KABANATA 13     PREMONISYON NG BAGYO

 

 

 

            Sa sandaling lumalabas ang matanda ay siya namang paghinto sa daanan ng isang karwaheng nagpapahiwatig na nagmula sa isang mahabang paglalakbay. Ito ay puno ng alikabok at ang mga kabayo ay pinagpapawisan pa.  Pumanog si Ibara, kasunod ang isang matandang utusan; at sa pamamagitan ng isang kumpas ng kamay ay pinaalis ang sasakyan at tahimik na tinungo ang libingan.

 

“Dahilan sa aking karamdaman at iba pang mga gawain ay hindi ako nakabalik!” ang pakumbabang sabi ng matanda, “ang sabi ni Kapitan Tiyago ay siya na ang magpapagawa ng isang nitso; nguni’t nilagyan ko ng mga bulaklak at isang krus na aking ginawa…  Si Ibarra ay hindi sumagot.

 

Doon po sa likod ng malaking krus!” ang patuloy ng utusan na nakaturo sa isang sulok nang sila ay makapasok na sa pintuan.

            

Dahil sa mga alalahaning taglay ay hindi napuna ni Ibarra ang pamamangha ng ilang katao nang siya ay makilala, mga taong pinigil ang pagdarasal at sinundan siya ng mausisang tingin.

            

Ang binata ay maingat na naglalakad, umiiwas na dumaan sa ibabaw ng mga libingan na madaling malaman dahil sa lubog ng lupa.  Nang siya ay bata pa ay tinutuntungan niya ang mga iyon at sa  ngayon ay kanyang iginagalang; ang kanyang ama ay nasa gayon na ring kalagayan.  Ang kanyang kasama ay napahinto na hindi malaman ang gagawin; humahanap ng bakas sa lupa nguni’t walang krus kahit saan dako. “Dito kaya?” ang bulong, “hindi, doon; ngunit nakabungkal ang lupa!” Malungkot siyang tinitingnan ni Ibarra.

 

“Siya nga pala, naaalala ko ng may isang bato sa tabi; ang libingan ay may kaunting kaiklian; ang sepulturero ay may sakit noon kaya isang magsasaka pa ang tumulong para mahukay iyon; ngunit itanong natin sa sepulturero kung ano ang nangyari sa inilagay kong krus.”

 

Tinungo nila ang sepulturero na sila ang labis na tinitigan.

 

Ang sepulturero ay bumating nag-alis ng salakot.

 

“Masasabi po ba ninyo kung alin ang libingang may isang krus doon?” ang tanong ng alila. Tiningnan ng pinagtanungan ang pook na itinuro at saka nag-isip “Isang krus na malaki?”

       

“Oo nga, malaki,” masayang patotoo ng matanda na tumingin nang may kahulugan kay Ibarra na nagbigay ng liwanag sa anyong malungkot na mukha.

       

“Isang krus na may mga ukit at natatalian ng yantok?” muling tanong ng sepulturero.

       

“Iyon nga, iyon nga, ganito,” at iginuhit ng alila sa lupa ang isang krus na katulad ng gawang -Bizantina. “At sa baunan ay may mga tanim na bulaklak?”

       

“Mga adelfa, sampaga at pensamiento!”

       

Iyon nga!” ang tugong masaya ng alila at dinulutan ng isang tabako ang kausap.

       

“Ituro ninyo sa amin kung alin ang libingan at kung nasaan ang krus.”

 

Kinamot ng sepulturero ang kanyang tainga at sumagot na kasabay ang paghikab. “Ang krus ay…sinunog ko na.”

       

“Sinunog?  At bakit ninyo sinunog?”

       

“Sapagkat utos ng kurang malaki.”

       

“Sino ang kurang malaki?” ang tanong ni Ibarra.

       

“Sino?  Yong kurang namamalo, si Padre Garrote.