin ito aangkining lahat, at payag naman kaming bahaginan ng ani ang sinumang nagmamay-ari ng lupang ito…

-- Nais ninyong ialok sa may-ari ang sadya namang kanya? Aba!

Humagalpak ang unipormado at umiiling-iling sa kanyang mga tauhan, na nang mga sandaling iyon ay matamang nakamasid sa mga magsasaka, nagbubulung-bulungan at nagtatanguan habang itinuturo nila ang ilan sa kulumpon ng mga mag-aani, ngunit ang lalo nilang pinansin ay si Laura na balot man ng damit pambukid ay litaw pa rin ang aliwalas at rilag ng mukha.

-- Nais po naming makilala ang may-ari ng lupaing ito, Senyor, kung inyo pong ipapahintulot, sapagkat nananalig akong makikinig naman sila sa aming paliwanag – habol ni Moises, na huminahon uli ang tinig. – Kalabisan po bang hilingin ito?

-- At ano pa, tanda, sapagkat ako’y napag-utusan lamang! – pahiyaw ng lalaki, nang biglang natigilan ito. – Ngunit hindi naman kami kasingsama ng akala n’yo marahil. Iuulat namin kay Don Juan Gossens kung ano ang ginawa ninyo sa kanyang lupa, na nais ninyong bahaginan siya ng butil na wala naman kayong karapatang anihin, at tingnan po natin kung ano ang kanyang gagawin sa inyo!

-- Nakikiusap kami, sabihin po ninyo sa kanya na wala kaming masamang hangad, na kung kinakailangan, kami na ang bubungkal at mag-aalaga ng kanilang lupa, at ang hiling lamang namin ay hayaan kaming mamuhay dito nang tahimik, na manatili rito ang aming mga kubakob, na maging ligtas ang aming mga anak, at sapagkat sa inyong puso’y alam ninyong tayo’y iisang lahi, hindi ninyo kami hahayaang maparool, at kung kayo man ay magulang at may mga anak, hindi ninyo nanaising datnan sila ng panganib…

-- Tiyak na hindi sa inyo manggagaling ang panganib sa aming mga anak at kay Don Juan Gossens, tanda – singasing ng opisyal. – Kayo’y mga mapanghimasok, at mapalad kayo kung bibigyan kayo ng aming panginoon ng ilang araw na palugit upang gibain ang inyong mga bahay at lisanin ang San Tercer, at tungkol naman sa inyong ani, a! walang-saysay ang lahat ninyong paghihirap. Adiyos, tanda!

Hindi bumalik ang mga kabayuhan nang sumunod na araw, o sa makalawa, at isang linggo na ang nagdaan ay wala ni anino nila. Sinamantala ito ng mga magsasaka at tila nagdalawa ang kanilang katawan sa mabilisang pag-aani ng palay at pamumulot ng nangalaglag sa lupa, sa takot na bumalik ang mga sandatahan at di lamang maanghang salita ang ipatikim sa kanila. Habang nagpapahinga, sina Moises at iba pang matatanda ng kanilang munting pamayanan ay nagsipag-usap at nagsidulugan, nagpalitang-kuro at payo, samantalang may ilang talubatang naghayag ng pagsisisi na sila’y nakaalis-alis pa sa Amargoso, upang harapin lamang pala ang ibayong panganib at bagong kalupitan, wika ng isa sa kanila, at may isa pang naghihinanakit na nagpaalaala sa kanilang hindi naman napakahirap ng buhay sa iniwang nayon, hangga’t sinusunod ang batas ng alperes at ng kura, at sila’y nananahimik sa kanilang mga gawain sa bahay at bukid

Handa na sana silang maniwalang bangungot lamang ang naganap, at sila’y dinalaw lamang ng kabayuhan sa isang masamang panaginip, sapagkat mahigit sanlinggo nang hindi sumusulpot uli ang mga ito, nang bigla silang mamatayan ng dalawang kabataan sa kamay ng mga di-kilalang salarin.

Tatlong binatilyo, isang araw, ang humayo sa labas ng lambak upang manghuli ng pugo at iba pang ibon o hayup na makakain, at nagkakatuwaan pa sila nang umalis nang maaga pagkaalmusal ng kanin at nilagang saba, sapagkat kinasasabikan nilang pumasok sa mga talahiban, mga sukal at kahuyan na pinamumugaran ng sari-saring mahuhuli’t maluluto, pandagdag rin sa kanilang pagkaing karne at isda, gulay at prutas. Dapat ay nakabalik sila bago sumilong ang araw, ngunit malalim na ang gabi ay wala pa ang tatlo. Nagdaan pa ang isang araw at wala pa rin ni anino ng mga mangangaso. Sa ikatlong araw, isa sa kanila ang hilahod, putikan at duguang bumuglaw na anaki’y hinukay sa libing. Nilinisan siya’t pinagyaman ng tumatangis niyang mga magulang at mga kapatid habang nakapalibot ang nagugulumihanang mga kanayon.

