KABANATA 2    

SI  CRISOSTOMO IBARRA

 

 

Hindi dalawang kabataang magaganda at nagagayakang kadalagahan upang makaakit sa mga tao nasa salas, maging pati kay P. Sibyla;[1] hindi iyon ang excelencia ang Kapitan Heneral na kasama ang kanyang mga ayudante upang iwanan ng tinyente ang kaniyang malungkot na iniisip upang humakbang palapit, at si Pray Damaso ay natigilan na parang bato:  ang dumating ay walang iba kundi ang lalaking nakasuot ng  prak sa larawan, na hawak sa kamay ang isang binatang nakasuot ng luksa.

 

        “Magandang gabi sa inyo mga Ginoo!  Magandang gabi, Padre!” ang bati ni Kapitan Tiyago kasabay sa paghalik sa kamay ng mga pari, na nakalimutan na siya ay basbasan.  Inalis ng Dominicano ang salamin sa mata upang tingnan ang bagong dating na binata,[2] at si Pray Damaso ay namumutla at nandidilat ang mga mata.[3]

 

Isang karangalan para sa akin na ipakilala sa inyo si G. Crisostomo Ibarra, ang anak aking namayapang kaibigan!” ang patuloy ni Kapitan Tiyago.  “Kararating pa lamang niya mula sa Europa at aking siyang sinalubong.”[4]

          

Ang pangalang iyon ay nakabigla sa ilan; nalimutan tuloy ng tinyente na batiin ang may-ari ng bahay, lumapit sa binata at minasdan mula sa ulo hanggang paa.[5]  Sa sandaling iyon, ang binata naman, ay nakikipagpalitan ng karaniwang batian sa mga naroroon. Wala siyang katangiang naiiba sa mga naroroon maliban sa itim na kasuotan.[6]  Sa kabilang dako, ang kanyang mainam na pangangatawan, anyo, mga kilos, ay mapapansin ang malusog na bikas nang kabataan na ang katawan at isipan magkasabay na umunlad.[7]  Mababasa sa kanyang mukhang matapat at maaliwalas ang ilang bakas ng dugong-Kastila na dumadaloy sa kaniyang balat na kayumanggi, at sa namumulang mga pisngi, na marahil ay dahil sa  kanyang paninirahan sa mga malalamig na bayan.[8]

 

Sa gitna ng kaniyang saglit na pananahimik ay nasambit nito sa masayang pabigla “Aba! ang kura sa aking bayan!  Si Padre Damaso, ang matalik na kaibigan ng aking ama!”[9]

 

Ang lahat ay ng titig ay natuon sa Pransiskano.  Na hindi man lamang kumilos.

       

“Patawad po, nagkamali lang ako marahil!” sabi na may pagkapahiya ni Ibarra.

 

“Hindi ka nagkamali!” ang naisagot sa huli ng pari, na ang boses ay nabago. “Ngunit ang iyong ama, ay hindi ko naging matalik na kaibigan, kailanman.”[10]

 

MAY KARUGTONG

AT MARAMING INPORMASYON ANG INYONG MABABASA SA

CD ROM NA JOSE RIZAL CODE

 

 

 

 



[1] Sa paraang ito ay ipinapaalam ni Rizal sa mga mababasa ang ugali ni Pray Sybila – ang pagiging palahanga sa babae. Tandaan na kaya naalis si Pray Sybila sa Camiling ay para sa ikabubuti ng orden at niya rin mismo.

 

 

[2] Sa pamamagitan ng paglalarawan ni Rizal sa kilos ni Pray Sybila ay kaniyang ipinararamdam sa kaniyang mga mambabasa  ang pagiging masusi o masiyasat na pagtingin nito kay Ibarra.

 

 

[3] Ang pagkabigla ni Pray Damaso sa pagdating ni Ibarra ay nagpapakita ng saloobin ng mga prayle sa pagdating ng liberal na kaisipan na ang pagsulpot ay hindi nila inaasahan na biglang darating.

 

 

[4] Walang nakakaalam sa mga dumalo sa tunay na dahilan ng pagkakaroon ng hapunan sa bahay ni Kapitan Tiyago.

 

 

[5] Sa reaksiyon ni Tinyente Guevarra sa pagkakita at pagkarinig sa pangalan ni Ibarra ay inilalarawan ni Rizal ang saloobin ng mga liberal na opisyal ng kolonyal na pamahalaan sa pagdating ng makabagong kaisipan sa Pilipinas - mayroong pagkabigla at pagkamausisa.

 

 

[6] Ang pagdating ni Ibarra na nasa karaniwang kaayusan ay nagpapakita ng pagiging simple ng liberal na kaisipan.

Bakit nakaluksa si Ibarra?

Katulad ni Ibarra ang liberal na kaisipan kaisipan ay luksa, dahilan sa maraming buhay ng mga nauna sa kaniya ang nakitil upang ito ay maisilang sa daigdig.

 

 

[7] Sa malimit na pagkakataon, ang mga kabataan ang nagiging tagapagtaguyod ng mga liberal na kaisipan.

 

 

[8] Mapapansin dito na ang liberal na kaisipan ay produkto ng pakikipag-ugnayan ng dalawang lahi .

 

 

[9] Ang pagbati ni Ibarra kay Pray Damaso ay simbolismo ng paniniwala ng mga kabataan na na ang kolonyal na simbahan at malayang kaisipan ay magkaibigan.

 

 

[10] Ang hindi pagpansin ni Pray Damaso kay Ibarra ay pagpapasimula ng simbolikal na tunggalian ng dalawang tauhan sa nobela. (Ongoco).

Maari ring isipin na sa malalim na layer ay ipinapahayag ng mga prayle na hindi sila naging kaibigan ng malayang kaisipan ng mga Pilipino.