KABANATA 10    ANG BAYAN

 

 

           Halos sa tabi ng lawa, sa gitna ng kabukiran at palayan ay matatapuan ang bayang ng San Diego.[1]  Ito ay nagluluwas ng asukal, bigas, kape at mga prutas na ipinagbibili sa mababang halaga sa Insik na nagsasamantala sa kahangalan o sa masasamang bisyong mga magsasaka.[2]

 

Sa isang maliwanag na umaga ay umaakyat ang mga bata hanggang sa kaitaasan ng kampanaryo ng simbahan na nababalutan ng mga lumot at mga halamang sumipot lamang ng pana-panahon, ay napapahanga sila dahil sa mga kagandahan ng tanawing inaabot ng kanilang paningin.[3]  Sa gitna ng bunton na iyon ng mga bubungang pawid, tisa, zinc at kabonegro,[4] na pinaghihiwalay ng mga halamanan at bakuran, ay nakikita ng bawat isa ang kanilang bahay - ang kanilang munting pugad.  Ang bawat bagay ay nagiging kanilang palatandaan:  isang puno, sampalok na maliliit ang dahon, ang niyog na puno ng bunga na tila si Astarte[5] na mapagbigay-buhay o isang Diana ng  Efeso na may maraming suso,[6] isang umiimbay na kawayan, isang punong-bunga, isang krus.  Sa lugar na kinaroroonan ng ilog na para isang malaking ahas na kristal na natutulog sa alpombrang berde; sa mga ilang lugar ay kumukulot  ang kanyang agos dahilan sa ilang batong nakakalat sa tinatakbuhang buhangin. Sa dako roon ng bambang ay kumikipot dahil sa dalawang matataas na pampang na kinakapitan ng ilang punong nakabaluktot at ang mga ugat ay nakalabas. Sa dako rito ay may isang mababaw na talabibis[7] na dito ang ilog ay lumuluwang at humihina ang agos.  Sa dako roon, sa malayo-layong lugar ay may isang munting bahay na nakatayo sa pampang na tila hinahamon ang kataasan, hangin at kailaliman, at dahil sa kanyang payat na haligi ay maiisip na siya’y isang malaking ibon na nag-aabang ng ahas na maaring tukain. Mga putol na sanga o mga punongkahoy na may talukab pa, na gumagalaw-galaw at pagiwang-giwang, ang siyang nag-uugnay sa dalawang pampang, at kung sila man ay sakaling masamang tulay, ay mahusay namang aparato ng gymnastics na nagagamit sa pagsasanay sa paninimbang, kaya hindi dapat bale-walain:  ang mga batang naliligo sa ilog ay nagkakatuwaan, dahil sa babaing may sunong na bakol na nahihirapang manulay o dahil sa tumatawid na matandang nanginginig at nabibitiwan ang tungkod na nahuhulog sa tubig[8]

               

 Ngunit ang bagay na nakakatawag ng pansin ay isang tila isang tangos na kagubatan na napapalibutan ng mga sinasakang lupain.  Doon ay may mga malalaking punong na dantaon na ang tanda na; may mga guwang, hindi namamatay, kundi kung tinatamaan lamang ng kidlat ang kanilang mayabong na tuktok at sila ay pinag-aapoy; ang apoy ay hindi nagdadamay ng iba at namamatay doon din;[9] doon ay may malalaking bato na dinadamitan ng panahon at ng kalikasan ng lumot na parang velvet  na unti-unting kumakapal ang alikabok sa mga guwang, pinipitpit ng ulan at tinataniman ng ibon ng binhi.  Ang malusog ng mga pananim sa maiinit na bahagi ng mundo ay malayang simisibol doon:  mga dawag at halamang yumayabong sa ilalim ng mga puno, mga baging at halamang gumagapang na lumilipat sa mga puno: nakasabit sa mga sanga, kumakapit sa mga ugat, sa lupa, at parang hindi pa nasisiyahan sa gayon ang flora ng Pilipinas, makakakita ka ng mga dapo na tumutubo kahit sa ibabaw ng mga puno; ang lumot at kabuti ay nabubuhay sa mga putok na talukap, at ang dahon ng mga dapo, mga halamang nakikipanuluyan ay nakikiyakap sa mga dahon ng punong nag-aampon.[10]

            

Ang kagubatan ay iginagalang ng mga tagabayan dahilan sa maraming taglay nitong mga alamat, ngunit ang mga kuwento na lalong kapani-paniwala, ay siyang lalong hindi pinaniniwalaan at ang alamat na hindi nila ganap na nalalaman ay inaaring katotohanan:[11]

 

Nang ang bayan ay isa pa lamang na pamayanan na binubuo ng mga dukhang kubo at sa mga ay maraming damong tumutubo, sa panahong  pumapasok pa doon sa pagsapit ng gabi ang mga usa at baboy-ramo,  isang araw ay dumating doon ang isang matandang Kastila na malalim ang mga mata at matatas sa wikang Tagalog.[12] 

 

 

 



