KABANATA 1     ISANG PAGTITIPON

   

 

 

 

   

      Sa pagtatapos ng Oktubre,[1] si Don Santiago delos Santos, na higit na kilala sa katawagang KapitanTiyago,[2]  ay nagkaloob ng isang hapunan. Kahit na hindi naayon sa kaniyang kaugalian ay noon lamang niya ipinaalam, ito ay naging usap-usapan sa Binondo, sa iba pang kalapit distrito, at maging sa loob ng nababakurang lunsod ng Maynila.[3]  Sa kapanahunang iyon si Kapitan Tiyago ay kilala sa karangyaan, at ang kanyang bahay ay katulad ng bayan, na hindi marunong magsara ng pintuan sa sinuman, maliban sa kalakalan o sa lahat bago o mapangahas na kaisipan.[4] Katulad ng koryente, ang pabalita ay mabilis na nakarating sa daigdig ng mga parasitiko, langaw o sampid na dahil sa hindi maubos na kabaitan ng Diyos, ay dumami ng labis-labis sa Maynila.[5]  Ang ilan ay humanap ng biton sa sapatos, ang iba ay mga bitones at kurbata, ngunit ang pinag-iisipan ng lahat kung papaano babati sa may-ari ng bahay na parang dating nang kakilala, o pakunwaring paghingi ng  tawad sa hind pagdating ng maaga.

             Ang hapunan ay ipinagkaloob sa isang bahay sa daang Anloague,[6] dahil hindi na namin matandaan ang bilang ay ilalarawan namin sa paraang makikilala pa ngayon, kung hindi pa sinisira ng mga lindol.  Hindi kami naniniwala na ito ay  ipinagiba ng may-ari, sapagkat ang pagsira ng mga gusali ay karaniwang gawain ng Diyos o ang Kalikasan, na marami ring kontrata sa aming pamahalaan.[7] – Ito ay isang malaking bahay,  na katulad sa kaanyuan ng karamihan sa bayan, at nakatayo sa tabi ng isang sanga ng ilog-Pasig, na tinatawag na estero ng Binondo,[8] at gaya ng lahat ng ilog sa Maynila, ay gumaganap ng iba’t ibang mga gawain bilang paliguan, imburnal, labahan, palaisdaan, daanan ng mga sasakyan at talastasan, at sinasalukan ng iniinom na tubig kung ito ay makakagaang sa gawain ng aguador na Insik.[9]  Sa layong halos isang kilometro ng estero ay nandoon ang daanan ng mga kalakal, siksikan, nakatutulig ang pagdaan ng mga sasakyan at dumadaan sa isang tulay na kahoy, na ang isang panig ay na wala sa ayos sa tagal na anim na buwan, at hindi madaanan ang kabiyak sa kalahating taon, kaya sa tag-init ay sinasamantala ng mga maliliit na kabayo ang gayong hindi nagbabagong kalagayan  upang lumundag sa tubig, na ikinabibigla ng taong nasa loob ng karwahe na inaantok o iniisip ang progreso ng kasalukuyang siglo.[10]

  Ang bahay na aming inilalarawan ay mababa at hindi tuwid; kung ang arkitektong gumawa nito ay malabo ang mata, o ang lindol at bagyo ang pumilipit sa kaniyang anyo ay hindi masasabing na may katiyakan.  Isang malapad na hagdanan na may berdeng gabay at ang baytang ay nababalutan ng alpombra, ang akyatan mula sa pintuan sa ibaba hanggang sa itaas, at sa magkabilang panig ay may mga halaman at plorera ng mga bulaklak na napapatong sa mga pedestal na seramikong Tsino na matitingkad ang kulay na may mga dibuho. Dahil sa walang bantay sa pintuan o utusan na humihingi ng inbitasyon ay umakyat tayo, ikaw na mambabasa, kaibigan o kaaway man, kung nakaaakit sa iyo ang tugtog ng orkesta, ang ilaw, o ang pangako ng kalampagan ng mga pinggan at mga kubyertos, at nais mong makita kung papaano isinasagawa ang mga piging sa Perlas ng Kasilanganan.  Ayaw ko na sanang isalaysay sa iyo ang anyo ng bahay, ngunit mahalaga, sapagkat tayong mga tao sa kalahatan ay katulad ng mga pagong:  pinapahalagahan tayo at at inuuri ng ayon sa ating mga talukap; dahil dito at sa iba pang bagay, ang mga mga katutubo sa Pilipinas ay maitutulad sa pagong[11]

Kung aakyat tayo, ay makikita agad natin ang ating mga sarili na nasa isang malawak na bulwagan na tinatawag na caida, sa hindi malaman kung bakit sa gabing ito ay magiging kainan at kinaroroonan ng orkesta.  Nasa kalagitnaan, ang malaking hapag kainan na labis na nagagayakan, na nagbibigay ng masasarap na pangako sa mga sampid, at nagbabanta sa mga mahiyaing at mahinhing dalaga ng dalawang oras na pakikisalamuha sa mga istranghero, na kakaiba ang wika at usapan na malimit na nauuwi sa restriksiyon at kakaibang ayos.[12] 

  Hindi kaayon ng makalupang piging na ito ay ang mga magagandang kuwadro na nakasabit sa dingding na kakikitahan ng mga bagay na pangrelihiyon, tulad ng Ang Purgatoryo, Ang Impiyerno, Ang paghuhukom Sa Huling Araw, Ang Pagkamatay Ng Banal, Ang Pagkamatay Ng Makasalanan.§ Sa dakong likuran ng kuwarto, na napapaligiran ng isang mainam at maringal na kuwadrong/frame na ayos Renacimiento, na inukit ni Arevalo[13] na nakapaloob sa salamin na naglalarawan ng dalawang matandang babae… Na nakasulat sa ibaba ay Ang ating Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na patron ng Antipolo, nagsa-anyong pulubi ay dinalaw ang maysakit na mahabagin at bantog na si Kapitana Ines.[14] ang larawan ay makikita ang mababaw na panlasa sa sining, subalit halos makatotohanan:  makikita mula sa dilaw at asul na kulay ng mukha ng babaing maysakit ang tila isang nabubulok na bangkay; ang mga baso at iba pang kasangkapan na gamit sa matagalang pagkakasakit, ay mahusay na naipakita, pati na ang iba pa nitong nilalaman nito.  Sa pagtingin sa larawang ito habang nagugutom ay nagbibigay ng pagkadiri ukol sa pagkain, maaring isipin ng ilan, na may pagkamalisyoso ang may-ari ng bahay, at alam  ang ugali ng mga marami sa mga mauupo sa kaniyang hapag kainan[15], at upang mapagtakpan kanyang iniisip,  ay nagsabit ng magagandang lamparang Tsino, mga hawla na walang ibon, mga bilog na salamin na may lamang asogue na kulay pula, berde, at asul,[16] at mga lantang panabit halaman, mga buteteng pinatuyo at pinatambok sa hangin. Ang tanawin sa panig na malapit sa ilog ay natatabingan ng mga arkong kahoy na kalahating Tsino at Europeo, at sa siwang ay matatanaw  ang asotea[17] na may mga balag at gloryeta na bahagya naliliwanagan ng ilaw mula sa maliliit na parol na papel na sari-saring kulay.

Ang salas ay nalilibutan ng malalaking mga salamin at maliliwanag na araña, kung saan ang mga bisita ay naiipon. Sa  ibabaw ng isang platapormang kahoy na pino, nakalagay ang isang malaki at magarang piano, na nagkakahalaga ng malaki, na sa gabing ito ay higit na nagkakahalaga ng malaki, sapagkat walang tumutugtog.  Doon ay nakasabit ang isang pinta na nakalarawan ang isang maayos na lalaki, na nakasuot ng tuxedo, tuwid, unat, walang kabalu-baluktot na katulad ng bastong may borlas[18] na hawak ng kanyang mga nakaunat na daliring puno ng singsing:  at tila nagsasabi ang larawan, ng: “Ehem!  Tingnan ninyo aking kasuotan at ang anyo kong kagalang-galang!”  Ang mga kasangkapan sa salas ay elegante  at marahil ay hindi komportable  at masama sa kalusugan kung uupan:  Marahil hindi  masyadong iniisip ng maybahay ang nababagay sa kalusugan ng mga panauhin kundi ang kanyang pagiging marangya. Masasabi na lang niya na  “Terible ang disinterya, subalit makaupo naman kayo sa mga silya ng Europa, bagay na hindi ninyo natitikman araw-araw!”[19]  Ito marahil ang sinasabi niya sa sarili.

  Ang salas ay halos puno ng tao:  magkahiwalay ang lalaki sa babae, katulad sa mga simbahang Katoliko at  sambahan ng mga Judio.  Ang mga babae ay binubo ng ilang binibining Pilipina at Kastila:  bahagyang ibinubuka ang mga bibig upang mapigilan ang paghihikab, na madaliang tinatakpan ng kanilang mga pamaypay, bihirang magbulungan sa isa’t isa; na agad namang napuputol sa maiikling sagutan, na katulad ng mga ingay na naririnig sa isang bahay kung gabi, katulad ng ingay ng mga daga at butiki.  Ang mga larawan kaya ng birhen na nakasabit sa dingding ang pumipilit sa kanilang manahimik na anyong relihiyoso, o ang mga babae rito ay sadyang natatangi sa iba?

