KABANATA 14        TASIO:  LOKO O PILOSOPO

 

 

        Ang kakatuwang matanda ay naglilibot nang walang bahala sa mga lansangan. Isa siyang dating mag-aaral ng pilosopiya at iniwan ang pag-aaral hindi dahilan sa kakulangan ng gagastusin o dahilan sa kakapusan ng kakayahan ng isipan:  kundi dahil sa pagsunod sa kagustuhan ng kanyang ina, na ang sanhi ay dahil ang kaniyang inang mayaman ay nababalitaang siya ay matalino.  Natatakot ang mabait na babae, na ang kanyang anak ay dumunong at makalimot sa Diyos,[1] kaya siya ay pinapili na magpari o iwan ang paaralang San Jose.[2]  Dahilan sa siya ay umibig, ay pinili ang iwanan ang pag-aaral at nag-asawa. Ngunit, wala pang isang taon ay nabalo at naulila, at upang maiwaglit ang kalungkutan, sabong, at katamaran, ay naging libangan ang mga aklat.  Ngunit naging malabis ang pagkakahilig sa pag-aaral at pagbili ng mga aklat at napabayaan ang kanyang yaman at unti-unti siyang naghirap.

 

        Ang mga taong mayroong pinag-aralan ay tinatawag siyang Don Atanasio o Pilosopong Tasyo, at Tasyong Baliw naman ang tawag sa kanya ng mga walang pinag-aralan, na higit na lalong marami,[3] dahilan sa kanyang mga kakaibang mga opinyon at paraan ng pamumuhay na hindi karaniwan sa nakagawian ng mga tao.

            

Katulad ng amin ng nasabi, ang gabi ay pinagbabantaan na dadaanan ng unos na nagbabala na nang hapong iyon; ang mga kidlat ay nagpapaliwanag sa madilim na langit; ang ulap ay makapal at ang hangin ay maalinsangan. Tila nalimot ni pilosopong si Tasyo ang bungo ng kaniyang minamahal:  Nakangiti nang tinatanaw ang madilim na ulap. Sa malapit sa simbahan ay nakatagpo niya ang isang taong nakasaketang alpaka (German jacket), na may dalang mahigit sa isang arobang kandila at isang tungkod na may borlas, na palatandaan ng kapangyarihan.

 

“Tila masaya kayo?” ang tanong nito sa wikang Tagalog.

 

“Tunay nga po, Ginoong Kapitan; masaya ako pagkat mayroon akong isang pag-asang darating.”

 

“Ha! At aling pag-asa iyan?”

 

“Ang unos!”

       

“Ang unos?  Ibig ba ninyong maligo?” tanong na pabiro ng kapitan, at pinagmasdan ang dukhang kasuotan ng matanda.

       

Maligo… kung sabagay, hindi masama ang maligo lalo na at makakasalubong ka ng dumi!” ang sagot ni Tasyo na pabiro din, at na parang nakahihiti sa pangungutya, at tiningnan ang mukha ng kausap,[4] subalit higit pang mabuti kaysa doon ang hinihintay ko.”

       

“Kung gayon ano?”

       

“Ilang kidlat na maaring makamatay ng mga tao at makasunog ng mga bahay!” ang sagot na walang halong pagbibiro ng pilosopo.[5]

       

“Ninanais ba ninyo na magkaroon ng delubyo!”

       

Iyon ang nararapat sa ating lahat, pati na sa inyo at sa akin! [6]  Kayo, Ginoong Kapitan, ay may dalang isang arobang kandila na galing sa tindahan ng Insik; may mga sampung taon ko nang iminumungkahi sa bawat nagiging kapitan na bumili ng panghuli ng kidlat, (lightning rod)  at pinagtawanan ako ng lahat, at ang binibili ay mga bomba at kuwitis at bumabayad ng tagapagtugtog ng kampana.  Hindi lamang iyon, kayo na mismo, kinabukasan pagkatapos ng aking mungkahi na bumili ng panghuli ng kidlat ay nagpagawa sa panday na Insik ng isang kampanang patungkol kay Sta. Barbara,[7] gayong natuklasan na nang agham na labis na delikado ang tumugtog ng kampana kapag umuunosAt sabihin nga ninyo sa akin kung bakit nang taong 1870, ay tumama ang isang kidlat sa Binan[8] at ang tinamaan pa naman ay ang kampanaryo at sumira sa orasan at sa isang simbahanAno ang nagawa ng kampana ni Sta. Barbara?”[9]

            

Nang mga sandaling yaon ay gumuhit ang isang kidlat.

