KABANATA 8     MGA ALAALA

 

 

Ang sinasakyan ni Ibarra ay napadaan sa pinakamasayang distrito ng Maynila; ang kanyang gabing nagdaan ay napalungkot sa kaniya, ngunit ang liwanag ng araw ay nakapagpapangiti sa kanya, kahit hindi niya ibig.  Ang walang tigil na galawan sa lahat ng dako, ang maraming matutuling sasakyan na paroo’t parito, ang mga karumata, kalesa, ang mga Europeo, ang mga Insik, ang mga tagarito, na ang bawa’t isa ay nakasuot ng kanilang katutubong kagayakan, ang mga babaing naglalako ng mga prutas, ang mga eskinita, ang hubad na kargador, ang mga tinda ng kakanin, ang mga ponda, mga restaurant, mga tindahan, pati mga karitong batak ng hindi natitigatig at walang pakialam na mga kalabaw na parang bang nagpapalipas oras lamang sa paghila ng mga mabibigat na dalahin samantalang nag-iisip, ang lahat na, ang ingay, ang dagundong, pati na ng araw, isang amoy na natatangi, ang matitingkad na kulay, ay naglalarawan sa kanyang dili-dili ng lubhang marami sa namamanhid pang mga alaala.[1]

          

 Ang mga daang iyon ay hindi pa nalalatagan ng mga bato. Kapag sumikat nang magkasunod sa dalawang araw ay nagiging alikabok na tumatakip sa lahat ng mga bagay, nakapagpapaubo at nakakapuwing sa mga nagdaraan:  kapag umulan naman nang isang araw ay nagiging isang lawa na kasisinagan ng mga ilaw ng mga sasakyang dumadaan kung gabi, at nagpapatalsik ng putik sa layong limang metro sa mga naglalakad sa makikitid na bangketa.  Ilang babae ang nakaiwan ng kanilang mga sinelas na may burda sa putikang iyon! 

 

Sa mga sandaling iyon ay may mga bilanggo na nagpipison at nakahanay, kinalbo ang ulo, ang suot na baro ay maikli ang manggas at ang salawal ay hanggang tuhod na may  mga bilang at titik na kulay asul. Sa kanilang mga hita ay may mga kadenang nababalutan ng basahang marumi upang mawala nang kaunti ang kiskis o ang lamig ng bakal; magkakabit na tig-dadalawa; mga sunog sa araw, hina ang katawan sa init at pagod at pinalalakad at pinapalo ng isa ring bilanggo, na marahil ay nagpapalubag sa kanyang loob dahil sa nakapagpapahirap sa iba.  Sila ay mga taong matatangkad na marahas ang mukha at hindi man lamang makikitahan ng isang ngiti. Gayunpaman, ang kanilang mga pananaw ay lumiliwanag din, kapag ang tungkod ay lumalagpak sa kanilang mga balikat, o kapag hinahagisan sila ng mga nagdaraang tao ng isang upos ng tabako na basa-basa at gutay:  dadamputin iyon ng pinakamalapit, at itatago sa kanyang salakot:  ang mga kasamahan ay napapatitig na may kakaibang tinging sa ibang nangaglalakad.[2] 

Parang naririnig pa niya ang ingay nila dahil sa pagdurog ng batong itinatabon sa mga lubak at ang masayang taginting ng mabigat na tanikala sa kanilang mga namamagang bukong-bukong.  Nangingilabot si Ibarra na maala-ala ang isang pangyayaring nakasugat noon sa kanyang kamusmusan. Noong bata pa siya, isang tanghaling ibinabagsak ng araw ang kanyang pinakamainit na sinag.  Sa ilalim ng isang karitong kahoy ay isang sawimpalad ang nakatimbuwang na patay at ang mga mata ay nakadilat nang kaunti; ang dalawa namang kasamahan ay gumagawa ng papag na kawayan na paglalagyan ng bangkay; ang dalawa ay walang imik, walang ngitngit, walang lungkot, walang pagdudumali, na gaya ng inaakalang taglay na ugali ng mga katutubo rito.[3]  “Ikaw ngayon, bukas ay kami naman,”[4] ang maaring ay sinasabi sa kanilang mga sarili.  Patuloy sa matulin paglalakad ang mga tao na hindi iyon inaalintana, nagdaraan ang mga babae, titingin sandali  at pagkatapos ng pag-uusisa ay magpapatuloy rin sa kanilang paglakad; ang karaniwang tanawing iyon ay ay nagpapakalyo na sa kanilang mga puso,[5] tumatakbo ang mga sasakyan na sa kanilang makikintab na katawan ay kumikinang ang sinag ng araw na nasa langit na walang kaulap-ulap; sa kanya lamang na noon ay batang lalabing-isang taon,[6] na kagagaling sa kanyang bayan, nakapangingilabot ang gayon, siya lamang ang binangungot dahil doon, sa kinagabihan.