Ang matandang babaing pinsan ni Kapitan Tiyago, na may magiliw na mukha at masamang magsalita ng Kastila, ang nag-iisang sumasalubong sa mga babae.  Inaalok ang mga Española ng plato na may lamang tabako at hitso, at nagpapahalik ng kamay sa mga Pilipina, na katulad ng mga prayle. Ito ang kabuuan ng kaniyang  kagandahang loob at patakaran.  Ang kaawa-awang matanda ay nainip sa kaniyang pagsalubong at sinamantala ang ingay ng isang nabasag na pinggan, at bumubulong na  “Jesus!  Magbabayad kayo sa akin, mga bulagsak!”  At hindi na muling bumalik.

Sa kabilang dako, ang mga lalaki ay maingay.  Ilang kadeteng nasa isang sulok ay masigla ang usapan, ngunit mahina,  at gumagala ang paningin sa paligid at minsan-minsang itinuturo ng daliri ang ilang katao sa salas, at palihim na nagtatawanan; Samantalang ang dalawang dayuhan, na nakasuot ng puting damit, na nasa likod ang mga kamay at tahimik na palakad-lakad na malalaki ang hakbang sa magkabilang dulo ng salas, kagaya ng ginagawa ng mga naiinip na pasahero sa kubyerta ng isang barko. 

Ang lalong mahalaga at aktibong usapan ay nagmumula sa pangkat na binubuo ng dalawang pari, dalawang sibilyan at isang kawal na nakapaikot sa maliit na mesa na may mga bote ng alak at mga biskotsong/biscuit Ingles.

Ang kawal ay isang matangakad, matandang tinyente, na may matigas na anyo ng mukha; tulad isang Duke de Alva[20] na naiwanan ng promosyon sa Guwardia Sibil.[21]  Nagsasalita ng kaunti, ngunit sa matinding paraan. Ang isa sa mga prayle, ay ang batang Dominicano, maganda, malinis at may maningning na isipan, na tulad ng kanyang salamin sa mata na may kulob/rim na ginto,[22] na sa kabila ng kabataan ay taglay na ang maagang ugaling pagkamatanda:  siya ang kura sa Binondo, at sa mga nakalipas na taon ay naging guro sa San Juan de Letran.[23]  Napabantog dahil sa pagiging mahusay sa debate, kaya sa panahong iyon, na ang mga anak ni Guzman[24] ay nangangahas pang makipag-debate sa katalasan ng pagkukuro-kuro sa mga hindi pari,[25] Maging ang mahusay sa debatista na si B. de Luna[26] ay hindi siya nagawang mahuli at malito sa mga debate,  dahil sa mga kahusayan ni Prayle Sibyla, ay iniwan niya ang kaniyang katunggali na katulad ng isang mangingisdang nagnanais na makahuli ng palos sa pamamagitan ng panilong lubid. Kaunti kung magsalita ang Dominicano at parang tinitimbang ang kanyang mga salita.    

Malaki ang kaibahan niya sa isang prayleng Pransiskano, na labis na masalita at magaslaw ang galaw ng mga kamay.  Kahit na sa kaniyang buhok ay lumilitaw na ang mga uban, ay tila napapanatili niya ang matibay na katawan. Ang mga wasto niyang anyo, ang nakakatakot na titig, ang malalaking panga at katawang malakas, ay nagbibigay sa kanya ng anyo ng nagbabalatkayong Romano, at kahit hindi kinukusa ay magpapaala-ala sa kaniyang pagkakatulad sa isa sa tatlong monghe na ikinukuwento ni Heine sa kanyang Dioses en el Destierro,[27] na sa equinox[28] ng Setyembre na sumasakay sa isang bangka sa lawa ng Tirol, tuwing sasapit ang hatinggabi, at sa bawat pagtawid ay naglalagay sa kamay ng mahirap na bangkero ng isang baryang pilak, na sinlamig ng yelo, na labis na tumatakot sa bankero. Pero, si Prayle Damaso[29]  ay hindi misteryosong gaya ng mga nabanggit; siya ay masayahin at sakali mang magaspang ang kaniyang boses na gaya ng sa isang taong walang pag-iingat sa dila, at nag-aakalang ang lahat ng kanyang sabihin ay pawang banal at hindi matutulan, ang kanyang tawang masaya at tapat ay pumapawi sa hindi magandang inpresyong iyon, at pipilit sa atin na ipagpatawad ang ginawa niyang paglalabas sa gitna ng salas, ng mga paang walang medyas at mga mabalahibong binti, §  bagay na kung ito ay naganap sa peryahan sa Quiapo[30] ay maari sanang pagkakitahan ng malaki ng isang mendieta.[31] Isa sa mga sibilyan ay maliit na lalaki na may maaitim na balbas sa baba, at ang tanging kapuna-puna ay ang kanyang isang ilong na kung sa laki susukatin ay parang hindi kanya.[32] Ang isa naman ay binatang mapula ang buhok na tila kararating pa lamang sa Pilipinas.  Kasama nito ang Pransiskano na nagsasagawa ng isang masiglang nakikipagtalo.             

“Makikita ninyo,” ang sabi ng Pransiskano, “kapag namalagi kayo ng ilang buwan dito ay maniniwala kayo sa aking sinasabi:  ang mamahala sa Madrid ay iba kaysa manirahan sa Pilipinas!”[33]

 “Pero…”

  “Ako ay halimbawa” patuloy ni Pray Damaso,  na inilakas ang boses upang pigilan ang iba na makapagsalita, “dalawampu’t tatlongtaon akong kumakain ng saging at kanin, at alam ko ang aking sinasabi.[34]    Huwag ninyo akong sabihan pa ng inyong mga palagay at mahusay na pangungusap, kilala ko ang Indio.[35]  Mula nang ako ay dumating sa kapuluang ito ay nadestino ako sa isang bayan, totoong maliit nga, subalit higit ang debosyon sa pagsasaka.  Hindi ko pa noon ganap na nauunawaang ang Tagalog, subalit mabilis kong kinukumpisal ang mga babae, at kami ay nagkakaintindihan, at lubha akong kinagiliwan,[36] kaya pagkatapos ng tatlong taon, nang ako ay ilipat sa isang bayang malaki, na nabakante dahilan sa pagkamatay ang kurang Indio [37] ay nag-iyakang ang mga babae, pinagkalooban ako ng napakaraming mga regalo, at inihatid ako ng banda ng musika…”

  “Pero, ipinapakita lamang niyan na …”

  “Hintay, hintay!  Huwag kayong masyadong magmadali!  Ang pumalit akin ay napatigil lamang doon ng saglit na panahon, subalit nang siya ay umalis ay higit na marami ang naghatid, mas maraming luha at maraming banda ng musika.[38] Samantalang nagbigay siya ng mas maraming palo at dinoble pa ang mga bayarin sa simbahan.”

  “Pahintulutan sana ninyo akong …”

  “Hindi lang iyan, sa bayan ng San Diego ay lumagi ako ng dalawampung taon at  ilang buwan lamang ang nakaraan mula ng… lisanin (sa salitang ito ay mapapansin ang pagkagalit).  Ang dalawampung taon,  walang sinoman na makaka-kontra, na ito ay higit sa kailangan upang makilala ang isang bayan.  Ang San Diego ay may anim na libo katao, at kilala ko silang lahat na parang ako ang nag-anak at nagpasuso sa kanila; batid ko kung aling paa ang pilay, kung anong sapatos ang nakakasakit sa isang nagsusuot, kung sino ang lumiligaw sa isang binibini, kung sino ang nakasira sa isang dalaga at, kung sino ang tunay na ama ng bata, atb. Ito ay dahilan sa ako ang kumukumpisal sa kanila; sila ay nangag-iingat na huwag magkulang sa kanilang tungkulin[39].  Ang may-ari ng bahay na ito na si Santiago, ang siya makapagpapatunay ng sinasabi ko: doon ay marami siyang lupain at doon kami nagsimulang maging magkaibigan.  Makikita ninyo kung ano ang Indio; nang ako ay umalis ay ilang matandang babae lamang ang naghatid sa akin at ilang hermano-tercero,[40], iyan ay sa kabila ng paninirahan ko doon ng dalawampung taon!” [41]

            “Subalit hindi ko nakikita kung ano ang relasyon ng bagay na iyan sa desestanco ng tabaco,”[42] ang biglang sabat ng may lalaking mapula ang buhok, na sinamantala ang pagtigil ng Pransiskano upang uminom isang kopang Jerez.

