KABANATA 3     ANG HAPUNAN

Kunwari ay ayaw, pero gusto naman

 

 

 

            Si Pray Sibyla ay labis na nasisiyahan, tahimik na naglalakad at sa kaniyang pinong labi ay mababakas ang pagwawalang bahala; Nagmababang-loob at minarapat niyang kausapin ang pilay na si Doctor de Espadaña, na sumasagot ng paisa-isang salita dahilan sa pagiging utal.  Hindi maitago ng Pransiskano ang pagkayamot, tinatadyakan ang mga silyang nakaharang sa kaniyang dinadaaanan, hanggang masiko pati na ang kadete.[1]  Ang tinyente ay seryoso; ang iba naman ay masayang nag-uusap at pinupuri ang mainam na handa.  Si Donya Victorina ay ikinukunot ang kaniyang ilong, ay biglang itong nagalit na tila isang serpenteng natapakan--, natapakan  ng tinyente ang palawit ng kanyang saya.

         

        “Wala ba kayong mata?” ang sabi.

          

“Opo, senyora, dalawa at mas malinaw kaysa mga mata ninyo; ngunit nakatingin ako sa mga kulot ng inyong peluka,” ang walang pitagang sagot ng opisyal, at lumayo.

          

Tila likas na sa kanilang kaugalian, ang dalawang prayle ay sabay na nagtungo sa dakong ulunan ng hapag, at tulad ng inaasahan,  naganap ang katulad sa mga nagtunggali sa katungkulan sa pamantasan:  Pinupuri sa salita ang mga kahusayan at kalamangan ng kanilang kalaban, ngunit malinaw namang ipinahihiwatig ang kabaligtaran, at bubulong-bulong kapag hindi natamo ang hinahangad na katungkulan.

          

“Para sa inyo ang upuang ito, Pray Damaso!”          

 

Para po inyo, Pray Sibyla!”

            

“Kayo ay matagal ng kakilala… confesor ng yumaong asawa … nakahihigit sa  katandaan, katungkulan at kapangyarihan…”

            

“Kung sa katandaan ay lubhang hindi naman, subalit kayo ang  kura ng parokya!” ang maasim na sagot ni Pray Damaso, na hindi naman bumibitiw sa upuan.

            

“Kung utos ninyo, ako po ay sumusunod!” ang tapos ni Padre Sibyla na nakahanda na sa pag-upo.

            

“Hindi ko iniuutos,” ang pagtutol ng Pransiskano, “hindi ko iniuutos!”[2]

            

Mauupo na sana si Pray Sibyla, na binabale-wala ang tutol ng kapwa prayle, nang magkasalubong ang tingin nila ng tinyente.  Ang pinakamataas na opisyal ayon sa palagay ng ng mga kaparian sa Pilipinas ay mababa kaysa isang tagalutong uldog.[3]  Cedant arma togae,[4] sabi ni Ciceron sa Senado; cedant arma cottae,[5] ang kasabihan  ng mga prayle sa Pilipinas.  Ngunit si Padre Sibyla ay may sapat na pakundangan at  sinabing: “Ginoong Tinyente, tayo ay nasa mundo at wala sa simbahan; sa inyo dapat ang upuang ito.” Ngunit sa tono ng salita ni Pray Sybila, ang pahiwatig ay kahit nasa mundo ay sa kanya nakalaan ang silyang iyon. 

 

Ang tinyente marahil, ayaw na magambala o ayaw maupo sa gitna ng dalawang prayle,[6] ay matigas na tumanggi.

       

Walang sinuman sa mga nag-aagawan ang nakaalaala sa may-ari ng bahay.  Nakita ito ni ni Ibarra na nakangiting pinapanood ang mga pangyayari. “Don Santiago, hindi ba kayo sasabay sa amin?”

            

Ngunit ang lahat ng upuan ay may tao na:  “Si Luculo ay hindi kumakain sa bahay ni Luculo.[7] Diyan kayo!  Huwag kayong tumayo,” sabi ni Kapitan Tiyago na pigil sa balikat ang binata.  “Ang hapunang ito ay ipinagkaloob ko bilang pasalamat sa Birhen dahil sa inyong pagdating.  Nagpaluto ako ng tinola, na siguradong matagal na panahong di ninyo natitikman.”

