KABANATA 4   EREHEAT FILIBUSTERO [1]

 

 

                Si Ibarra ay walang tiyak na gagawin.  Ang simoy ng hangin sa gabi sa mga mga buwang iyon ay sa Maynila, na umaalis sa manipis na ulap na nagpapadilim sa langit:  Inalis niya ang sumbrero at huminga ng malalim. Ang mga karwahe ay nagdaraan na parang kidlat, samantalang ang mga paupahang kalesa ay parang naghihingalo kung magdaan,[2] mga naglalakad na iba’t ibang lahi ang dumadaan.  Lumalakad siya ng hindi regular ang hakbang, na tulad sa ng isang taong may ibang pinag-iisipan o walang magagawa, nagtungo ang binata sa kinaroroonan ng  liwasan ng Binondo at ginagala ng tingin ang lahat ng pook na parang may ibig alalahanin.  Iyon din ang mga dating kalsada at mga bahay na pinintahan ng puti at asul at mga pader na pinintahan ng kulay batong-buhay na masama ang pagkakagaya; sa kampanaryo ng simbahan ay naroon din ang kanyang orasang ang mukha ay umaaninag sa dilim, ang mga dating tindahan ng mga Insik na natatakpan ng  maruruming panabing at mga rehas na bakal, na ang isa ay binaluktot niya isang gabi,  at na ginaya sa mga batang walang pinag-aralan sa Maynila:  walang nagtuwid sa bakal na iyon.[3]

 

“Marahan ang lakad!” ang bulong sa sarili at nagpatuloy sa daang Sacristia (Ongpin ngayon), ang mga naglalako ng sorbetes ay walang tigil sa pagsigaw nang:  “Sorbetee!”  Mga sulong huwepe rin ang ilaw sa mga tinda ng mga Insik at mga babaing nagbibili ng mga kakanin at prutas.[4]Kahanga-hanga!” ang bulalas niya, “ito rin ang Insik na nagtitinda pitong taon na ang nakakalipas, at ang matandang babae ay… iyon din!  Ngayong gabi ay masasabi kong, panaginip lamang ang pitong taon ng pagtigil ko sa Europa … at… Santo Dios! hindi pa rin naaayos ang bato na gaya nang aking iwan.” At tunay nga, tanggal pa rin ang bato ng bangketa sa pagliko ng daang San Jacinto (Tomas Pinpin) na tungong Sacristia.[5] Samantalang namamanghang tinitingnanang ang kawalan ng pagbabago sa bayang walang namamalaging hindi nababago,[6] isang kamay ang marahang dumapi sa kanyang balikat; itinaas ang kanyang mukha at ang nakita ay ang matandang tinyente na nakatingin sa kaniya na halos ay nakangiti:  hindi na taglay ng militar ang matigas na pagmumukha ni ang mga kunot ng kilay na ikina-iiba niya.

            

“Binata, mag-ingat kayo!  Matuto kayo sa nangyari sa inyong ama!” ang sabi sa kanya.

            

“Ipagpaumanhin po ninyo ngunit sa palagay ko ay nagkaroon kayo ng malaking pagtingin sa aking ama… Masasabi ba ninyo sa akin kung ano ang nanyari sa kanya?” ang tanong ni Ibarra sa kaharap.

            

“Bakit, hindi ba ninyo alam?” ang tanong ng militar.

“Itinanong ko kay D. Santiago, ngunit ang sabi niya ay bukas na niya sasabihin.  “Alam po ba ninyo?”

       

“Oo, alam ko, tulad ng pagkakaalam ng lahat.  Namatay siya sa bilangguan!”

 

Napaurong ng isang hakbang ang binata, at tinitigan ang tenyente. 

 

 “Sa bilangguan?  Sino ang namatay sa bilangguan?” ang tanong.

       

“Ang inyong ama, ay nakulong noon!” ang sagot ng militar na  may kaunting pagtataka.

       

“Ang ama ko… sa bilangguan… nakulong sa bilangguan?  Ano ang sinabi ninyo…?  Kilala ba ninyo kung sino ang aking ama?  ang tanong ng binata na hinawakan sa bisig ang militar.

 

“Sa palagay ko ay hindi ako magkakamali, si D. Rafael Ibarra.” 

 

“Oo nga, si D. Rafael Ibarra!” ang mahinang ulit ng binata.

       

“Akala ko ay alam na ninyo ito!” bulong ng militar, na puno ng pagkahabag nang makita ang nangyayari sa isipan ni Ibarra, “inaakala kong… nguni’t magpakatatag kayo!  Dito ay hindi magiging marangal, kung hindi napapasok sa bilangguan!”[7]

       

“Dapat maniwala ako na hindi kayo nagbibiro,” ang sagot ni Ibarra sa mahinang tinig, pagkatapos ng  ilang sandaling pananhimik. 