Nabigla ng labis si Pray Damaso at muntik ng mabitiwan ang kopa. Sandaling tumitig sa binata…

“Ano?  Ang nasabi sa wakas dahil sa labis na pagtataka.  “Posible sigurong hindi ninyo nakikita na kasinliwanag ng sikat ng araw?  Hindi ba ninyo nakikita, na ang lahat ng iyan ay isang malinaw na patunay ng kawalang katwiran ng mga repormang ng mga ministro ng hari?”[43]

             Sa pagkakataong ito, ang binata ang litong tumitingin kay Pray Damaso. Ang Tinyente ay nagkunot ng kilay, ang maliit na lalaki naman ay tumatango na hindi malaman kung ito ay umaayon o hindi kay Pray Damaso. Nasiyahan na lamang ang Dominikano na tumalikod sa lahat ng nag-uusap.

            “Naniniwala ba kayo na ganon nga…?” ang buong seryosong naitanong ng binata, habang tinitingnan ang prayle.

  “Kung naniniwala ako?  Gaya ng paniniwala ko sa Evangelio.  Ang Indio ay napakapabaya!”

“Ah, ipagpatawad po ninyong kayo ay maputol ko sa pagsasalita,” ang sabi ng binata na hininaan ang boses inilapit nang kaunti ang kanyang silya. “Ngunit nakapagsabi kayo ng isang bagay na nakapukaw sa aking interes.  Totoo bang ang katamaran ay likas sa mga katutubo rito, may isang dayuhang manlalakabay na nagsasabi na ang katamaran ng mga katutubo ay ginagawa lamang nating dahilan upang pagtakpan ang sarili nating kapabayaan, ang pagiging makaluma ng ating paraan sa pamamahala sa mga kolonya?[44]  Tinutukoy niya ang ibang lupaing sakop na ang mga tao ay kalahi ng mga tagarito!”

“Ba!  Naiingiit lamang ang mga iyon!  Itanong ninyo kay G. Laruja na nakakaalam rin sa lupaing ito, itanong ninyo sa kaniya kung may kapantay sa kamangmangan at kapabayaan ng Indio.”

Totoo yan,” sagot ng maliit na lalaki na siyang tinukoy na Senor Laruja, “Walang lugar sa mundo na makakatagpo kayo ng hihigit sa katamaran katulad ng mga Indio, saan mang bahagi ng mundo.”[45]

  “Kahit na hihigit pa sa kanila sa pagkakaroon ng masamang bisyo at kawalan ng utang na loob!”

  “Kahit na higit sa pagkawalang pinag-aralan!”

Ang binata ay ninenerbiyos na tumingin-tingin sa lahat ng lugar ng bahay. “Mga ginoo,” ang pabulong na sinabi, “sa palagay ko ay nasa bahay tayo ng isang IndioAng mga binibining iyan…”

  “Huwag kang matakot! Hindi ipinalalagay ni Santiago na siya ay Indio,[46] at saka wala siya rito, at… kahit siya ay naririto pa!  Ang pinagsasabi mo ay mga walang halagang kaisipan ng mga bagong dating. Kapag nakalipas na ang ilang buwan ay makikita ninyong magbabago kayo ng palagay, kapag nakadalo na kayo sa maraming pista at sayawan, nakatulog sa mga katre at nakakain na ng maraming tinola.

  “Iyan bang tinola na sinasabi ninyo ay isang prutas na katulad ng loto na nagiging dahilan upang ang mga tao ay  maging… parang… malilimutin?”

  “Hindi iyan ang sinasabi ko!” ang nakatawang sagot ni Pray Damaso. “Nagiging komedyante kayo sa pinagsasabi ninyo.  Ang tinola ay isang luto na magkahalong manok at upo.  Gaano na ba kayo katagal dito, mula ng kayo ay dumating?”             

“Apat na araw,” ang sagot na may halo ng pagkapahiya ng binata.

  Nagpunta ba kayo upang maging kawani?”[47]

  “Hindi po; naparito ako sa sarili kong gastos upang pag-aralan ang bayang ito.”

  Aba, ang taong ito ay kakaibang nilalang!” bulalas ni Pray Damaso na tinitigan siyang may pag-uusisa.  “Pumarito ka sa sariling gastos para lamang sa kahangalang iyan!  Nakapagtataka!  Napakarami ng aklat… ang nasulat ganyang paraan!  Sukat nang magkaroon ng noong may lapad na laking dalawang magkatikom na daliri …!”[48]

  “Sinabi ng inyong reberensiya Pray Damaso ,” ang biglang naitanong ng Dominicano na pumutol sa pag-uusap, “na nadestino kayo ng dalawampung taong sa San Diego at inyo itong iniwan.  Hindi po kayo nasiyahan sa bayang iyon?”

Sa tanong na ito, na ginawa sa isang paraang labis na malumanay at tila walang-kabuluhan, si Padre Damaso ay biglang nawalan ng katuwaan at hindi na tumawa.  “Hindi!” ang ungol, at sumadal ng mabigat sa sandalan ng silya.

Nagpatuloy ang Dominicano na lalo pang marahan sa kaniyang pagtatanong: “Labis yatang masakit ang pag-alis sa isang bayang pinamalagian ng dalawampung taon, at nakilala kagaya ng damit na kaniyang isinusuot.  Ako, sa akin, ay nagdamdam sa pagkakaalis ko sa Camiling,[49] pagkatapos kong manatili doon  ng ilang buwan lamang… ngunit ang utos na iyon ay ginawa ng mga pinuno alang-alang sa ikabubuti ng orden at sa kabutihan ko rin naman.”[50]

Si Pray Damaso, sa unang pagkakataon sa gabing iyon ay naging labis na maingat sa pag-iisip. Malakas na ibinagsak ang kaniyang kamao sa gabay ng kinauupuan, bumuntong hininga ng malakas at bumulalas ng:  “Oh! may relihiyon man o wala;  Ito ay kung mga kura ay may kalayaan o wala!  Ang bayan ay mauuwi sa pagkawasak at pagkawala!”  At muling sumuntok sa gabay ng silya. Bawat isa sa salas ay gulat na napalingon sa kanilang pulutong:  itinaas ng Dominicano ang mukha upang tingnan ang Pransiskano sa  ilalim ng salamin sa mata.  Ang dalawang dayuhan na sa sandaling iyon ay nagpapalakad-lakad sa salas  ay humintong sandali, nagkatinginan at pagkatapos ay itinuloy ang ang kanilang lakad.

             “Sumama ang ang loob dahil hindi ninyo tinawag na Reverencia!”[51] ang bulong ni Laruja sa binatang mapula ang buhok.

“Ano ang ibig ninyong sabihin, Padre?” “anong nangyayari sa inyo?” tanong ng Dominicano at ng tinyente na magkaiba ang tunog ng tinig.[52]

            “Dahilan diyan ay dumadating ang maraming kalamidad!  Ang mga namamahala ng bayan ay ipinagtatanggol ang mga ereheng kalaban ng mga alagad ng Diyos!” ang patuloy ng Pransiskano na itinaas na pasuntok ang kanyang malalaking kamao.

  “Anong ibig ninyong sabihin” muling tanong na payamot ng tinyente, na tumayo ng kalahati sa kaniyang silya.

Ano ang ibig kong sabihin?” ang ulit ni Pray Damaso, lalo pang inilakas ang boses at humarap sa tinyente.  “Sinasabi ko ang gusto kong sabihin!  Ang ibig kong sabihin ay kapag ipinaalis ng isang kura sa libingan ang bangkay ng isang erehe, ay walang sinuman, at kahit ang tunay na hari ay walang karapatang makialam at lalo pang walang karapatan na maglapat ng parusa, .[53]  ang isang generalitong si Calamidad.[54]   

           “Padre, ang General ay Vice-Real Patrono!”[55] ang sigaw ng tinyente habang tumitindig.[56]

            “Heneral, Vice-Real Patrono, ano iyon?”[57] sagot ng Pransiskano na tumayo din.  “Kung noong unang panahon ito nangyari ay kinaladkad na sana iyan pababa ng hagdanan, na minsang ginawa ng mga corporacion sa walang galang na gobernador Bustamante.[58] Iyon ang mga araw ng pananampalataya!”

           “Hindi ko mapapayagan ito. Ang Heneral, ang siyang kinatawan ng Kataas-taasang Hari…”     

Anong hari o haragan!  Sa ganang amin ay walang hari kundi iyong tunay…”[59]

“Tumigil kayo!” pasigaw na banta ng tenyente na parang nag-uutos sa kaniyang mga sundalo.  “Bawiin ninyo ang lahat ng sinabi ninyo, o bukas na bukas ay ipapaalam ko ito sa General.”

             “Pumunta na kayo ngayon pa lamang!” ang pakutyang sagot  ni Pray Damaso, na lumapit sa kausap na nakatikom ang mga kamao.  “Akala ba ninyong na dahil sa ako ay nakaabito ay natatako ako sa…?  Paroon kayo at ipapagamit ko pa sa inyo ang aking karwahe!”