            

Dinala ang isang malaking lalagyan ng umuusok na tinola.  Matapos na masabing pabulong ng Dominicano ang dasal bago kumain, na halos walang sumagot ay nagsimula ang pagbabahagi ng laman ng lalagyan.  Marahil sa kawalan ng ingat ng tagapagsilbi o ano mang dahilan, napunta kay Padre Damaso ang platong may lamang maraming kalabasa at sabaw at isang hubad na leeg at isang matigas na pakpak ng inahin, samantalang ang iba ay kumakain ng mga hita at pitso, lalu na  na si Ibarra na nagkapalad na mabigyan ng mga lamang loob.  Ang Pransiskano, sa pagkakita ng lahat ng iyon, ay dinurog ang mga kalabasa, humigop ng kaunting sabaw, ibinagsak nang malakas ang kutsara at biglang itinulak ang pinggan.  Ang Dominicano naman ay abala sa pakikipag-usap sa binatang may mapulang buhok.

       

“Gaano katagal na nawala kayo mula sa bayan?” tanong ni Laruja kay Ibarra.

       

“Halos pitong taon.”

       

“Kung gayon ay maaring nalimutan na ninyo ang lahat sa bayang ito?”

       

“Kabaligtaran po:  kahit na ang aking bayan ay parang nakalimot sa akin, ay inaalala ko siya sa lahat ng sandali.”

       

“Ano ang ibig ninyong sabihin?” ang tanong ng binatang may mapulang buhok.

       

“Ang ibig kong sabihin ay may isang taon nang  hindi akong nakatanggap ng balita mula dito, katulad ko ay   isang istranghero, hindi nalalaman kung kailan at papaano namatay ang kanyang ama!”[8]

 

“Aha!” ang naibulalas ng tenyente.

       

Nasaan kayo naroroon at hindi nakatelegrama?” ang tanong ni Donya Victorina.  “Nang kami’y ikasal ay tumelegrama kami sa Peninsula [9]

 

“Senyora, nitong nakalipas na dalawang taon ay nasa Hilagang Europa ako:  sa Alemanya at sa dako ng Poland, na sakop ng Rusya.”

 

Si Doktor De Espadaña, na hindi man lamang nangangahas na magsalita ay naniniwala na pagkakataon na siyang makapagsasalita “Ma… may, kilala ako sa Espanya na isang Polanko taga Wa… warsaw, na ngalan ay Stadtnitzki, kung hindi ako nagkakamali sa aking pagkakatanda;  siguro ay nakita ninyo siya doon?” ang pahiyang tanong na halos namumula.

       

“Maari nga po,” ang masuyong sagot ni Ibarra, “ngunit hindi ko lang matandaan ngayon.”

       

“Pero, hindi ninyo siya maipagkakamali kahit kanino!” ang dagdag ng doktor, na lumalakas na ang loob, “parang ginto sa kapulahan ang buhok at napakasamang magsalita ng Kastila.”

 

Aba, magandang palatandaan iyan, kaya lamang ay hindi ako nakapagsalita doon ng wikang Kastila kundi sa ilang konsulado lamang.”[10]

 

         

 

 

MAY KARUGTONG

AT MARAMING INPORMASYON ANG INYONG MABABASA SA

CD ROM NA JOSE RIZAL CODE

 

 



[1] Pansinin sana ang paraan ni Rizal ng paggawa ng eksena – hindi maitago ni Pray Damaso ang yamot, tinadyakan ang mga silyang nakaharang sa kaniyang dinadaanan hanggang hanggang masiko pati ang kadete. Isa itong paraan ng pagpapakita ni Rizal sa kaugalian ng mga tipikal na prayle sa kaniyang kapanahunan – nagbabarumbado sa panahon na may sumpong na walang pinangingilagan, maging ang mga kinatawan ng pamahalaan.