            

Wala na doon ang mabuti at tapat na Puente de Barcas, ang tulay na tinawag na mabuting-pilipino na gumawa ng abot kaya upang makapaglingkod kahit na siya ay may mga kasiraan; tumataas at bumababa ayon sa kapritso ng ilog Pasig na hindi lamang ilang beses na siya ay inaabuso at sa bandang huli ay nagwasak dito.[7]

            

Ang mga punong talisay sa liwasan ng San Gabriel[8] ay hindi lumaki, maliliit na gaya ng dati. Ang Escolta sa palagay niya ay pumangit, gayong ang matandang bodega na dating nakatayo sa isang lugar ay napalitan na ng isang malaking bahay na may palamuting malalaking bustong babae.  Napuna niya ang bagong tayong Puente de Espaňa; ang mga bahay sa dakong kanan ng pampang ng ilog na napapalibutan ng kawayanan at mga punongkahoy, doon sa dakong ang Escolta ay nagtatapos ay nagsisimula naman ang Isla del Romero,[9] na nagpaalaala sa kanya noong masasarap na umagang sila ay nagdadaan doon sakay ng bangka upang tumungo sa mga paliguan sa Uli-Uli.

            

Nakatagpo siya ng maraming karwaheng batak ng mahuhusay na kabayong maliliit:  nakasakay sa mga sasakyang iyon ang mga empleyadong halos inaantok pa, patungo marahil sa kanilang mga opisina, mga militar, mga Insik na anyong nagyayabang at nakakatawa, mga walang kaimik-imik na prayle, mga kanonigo, atbp.[10]  Sa isang magandang karwaheng victoria ay tila namataan niya si Padre Damaso[11]  na matigas ang mukha at nakakunot ang kilay, at pagkatapos na makaraan, ay masaya naman siyang binabati mula sa isang karetela ni Kapitan Tinong, na kasama ang asawa at dalawang anak na babae.

            

Nang makababa sa tulay ay nagtungo ang mga kabayo na tungo sa Sabana.  Sa dakong kaliwa ay maririnig sa pabrika ng tabako sa Arroceros ang ingay ng pagpukpok ng mga sigarera sa mga dahon ng tabako.  Si Ibarra ay napangiti sapagkat naalala niya na dahil sa sa matapang na amoy na umaalingasaw kung ikalima ng hapon sa Puente de Barcas na nakahihilo sa kanya noong siya ay bata pa.  Ang masiglang usapan, ang mga tudyuhan, ay mabilis na naglipat sa kanyang alaala sa nayon ng Lavapies sa Madrid na nagkaroon ng kaguluhan ang mga sigarera at nagbibigay ng malalaking kasawian sa mga bantay lansangan, atbp.

            

Ang Jardin Botanico[12] ay nakapawi sa kanyang magagandang pag-aalaala:  ang tukso ng pagkukumpara ay nakalantad sa kanyang mata, sa mga sandaling iyon, ang mga jardin botanico sa Europa, doon sa mga lupaing kailangan ang malaking pagsisikap at maraming salapi upang mapasibol ang isang dahon, at mapamukadkad ang isang bulaklak; samantalang sa mga bayang sakop, na kaiga-igaya at mabuti ang pagkakaalaga at nakabukas upang pumasok ang kahit sino.[13]  Inilayo doon ni Ibarra ang kanyang mata, tumingin sa dakong kanan at namalas ang matandang Maynila na napapaligiran ng kanyang mga pader at mga hukay sa paligid (moat) na para bang isang masakiting dalaga na nakabihis ng damit noong panahong kabataan ng kanyang lola.[14]

 

               

 

 

 

 

 

 

 

 



[1] Sa nakaraang mga kabanata ay inilarawan ang Maynila sa gabi at sa kabanatang ito ay sa araw.

[2] Inilalarawan ni Rizal ang kaayusan ng mga bilanggo na pinagtatrabaho sa gawaing bayan.

[3] Inaakala ng mga Espanyol na ang mga katutubo sa Pilipinas ay likas na tamad. Aasahan kaya ng sigasig sa pag-gawa ang mga alipin, na ang ani ay pakikinabangan lamang ng kanilang mga mapagsamantalang panginoon.

[4] Sa pananalitang ito ng bilanggo sa paukol sa namatay na kasamahan ay mababakas ang patalistikong pananaw ng mga sawimpalad sa buhay.