           

“Jesus, Maria y Jose!  Sta. Barbara Bendita!” bulong ng kapitan na namutla at nag-antanda. 

 

Si Tasyo ay humalakhak. “Nararapat nga sa inyo ang pangalan ng inyong patron![10] ang sabi sa wikang Kastila, samantalang tumatalikod ang kausap ay nagtungo sa simbahan.

            

Ang mga sakristan ay naglalagay ng isang lagayan na napapaligiran ng malalaking kandilang na nakatirik sa kahoy, iyon ay dalawang malalaking lamesa na nagkakapatong at natatakpan ng canvass na itim na may guhit na puti; sa ilang lugar ay may mga nakapintang bungo. “Iyan kayang lamesang iyan ay para sa mga kaluluwa o sa mga kandila?” ang tanong sa mga sakristan na naroroon. Dahilan sa bigla niyang nakita sa mga sakristang iyon ang dalawang batang lalaki na ang isa ay may higit-kumulang sa sampung taon, at ang isa ay pito, ay kaniyang nilapitan ang dalawa at hindi na hinintay ang kasagutan ng iba pang mga sakristan[11].

       

“Sasabay ba kayo sa akin?” tanong niya sa mga bata,

 

“Ipinaghanda kayo ng masarap na hapunan ng inyong ina.”

       

“Ayaw po kaming paalisin ng sakristan mayor hanggang matapos na makatugtog para sa alas-otso!” tugon ng pinakamalaki.  “Hininintay kong ibigay ang aking sahod upang ibigay ko sa aming ina.”

 

“Ah, at saan kayo paparoon ngayon?”

       

“Sa kampanaryo po upang tumugtog patungkol sa mga kaluluwa.”

       

“Paparoon kayo sa kampanaryo?  Mag-ingat kayo!  Huwag kayong lalapit sa mga kampana samantalang dumaraan ang unos.”

           

Pagkatapos ay iniwan ng matanda ang simbahan, matapos sundan ng tinging may pagka-awaang dalawang batang umaakyat sa hagdanan upang magpuntasa koro.  Kinusot ni Tasyo ang kanyang mga mata, tiningnang muli ang langit at bumulong:  Daramdamin ko ngayon kung kikidlat.”[12]

 

At yuko ang ulong nag-isip, na tinungo ang labasan ng bayan.

       

“Daan muna kayo!” narinig niya sa wikang Kastila nang isang boses na galing sa isang bintana.

           

§Itinaas ng pilosopo ang ulo at nakita ang isang lalaki na may tatlumpu o tatlumpu’t limang taong gulang, na siya ay nginingitian.

           

“Ano ba ang binabasa ninyo?” tanong ni Tasyo na itinuro ang aklat na hawak ng lalaki.

 

“Isang aklat na napapanahon:  Las penas que sufren las benditas animas del Purgatorio! [13] ang sagot na nakangiti ng isa.

 

Ehe, ehe, ehe,!” bulalas ng matanda sa iba’t ibang tunog ng boses, samantalang pumapasok sa bahay, “dapat sanang naging matalino ang kumatha.”[14]

            

Sa pag-akyat niya sa hagdanan ay malugod siyang sinalubong ng may-ari ng bahay at ng asawa nito.  Ang pangalan ng lalaki’y Filipo Lino at ang babae ay si Teodora Viña.  Si Ginoong Filipo ay tinyente mayor[15] at nangunguna sa isang pangkatin ng mga liberal, kung maaaring tawagin siyang gayon, at kung mangyayari na magkaroon ng mga partido pulitikal sa mga bayan-bayan ng Pilipinas.

       



[1] Ganito din ang ikinatatakot ni Donya Teodora para sa kaniyang anak na si Jose Rizal.

[2] Paaralan ng San Jose – dito nag-aral ang ama ni Rizal at kapatid niya na si Paciano.

[3] Ikaw ano ang tawag mo sa Matandang Tasyo?