             Ang pagtatalo ay nauwi sa kakatwang kaayusan, mabuti na lamang at namagitan ang Dominicano. “Mga ginoo!” ang panimula niya sa awtoratibo at pagpapalabas ng boses sa ilong, na bagay na bagay sa mga prayle, “huwag kayong malito sa mga bagay-bagay at huwag kayong magkagalit sa hindi dapat pagkagalitan.  Dapat nating matiyak sa mga salita ni Pray Damaso, ang pangungusap ng isang tao at ang pangungusap ng isang pari.  Ang mga pangungusap nito bilang pari, ay hindi kaylanman dapat na ikasama ng loob, sapagkat bumubukal mula sa di mapag-aalilanganang katotohanan.  Sa mga pangungusap ng tao ay dapat gawin ang isang pagbubukod:  ang mga sinabi kung nagagalit;ang mga salitang hindi naman taimtim sa loob;  at ang mga sinasabing sadyang nasa isip.  Ang huli ang tunay na makapagpapasama ng loob at iyon ay  alinsunod pa sa mga pangyayari:  kung ito sadyang nasa isip na at sadyang mayroon nang motibo, o kung hindi sinasadya dahil sa init ng pagtatalo, kung may[60]

            “Sa akin ay sinasadya at alam ko ang kaniyang mga motibo, Padre Sibyla!” ang tutol ng tinyente, na naguguluhan sa dami ng paliwanag at natatakot na kung magpapatuloy pa sa paliwanag si Padre Sybila ay baka siya pa ang lumabas na may kasalanan.ª  “Kilala ko ang mga motibo at inyong unawain.  Noong wala si Padre Damaso sa San Diego ay pinayagan ng koadhutor na mailibing ang bangkay ng isang iginagalang na ginoo… opo, Ginoo, karapat-dapat, madalas kong makausap at ako ay tinanggap sa kanyang bahay.  Ano ba kung hindi nagkumpisal.  Ano ba iyon? Ako man ay hindi rin nagkukumpisal;[61] ngunit ang sabihing ang ginoong iyon ay nagpakamatay ay isang kasinungalingan, isang pag-alimura.  Ang isang taong gaya noon, may isang anak na sentro ng pagmamahal at pag-asa, isang taong may pananalig sa Diyos, nakauunawa ng mga tungkulin niya sa lipunan, taong tapat at kagalang-galang, ay hindi maaring magpatiwakal.  Ito na ang lahat ng masasabi ko, at magpipigil ako sa pagsasabi ng iba pang iniisip ko, at dito ay dapat akong pasalamatan ng inyong Reverencia.[62]

             At matapos talikuran ang Pransiskano ay nagpatuloy:  “Nang makabalik bayang iyon ang kurang ito, pagkatapos na maltratuhin ang nakahahabag na  koadhutor, ay ipinahukay ang bangkay upang alisin sa sementeryo at ilibing sa dako na hindi ko alam.[63]  Ang bayang San Diego ay napakaduwag upang tumutol, kung sa bagay ay kakaunti lamang ang nakaalam ng pangyayari, ang namatay ay wala man lamang kamag-anak at ang kaisa-isahang anak ay nasa Europa. Nang malaman ng General ang pangyayari at sa dahilang isang makatwirang tao, ay hiningi ang kaparusahan…at si Padre Damaso ay inilipat sa isang bayan na higit na mabuti.[64]  Ito ang buong pangyayari.  Ngayon ay magagawa na ng inyong reverencia ang inyong mga pagsusuri.” Nang masabi iyon ay umalis na palayo sa pangkat.

“Lubha kong dinaramdam na hindi ko sinasadyang mabuksan  ang isang maselang na bagay,” ang malungkot na nasabi Padre Sibyla. “Subalit, makakabuti naman ang pagkakalipat ng bayan…”

           “Ano ang mabuti?  At ang bagay na nawala dahil sa paglipat … ang mga kasulatan… at ang ang lahat ng nawawaglit?” biglang pabulong na sabat ni Pray Damaso na hindi mapigil ang galit[65].

             Unti-unting bumalik sa katiwasayan ang nagkakatipon. Dumating pa ang ibang panauhin, dito ay kabilang ang isang matandang Kastilang pilay, na ang mukha ay maamo at banayad, na akay ng isang matandang babaing Pilipina, na nakasuot ng peluka na puno ng kulot at makulay ang buhok, at nakasuot ng pananamit ng mga taga-Europa.   Malugod na binati ng pangkat:  si Doktor De Espadaña at ang kanyang asawang si Doktora Donya Victorina[66] ay nakiupo na kasama ng mga kilala na natin.  Ang ilang peryodista at mga may-ari  ng mga tindahan ay nagbatian at nagagalawan, na hindi maalaman kung ano ang gagawin.

             “Masasabi ba ninyo sa akin, G. Laruja,  kung ano ang pagkatao ng may-ari ng bahay?” tanong ng binatang mapula ang buhok.  “Hindi pa ako naipakikilala sa kanya.”

             “Sinasabi nilang umalis daw, hindi ko pa rin nakikita.”

             “Hindi na kailangan!” ang sabat ni Padre Damaso.  “Si Santiago ay mabuting tao. 

Isang taong hindi makakagawa ng pulbura,”[67] ang dugtong ni Laruja.

             “Kayo naman, G. de Laruja!” ang marahang bulalas ni Donya Victorina, habang pinapaypayan ang sarili.  “Papaano namang siya makagagagawa pulbura,  ayon sa sinasabi, ang mga Insik ang naka-imbento noon may ilang dantaon na ang nakalipas?”[68]

  Anong mga Insik?  Nauulol ba kayo?” sigaw ni Pray Damaso.  “Magtigil kayo!  Ang nakaimbento noon ay isang Pransiskano, isang kapatid ko sa orden, si Pray tila Savalls, noong ikapitong daang…taon.”[69]

            “Pransiskano!  Kung ganon, marahil ay naging misyonero sa Tsina ang Pray Savalls na iyan,” ang sagot ng babaing hindi basta-basta na lamang nag-aalis ng kaniyang pinaniniwalaan.

            “Schwartz, marahil ang ang ibig nyong sabihin, senyora,”[70] ang pagtutuwid  ni Pray Sibyla, na hindi man tiningnan ang babae.

            “Hindi ko alam, ang sabi ni Pray Damaso ay Savalls, inulit ko lamang ang sinabi niya!”

            “Walang anuman kung Savalls o Chevas,?  Kahit isang letra ay hindi ito magiging Insik!” ang inis na sagot ng Pransiskano.

           “At ito ay noong ikalabing-apat na siglo, at hindi noong ikapito,” ang dagdag ng Dominicano na ang tono ng pagsasabi ay sa anyo ng pagtutuwid at para bang nais na sugpuin ang pagyayabang ng kaniyang kapwa prayle.

           “Eh ano!  Kung dahil sa isang daang taong kahigitan o kakulangan ay hindi naman siya Dominikano.”[71]

  “Huwag sanang magalit ang inyong reverencia!” ang sabing nakangiti ni Pray Sibyla.  “Mabuti na nga ang siya na ang nakalikha; sa gayon  ay iniwas na niya ang gawaing iyan sa kanyang mga kapatid.”[72]

“Pray Sibyla ang sabi ninyo ay nangyari iyon noong ikalabing-apat na raang taon?” ang interesadong tanong ni Donya Victorina.  “Iyon ba ay ay noong naipanganak na si Cristo o hindi pa?”[73]

  Magandang pagkakataon ang pagkakatanong ni Donya Victorina, dahilan sa dalawang tao ang noon ay pumapasok sa bulwagan. 

 

 



[1] Kahit bungang isip ni Rizal ang nobela – mapapansin ang pagkakaroon nito ng historikal na batayan, magmula sa mga tauhan hanggang sa kaligiran. Sa ginawang pag-aaral sa nobelang ito, ay lumilitaw na ang panahon na na sinasakop ng nobela ay ang Oktubre 31, 1882 hanggang Disyembre 25, 1882.

 

Ano ang probabilidad na ang taong 1882, ang maituturing na reperensiya ni Rizal bilang dimensiyon ng panahon na gumagalaw ang kaniyang nobela?

 

·        Una, sa pagpapatuloy ng pagbasa sa mga anotasyon ay makikita ang pag-ayon sa pagtatayang ito.

·        Ginamit sa pagtataya ang lihim na pag-gamit ni Rizal sa aklat ni Jagor na makikita ninyo sa talababa 36 ng kabanatang ito.

·        Ang usapan nina Elias at Ibarra ukol sa pagkakatatag ng guardia sibil sa Kabanata 49

·        at ukol sa paglubog ng Bapor Lipa na matatagpuan sa Epilogo ng nobela.

·        Ang ilang sulat ni Rizal sa kaniyang mga kapamilya na gagamitin sa mga ilang talababa na matatagpuan sa iba’t ibang mga kabanata ng nobelang ito.

[2] Kapitan - sa panahon ng ng Espanya ay ikinakapit sa mga pinuno ng bayan (munisipalidad/pueblo).