Nang siya’y sandaling pagsaulian ng malay, sinikap niyang magsalaysay, at parang patak sa tag-araw ang mga katagang hirap na kumawala sa kanyang lapnos, maga at duguang mga lagi.

-- Babalik…sila. Babalikan…ka nila…!

Nanlaki ang mga mata ng mga nakatunghay, at nanggipuspos sila sa pagkahabag sa taong tinukoy ng binatang lupaypay na kandong ng kanyang ina.



Ang tatlong mangangaso ay maingat na gumagapang sa malagong talahiban, nakaumang na ang lambat na nasa dulo ng mahabang kawayang tikin, matamang nakikiramdam sa kaluskos, kahig at kurok ng ibong kanilang pakay. Hindi ito makalilipad sa huna at liit ng pakpak, kaya’t madali-daling hulihin. Tatlong pugo sa isang patpat at inihaw sa apoy o baga – anong sarap na ulam ito, isa sa nakawilihan na ng mga maralita ng Pulanglupa na nabubuhay sa kung ano ang makukuha sa bukid at kagubatan, kahit lumagpas man sila sa lambak upang makipagsapalaran sa di-nakasanayang panig ng lupain upang manghuli ng pang-agdong-buhay.

Kakaunti pa lamang ang kanilang nabibitag nang bigla silang paligiran ng ilang kabayuhan, at tutukan ng mga riple.  Kaagad nilang itinaas ang mga kamay, di lamang tanda ng pagsuko kundi bilang panangga sa mga paa ng nagdadambahang kabayo. Iginapos ang kanilang mga bisig sa kahoy na nakasagka sa kanilang likod, at ilang oras silang pinaglakad sa isang patag na pook na kinatatayuan ng isang maliit at bukas na kuta. Sa gitna niyon ay may isang mesa at upuan. Nakatayo, nakatalikod sa kanila, ang isang matangkad na Kastilang puti ang kasuotan, may makintab na salakot na anaki’y napapalamutian ng ginto at pilak, at sa bungad ng kuta ay naroon ang unipormadong lalaki na ang pangala’y di nila makakalimutan. Hinarap sila ng maputing Senyor at tinitigan lamang sila nang matalim, pagkuwa’y may sinabi ito sa kanyang tinyente.

Ang tatlong binatilyo ay kinaladkad ng mga sandatahan sa isang hinawang palanas, malapit sa ilog, at sa batuhang patag na sa malas ay lutuan, sapagkat umaasbok pa ang baga at naroroon pa ang matulis at nagmamantikang kawayang mandi’y pinaghugutan ng kalilitsong hayup. Mayroon pang ibang bagong kawayang pinatulis ang dulo na nakasandal sa isang puno.

Halos maghapong halinhinan ang mga tauhan ni Tinyente Amuyung Garpalan sa pagtatanong, paghahalibas, paglalatigo, pananampal, at panunugat sa tatlong bihag na nagsusumigaw, humahagulhol sa paghingi ng awa’t kapatawaran sa kung anong kasalanan habang tumatama sa kanilang ulo’t katawan ang mga kamao, talampakan, tuhod, kulata at patalim ng mga nakapaligid. Itinatanong nila kung ang mga maralitang magsasakang pinamumunuan ng tinatawag nilang Moises Luna ay tunay bang mga magbubukid o baka kabilang sa mga insurektong lumalaganap sa buong lalawigan at bayan, at narito ngayon sa San Tercer upang magbuo ng hukbo o kaya’y hikayatin ang mga karatig-pook na mag-alsa laban kay Don Juan Gossens na siyang may-ari ng enkomyendang iyon, at kung gayo’y laban sa Madre Espanya at sa Simbahan, at inusisa nila kung bakit isang taon na sila sa San Tercer ay hindi pa nila ipinapaalam sa maylupa ang kanilang panghihimasok at walang-pahintulot na pagtatanim, at ipinaliwanag din sa kanila, sabay tadyak sa anumang bahaging abutin sa kanilang katawan, na gayon na lamang ang pagtitimpi ni Don Juan Gossens kaya’t matagal siyang nag-antay bago magpadala ng mga sugo upang sila’y kausapin, piliting humingi ng paumanhin, at pakiusapang umalis, at ang huling tanong nila ay kung sino ang simbergwensang babaing yaon na hindi man lamang nagbaba ng tingin nang kanilang titigan bagkus ay tumitig sa kanilang may apoy at pagkamuhi sa mata, at matapos ang lahat ng pagtatanong ay lalo pang pinagbuti ang pambubugbog sa kanila, sapilitang pagpapainom ng tubig hanggang mamaga ang kanilang mga tiyan at sila’y magkandasuka, habang patuloy ang pagtungga ng basi ng mga unipormado na walang iniwan sa mababangis na musang na ngumangalot sa biktima, at nakita ng pinakabatang bihag, si Ruding, kung paano dinurog ng mga kampon ni Amuyung Garpalan ang ulo ng kanyang kababata sa pamamagitan ng dambuhalang batong-buhay, samantalang laslas naman ang tiyan ng isa pa at luwa na lahat ang bituka, bago ito ilatag sa lupa at lapitan ng dalawang unipormado na may hawak nang mahabang matulis na kawayan samantalang pinapaypayan ng isa pa ang mga baga sa litsunan…

