KABANATA 9 MGA BAGAY-BAGAY NG BAYAN§

 

 

             Hindi nagkakamali si Ibarra:  sa kanyang nakitang victoria ay nakasakay si Padre Damaso at papunta sa sa bahay na di pa nalalaunan niyang nilisan.

           

“Saan kayo pupunta?” ang tanong ng prayle kay Maria Clara at kay Tia Isabel na pasakay na sa isang karwaheng may mga palamuting pilak; sa gitna ng mga iniisip ukol sa sarili ay nagawa pa ni Padre Damaso na tapik-tapikin ang mga pisngi ng binibini.

           

“Sa Beaterio, upang kunin ang aking mga kagamitan,” ang sagot ng dalaga.

           

“Ahaaa!  Aha!  Ang naibulalas na hindi pansin na may kaharap at sinabi pa na “Tingnan natin kung sino ang masusunod sa amin, tingnan natin…” na nakatingin sa itaas ng hagdanan na kaniyang tinutungo, kaya’t ang dalawang babae ay labis na nagtataka. 

           

“Marahil ay may sermong ginagawa at isinasaulo!” sabi ni Tia Isabel.  “sumakay ka na Maria at gagabihin tayo.”

           

Kung si Padre Damaso ay mayroon o walang sermon ay hindi namin masasabi; ngunit malalaking bagay marahil ang nasa kanyang isipan, dahil hindi iniabot ang kamay kay Kapitan Tiyago, na halos napaluhod upang makahalik. “Santiago!” ang unang nasabi, “mayroon tayong mahahalagang bagay na pag-uusapan; halika sa iyong tanggapan.”[1]

           

Si Kapitan Tiyago ay di-mapalagay, hindi makapagsalita, nguni’t sumunod sa  matabang pari na isinara ang pinto nang sila ay makapasok.

            

Samantalang lihim silang nag-uusap ay tuklasin natin ang nangyari kay Pray Sibyla.  Ang maalam[2] na Dominicano ay maagang-maagang umalis sa kumbento ng Binondo matapos makapagmisa at nagtungo sa kumbento ng kanyang orden na nasa pagpasok ng Puerta de Isabel o de Magallanes, alinsunod sa liping naghahari sa Madrid.[3] Umakyat si Pray Sibyla na hindi pinansin ang masarap na amoy ng sikulate, maging ang tunugan ng mga kahon at salapi,[4]  na nanggagaling sa dako ng Procuracion[5]  bahagya nang sinagot ang magalang na bati ng procurador; binagtas ang ilang pasilyo at tumawag sa pamamagitan ng pagkatok, sa isang pinto.

       

“Tuloy!” ang hibik ng isang tinig.

           

“Ibalik nawa ng Diyos sa reverencia ang kalusugan,” ang bati ng batang Dominicano pagpasok.

 

Nakaupo sa isang malaking silya ang isang matandang paring payat, naninilaw, katulad ng mga santong ipininta ni Rivera.[6]  Ang mga mata ay nakalubog, may makapal na kilay, na sa dahilang parating magkasalubong ay nakapagdaragdag ng kinang sa kanyang naghihingalong mata. Nag-iisip siyang minamasdan ni Pray Sibyla na noon ay nakahalukipkip sa ilalim ng kagalang-galang na kalmen ni Sto. Domingo.  Pagkatapos ay tumungong hindi nagsasalita at parang naghihintay.

            

“Ah!” ang buntunghininga ng maysakit, “pinagpayuhan ako ng operasyon , Hernando, ang operahan sa edad kong ito!  Ang lupaing ito, ang kakila-kilabot na lupaing ito!  Matuto ka sa nakikita mo sa akin, Hernando

 

“At ano po ang iyong pasya?” tanong ni Pray Siblya na itinaas ang tingin at  itinitig sa maysakit.

            

Ang mamatay!  Mayroon pa bang natitira sa akin kundi iyon na lamang? Malaki ang aking ipinaghirap; ngunit… marami akong pinapaghirapnagbabayad ako ng aking utang![7]  At ikaw, ano ang lagay mo?  Ano ang iyong dala?”

               

Naparito ako upang kausapin kayo tungkol sa inyong ipinagawa sa akin.”[8]

           

“Ah!  At ano?”