 

“Masasabi ba ninyo sa akin kung bakit siya napasok sa bilangguan?  

 

Parang nag-iisip-isip  ang matanda. “nakapagtataka na hindi kayo nabalitaan ukol sa bagay na iyan  ng inyong mga kaanak.”

       

“Sa huli niyang sulat, may isang taon na ngayon, sinabi niya sa aking huwag akong magambala kung hindi niya ako masulatan, dahil abala siya sa kaniyang mga gawain; pinaalalahanan niya magpatuloy ako sa pag-aaral… binasbasan ako!”

       

“Kung gayon ay ipinadala sa inyo ang sulat na iyan, bago mamatay:  mag-iisang taon na nang siya ay aming ilibing sa inyong bayan.”

       

“Anong dahilan at nabilanggo ang aking ama?”

       

“Sa isang marangal na dahilan. Sumabay kayo sa akin, magtutungo ako sa kuwartel; at ikukuwento ko sa inyo habang tayo ay naglalakad.  Kumapit kayo sa bisig ko.” Lumakad sandali nang walang imikan:  ang matanda ay nag-iisip at na parang humihingi ng sabihin mula sa kanyang balbas na hinihimas.

       

Gaya ng alam na ninyo,” ang bungad na salita, “ang ama ninyo ang pinakamayaman sa lalawigan at samantalang siya minamahal at iginagalang ng nakararami ay may ilan namang ngagalit  at naiinggit sa kaniya.  Kaming mga Kastilang nagtungo dto sa Pilipinas, sa kasamaang palad ay hindi umuugali nang nararapat.[8]  Sinasabi ko ito nang hindi lamang dahil sa isa sa mga ninuno ninyo, kundi pati na sa mga kalaban ng inyong ama.[9]  Ang walang hintong pagbabago,[10] ang katiwalian ng mga nasa itaas,[11] ang paglalagay sa katungkulan kahit hindi nararapat,[12] ang kamurahan at kaiklian ng paglalakbay ang siyang may kasalanan ng lahat:[13]  nakapunta  dito ang mga pinakamasama sa Espanya, at kung may dumarating na isang mabuti, ay sumasama agad sa sandaling panahon.  Ang inyong ama ay maraming nakagalit sa pangkat ng mga Kastila at mga prayle.” Dito ay huminto nang kaunti.

       

“Ilang buwan pa lamang buhat ng kayo ay umalis, nagsimula ang paghihinakit ng loob ni Padre Damaso sa kanya, bagay na hindi ko maipaliwanag ang tunay na dahilan.[14]  Inakusahan siya ni Pray Damaso nang hindi pangungumpisal:  ngunit bago naman nangyari ang pagkakagalit na iyon, ang inyong ama ay hindi na talaga nangungumpisal, at sa kabila noon ay matalik silang magkaibigan, gaya ng naalala pa ninyo.  At isa pa, si Don Rafael ay isang taong tapat at matuwid ang pamumuhay kaysa sa maraming palagiang nangungumpisal at sa mga taong dumidinig ng kumpisal:[15] Iniangkop niya ang kaniyang sarili sa isang matatag na moralidad at sinasabi niya sa akin kung napag-uusapan ang samaan ng loob na iyon ang:  “Ginoong Guevarra, naniniwala ka ba na patatawarin ng Diyos ang isang pagkakasala, halimbawa ng pagpatay ng kapwa tao, sa pamamagitan lamang ng pangungumpisal sa isang pari, na tao rin namang na ang tungkulin ay magtago ng bagay na nabatid at nanatling tahimik dala ng  takot na matupok sa apoy ng impiyerno bilang kaparusahan sa tinatawag na acto de atricion?  Mayroon akong ibang pagkakilala sa Diyos,”[16] sabi niya, “para sa akin ay hindi nagagamot ng isang kasamaan ang kapwa kasamaan, ni hindi mapapatawad nang dahil sa walang kabuluhang panaghoy, ni sa pamamagitan ng kalilimos sa mga simbahan.”[17]  “Sinabi niya sa akin ang ganitong halimbawa:  “kung ako ay nakapatay ng isang ama ng pamilya, kung ginawa kong isang nakakahabag na ang babae, ang ilang maliligayang bata ay ginawa kong mga ulilang walang mag-ampon, ay mababayaran ko  kaya ang Hukumang walang hanggan, kung bayaan kong ako ay bitayin, ikumpisal ang lihim sa isang taong magtatago, sa pagbibigay ng limos sa mga kurang na siyang lalong hindi nangangailangan, bumili ng bula de composicion[18] o managhoy araw at gabi?  At ang balo at mga ulila?  Iniuutos ng aking budhi na nararapat kong tumbasan sa aking makakaya ang taong aking pinatay, maglingkod ako nang lubos sa buong buhay sa mag-aanak, na ako ang dahilan ng kanilang kasawian; at ganon pa man, sino ang makapapalit ng pag-ibig ng asawa at ng ama?”  Ganyan kung mangatwiran ang inyong ama, at sa istriktong pamantayan nakasalig ang kaniyang pag-uugali at gawa, kayat masasabing kailan pa man ay hindi makapananakit sa kaninuman; bagkus ay nagsikap pa na pawiin sa pamamagitan ng mabubuting gawa ang ilang kamaliang, ayon sa sabi niya ay nagawa ng kanyang mga ninuno.”[19] “Balikan natin ang samaan nila ng loob ni Pray Damaso, ang alitan ay nauwi sa masamang kaayusan; Binatikos siya ni Padre Damaso mula sa pulpito, at ang hindi pagbanggit sa kaniyang pangalan ay isang milagro, sapagkat wala kang mahihintay sa ugali noon.  Nakikinikinita ko, na sa malaon at madali ay matatapos sa masama ang alitan.” 