-- Hindi…ko na po matingnan…kinaladkad po akong palayo…at sinabi ng tinyente sa akin…palalayain ako…sasabihin ko sa inyo…mabait naman ang maylupa…pupunta siya rito…kakausapin kayo…at sinabi pa ng tinyente – hintakot na muling napatingin ang nag-iiyakang magbubukid sa taong tinitigan ni Ruding bago ito tuluyang mawalan ng malay – dapat ka raw maghanda…para sa pagdating ng kanilang panginoon…

Isang nakalulunos na sigaw ang namutawi sa asawa ni Laura, at hinawi nito ang pulutong ng mga nagluluksa, at halos idikit nito ang kanyang mukha sa mukha ni Moises habang nanggagalaiti sa pagmumura, pati Diyos ni Moises ay minumura, sapagkat dahil sa kanila ay nagkaganito ang kanilang mga kailyan, ganito lamang pala ang sasapitin ng mga taga-Amargoso, at ilang lalaki ang kinailangang magtulong upang pigilan siyang tampalasanin ang kanilang pinuno. Hindi nagbago ang mapagpakumbabang tinig ni Moises.

-- Mga kailyan at mga kapatid, nang tayo’y sumapit dito, nagbangayan agad tayo sapagkat pinipilit ko pa rin kayong manalig sa akin na walang panganib tayong susuungin, na magiging atin ang lupang pangako, at sinabi ko rin na sakali’t dumating ang araw na haharapin tayo ng mga walang-budhi upang tayo’y itaboy, alang-alang sa kapayapaan at sa ating mga anak ay hahanap na lamang tayo ng ibang mapagpupugaran, at isa sa inyo ang nagtanong na lagi na lang ba tayong lilisan, hihimpil, at muling lilisan, hanggang sa tayo’y mangaubos, hanggang sa tayo’y mamatay? Sapagkat ako ang nagdala sa inyo mula sa Amargoso, at pananagutan ko ang inyong buhay at mga mahal sa buhay, sinasabi kong dapat nating lisanin ang Pulanglupa, o kung anumang impyernong San Tercer itong ating napasukan! Dalawa ang nalagas sa atin, ang isa’y agaw-buhay, ngunit paano tayo lalaban, gaganti? Ang mga gamit natin ay pambukid, pansaka, hindi mga sandata. Kaya’t ang aking pasiya ay, aalis tayo rito…

Hindi magkarinigan sa sabay-sabay na pagtatalo ng lahat ng magkakanayong naroon, ngunit karamihan ay pailing at pahiyaw na tumutol, kuyom ang mga kamao habang nagbibitiw ng matatapang na salita at sumpa, na hindi nila maaaring iwan ang lupang pinagbuhusan ng di-gagasinong pawis at hirap, na handa na silang makipagtagisan ng bakal sa bakal, samantalang ang iilan na kasama na ang asawa ni Laura ay pasigaw-pasumamong nanindigan na di dapat pagbuwisan ng marami pang buhay ang Pulanglupa at dapat ay isingkaw nilang muli ang kanilang mga hayop sa mga kariton at paragos upang bumalik sa Amargoso o muli’y mangibang-lupain, at sa gitna ng pagtatalo’y matamang nakikiramdam at naninimbang si Moises, nang biglang matahimik ang lahat sapagkat pumagitna si Laura, larawan ng kapayapaan ang marilag na babai, at napatingin na lamang sa kanya ang lahat, maging ang kanyang asawa,  walang makahula kung ano ang kanyang sasabihin sa kanilang pinuno, hanggang makalapit ito kay Moises, at nang magsalita si Laura ay nasamyo ng lalaki ang dalisay nitong hininga.