[3] Ang Maynila sa kapanahunan ng mga Espanyol ay ang nababakurang Intramuros. Sa nobelang ito, ang pagbanggit sa Maynila ay halos (kung hindi man lahat) ay nakasentro sa loob ng Intramuros.

[4]  Ang bahay ni Kapitan Tiyago ay itinulad ni Rizal sa Pilipinas na bukas sa mga bisita at dayuhan, ngunit hindi sa komersiyo, na siyang dahilan kung bakit ang ekonomiya ng bansa ay kontrolado ng mga dayuhan (Ongoco). Nagkasya ang mga Pilipino na maging mga kasosyo at empleyado lamang ng mga dayuhan at hindi mga tunay na may-ari ng negosyo na sana ay nagligtas sa bayan sa kahirapan. Isa pang katangian ng Pilipinas ay ang hindi nito bukas sa mga makabago at mapangahas na kaisipan, na maari sanang sumuri ng mga suliranin ng bayan at magkaloob ng isang mapagpasiyang aksiyon sa pagbabagong panlipunan.

[5] Sa huling tatlong dekada ng pananakop ng Espanya ay dumating sa Pilipinas ang napakaraming mga Espanyol na nandayuhan sa bansa para maghanap ng oportunidad pangkabuhayan. Karamihan sa mga Espanyol na ito ay na-empleyo sa pamahalaang kolonyal. Ang ganitong patakaran ng Espanya ay mababakas hanggang ngayon sa mga tanggapan ng pamahalaan na ang nakapuwesto ay mga kapartido ng nagwaging pulitiko.

[6] Ito ay kasalukuyang kalye Juan Luna, mula sa Liwasang Cervantes hanggang Calderon dela Barca. Ikinapit ang katawagang Anloague sa kalsadang ito dahilan sa noong unang panahon ay lugar na tirahan ng mga karpintero ng bahay. Ang bahay sa Calle Anloague na inilalarawan ni Rizal na bahay ni Kapitan Tiyago ay isang tunay na bahay na minsan natayo sa nasabing kalye. Ang bahay na binabanggit ni Rizal ay unang pag-aari ni Balvino Mauricio, isang Pilipinong negosyante at napadawit sa naganap na Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Bago maipatapon si Balvino Mauricio ay mabilisan niyang ipinagbili ang nasabing bahay sa isang mayamang negosyante na si Don Telesforo Chuidian. Nanatiling nakatayo hanggang makatapos ang kolonyalismo ng Espanya, at sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano, ang bahay na ito ay nagsilbing tanggapan ng singilan ng buwis sa Maynila.

 

Karagdagan: Si Balvino Mauricio ay ipinatapon sa Marianas at nanirahan bilang isang distiero/exile sa Hong Kong. Nang magtungo si Rizal sa Hong Kong noon 1888, isa sa kaniyang mga nadalaw doon ay si Balvino Mauricio, sinasabing ang matanda ay hikahos sa buhay at susukot-sukot,  na malayo sa kaniyang dating kalagayan bago ito isinangkot sa pag-aalsa ng sa Cavite 1872. Maaring basahin ang sinulat ni Ocampo (Si Ambeth hindi si Nilo) na Rizal Without Overcoat ukol sa bahay ni Kapitan Tiyago bilang bahay ni Balvino Mauricio at ang Glosaryo.

 

[7] Ipinahihiwatig ang kawalan ng urban zoning sa Pilipinas. Sa ibang bansa ay maayos na ipinatutupad ang pagsosona kung saan ang mga lumang gusali sa isang lugar ng lunsod ay sabay-sabay na ginigiba upang bigyan ang magkakaparehong pagbabago ng lugar. Hinahayaan natin sa kalikasan ang pagkasira ng mga gusali at kapag minamalas ay nagdudulot ng panganib at kasawian sa mga umuokupa sa lumang istraktura.

 

[8] Ang Binondo ay dating Parian na na itinalaga para maging pamayanan ng mga Tsino. Ito ay nakaharap sa nababakurang lunsod ng  Maynila at inihihiwalay ng Ilog Pasig. Ang estero ng Binondo ay umagos ng paayos sa hanay ng Calle Anloage at sa kapanahunan iyon ang estero ng Binondo ay nadadaanan pa ng mga bangka. Ayon sa nobela, ang bahay ni Kapitan Tiyago ay mapapanhik mula sa estero.

[9] Sa kapanahunan pa ni Rizal ay nagsisimula na ang pagpapabaya at pagsira ng mga tao sa Ilog Pasig. Pansinin ang namatyagan ng isang manlalakbay na Aleman na si Feodor Jagor:

 

[Neglected river and canals offensive.] In the suburbs nearly every hut stands in its own garden. The river is often quite covered with green scum; and dead cats and dogs surrounded with weeds, which look like cabbage-lettuce, frequently adorn its waters. In the dry season, the numerous canals of the suburbs are so many stagnant drains, and at each ebb of the tide the ditches around the town exhibit a similar spectacle.

 

Hindi kaya ang paglalarawang ito ni Rizal ukol sa deteryorasyon ng kalagayan ng Ilog Pasig buhat sa kaniyang nasaksihan at sa dokumentasyon ni Jagor ay isang anyo ng pagbibigay ng babala noon pa man sa maaring maging kasuklam-suklam na kalagayan nito sa kasalukuyang.

 

Hindi rin nakaligtas sa pagpuna ang katusuhan ng mga Tsinong aguador na kumukuha ng tubig sa ilog para ihatid na inumin sa kanilang mga suking Pilipino. – Isang paghahantad na may mga taong kumikita ng salapi na walang pakundangan sa kaligtasan at kalusugan ng mga tao.

 

[10] Ang nasa loob ng karwahe ay natutulog (nagwawalang bahala) o nag-iisip ng pagsulong samantalang ang kaniyang dinadaanang tulay ay sira dahilan sa kapabayaan ng pamahalaan. Kailangan pa nang pamahalaan na mayroong madisgrasya bago remedyuhan ang anumang depekto sa mga inprastrakturang panlipunan.

 

[11] Ang kahalagahan ng tao ay naayon sa laki, ganda, at kaayusan ng bahay.

Maihahalintulad din sa pagong ang mga Pilipino dahilan sa ating mabagal sa pagsulong.

 

[12] Ang mga kababaihan ng Pilipinas noon ay kimi at matatakutin sa mga istranghero.

 

§ Ang kaayusan ng loob ng bahay ay malayo sa kagayakan ng makabagong tahanan sa Europa na ang mga larawang pinta ay mga makabagong tanawin o paksa. Makalumang panlasa sa sining na bunga ng makalumang paniniwala na umiiral sa kanilang mga kaisipan..

 

[13] Sa panahon ng Espanya ay bantog ang mag-amang eskultor na sina Jose at Bonifacio Arevalo.

[14] Ang larawan na ito ayon kay Rizal ay matatapuan sa kumbento ng Antipolo.

[15] Ang pagkakaiba ng sarap ng pagkain at ang larawan na nakakawalang ganang kumain. Ngunit sa kabila nito ay nakakain ng marami ang mga bisita ni Kapitan Tiyago – isang palihim na pagpapakita na ang mga panauhin ni Kapitan Tiyago ay matapang ang sikmura. Kakainin ang masarap na pagkain, kahit na sa tabi ng isang larawan na may anyong karima-rimarim. Ganito naman talaga ang mga parasitiko ng lipunan, (parang mga uod na kumakain sa bulok na laman) nasisikmura na kumain ng masasarap at magpasasa sa buhay sa kabila ng kaalaman na ang kanilang mga kayamanan ay mula sa pawis at dugo ng mga taong kanilang pinagsasamantalahan.

[16] Isa sa mga usong palamuting isinasasabit sa bahay noon ay ang salaming hugis bola na nilagyan ng asogeng iba’t ibang kulay. Sa kasalukuyan ang pagiging popular nito ay ang christmas ball na isinasabit natin sa ating mga christmas tree.

[17]  Bahagi ng bahay na nasa ikalawang palapag nakalawit sa labas ngunit walang bubong.

[18] Ang nanunungkulang kapitan noon ay nagtataglay ng baston na simbolo ng kapangyarihan.

[19] Ipinapaalam na ang mga upuang yari sa Europa ay hindi angkop sa mainit na klima ng Pilipinas.

 

[20] Tinutukoy si Fernando Álvarez de Toledo, ikatlong Duke ng Alva (1507-1582), naglingkod bilang heneral ng Espanya at nakilala sa kasaysayan sa kaniyang labis na kalupitan laban sa mga rebolusyonaryo sa The Netherland, noong nakatalaga siya doon na Gobernador Heneral(1567-1573). Sa pamumuno niya sa nasabing bansa ay kaniyang ipinabitay ang 18,000 Dutch ngunit sa huli ay natalo siya ng mga rebolusyonaryong Dutch. Sa kapanahunan ng mga Espanyol ang kaniyang pangalan ay ginamit bilang panakot sa mga bata.

