KABANATA 6 -  SI KAPITAN TIYAGOª

Sundin ang utos Mo dito sa lupa!

 

 

            Samantalang natutulog pa o nag-aalmusal ang ating mga tauhan, ay ikukuwento namin si Kapitan Tiyago.  Kailanman ay hindi niya kami naging panauhin, kaya  hindi namin marapat pawalan siya ng kabuluhan[1] at hindi namin siya mapuna sa mga lalong mahahalagang pagkakataon. Siya ay pandak, maputi ang kulay ng balat, bilog ang katawan at mukha dahil sa katabaan, na ayon sa kaniyang mga tagahanga ay biyaya ng  langit; at galing sa dugo ng mga maralita ayon  naman sa kaniyang mga kalaban;[2] si Kapitan Tiyago ay mukhang bata kaysa sa tunay niyang edad:  iisipin na siya ay tatlumpu o tatlumpu’t limang taon lamang.  Ang ekpresyon ng pagmumukha ay laging anyong banal sa panahong ng aming pagsasalaysay. Ang kanyang bungong bilog, maliit at natatakpan ng buhok na kasing-itim ng kamagong, na mahaba sa harap at maikling-maikli sa likuran, ay naglalaman ng maraming bagay sa loob ayon sa sabi-sabi; ang kanyang maliliit na mata na hindi naman singkit ay hindi nagbabago ng kilos magpakailanman, ang ilong ay maliit ngunit hindi pango, at kung ang kanyang bibig ay hindi nawala sa ayos, dahil sa labis na pananabako at kanganganga ng hitso, na ang sapa na iniipon sa isang bahagi ng pisngi ay sumisira sa ayos ng kanyang pagmumukha, ay masasabing siya ay isang magandang lalaki.[3]  Kahit na sa nasabing bisyo, ay naiingatan naman na pamaligiing maputi ang kanyang mga sariling ngipin at ang dalawang ipinagkaloob  sa kanya ng dentista sa halagang labindalawang piso ang bawat isa.

       

Ipinalalagay siyang isa sa mga mayayaman sa Binondo at isa sa malalaking hacendero dahilan sa may mga lupain sa Pampanga at Laguna, lalo na sa bayan ng San Diego, na ang upa ay tumataas taon-taon[4].  Ang San Diego ang siyang pinakapaborito dahil sa maiinam na paliguan, sikat na sabungan at mga alaala niya:  doon ay palaging manirahan siya ng hindi iiksi sa dalawang buwan sa isang taon. Si Kapitan Tiyago ay maraming ari-arian sa daang Santo Cristo, Anloague at sa Rosario.  Ang kontrata sa pagbebenta ng opyo ay kinakalakal nila ng isang kasosyong Insik, hindi na kailangang sabihin na malaki ang kanilang pakinabang[5]Hawak niya ang kontrata ng pagpapakain sa mga bilanggo sa Bilibid[6] at nagdadala ng damo sa maraming pangunahing bahay sa Maynila, na dapat malaman na ito ay sa dahilan sa kontrata.[7]  Kasundo niya ang lahat ng maykapangyarihan, matalino, masunurin at mapangahas sa pagsapantaha ng kalakal kakailanganin ng iba,[8] Isang nagngangalang Perez ang kanyang mahigpit na karibal sa mga pangungupahan at mga subasta ng mga katungkulang kailanman at inilalagay ng pamahalaan sa Pilipinas sa kamay ng ibang tao.[9]  Kaya sa kapanahunang nagaganap ang mga isinasalaysay na ito, si Kapitan Tiyago ay isang taong labis na maligaya, isang kapalaran na mangyari ang gayon sa isang taong may maliit na ulo sa mga lupaing iyon:  siya ay mayaman, kasundo ng Diyos, ng Pamahalaan at ng mga tao.