 



[1] Ang erehe ay taong ayaw maniwala sa mga aral ng pananampalatayang Katoliko. Sa paggamit ni Rizal ng salitang erehe sa buong nobela ay makikita ang kaniyang malalim na pagka-unawa sa kasaysayan ng erehiya na kaniyang gagamitin sa Kabanata 14 - ukol kay Pilosopo Tasyo.

Filibustero – katawagan sa taong nagnanais na mapahiwalay sa Espanya ang Pilipinas. Gayon din ang Pilipino na hindi makapagpigil magsalita laban sa katiwalian ng pamahalaang Espanyol. Halos katulad ng ating makabagong sa salitang subersibo.

[2] Pansinin ang pagkakaiba ng takbo ng sasakyang pribado at paupahan –walang iba hanggang sa ating kapanahunan.

[3] Hinahayaan ang isang bagay na walang kaayusan – kawalan ng pagmamalasakit ng mga tao.

[4] Ang huwepe ay isang sulo na ang ginagamit na panggatong ay ang sahing (resin) na mula sa punongkahoy, kakaiba ito sa ilawan na ang ginagamit na gatong ay kerosene at langis ng niyog. Ang paggamit ng sulo sa isa sa mga pangunahing distritong pangkalakalan sa Maynila ay nagpapakita ng pagiging huli nito sa pagsulong dahilan sa una pa mang pagtigil ni Rizal sa Europa (1882-1887) ay mayroon ng isang maayos na sistema ng elektrisidad na pagpapailaw sa mga kalunsuran ng Europa. Nagkaroon lamang ng sistemang pailaw eletrisidad ang Maynila noong 1893.

[5] Ipinapakita dito ang kawalan ng kaayusan ng mga kalsada sa Kamaynilaan sa panahon ni Rizal.

[6] Ibig sabihin nito ay - Maraming mga nagaganap na pagbabago sa bayan sa larangan ng pulitika pero hindi naman sumusulong sa larangan ng ekonomiya. Ito pa rin ang salot sa ating bansa, ilang mga pangulo na ang nanungkulan sa ating bansa ngunit nanatili (malungkot na bumababa pa nga) ang Pilipinas sa kaniyang kawalan ng tunay na kaunlaran.

[7] Sa isang lipunan na pinaghaharian ng kabulukan, ang mga mararangal na kumakalaban sa kabulukang iyon ay nanganganib na mapatapon sa bilangguan.

[8] Ang mga Espanyol na dumadating sa Pilipinas ay nagiging hambog kaysa sa tunay nilang ugali noong sila ay nasa Espanya. Ang dahilan nito ay ang kanilang maliit na pagtingin sa mga naninirahan sa Pilipinas – maging ito man ay mga ay insulares (mga inapo ng Espanyol na ipinanganak sa Pilipinas – tinatawag ding mga creole), mga mestiso (Espanyo at Tsino) at higit sa lahat ay sa mga Indio.

[9] Masama ang ugali ng mga ninuno ni Ibarra na katulad ng mga kalaban ng kaniyang ama.

[10] Sa huling kalahati ng ika-19 na siglo, bunga ng kawalang katatagan ng gobyerno sa Madrid  ay naging mabilis ang pagpapalit ng gobyerno sa kapitolyo ng Espanya at nagbunga ito ng mabilisan din pagpapalit ng mga GH at ng mga mataas na pinuno na itinatalaga sa Pilipinas. Ang kawalan ng tiyak na panahon ng panunungkulan ay nagbigay daan upang hindi magkaroon ng pang-matagalang reporma sa Pilipinas, kalimitan ay bahagyang panahon pa lamang na nakikilala nila ang kolonya at nagpapatupad na ng mga mapagpasiyang lunas ay saka sila napaalis sa puwesto. Dahil sa kawalan ng kaalaman ng mga bagong napapalagay na GH sa mga naunang kaganapan sa kolonya, umasa sila nang labis sa mga payo ng mga prayle.