[21] Mayroong dalawang magkasalungat na katangian si Tinyente Guevarra -  matanda at tinyente. Ang ranggong tinyente ay ibinibigay sa mga batang opisyal ng hukbo, dito ay ipinapakita na si T. Guevarra ay hindi nagkaroon ng promosyon dahilan sa pagiging tapat nito sa tungkulin.

[22] Ipinakilala ang batang Dominicano sa mapanudyong paraan – bright person na katulad ng kaniyang salamin. Ibig sabihin, ang maningning na isipan ng prayle ay hindi ang kaningningan na taglay ng taong may malinis na kaisipan, kundi ang pagtataglay ng tusong kaisipan..

[23] Kolehiyo ng mga Dominicano, unang nakilala sa tawag na Colegio de San Pedro y San Pablo at noong 1706 ay tinawag na Colegio de San Juan de Letran, sa panahon ng Espanya  ay sentro ng edukasyong sekondarya.

[24] Anak ni Guzmam - katawagan sa mga Dominicano dahilan sa ang nagtatag ng korporasyon ay si Santo Domingo de Guzman.

[25] Sa mga panahong iyon ay aktibo pa ang mga prayle sa pakikipagtunggali para patunayan ang katotohanan ng kanilang aral ng pananampalataya – ngunit sa panahon na sumilang na ang kritikal na kaisipan ay tila nawalan na sila ng kakayahan na magtanggol ng mga dogma ng simbahan.

 

[26] Benedicto de Luna – isang mahusay na debastista sa Pilipinas noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Nagtapos sa UST, nagtayo ng sariling paaralan, at nakilala sa kahusayan bilang guro.

 

[27] Sa nobela ni Heine ay binabanggit ang tatlong monghe na sa katotohanan ay ang matandang diyos ng mga Romano na si Bacchus at ang dalawa niyang mga kasama na nagbabalatkayong mga paring Pransiskano. – Ito ay isang paaraan ng pagpapakilala ni Rizal sa kaniyang mga matatalinong mambabasa na maraming mga ritwal, aral at maaring maging ang mga santo ng simbahan ay hinango lamang sa mitolohiya ng matandang relihiyong Greko-Romano.

[28] Equinox –panahon sa hilagang panig ng mundo kung kailan magkapantay ang haba ng araw at gabi. Nagaganap ito ng dalawang beses sa isang taon - Marso 21 at Setyembre 23.

[29] Ginamit ni Rizal si Pray Damaso hindi bilang isang tao lamang kundi panlahat na paglalarawan ng mga tiwaling prayle sa kaniyang kapanahunan. Maging si Antonio Ma. Regidor na isang biktima ng 1872 at tumakas sa Pilipinas at nanirahan sa London, ay nahulaan ang intensiyon ni Rizal sa paglikha ng Padre Damaso. Sa kaniyang sulat kay Rizal pagkatapos na mabasa ang Noli Me Tangere ay nakasaad ang ganito:

 

Sino ang hindi makakakilala kay Pray Damaso? Ah! Nakatungo ko siya; at bagaman sa maningning na paglalarawan sa kanya sa nobela  ay isa siyang maruming Pransiskano, laging bastos, laging malupit at malaswa ang kaasalan, sa tunay na buhay ay nakita at napag-aralan ko siya, kung minsan ay sa puting abitong suot ng mga Agustino, minsan ay sa mga Pransiskano na gaya ng inyong paglalarawan, at kung minsan ay sa nakayapak at abito ng mga Rekoleto na nagpapanggap na marurunong.

 

SUBALIT SAAN KINUHA NI RIZAL ANG PANGALAN NI PRAY DAMASO? ANG MISTERYO SA PINAGKUHANAN NI RIZAL SA PANGALAN NI PRAY DAMASO AY MABUBUNYAG SA E-BOOK NA ITO: NGUNIT KAILANGAN NG PAGTITIYAGA ANG MGA MAMBABASA, DAHILAN  SA KUNG IBUBUNYAG KO AGAD DITO AY MAARING HINDI NINYO PANIWALAAN. SUBALIT SA PROSESO NG INYONG PAGBABASA AY MALILIWANAGAN NINYO KUNG BAKIT ITO ANG GINAMIT NI RIZAL NA PANGALAN SA ISANG PRAYLE NA MAYROONG MALAKING PAGKAKILALA SA KANIYANG SARILI.

 

§ Ano kaya ang ibig sabihin dito ni Rizal? Parang nais niyang ipaalam na si Padre Damaso ay naka-abito na hindi nagsuot ng pantalon, kundi kunsinsilyo (boxer short) lamang – o masama ay wala pa nitong huli.

[30] Sa panahon ng Espanya ay nagsasagawa ng taunang perya sa Quiapo dito ang mga tao ay nakapag-aaliw sa iba’t ibang mga palabas, palaro, at libangan (Makikita ang isang eksena sa Perya sa Quiapo sa El Filibusterimo). Sa panahon ng pananakop ng mga Americano nahalinhan ito ng tinatawag na Manila Carnival at ang popularidad ay umabot hanggang sa panahon ng Komonwelt.

 

[31] Mendieta - sa panahon ng Espanya sila ang tagapangasiwa ng mga palabas sa pagtatanghal na pambata – katulad halos ngayon ng mga producer ng mga palabas pambata sa telebisyon.

 

[32] Ang kahulugan ay ‘hindi bagay sa kanya’ – (sa ating panahon ay isang Pinochio) makikita dito ang galing ni Rizal sa malinis at hindi direktang paraan ng pang-iinsulto.

 

[33] Ipinahihiwatig ni Padre Damaso sa bagong dating na Espanyol na kakaiba ang pananaw ng mga nasa Madrid na gumagawa ng mga batas para sa Pilipinas at ng mga prayle na naninirahan sa Pilipinas. May mga pagkakataon na ang pamahalaan sa Madrid ay nagnanais magtalaga ng mga reporma para sa Pilipinas, samantalang sinasalungat naman ito ng mga prayle dahilan sa kontra sa kapakanan ng huli.

 

[34] kung gagamitin natin ang taong 1882 bilang petsa ng kaganapan – lilitaw na si Padre Damaso ay dumating sa Pilipinas noong 1859. Mahalaga ang petsang ito sa talababa bilang 36.

 

[35] Ang pagpapakilala ni Pray Damaso na “alam nila ang ugali ng mga Indio” ay karaniwang ipinagyayabang ng mga prayle – ang kanilang mga obserbasyon ay nalalathala sa Madrid at pinaniniwalaan ng mga Espanyol, kabilang na rito ang mga panlilibak na kanilang isinusulat laban sa mga katutubo ng ating bayan.

 

[36] Papaano sila nagkakaintindihan? Bago pa lamang si Padre Damaso at hindi pa mahusay sa sa wikang Tagalog. Mula kay Jagor na isang manlalakbay na nakadalaw sa Pilipinas noong 1859 - 1860  ay kaniyang sinulat ang mga sumusunod:

 

“The younger priests pass their existence like the lord of the soil of the old; the young girls consider it an honor to be allowed to associate with them; and the padres find many convenient opportunities. They have no wives to pry into their secrets, and their position as confesors and spiritual advisers affords them plenty of pretext for being alone with women. The confessional, in partcular must be a perilous rock-a-head for most of them. In appendix to the “Tagal Grammar” … a list of questions are to be asked in the confessional, and several pages of them relate exclusively to the relations between sexes.”

 

            Ito ang gustong palitawin ni Rizal sa sinabing iyon ni Padre Damaso (na dumating sa Pilipinas noong 1859). Ang akda ni Jagor ay nabasa ni Rizal noon siya ay nag-aaral sa Maynila. Ano naniniwala ka na bang 1882 ang piktisyosong taon na iniikuta ng Noli Me Tangere, kung hindi ka pa kumbinsido ay marami pa tayong mababasa na magpapatunay na ito ang nakalagay sa kaniyang isipan na panahon bilang ikutan ng kaniyang nobela .