 

Kasundo siya ng Diyos, bagay na hindi mapag-aalinlanganan:  Walang dahilan para magkaroon ng masamang relasyon sa Diyos ang isang taong pinagpapala sa lupa,  lalo na at kapag ang taong ito ay hindi nakikipag-ugnayan sa Kanya kailan pa man, ni hindi man niya pinautang ang Diyos kailanman ng salapi.  Kailanman ay hindi nag-ukol sa Kanya ng mga pananalangin, kahit na sa higit na kagipitan;[10] si Kapitan Tiyago ay mayaman at ang kanyang salapi ay siyang nananalangin para sa kanya.[11]  Para sa pagmimisa at pananalangin ay gumawa ang Diyos ng mga makapangyarihan at mapagmataas na pari;[12] at para magnobena at magrosaryo, ang kalakihan ng awa ng Diyos ay gumawa naman ng mga maralita para sa kabanalan ng mayayaman, mga maralitang sa halagang piso ay nakahandang magdasal ng labing anim na misteryo at bumasa ng lahat ng banal na aklat, at kung tutumbasan ng kabayaran ay babasahin pati na Bibliyang Hebreo[13].  Kung minsan sa isang malaking kagipitan ay kailangan niya ng saklolo ng kalangitan at walang makuha kahit isang kandilang pula ng Insik, ay tumatawag sa mga Santo at Santa na kanyang pinaniniwalaan, at pangangakuan ng maraming bagay upang mapilit at kumbinsihin sa kabutihan ng kanyang mga hangarin.[14] Ngunit ang lalo niyang pinapangakuan at tinutupad naman ay ang Birhen sa Antipolo na Nuestra Señora dela Paz y de Buenviaje,[15] ang ilang santong maliliit ay madalas niyang hindi tinutupadan ng pangako at hindi niya pinapakitunguhan ng mabuti:  sapagkat kung minsang matapos na masunod ang kanyang kagustuhan ay hindi na sila naaalaala, sa kabilang dako ay tunay namang hindi na sila muling ginagambala magkaroon man uli ng bagong pangangailangan; alam ni Kapitan Tiyago na sa calendario ay maraming santong nakatunganga at marahil ay walang ginagawa sa langit[16]Saka ang isa pa ay inaakala niyang ang Birhen sa Antipolo ay may higit na kapangyarihan kaysa sa iba’t ibang Birhen, kahit na may dalang tungkod na pilak, Niño Jesus na bihis o hubad, kalmen, kuwintas o correa:[17] marahil ay dahilan sa ganitong kalaking kabantugan, ang birheng iyon ay magagalitin, maingat sa kaniyang pangalan, at kalaban ng potograpiya ayon sa sabi ng sakristan mayor sa Antipolo, at saka kung magalit, ay nangingitim na parang kamagong, ngunit ang ibang Birhen ay may  malalambot na puso at mga maawain:[18]  alam naman nating hayag na may mga taong ibig pa sa isang despotikong haring na walang sinusunod kundi ang sariling kalooban kaysa sa isang hari na sumusunod saligang batas ng bayan; at kung hindi ito tooo, hayaan natin na magsalita sina sina Luis XIV at Luis XVI, sina Felipe II at Amadeo I. [19] Marahil dahil dito, kaya makikita na lumalakad nang paluhod sa bantog na simbahan ang mga Insik na hindi binyagan at pati mga Kastila.  Ang hindi lamang maipaliwanag ay kung bakit tumatakas ang mga kura na dala ang pananalapi ng kakila-kilabot na larawan, tumutungo sa Amerika at doon nangag-aasawa.[20]

        

 

MAY KARUGTONG

AT MARAMING INPORMASYON ANG INYONG MABABASA SA

CD ROM NA JOSE RIZAL CODE

 



ª Sa mga sinulat ni Rizal, ang kahawig nito ay ang akdang pinamagatang Isang Makisig na Gubernadorsilyo na mababasa sa Mga Akdang Pampanitikan sa Tuluyan na inipon ng Jose Rizal Centennial Commission, 1961.

[1] Ibig sabihin ay hindi pa naging bisita at sa ganoon ay mahalaga pa ito sa nagsasalaysay – tandaan na ang may papiging ay halos walang nakakapuna.

[2] Si Kapitan Tiyago ay yumaman dahilan sa pagsasamantala sa mga mahihirap.

[3] Tandaan na isa sa ugali ni Kapitan Tiago ay ipunin ang sapa ng hitso na nginunguya sa isang pisngi, parang nais ilarawan ni Rizal na ang kaniyang tauhan ay katulad unggoy na halos ganito ring paraan ng pagtatabi ng pagkain. “Kung hindi ganito ang ayos ng mukha ni kapitan Tiyago ay masasabi nating siya ay magandang lalaki” - Isang maayos na pagsasabi na si Kapitan  Tiyago ay hindi magandang lalaki.