[11] Dalawa ang uri ng kalaswaan – una ang katiwalian o pagmamani-obra ng mga aksiyon ng pamahalaan at simbahan upang umangkop sa pakinabangan ng mga nasa kapangyarihan at kahalayang moral  na hindi kasubalian ang mga alagad ng simbahan. Sa pamamagitan ni Tinyente Guevarra ay ipinararating ni Rizal na bumubuka na ang lamat na babasag sa kadena ng kolonyalismo – at ito ay ang pagkasira ng habing moral (moral fiber) na kumukumot sa kolonayl na lipunan sa kaniyang kapanahunan.

[12] Pinairal ng Espanya ang paboritismo lalo na sa kanilang mga kalahi. Sa ganito ay nalagay sa posisyon sa pamahalaan ang mga taong walang sapat na kaalaman sa isang mahusay na pamamahala. Sa ating panahon, maitutulad natin ito sa mga taong inilalagay sa mga sensitibong puwesto sa gobyerno hindi dahilan sa abilidad, kundi pabuya sa mga taong gumawa ng paraan para magwagi ang isang nakaupong pulitiko sa pamahalaan.

[13] Sa pagbubukas ng Suez Canal noong 1869 ay pinadali nito ang paglalakbay at pinababa ang halaga sa pamasahe sa barko ng mga Europeo na magtutungo sa Silangan. Pinag-ugnay ng Suez Canal ang Mediterranean Sea at Red Sea. Sa ganito ang dating ang ruta ng mga pampasaherong barko na naglalakbay mula sa Europa at umiikot pa sa timugang dulo ng Africa ay hindi na masyadong ginamit. Dahilan sa kadalian at kamurahan ng paglalakbay ay dumami ang mga mamamayang Espanyol na nakarating sa Pilipinas para makipagsapalaran sa buhay. Sa kabilang dako, ang mga bagong dating na Espanyol ay hindi mga natatanging mga mamamayan, maaring ang iba nga sa kanila ay mga pinaka-aba at sakit sa ulo ng kanilang mga iniwang lipunan. Isa sa magandang halimbawa nito ay si Don Tiburcio na asawa ni Dna. Victorina.

[14] Ang sanhi ng pagkakagalit ay ipagtatapat ni Pray  Damaso kay Maria Clara sa hulihan ng nobela.

[15] Mula sa kaugaliang iyon ay inilalahad ni Rizal na ang pagiging tuwid ng pamumuhay ng tao ay wala sa katuruan ng simbahan kundi sa sariling kalooban at pagsisikap ng matuwid na pamumuhay.

[16] Sa pamamagitan nito ay makikita ang pagpapakilala ni Rizal ng ibang Diyos.

[17] Sa bahaging ito ay mapupuna ang pag-aalinlangan ni Rizal sa pangungumpisal. Sa Diyos nagkakasala ang tao, sa Kaniya dapat na magsabi ng kasalanan, at Siya din ang magpapatawad.

[18] Bula de composicion – isang kasulatan mula sa simbahan maaring  mabili ng nagkasala kapalit ng kapatawaran. Sa pamamagitan ng pagbili ng bula de composicion ay sinasabing maaring patawarin ang mga taong nakagawa ng mga sumusunod na kasalanan: hindi pagbabayad ng utang (sa Diyos ba nagkautang ang tao);. Pagnanakaw (ang sabi ni Rizal, nakikikain ba ang Diyos ng galing sa nakaw); pakikiapid sa hindi asawa; sa mga nang-seseduce sa mga babae; at sa mga hukom na nagpapasuhol (judge, bili na kayo); mga bulaang saksi; at ipinahihintulot na ariin ng isang tao ang mga ninakaw na kayamanan ng iba – SA KUNDISYON NA ANG KASALANAN AY HINDI GINAWA SA PAG-AAKALANG PATATAWARIN SILA KUNG BIBILI SILA NG BULA. (Para sa higit pang kabatiran ay basahin ang Glosaryo at Liham ni Rizal sa Kadalagahan ng Malolos).

[19] Alam ni Don Rafael na ang kaniyang ninuno at ama ay mayroong mga kasalanan sa tao at ang kaniyang ipinapakitang kabutihan ay isang anyo ng pagtutuwid sa mga kamalian ng kaniyang mga ninuno laban sa mga Pilipino.