[37] Ang labanan ng mga prayle at ng mga katutubong pari na karamihan ay mga secular sa pangangasiwa ng mga parokya ay siyang ugat ng hidwaan sa loob ng simbahan na tinatawag na Kilusang Sekularisasyon -  na pinamunuan ni Padre Jose Burgos. Ang pagkilos ni Burgos para maipagkaloob sa mga paring Pilipino ang pangangasiwa ng parokya ang naging dahilan upang kamuhian ng mga prayle ang nasabing pari. Upang mawala si Burgos sa landas ng frailocracia ay idinawit ng mga prayle si Burgos at iba pang mga kasamahan niyang paring secular sa naganap na pag-aalsa sa Cavite noong 1872, na naghatid sa GOMBURZA sa bitayan sa Bagumbayan. Ang katotohanan, isa sa tunay na intensiyon ni Rizal sa pagsulat ng nobelang Noli Me Tangere ay ipakita sa mga mambabasa ang lihim na pakana ng mga alagad ng frailocracia upang idawit si Burgos sa Pag-aalsa sa Cavite. Ang lihim na pakana ni Padre Salvi upang idawit si Ibarra sa isang gawa-gawang pag-aalsa sa San Diego ay hinango ni Rizal sa kaganapang Pag-aalsa  sa Cavite noong 1872. Isa sa epekto pagkatapos ng pag-aalsa sa Cavite ay nagawa ng frailocracia na maikondisyon ang isipan ng kolonyal na pamahalaan na ang mga paring Pilipino ay isang banta sa kapangyarihan ng Espanya sa Pilipinas. Sa ganito ang mga paring Pilipino ay tiningnan ng mga Espanyol na mayroong labis na paghihinala bilang mga posibleng puwersa para sa paghiwalay ng Pilipinas mula sa Espanya, na katulad ng nangyari sa Mexico. Upang mawalan ng ganap na lakas ang mga paring Pilipino, naging kalakaran ang ilipat ang mga parokyang dati nilang hinahawakan sa mga prayle. Ang mga parokya na dating hinahawakan ng mga katutubong pari ay ipinagkakaloob sa mga paring Espanyol, lalo na kung ang parokya ay nasa malalaking bayan at mayroong mga mayayamang mga taga parokya.  Sa bahaging ito ng kabanata, ay tila ina-agitate ni Rizal ang mga paring Pilipino sa pagpapakita na ang mga prayle ay mistulang buwitre ay hinihintay lamang ang kamatayan ng ilang mapapalad na paring Pilipino na may hinahawakang parokya.

 

[38] Ang dahilan ng galit ni Padre Damaso ay selos sa kapalit niyang prayle sa iniwang bayan (bago ang San Diego) dahil  higit na maraming nakaunawaan sa kumpisalan. – Ano ang pinagseslosan? – basahing muli ang tala ni Jagor.

 

[39] Ang ipinagyayabang ng mga prayle na kilala nila ang mga Indio at kaya nilang pasunurin ang mga ito. Ito ang naging saligan upang sila ay maging makapangyarihan at mainpluwensiya sa kolonyal na pamahalaan na umaasa sa pakikipagtulungan at suporta ng frailocracia.

[40] Ayon sa mga Pransiskano, ang kanilang orden ay  may tatlong bahagi:  una, ang mga prayle; ikalawa, mga mongha; at ikatlo, ng mga “hermanos terceros,” na binubuo ng mga manong at manang na taong-bayan sa mga parokya.

[41] May pagdaramdam si Padre Damaso sa mga taga San Diego – sa paniniwala niyang kawalang utang na loob ang mga naninirahan sa nasabing bayan.

[42] Ang mga matandang paliwanag ukol dito ay sinasapantaha na ang destanco sa tabako  ay tumukoy sa pag-aalis ng monopolyo ng tabako. Subalit, maari din na ang tinutukoy ng binatang may pulang buhok  ay ang aklat na sinulat ni Jose Jimeno Agius  na Memorias sobre el destanco del Tabaco en las Islas Filipinas na nalathala noong 1871.

[43] Sa pagkabigla ni ni Padre Damaso ay matitiyak na ang ang tinutukoy ng binatang mapula ang buhok ay ukol sa aklat na sinulat ni Jose Jimeno Agius, kaya sa pananalita ni Padre Damaso ay makikita ang kaniyang labis na pagtutol at pag-aalinlangan sa mga repormang panlipunan na nais na ipagkaloob ng Madrid para sa Pilipinas.

 

[44] Sa bahaging ito ay matitiyak na tunay ang tinutukoy ay ang aklat ni Jose Jimeno Agius na nakapuna na ang katamaran ng mga Pilipino na ipinapanira ng mga prayle sa ating lahi. Ang layunin ng paninirang ito ay upang pagkaitan ang mga katutubo ng Pilipinas ng angkop na pagtrato bilang tao. Ang diwa ng pagsusuri ni Jose Jimeno Agius ay ipakita na ang “katamaran” ng mga Pilipino ay ginagamit lamang ng mga Espanyol na pantakip sa kanilang kawalan ng kakayahan na paunlarin ang Pilipinas. Si Jose Jimeno Agius ay sinipi ni Gregorio Sancianco sa kaniyang aklat na Progreso en Pilipinas, na nabasa ni Rizal at naging inspirasyon niya sa pagsulat ng isa sa kaniyang artikulo sa La Solidaridad na may pamagat na Ukol sa Katamaran ng mga Pilipino.   

[45] Upang makakuha ng kakampi si Pray Damaso, laban sa paniniwala ni Jimeno Agius ay ginamit pa niya si G. Laruja para patunayan ang na mali ang sinulat ni Agius.

[46] Panimulang pagpapakilala ng ugali ni Kapitan Tiyago na dahilan sa kayamanan at pagiging malapit sa mga Espanyol ay hindi niya itinuturing nang kaniyang sarili na isang Indio.

 

[47] Napagkamalan ni Pray Damaso na isang oportunista ang binatang bagong dating sa Pilipinas. - Isa sa mga dahilan ng pagpunta ng mga binatang Espanyol sa Pilipinas ay para magtrabaho bilang mga kawani ng pamahalaang kolonyal, na siyang kalakaran noon. Ang mga bagong dating na mga Espanyol na ang kwalipikasyon lamang ay ang pagkakaroon ng mga kakilala na nasa gobyerno na makapagpapasok sa kanila ng trabaho sa pamahalaan.

[48] Para sa mga prayle ay walang interesadong bagay ang ukol sa Pilipinas na sapat na pag-aksayahan ng panahon at salapi. Maaring ang ipalagay na ayaw ng mga prayle noon na magkaroon ng mga obhektibong mag-aaral na titingin sa kalagayan ng Pilipinas. Mapapansin din sa binatang may mapulang buhok ang diwang maka-iskolar, ang pagnanais na manaliksik at ang kritikal niyang palagay – tandaan na nagbasa siya ng mga kritikal na artikulo na nagsasabi na ang katamaran ng mga Pilipino ay pinalalaki lamang ng mga Espanyol noon, para pagtakpan ang kanilang kahinaan sa pamamahala sa mga kolonya.

 

[49] Ang bayan ng Camiling ay dating bahagi ng  Pangasinan at sa kasalukuyan ay ng Tarlac – ito ang bayan ni Leonor Rivera na naging kasintahan ni Rizal.

 

[50] Sa ikabubuti ng orden at sa kabutihan ko rin naman - sa sinabing ito ni Pray Sybila ay pahiwatig na may nagawa siyang hindi tama sa kaniyang panunungkulan sa Camiling. Ang kaso ni Padre Sybila ay higit na ukol sa babae. (marami pang kasunod na clue)

[51] Paraan ng pagalang sa prayle sa mga pormal na usapan ay tawagin siya na reverencia.

[52] Magkaiba ang tono ng pagtatanong ng dalawa – ang Dominicano ay may pagtataka, ang tinyente ay may tinitiyak dahilan sa may suspetsa na ito sa inuugali at tono ni Padre Damaso.

 

[53] Nagpapakita ng galit si Pray Damaso sa pamahalaan dahilan sa utos ng KH na alisin siya sa San Diego at bilang parusa ay ilipat siya sa isang parokya na mas maayos pa sa San Diego.

[54] Ang General Calamidad na binabanggit ay maaring si Gobernador heneral/Kapitan Heneral (gagamitin mula dito ang mga panitik na GH/KH na iisa lang ang tinutukoy na tungkulin) Emilio Terrero na nagsagawa ng isang hindi matagumpay na kampanya laban sa mga Muslim sa Maguindanao na pinamumunuan ni Datu Utto noong mga taong 1886-1887. Maaring hindi 1882 ang panahon ng panunungkulan ni GH Terrero ngunit ginamit ni Rizal ang masakit na parunggit  upang matiyak niya na maipaparating sa nanunungkulang punong ehekutibo noong kaniyang kapanahunan ang sinasabi dito sa talikuran ng mga prayle.

Makikita dito na si Rizal kahit na nasa Pransiya at sa dakong huli ay sa Alemanya sa mga nasabing panahon ay labis pa rin na nakikibalita sa mga kaganapan sa Pilipinas.

 

Ipinapaalam sa mga mambabasa na ayon sa salaysay ni Maximo Viola na mismong nakasama ni Rizal sa Alemanya noong ipinalimbag ang Noli Me Tangere ay nagpadala ang ating bayani ng tig-iisang kopya para sa GH at arsobispo ng Maynila. Nang itanong ni Viola kay Rizal kung bakit binigyan ang dalawa – ang sagot lamang ni Rizal ay isang mapagbirong ngisi.  Hindi kaya talagang agenda ni Rizal na ipaalam sa GH ang nasabing panunuya ng mga prayle laban sa punong ehuktibo ng kolonyal na pamahalaan ng Espanya sa Pilipinas.

 

[55] Patronato Real -  pribilehiyo ng hari na manghimasok sa mga usapin ng simbahan, bilang pagkilala ng Vaticano sa tulong ng monarkiya ng Espanya sa pagpapalaganap ng Katolisismo sa mga lupaing hindi pa binyagan. Dahilan sa ang GH ang kinatawan ng hari sa Pilipinas, sa ganito siya ay nagtataglay ng pagiging kinatawan sa kapangyarihang pansimbahan sa Pilipinas sa pangalan ng hari ng Espanya.