[2] Ang mga prayle ay mayroon iringan kung sino sa kanila ang higit na dapat na pahalagahan sa mga okasyong sosyal. Talagang magaganap ang banggaan ng dalawang o higit pang mga tao na nagtataglay ng labis na pagkakilala sa sarili.

[3] Lay Brother – kaanib sa ordeng relihiyoso, ngunit hindi tumanggap ng gawaing pagkapari, kinakatulong sila sa gawain ng kanilang orden sa mga gawaing pangkomunidad tulad sa mga paaralan at pagamutan ; ang ilan ay nakatalaga sa gawaing manwal - isa sa mga ito ay ang pagluluto. Sa kabila ng abang katayuan na ito ng isang lay brother sa orden religioso, ang tingin ng mga prayle sa mga ito ay higit na makapangyarihan pa sa pinakamataas na pinuno ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Pilipinas noong panahon ng kolonyalismo.

[4] Ibaba ng militar ang armas sa mga naka-toga – o miyembro ng senado sa panahon ng matandang Romanona pinaiiral na ang kapangyarihan ng mga sibilyan sa ibabaw ng mga militar.

[5] Ibaba ang armas sa mga naka-abito - labis na panininiwala ng mga prayle sa kanilang kapangyarihan

[6] Isang simple ngunit masakit na  pagbibiro ni Rizal sa pamamagitan ng pabaligtad na sitwasyon – tandaan si Cristo ay inilagay sa gitna ng dalawang magnanakaw at sa nobela ay nais paupuin si Tinyente Guevarra sa pagitan ng dalawang prayle – ano kaya ang gustong palabasin dito ni Rizal?

[7] Tinutukoy dito ay si Lucio Licinio (99-50 BC) heneral Romano na na isinalaysay ng manunulat na Griyegong si Plutarch sa kaniyang akdang Parallel Lives.  Sa panahon ng pagreretiro ni Luculo sa hukbo ay ginugol niya ang kaniyang malabis na kayamanan sa karangyaan at isa na rito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng marangyang handaan na naghahain ng masasarap na pagkain para sa kaniyang mga panauhin. Isa sa anekdota sa kaniyang buhay ay sinasabing isang araw ay walang panauhin si Luculo sa kaniyang bahay at dahilan dito ang tagapagluto ay naghain lamang ng karaniwang pagkain. Nang makita ito ni Luculo ay tinanong niya ang tagapagluto kung bakit iyon lamang ang nakahanda sa hapag-kainan. Sumagot ang tagapagluto na ito ay dahilan sa wala namang mga bisita. Pagalit na sinabihan ni Luculo ang tagapagluto na hindi sapagkat walang mga bisita para hindi maghain ng sagana at masarap na pagkain. Ito ay dahilang sa araw na ito  Si Luculo ay kakain sa bahay ni Luculo”. Ito ay kabaligtaran sa sinabi ni Kapitan Tiyago na “Luculo ay hindi kumakain sa bahay ni Luculo” – ang maling pagsipi ni Kapitan Tiyago ay isang pagpapakilala ni Rizal ng kawalan ng sapat na kaalamang pangkasaysayan ni Kapitan Tiyago.

[8] Walang nangahas na magpabatid kay Ibarra sa kinasapitan ng ama – isa sa mga ugali ng mga Pilipino ang bantulot na magpahatid ng pangit na balita. Sa kamatayan ng ama ni Ibarra ay hindi lamang pagka-bantulot kundi ang takot sa implikasyon ng balita sa binata at sa magbabalita.

[9] Ang peninsula na tinutukoy dito ay ang bansang Espanya – ito ay dahilan sa ang nasabing bansa ng Europa ay nasa peninsula (tangway) ng Iberia na nakalawit sa dagat Mediterranean ang silangang bahagi at Karagatang Atlantiko ang kanlurang bahagi. Ang peninsula ng Iberia ay lugar na kinalalagyan ng mga bansang Espanya at Portugal.

[10] Napilitan na umayon si Ibarra sa pagpipilit na nakita nito ang Polanko na si Stadtnitzki. Dahilan sa ang palatandaan na ibinigay ni Don Tiburcio ay tipikal na katangiang taglay ng mga Polanko.