[4] Tinataasan ni Kapitan Tiyago ang upa sa lupang kaniyang ipinasasaka upang lalong yumaman at ang kapalit naman nito ay ang paghihikahos ng kaniyang mga kasama sa bukid. Ang taunang pagtataas ng upa ay isa sa mga naging kaugalian ng mga panginoong maylupa sa kapanahunan ni Rizal. Ipinapaalam sa mga mambabasa na ang mga Rizal ay walang sariling lupa sa Calamba. Ang malawak na lupang sinasaka ng mga Rizal sa Calamba ay pag-aari ng mga Dominicano at ito ay tinataasan ng kabayaran taon-taon – isa sa mga dahilan kung bakit noong 1888 ay pinangunahan mismo ni Rizal ang usaping agraryo sa Calamba.

[5] Ang opyo ay isang narkotiko na nagbubunga ng pagkasugapa sa gumagamit – Isa sa pinagkakikitahan ng malaki ni Kapitan  Tiyago ay ang pagbebenta ng opyo sa pamamagitan ng kasosyo niyang Intsik. Sa panahon pa man ni Rizal ay isa na sa sakit ng lipunan ang pagkasugapa sa opyo at ito ay batis ng kayamananng mga nangangalakal dito. Masasabing siya ay isa sa orihinal na drug lord  sa Pilipinas.

[6] Ang mga bilanggo sa Bilibid (nasa Quiapo noon) ay pinapakain ng pamahalaan at ang kontrata ng dinadalang pagkain sa bilangguan ay isa sa mga negosyo ni Kapitan Tiyago. Malakas pagkakitahan ito dahilan sa maari niyang bigyan ng kahit na anong pagkain ang mga bilanggo nang hindi makapagrereklamo.

[7] Ang damong zacate ay siyang ipinapakain sa mga kabayo, sa kapanahunang iyon, ito ang nagsisilbing pinakagasolina ng mga sasakyang kabayo.  Ang pagpapadala ni Kapitan Tiyago ng damong zacate sa mga bantog na bahay (tirahan ng mga opisyal) ay bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga ibinibigay na kontrata ng pamahalaan sa kaniya.

[8] Isa sa mga katangian ng mahusay na negosyante – nakikita kung ano ang magiging mga bagong pangangailangan ng mga tao at nagpa-plano ng maaga para mga napapanahong produkto at paglilingkod na maari niyang ipagbili sa iba. Smart si Kapitan Tiyago sa negosyo.

[9] Mayroong mga puwesto sa kolonyal na pamahalaan na isinusubasta o naipagkakaloob pagkatapos na makapagbayad. Sa ganito ay binabawi ng manunungkulan ang kaniyang nagastos mula sa katiwalian. Ang higit nitong katulad sa ngayon ay ang kontraktwalisasyon sa mga trabaho – kung saan ang isang ahensiya ng pagpapatrabaho ay kumukuha ng isang bahagi mula sa sahod ng manggagawang kontrakwal sa pagawaan.

[10] Si Kapitan Tiyago ay relihiyosong malayo sa Diyos ni hindi man lamang nag-ukol ng panalangin ng pasasalamat o paghingi ng tulong sa Diyos. Hindi nagpautang sa Diyos – hindi nagbigay ng abuloy para sa Diyos, sa mga kapanahunang iyon ang mga salapi ng relihiyoso ay nakaukol sa kanilang mga paboritong santo at hindi sa Diyos. Higit na ipinakilala ng mga prayle ang “magagawa” ng mga santo/santa ng simbahan, kaysa sa magagawa ng iisang tunay na Diyos.

[11] Dinagil ni Rizal ang paniniwala ng mga taong mayayaman na ang pananaw ay malakas sila sa simbahan dahilan sa nakapagbibigay sila ng malaking donasyon sa mga gastusin ng parokya.

[12] Isang masakit na pasaring ni Rizal sa kaparian na kumikita ng malaki mula sa misa. Mapagmataas – dahilan sa kakayahan nilang pababain at kainin ang Diyos.