[56] Hindi nagustuhan ni Tinyente Guevarra ang sinabi ni Pray Damaso laban sa GH/KH - ipinakita ang hidwaan ng mga tauhan ng pamahalaan at simbahan.

[57] “Heneral, Vice-Real Patrono, ano yon ?” - kawalang galang ng mga prayle sa kapangyarihan ng KH bilang patronato real – ito ay sapagkat ang mga prayle ang tunay na maykapangyaarihan sa pamahalaan at simbahan sa Pilipinas sa kapanahunang iyon.

 

[58] Tinutukoy ay si GH Fernando Manuel de Bustamante y Bustillo na kinamuhian ng mga prayle dahilan sa kinumpiska nito ang  ang mga kalakal ng dalawang galyon mula sa Mexico bilang kabayaran sa hindi nila pagbabayad ng buwis o sa ibang salaysay ay hindi pagbabayad sa inutang na mga salapi sa Obras Pias. Dahilan dito, ilang pangkat ng mga prayle ang nagtungo sa palasyo at pinatay si GH Bustamante at ang kaniyang anak noong ika 11 ng Oktubre, 1719. Ang unang naitalang People’s Power sa kasaysayan ng Pilipinas na pakana ng mga kaparian.

[59] Ang mga pari sa kapanahunang iyon ay mga Carlista o tapat sa isa sa mga nag-aangkin para sa trono ng Espanya na si Carlos ngunit ang nalagay sa trono ay si Reyna Maria Cristina na kumukop sa mga liberal na elemento ng pulitikang Espanyol. Ang mga prayle ay lihim na hindi kinikilala ang pamumuno ng reyna at pailalim na sinusuportahan ang pag-aangkin ni Carlos. Makikita ito sa kanilang mga pagdadarasal para sa monarkiya ng Espanya na ginagamit ang his majesty (paukol kay Carlos) at hindi ang her majesty.

[60] Makikita ang pamamaraan ng mga prayle sa pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay, pasikot-sikot, at nakakalito at ginagawa nila ito upang palabasin na sila ay tama..

 

ª Ganito rin ang ginawa ng mga tagapagtanggol ng simbahan, para palitawin na sa kabila ng napakaraming mga puna ni Rizal sa simbahan at imoralidad ng mga prayle ay kanilang pinalalabas na hindi kinalaban ni Rizal ang simbahan.  Ha! Sinumang magbabasa ng mga sinulat ni Rizal ay makikita ang lalim ng pamumuna ni Rizal sa kolonyal na simbahan at mga alagad nito.

[61]Ano ba kung ito ay hindi nagkumpisal.  Ano ba iyon? – Ako man ay hindi nagkukumpisal” – sa pangungusap na ito ay ipinakikilala ang ideya ng hindi pangangailangan ng pangungumpisal. Maipapaliwanag ang lalim ng paniniwalang ito ni Tinyente Guevarra  sa Kabanata 4.

[62] Nagbabala si Tinyente Guevarra na marami siyang alam tungkol kay Pray Damaso. Dito ay unti-unting binubuksan ang isang insidente sa bayan ng San Diego, ukol sa isang iginagalang na tao na nilapastangan ng pari ang bangkay. Nakagalit ito ni Pray Damaso dahilan sa hindi nangungumpisal at upang ganap na maalis ang bangkay ay pinalabas na ang namatay ay nagpatiwakal. Ang usaping ito ang magiging isa sa mga puno at dulo ng hidwaan sa istorya ng nobela.

 

Mahalagang Kaganapan: Isang pagbibiro ng kasaysayan na ilang taon pagkatapos na mailimbag ang Noli Me Tangere, ang bayaw ni Rizal na si Mariano Herbosa ay hindi pinayagan ng pari ng Calamba na mailibing sa sementeryong Katoliko dahilan daw sa hindi nangungumpisal. Sa sinulat na artikulo ni Rizal na may pamagat na Profanacion na nalimbag sa La Solidaridad ay kaniyang sinabi na ang tunay na dahilan kaya hindi pinayagang mailibing si Hermano Herbosa ay dahilan sa ito ay kaniyang bayaw. Mula sa insidenteng ito ay hiniling ni Rizal na ang mga sementeryo sa Pilipinas ay ilipat sa pangangasiwa ng pamahalaan at huwag manatili sa kamay ng simbahan.

 

Unfortunately the evil is not new, it dates back to the remote past. Rizal had already denounced it in the first pages of  Noli me tangere. His adversaries are only showing that he is right.” 

 

[63] Koadhutor -  katulong na pari at kalimitan ay isang Pilipino. Mapapansin na kahit kapwa pari ay nakakatikim ng pagmamaltrato mula sa mga prayleng Espanyol kung hindi makakasunod sa kagustuhan nito. Makikita ang mababang pagtrato at maaring gawin ng mga prayle sa Pilipinong pari. Tandaan sana na ang isa sa mga teorya ng kasaysayan na ang mga prayle ang nasa likod ng kamatayan ng GOMBURZA, at para sa iba pang kalupitan nila laban sa mga paring Pilipino ay basahin ang sinulat ni William Scott – ukol sa Mga Prayle ng Nueva Segovia.

[64] Ang kaparusahan kay Pray Damaso ay ilipat sa mas mabuting parokya. Higit itong gantimpala.

[65] Ipinakita ni Pray Damaso na ang dahilan ng kaniyang labis na pagkainis sa pagkaka-alis sa San Diego ay ang pagkawala ng kaniyang mga kasulatan - ito ay magkakaroon ng malaking bahagi ssa pag-imbulog ng istorya ng nobela.

[66] kaugalian at isang pagbibigay-galang ang tawaging doktora ang babae (kahit hindi) -  kung ang asawa ay isang doktor – katawagan na makikita pa rin sa mga bayan na ang tawag sa asawa ng mayor ay mayora.

 

[67] Isang taong hindi pagmumulan ng basag-ulo o kaguluhan, dahilan sa nakikinabang sa isang mapanupil at mapagsamantalang sistemang panlipunan na umiiral sa kaniyang kapanahunan.

[68] Mapupuna na si Dna. Victorina ay isang tao na hindi nakaka-alam ng idiom.

[69] Ipinakikita na si Pray Damaso ay walang alam sa kasaysayan dahilan sa ang orden na kaniyang kinabibilangan ay naitatag noong ika-13 siglo at hindi ika-7 siglo. Mapupuna din ang kawalan ng kaalaman ni Pray Damaso sa kakayahan ng mga taga Asya at sa mga mahahalagang nagawa at ambag ng sibilisasyong Tsino sa larangan ng pagsulong ng kaalaman ng sangkatauhan.

[70] Isang edukadong pagtutuwid ni Pray Sybila kay Padre Damaso na kaniyang kapwa pari. Hindi direktang itinuwid si Pray Damaso sa harapan ng iba, kundi ang itinuwid niya ay ang maling inpormasyon na binigkas ni Dna. Victorina na nakuha lamang nito kay Padre Damaso. Si Bertolo Schwartz ay sinasabing unang Europeo nakatulas (o maaring gumamit lamang) ng pulbura noong ika-14 na siglo. (daan-daan taon na itong natuklasan at ginagamit ng mga Tsino)

 

[71] Nagkakaroon ng pagpapataasan ang mga prayle na kabilang sa iba’t ibang orden relihiyoso.

[72] Isang parunggit ni Pray  Sybila na mabuti na lamang at si Schwartz ang nakaimbento, kung ibang Pransiskano (maaring si Pray Damaso) ang nakaimbento ay baka pagmulan pa ng malaking gulo. Sa pamamagitan ng parunggit ni Padre Sybila ay bumubuo ng isang impresyon na may nalalaman ito sa ugali ni Pray Damaso. Ang pagbubukas ng usapan ni Padre Sybila sa unahan ng kabanata ukol sa pagkakaalis ni Pray Damaso sa bayan ng San Diego ay hindi isang wagas na pagtatanong kundi isang anyo ng pagbabalak ng hindi direktang pagkumpirma ng mga inpormasyon na mayroon na siyang paunang kaalaman. Noong magpakita si Pray Damaso ng magaspang na pag-uugali at ang mainit na konprontasyon nito kay Tinyente Guevarra ay ganap na kumumpirma sa katotohanan ng mga inpormasyon na nasa kaniyang pag-iingat. Makikita ang katotohanan nito sa Kabanata 9.

[73] Paglalantad ng kahinaan ng isip ni Donya Victorina – itanong ba naman kung naimbento ng Prayleng si Schwartz ang pulbura noong ika-14 na siglo – hindi pa o pagkatapos na maipanganak ang Cristo (BC at AD) – paano kaya magkakaroon ng prayle noon BC,  hindi pa ipinapanganak ang nagtatag ng Kristiyanismo.