-- Manong Moises, huwag kayong aalis sa lupa nating ito. Payag ako…



Ipinagluksa ni Laura ang kanyang asawa, at ganap niyang naunawaan ang ginawa nito. Sa sandali ng pagtutuos, matapos bigkasin ni Laura ang kanyang pasiya, kinailangan ang maraming kalalakihan upang pigilan ang kanyang asawang dumaluhong upang tagain – hindi alam kung siya o si Moises o silang dalawa – at sapagkat tinakasan na ito ng anumang hibla ng pag-asa sa buhay, sumunod na rin ang kanyang katinuan, at noong gabing iyon ay natagpuan itong bibitin-bitin sa mulawing barakilan ng kubong buong sigasig nitong itinayo para sa pinakamimithing babai sa buong daigdig.

Hinding-hindi malilimutan ni Laura, sa pagdaraan ng maraming taon hanggang sa kanyang pagtanda sa malamig na bahay na bato ng kanyang panginoon, at siya’y limot na ng lahat maliban ng kanyang Manong Moises – si Moises na ang malalim na tinig ay laging laman noon ng kanyang mga panaginip at ang malamlam na mata ay nanunuot sa kasuluk-sulukan ng kanyang puso’t isip, na ang sunog at matipunong katawan ang kanyang ninanasang kayakap sana’t kakabit ng kanyang katawan tuwing nakapasok sa kanya ang kanyang naturingang asawa – hindi niya malilimutan na nang siya’y tumingala sa mukha ng lalaki noong kanyang bigkasin ang hatol ng buhay at kamatayan, namumula ang gilid ng mga mata nito, kumibot-kibot ang mga labi, ngunit napigil pa rin nito ang pagluha.

Isang gabi ng sumunod na Abril, nakatayo si Moises sa gilid ng malawak na palayan, na ngayo’y muli na namang hitik ng uhay at inaantay na lamang ang tamang araw ng paglusong ng mga magsasakang gagapas sa kanilang ani. Matagal na siyang hindi nakakarinig ng awit ng ilog at huni ng kuliglig, at hindi na nariringgan ng harana sa buwan ang sakiting si Lakay Lucas na hindi na rin yata lalawig ang buhay.

Huling gabi iyon ng kabilugang buwan. Abril, usal niya nang ilang ulit, at kung bakit ngayon ay may nabubuksang pintuan sa kanyang gunita, habang nabubuo sa kanyang balintataw ang isang kamay na umaangat, may baril na hawak, mabigat at malamig. Matagal na tinitigan ni Moises ang madilim, mahabang mga burol at kabundukan sa malayo. Hindi niya gaanong masinag ang mga ito sapagkat waring naipon sa lambak ang liwanag ng buwan. Ngunit batid niya, sa kabila pa ng mga gulod at bundok na yaon, sa mga bali-balitang naliligaw sa Pulanglupa, laganap na sa buong lalawigan, hindi’t sa buong kapuluan, ang isang napakalakas na daluyong, at ramdam niya’y hindi magtatagal at darating din ito sa kanilang munting nayon. Panahon na, naisip niya, panahon na. Muli, naramdaman niya ang biglang pag-aliwalas ng kanyang isipan, at nalango siya hindi sa tama ng alak kundi sa timyas ng mga katagang sumusuloy sa kanyang utak, lumalaganap sa buo niyang katauhan, mga bulaklak ng diwang malalim ang pagkakaugat sa kanyang kaluluwa. Amargoso. Pulanglupa. Laura. Kalayaan.

Isang malakas na hangin ang humihip at di lamang gumusot sa kanyang buhok kundi halos ikatumba niya. Tumuwid ang kanyang katawan, huminga siya nang malalim, at kinuyom-kuyom ang dalawang kamao. 

Nagningning ang buwan buong gabi, at habang nababatubalani si Moises, mula kung saan ay bumalik ang himig at ang awit, inuulit-ulit ang nag-iisang katagang kailanman ay hindi mamamatay.



This story won Third Prize for the Short Story in Filipino in the 2006 Palanca Awards



1