[13] Ang mga mahihirap na handang basahin ang lahat ng dasal pati ang biblia para sa halagang piso, ikumpara ito sa paring kumikita ng malaki para sa isang saglit na misa. Ang mga mahihirap sa karagdagang halaga ay babasahin ang Bibling Hebreo – tandaan na hindi magagawa iyon ng mga magdarasal– dahilan sa ibang wika at titik, at paraan ng pagbasa nito. Ibig sabihin ay gagawin ng mga mahihirap ang lahat maging ang imposible para sa karagdagang halagang kabayaran.

[14] Higit na pinaniniwalaan at tinatawagan ni Kapitan Tiyago ang mga santo at santa kaysa sa tunay na Diyos. Isang kabalintunaan ng kasaysayan ng Katolisismo sa Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol ay nagawa nilang mapalitan ang kadakilaan ng Diyos ng mga larawang inanyuan.

[15] Ang imahen ng Nuestra Senora de la Paz y Buenviaje na kilala sa katawagang Birhen ng Antipolo ay unang dinala sa Pilipinas mula sa Mexico ni Juan Nino de Tabora, nang nagtungo siya sa Pilipinas para manungkulang GH noong 1626. Pinaniniwalaan na may kapangyarihan para pigilan ang bagyo at dinala ng ilang beses sa mga paglalakbay ng galyon sa paglalakbay sa Manila at Acapulco hanggang 1672. Pagkatapos noon ay inilagay siya sa isang simbahan sa maburol na lugar sa Hilaga ng Maynila sa ilalim ng pangangalaga ng mga paring Agustino. Samantalang ginagawa ang simbahan na para sa kaniya ay sinasabing ang birhen ay nagpakita sa mga katutubo – ang birhen ay nasa ibabaw ng puno ng Antipolo.

[16] Hindi nakaligtas kay Rizal ang napakaraming mga santo ng simbahan, halos puno ang mga araw ng kalendaryo sa mga pangalan ng santo at santa. Ang napakaraming mga santo at santa ay maitutulad na lamang natin sa mga relihiyong pagano ng matandang panahon at maging ng Hinduismo – kung papaano tayong nagtataka sa mga Hindu ay nagagawang sumamba sa mga “kakatwang imahe” –ganon din tayo sa pamimintakasi sa ating mga santo/santa.

[17] Nagkakaroon ng labanan ng pabantugan sa pagiging milagrosa ng mga imahen. Tandaan na ang si Mariang ina ng Cristo ay sinasabing inilalarawan ng imahe, kung iisa lamang ang mga iyon bakit magkakaiba pa ang kanilang tinataglay na kapangyarihan– sa relihiyosidad ng mga Pilipino ang mahalaga sa atin ay ang rebulto at hindi ang santo/santa na maaring ang kadakilaan ay maging inspirasyon natin kahit wala ang kanilang anyong larawan.

[18] Labis na nahirapan ang ina ni Rizal sa pagsisilang sa kaniya, at ipinangako ng huli na kapag-nailuwal niya ng maluwalhati ang sanggol ay dadalhin niya ito sa birhen ng Antipolo sa edad na pito. Maging ang isa sa pinakamagandang tula ni Rizal na Junto Al Pasig ay kaniyang inihandog sa birhen ng Antipolo. Pagkatapos ng ilang panahon ay naging kabaligtaran sapagkat sa bahaging ito ay kritikal si Rizal laban sa mga pamahiin na ikinakalat at pinaniniwalaan ng mga taga-sunod ng birhen ng Antipolo.

[19] Ipinakikita ni Rizal ang labis na pag-ibig ng mga Pilipino sa kanilang mga patron, anuman ang sabihin ng mga kalaban o hindi naniniwala ay nandoon pa rin ang kanilang katapatan. Katulad ng katapatan ng mga tao sa mga diktador na pinuno, na pinaniniwalaan nilang higit na mahusay na magpalakad ng bayan.

[20] Dahilan sa dami ng nagpupunta sa Antipolo at laki ng halaga na nakokolekta ay naging dahilan upang ang parokya ay maging labis na mayaman. Sa kasayayan ng Pilipinas, ang pangangasiwa sa parokya ng Antipolo ay mahigpit na pinaglabanan ng mga paring Espanyol at Pilipino at isa sa mga mitsa ng pagbangon ng Kilusang Sekularisasyon. Ikinuwento ni Rizal na may  mga paring Espanyol na naitalaga sa parokya ng Antipolo ang yumaman ng labis at pagkatapos ay iniwan ang pagkapari at nag-asawa sa Timog Amerika.