[4] Pansinin ang pag-uusap ng Kapitan at ni Pilosopo Tasyo. Ang kapitan ay sinabing dapat na maligo si Pilosopo Tasyo at tumingin sa damit ng matanda. Ang sinasabi naman ni Pilosopo Tasyo sa harap ng kapitan ng bayan na “mabuting maligo lalo na kung makakasalubong ka ng dumi”. Pag-alimura ni Pilosopo Tasyo sa hindi direktang paraan – nasabi hindi masamang maligo, dahilan sa nakasalubong siya ng dumi – ang kapitan ang pinatutungkulan na “dumi”.

[5] Isa sa pinapangarap ni Pilosopo Tasyo ay kidlat na makakamatay sa mga tao at makakasunog sa mga bahay. Isang delubyo na lilinis ng lipunan. Mapapansin dito na si Pilosopo Tasyo ay umaasa sa pagdating nang isang himagsikan na lilinis sa isang lipunang binubulok ng mga katiwalian. Maaring ilan sa mga mambabasa ang makakaala-ala pa ng sinasabi ng mga matatanda na para mabago ang Pilipinas ay kinailangang patayin na ang lahat ng mga tao at itira na lamang ang mga bata. Ang kaisipan na iyon ay hindi mapag-aalilanganan na nainpluwensiya ng kaisipan na ito ni Rizal.

[6] Mula sa pananaw ni Pilosopo Tasyo ay nararapat ang isang delubyong panlipunan. Parang si Pilosopo Tasyo ay nagsusulsol ng pag-aaring dapat/justification  ng isang delubyong panlipunan.

[7] Sa maniwala kayo  o hindi ay mayroong santa sa listahan ng simbahan na nakiki-alam sa kidlat. Ito si Santa Barbara na malimit na inuusal noon kapag may malalakas na kulog at kidlat.

[8] Biñan – isang bayan sa Laguna, sa nasabing bayan si Rizal ay nag-aral noong 1871. Sa ganito ay masasabi na ang ikinukuwento ni Rizal ay base sa kaniyang narinig sa kuwentuhan ng mga taga Biñan, sa panahon na siya ay nag-aaral sa nasabing bayan.

[9] Pagpapakita ni Pilosopo Tasyo ng kaniyang pangungutya sa mga milagro at ang pananalig niya sa agham.

[10] Ang Kapitan ng bayan ay nanalig sa patron na si Sta. Barbara  - at ang patuyang sinabi ni Pilosopo Tasyo ay “karapat-dapat sa inyo ang pangalan ng inyong patron” – dahil lalaki ang kapitan hindi siya matatawag na Barbara kundi ang karapat-dapat ay BARBARO, na nangangahulugang taong kaaway at maninira ng pagsulong ng sibilisasyon

[11] Sa kabanatang ito unang ay ipinakita ni Rizal ang magkapatid na Basilio at Crispin.

[12] Nakahandang ipagparaya ni Pilosopo  Tasyo ang kaniyang malagim na pangarap para sa kaligtasan ng magkapatid. Ipaghambing ito sa mangyayari kay Crispin sa kamay ni Padre Salvi.

§ SA BAHAGING ITO AY MAGKAKAROON NG ISANG PAG-UUSAP SINA PILOSOPO TASYO AT DON FILIPO UKOL SA KAISIPAN NG MGA DOGMA (ARAL) NG SIMBAHAN. MAPAPANSIN NA ANG PAG-UUSAP AY ANYO NG TALAKAYAN NG MGA MASON. ANG BAHAGING ITO PAG-UUSAP AY SINADYANG ITAGO SA EXPURGATED EDITION NG NOLI NA GINAGAMIT SA PAARALAN.

[13] Kahulugan - Ang Mga Hirap Na Tinitiis ng mga Banal na Kaluluwa sa Purgatoryo 

[14] Pinagtatawanan ni Pilosopo Tasyo ang kumatha ng aklat na ang pamagat ay  Mga Hirap Na Tinitiis ng mga Banal na Kaluluwa sa Purgatoryo  - pamagat pa lang ay kontradiksiyon naDalawang bagay na hindi maaring magkasama sa iisang pagkakataon dahilan sa kung tunay na banal ang kaluluwa bakit nagtitiis ng hirap sa purgatoryo. Ito ang dahilan kaya hindi mapigilan ni Pilosopo Tasyo ang matawa.

[15] Tinyente mayor – pumapangalawa sa punong bayan – sa ating panahon ay vice mayor.