           

“Psh!” sagot na masama ang loob ng bata, na umupo at iniharap ang mukha sa ibang dako, “si Ibarra ay binatang may katalinuhan; hindi mukhang hangal, gaya ng sinasabi sa atin, at sa palagay ko ay isang mabuting bata.”[9]

 

“Sa akala mo?” 

 

“Nagsimula na po kagabi ang labanan!”

 

Agad-agad na,  papaano?”[10]

 

Sa maikling salita ay isinalaysay ni Pray Sibyla ang nangyari kay Padre Damaso at kay Crisostomo Ibarra.

            

“Saka ang isa pa,” ang patapos na sabi, “ang binata ay magiging asawa ng anak ni Kapitan Tiyago, na nag-aral sa paaralan ng ating mga hermana; mayaman at hindi iibigin ang magkaroon ng kagalit upang mawala ang kanyang kaligayahan at kayamanan.

           

Itinungo ng maysakit ang ulo, bilang pagsang-ayon.

          

“Oo, gayon din ang akala ko… Kung gayon ang magiging asawa at ang biyenan ay buong-buong atin siya.  At kung hindi, lalong mabuti ang lumantad na kaaway natin!”

           

Pamanghang napatingin sa matanda si Pray  Sibyla.

          

Sa ikabubuti ng ating banal na corporacion, ang ibig kong turan,” ang dugtong na nahihirapan sa paghinga, “ibig ko pa ang tayo ay kalabanin kaysa mga huawd na papuri ng mga kaibigan… na sa mga bagay na iyan sila binabayaran.”[11]

 

“Sa akala po ninyo ay…?”

            

Malungkot na siya ay tiningnan ng matanda.

           

Huwag mong makakalimutan kailanman!” ang sagot na naghihirap sa paghinga.  “Ang ating kapangyarihan ay magtatagal hanggat pinananaligan.[12] Kung tayo ay nilalabanan sasabihin ng Pamahalaan na:  “kinakalaban dahil sa inaakalang sagabal sa kanilang kalayaan, kung gayon ay huwag nating alisin.”[13]

 

“At kung sila ay pakinggan?  Kung minsan, ang Pamahalaan ay…”

 

Hindi sila pakikinggan!”

       

“Gayunman, kung maakay ng kasakiman ang pamahalaan at magnanais na napasakanya ang ating kayamanang …[14] kung magkaroon ng isang pangahas at buong tapang na …”

       

Kung gayon ay kahabag-habag!” Kapwa sila nanahimik.[15]

           

 



§ Sa kabanatang ito na anyong pasalaysay ay nagawa ni Rizal ang ipakita ang kalagayan ng bayan sa ilalim ng mga alagad ng kolonyal na simbahan.

[1] Pansinin ang galit at pambabastos ni Pray Damaso kay Kapitan Tiago – ito ay dahil siya mismo ang nagsabi sa huli na magtungo sa tanggapan (bahay iyon ni Kapitan Tiyago). Ipinakita ang kawalan ng modo ng mga prayle sa kapanahunang iyon  – sa isang taong may modo, hinihintay niya na anyayahan siyang pumasok sa opisina ng may-ari at hindi siya ang mag-uutos sa may-ari ng opisina na sumunod.

[2] Ang mas tamang ingles ay astute na nangangahulugang matalino sa mga pamamaraan at may malayong pananaw lalo na sa mga bagay o pangyayari na mayroon siyang pakikinabangan.

[3] Ang pangalan ng pangunahing pintuan papasok ng Intramuros ay nagbabago ayon sa angkan ng namumuno – ganito pa rin hanggang sa ngayon, ginagamit ng nanunungkulang pinuno ang kaniyang puwersa para sa kaluwalhatian ng kanilang mga magulang.

[4] Pailalim na pagpapakilala ni Rizal kay Padre Sybila – matakaw sa pagkain at mahilig sa salapi.

[5] Tanggapan ng procurador na nakakaalam sa pananalapi sa mga kumbento.

[6] Rivera – pintor na Espanyol na kilala sa mahuhusay niyang pintang larawan na ang pangunahing katangian ay ang nakakasindak na eksena tulad ng pagpakakasakit, pagpapahirap, at kamatayan.