[5] Ang pagiging karaniwan ng kamatayan dahilan sa pagpapahirap ay nagbibigay daan upang kalyuhin ang puso ng mga tao.

[6] Ang patay na bilanggo ay nakita ni Ibarra noong siya ay 11 taon pa lamang.  Sa katulad na edad  si Rizal mismo ay mayroong hindi malimutang pangyayari, ito ang Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Ang pangyayaring iyon ang nagbukas sa isipan niya sa kalagayang panlipunan. Sa sulat ni Rizal kay Mariano Ponce ay kaniyang sinabi na

 

“sa kabila ng aking kabataan ay nakita ko na ang kawalan ng katarungan at nagpasiya sa aking sarili na ipaghihiganti ang mga biktima ng kawalang katarungan. Ang Diyos ang magbibigay sa akin ng pagkakataon upang magawa ko ito.”

 

[7] Sa loob ng ilan dantaon, ang Maynila ay iniuugnay ng Puente Grande at noong ito ay wasakin ng lindol noong 1863 ay pinalitan ng Puente de Barcas na ang kahabaan nito ay nakasalalay sa salansan ng mga bangka upang lumutang ang tulay sa tubig at ginamit hanggang 1876 nang ito ay mapalitan ng  isang tulay na bato na  tinawag na Puente de Espaňa (kinaroroonan ng Jones Bridge ngayon). Ang Puente de Barcas dahilan sa pagiging mahina at maraming mga kasiraan ay nagagawa pa niyang makapaglingkod ng napakahabang panahon sa mga tumatawid na mga tao at sasakyan, sa kabila ng malaking kasiraan na inirereklamo ng mga mananawid. Ang tunay na kasiraan ng Puente de Barcas ay dahilan ay ang pagsunod sa kapritso at pang-aabuso ng ilog Pasig. Itinulad sa mga mamamayang Pilipino na sa kabila ng napakaraming mga kapintasan ay patuloy na naglilingkod sa kaniyang mga dayuhang panginoon at mapagsamantalang mga kababayan.

[8]Bahagi ngayon ng tinatawag na Liwasang Cervantes.

[9] Isla de Romero – wala na ang pulong ito na nasa pagitan ng isang maliit na estero dahilan sa tinabunan na. Maraming mga lugar sa matandang Maynila ang nawala na dahil sa hindi planadong pagdami ng mga tao. Ang mga esterong dating nadadaanan ng bangka ay bumabaw dahil sa siltation at a pagtatambak ng mga basura.

[10] Ang pagkakaroon ng sariling sasakyan ay isa nang status symbol maging sa kapanahunang iyon.

[11] Si Padre Damaso ay nakasakay sa magarang Victoria – pagpapakita ng karangyaan ng mga prayle sa kabila ng panata ng pagiging mahirap.

[12] Jardin Botanico ­- isa sa pinakasikat na lugar ng Maynila. Sinasakop nito ag lawak ng daang P. Burgos, Concepcion, Arroceros, at ang buong liwasan ng Bonifacio. Ang halamanan ay na naglalaman ng mga di karaniwang mga halaman at kulungan ng mga hayop para magamit sa aralin sa botanica. Nasira ito pagkatapos ng Ikalawang Digmaan ng sirain ng mga Amerikano ang Maynila – Ang nalalabing bahagi nito ay makikita ngayon sa Mehan Garden ng lungsod ng Maynila.

[13] Natatangi ang kagandahan ng matandang Jardin Botanico ng Maynila dahil dami at yabong ng mga halaman – samantalang gumugugol ng malaking salapi sa pag-aalaga at pagsasaliksik upang mapasipot at mamulaklak ang isang halaman sa mga Jardin Botanico ng Europa.

[14] Ang pader ng Maynila ay ipinatayo ng mga Espanyol sa mga unang siglo ng kanilang pananakop – mataas ang pader at naliligiran ng mga hukay na puno ng tubig upang hindi mapasok ng kaaway. Ang katagang ginamit ni Rizal ay parang masakiting dalaga na nakabihis ng damit noong panahong kabataan ng kanyang lola – ito ay dahilan sa ang pader ay nagsilbing taguan at tanggulan ng mga Espanyol kung magkakaroon ng kaguluhan. Alam ni Rizal na ang matandang pader ng Intramuros ay wala ng bisa sa makabagong pakikipagdigma. Napatunayan ito ng kasaysayan noong ang Maynila ay isuko sa mga Amerikano noon Agosto 1888, at sa malakihang pagkawasak nito bunga ng pambomba ng mga eroplanong Amerikano para mapasuko ang mga nagkakanlong na mga kawal Hapones sa loob ng Intramuros.