[1] Walang  bayang sa Pilipinas na ganito ang pangalan. Saan kinuha ni Rizal ang pangalang San Diego? Ang pinakamalapit na kasagutan ay sa Bastion ng San Diego na isa sa mga bastion na matatagpuan sa Timog Silangang bahagi ng pader ng Intramuros at kinalalagyan ng mga kanyon na gamit sa pagdepensa sa lunsod. Ang bastion ng San Diego ay nakaharap sa Bagumbayan at saksi sa kamatayan ng tatlong paring Pilipino (GOMBURZA) dahilan sa pagkakasangkot sa Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Ang paggamit ni Rizal ng pangalang San Diego sa bayan na inikutan ng kasaysayan sa nobela, (lalo na ang bahagi ng isang pakunwaring pag-aalsa na ginawa ng prayleng si Padre Salvi) ang siyang pinaka-susi upang maunawaan na ang Noli me tangere ay isang inbestigatibong nobela na nahahawig sa naganap na Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Ang pinakamalaking kabalintunaan kay Rizal ay ang mismong bastion ng San Diego ay naging saksi rin sa kaniyang pagbitay.

[2] Makikita rito na ang kabuhayang bayan ay kontroldado at pinakakitaan ng mga dayuhan. Ibinebenta ng mga magsasaka ang kanilang mga ani ng mura sa mga Intsik dahil sa kawalan ng muwang o para sa kanilang mga bisyo. Wala pa ring nagbago pagkatapos ng mahigit ng 120 taon nang isulat ni Rizal ang nobela.

[3] Ginamit ni Rizal dito ang kahalagahan ng elebasyon sa paglalarawan ng isang pamayanan. Maging ang detalye ng mga halaman na gumagapang sa pader ng simbahan ay hindi nakalibre sa kaniyang masusing pagdedetalye ng kaligiran ng kaniyang nobela..

[4] Uri ng palmera na nakukuhanan ng materyales sa paggagawa ng bubong at ang hibla nito ay ginagamit sa paggawa ng lubid.

[5] Astarte – diyosa ng Grieyego at Romano –pinakamataas na babaeng diyos ng mga taga Phoenicia. Ang kaniyang katanyagan bilang diyosa sa mga mamamayan ng Phoenicia ay katulad ng katanyagan ni Birheng Maria sa kasalukuyang panahon.

[6] Ipinakikita dito ni Rizal ang kahalagahan ng puno ng niyog.

[7] Lugar sa ilog na ang agos ng tubig ay paikot-ikot at nagpapahina ng agos na dumadaloy.

[8] Makikitang muli  sa bahagi ng pagsasalaysay ang katutubong kapilyuhan ng mga batang Pilipino.

[9] Ang isa sa katangian ng mga matatandang puno sa Pilipinas na dumaan sa napakaraming mga pagsubok ng kalikasan, ngunit nagpapatuloy pa rin ang buhay at nag-aambag ng kapakinabangan sa kapaligiran.Sa mga nakalipas na panahon, ang mga matatandang puno sa Pilipinas ay nakakalaban at nagwawagi sa paninira ng elemento ng kalikasan. Subalit sa kasalukuyan ang mga punong ito ay walang kalaban-laban sa mapanirang kamay ng mapagsamantalang mga tao na hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa mapagbiyayang mga puno ng Pilipinas.

[10] Nagawa ni Rizal na ganap na mailarawan sa mga mambabasa ang kakapalan ng mga puno at halaman sa loob ng kagubatan ng Pilipinas. Sinumang nakapasok na sa kagubatan o maging kahit sa kasukalan ng Pilipinas ay makikita ang lahat ng paglalarawan ni Rizal na binanggit sa talatang ito.

[11] Ang mga Pilipino ay higit na naniniwala sa mga higit na lalong hindi kapani-paniwalang alamat, kaysa sa mga tunay na kasaysayan – higit na pinaniniwalaan ang mga milagro at mga kuwento ukol sa mga santo, ngunit walang interest sa mga kasaysayang lokal. Sa mga salitang ito ni Rizal ay hinihikayat niya ang mga taong bayan na maging kritikal sa mga kuwento na kanilang naririnig at huwag mahulog sa bulag o hindi pinag-isipang paghanga.

[12] Sa bahaging ito ng kabanata ukol sa mga unang panahon ng bayan ng San Diego ay ipinapakita ni Rizal ang kahalagahan kasaysayang lokal – pagkatapos na ang topograpiya ng bayan ng San Diego ay nagbigay siya ng kaligirang pangkasaysayan hindi lamang para magkaroon ng kaunawaan ang kaniyang mga mambabasa sa kapaligiran, kundi maging sa ebolusyon ng isang tipikal na bayan (pueblo/municipalidad) sa Pilipinas na napasailalim ng pamamahala ng mga Espanyol.  Masasabing si Rizal mismo sa kaniyang sarili ay isa sa mga tagapanguna sa pagsasaliksik/pag-aaral ukol sa kasaysayang lokal. Isa sa mga isinulat ni Rizal ay ang ukol sa Kasaysayan ng bayan ng Calamba, na kaniyang sinilangang bayan.