[7] Ang matandang pari ay mayroong sakit na nakapangingilabot dahilan sa pagsasamantala sa Pilipinas .… pansinin ang sinabi nito kay Padre Sybila ‘Ang lupaing ito, ang kakila-kilabot na lupaing itoMatuto ka sa nakikita mo sa akin, Hernando! Matutunugan na mayroong nalalaman ang matandang pari ukol sa hilig ni Pray Sybila sa babae, at ito ay nangangaral sa pamamagitan ng babala sa batang pari para makaiwas. Maaring ang sakit ng matandang pari ay sakit na nakuha din niya sa pagsasamantala sa kababaihan o sa bayan..

[8] Ang matandang pari sa kabila ng karamdaman ay mayroong isang partikular at delikadong gawain para sa kanilang corporacion na dito ang isa sa kaniyang inutusan ay si Pray Sybila.

[9] Bago pa man makita ni Pray Sybila si Ibarra ay mayroon na siyang mga pangunahing inpormasyon ukol sa binata. Ito ang dahilan kaya nabigla si Padre Sybila sa pagdating ni Ibarra sa ginanap na hapunan. Hindi inaakala ni Padre Sybila ang pagsulpot ng taong pasusubaybayan sa kaniya. Mapapansin na ang inpormasyon na naibigay sa kaniya ay mapanira at hindi tugma sa kaniyang nasaksihan. Ipinapaalam ni Rizal, na ang mga prayle ay mayroong nakatalagang paraan ng pagmamanman sa mga taong inaakala nilang panganib sa seguridad ng simbahan. Pinag-aaralan nila ang mga taong inaakala nilang banta sa kanilang institusyon at pamamaraan kung papaano ito pahihinain sa pamamagitan ng tinatawag na preassure.

[10] Sa usapan ng matandang pari at Pray Sybila ay matatanto na pinaghahandaan ng mga prayle ang pagdating ni Ibarra. – alam nila na may atraso dito ang kanilang kapwa pari (Pray Damaso) at si Ibarra naman ay edukado, mayaman at may potensiyal na kanilang makalaban. Pero ang unang impresyon ni Pray Sybila ay hindi nila magiging problema si Ibarra dahilan sa ito ay mabait na bata (hindi niya binastos noong nakaraang gabi si Pray Damaso) at ang kaniyang mapapangasawa ay nag-aral sa paaralan ng simbahan at si Kapitan Tiyago ay sunud-sunuran sa mga kaparian.

[11] Para sa matandang pari ay mas mabuti pa ang maging hayagang kaaway si Ibarra kaysa sa papuri sa kanila ng mga bayarang kaibigan. Makikita dito na ang matandang pari ay tila isang Machiavelli  na higit na nakikita ang kabuluhan ng puna na mula sa kanilang mga kaaway kaysa sa papuri na mula sa mga bayarang kaibigan.

[12]Ang ating kapangyarihan ay magtatagal hanggat pinananaligan” – ipinapakita ni Rizal ang takot ang mga prayle sa mga taong mayroong malayang isipan, na maaring magbunyag ng mga kahinaan ng mga aral ng simbahan. Isang kabalintunaan, na ang mismong Noli me tangere sa pagdating sa Pilipinas ay agarang sinikap na huwag mabasa ng mga Pilipino, at hanggang sa panahon ng panukalang batas sa pagtuturo ng Rizal – ang ginawa ng mga alagad ng simbahan ay hadlangan ang dalawang nobela upang huwag maipabasa ng buo sa mga mag-aaral na Pilipino.

[13] Sa pananaw ng matandang pari ay mabuti ang kalabanin ni Ibarra ang simbahan, upang makita ng pamahalaan na magkakampi ang pamahalaan at simbahan sa maaring maging pagkilos ng bayan.

[14] Kinatatakutan noon ng mga prayle na mismong ang pamahalaan ay kalabanin sila, dahilan sa napakalaki nilang kayamanan. Ikinababahala noon ng mga prayle ang ayunan ng pamahalaan ang mga repormista na nagmumungkahi ng pagbabago at pagsamsam sa mga pag-aari ng simbahan.

[15] Mapapansin na may nakahandang paraan ang mga prayle sa paglusaw ng sinumang lalaban sa kanila, maging ito man ay mga indibidwal o maging ang mismong pamahalaan.